INILIBOT ni Yvonne ang paningin sa lumang bahay nila. Napangiti siya dahil maayos at malinis iyon. Tila regular ang maintenance niyon mula nang umalis sila dalawang taon na ang nakararaan. May pinakiusapan ang kanyang ina para magmantini niyon kahit na wala sila. Regular itong nagpapadala ng pera para sa maintenance niyon.
Binuksan niya ang malaking bintana. Pinuno niya ng sariwang hangin ang baga niya. Labis siyang nangulila sa lugar na iyon. Sana ay hindi na lang sila umalis ng Mahiwaga. Mas gusto niya ang simpleng buhay nila roon. Walang masyadong komplikasyon, walang masyadong problema. Kung bakit naman kasi kailangang magbago ang lahat sa buhay niya.
Mabuti na lang at nakinig sa kanya ang kanyang ina nang pigilan niya ito sa plano nitong ibenta iyon. Mahal na mahal niya ang bahay na iyon kahit maliit iyon kompara sa bagong bahay nila. Doon niya naramdaman ang tunay na kahulugan ng salitang “tahanan.” Kahit na sila lang dalawa ng kanyang ina ang magkasama, masaya sila.
Sa bahay na iyon siya ipinanganak at lumaki. Doon sila nanirahan ng kanyang ina hanggang sa matapos siya ng high school. Ang gulayan at maliit na piggery ng kanyang ina ang bumuhay sa kanila sa mahabang panahon. Kahit na payak ang pamumuhay nila, naging masaya at kontento siya.
Kaya nang magdesisyon ang kanyang ina na lumipat sila sa Maynila ay nalungkot siya. Wala na siyang nagawa sa naging desisyon nito noon dahil determinado itong lisanin ang Mahiwaga. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanyang ina noong mga panahong iyon, ngunit nakita niya at naramdaman na may kakaiba rito. Nang tanungin niya ito kung bakit kailangan nilang lisanin ang Mahiwaga, ang sabi nito ay mas mapapaganda ang buhay niya sa lungsod. Gusto nitong makapag-aral siya sa isang tanyag na unibersidad. Mas marami raw magagandang oportunidad sa Maynila kaysa sa Mahiwaga.
Sinabi niya na hindi niya gusto ang buhay sa lungsod. Gusto niya ang buhay sa Mahiwaga. May magandang unibersidad din naman sa lalawigan. Maunlad na ang kabisera at marami ding mga oportunidad na magbubukas para sa kanya.
Hindi ito nakinig sa kanya. Nasasabi raw niya iyon dahil hindi pa niya nasusubukan kung paano mamuhay sa lungsod. Pinigilan niya ang kanyang sarili na sabihin dito na ito mismo ay nagsawa sa paninirahan sa lungsod kaya nagpasya itong sa Mahiwaga na mamuhay nang tahimik. Nakikita kasi niya sa anyo nito noon ang umaapaw na determinasyon at alam niyang kahit na ano ang gawin niya, kahit na ano ang sabihin niya, ang kagustuhan pa rin nito ang masusunod.
Pumayag siya sa kagustuhan nito na sa Maynila na sila manirahan basta hindi nito ibebenta ang bahay na iyon. Nais niyang may uuwian pa rin sila kapag hindi na niya matagalan ang Maynila. This house had always been her home. Sa Mahiwaga niya nais na manirahan kapag dumating na ang panahong bubuo na siya ng sarili niyang pamilya. Sa Mahiwaga niya nais tumanda. Alam niya na kahit na ano ang mangyari, kahit na saan siya mapadpad, babalik siya sa lugar na iyon.
Tama siya na hindi maganda ang mangyayari sa kanila sa lungsod. Noong una ay maayos silang mag-ina. Isang simpleng apartment ang nakuha nito para sa kanilang dalawa. Maayos ang paligid ngunit hinahanap-hanap pa rin niya ang luntiang tanawin at bundok sa Mahiwaga. Naiirita siya sa ingay ng mga sasakyan. Tila nahihirapan siyang huminga sa polluted na hangin. Palaging sinasabi ng kanyang ina na makakasanayan din niya ang lahat.
Nag-umpisa siyang mag-aral sa kolehiyo. Pulos mayayaman ang nakakasalamuha niyang kamag-aral. Hindi niya inakala na makakapag-aral siya sa university na iyon. Hindi niya nais na mag-aral doon ngunit iginiit ng kanyang ina. Huwag daw siyang mag-alala sa gastusin. Isang bagay na labis niyang pinagtakhan. Paano nito masusustentuhan ang pag-aaral niya roon?
Habang lumalaki siya, hindi siya nahirapan. Lahat ng pangunahing pangangailangan niya ay naibibigay ng kanyang ina. Hindi niya naramdaman ang kasalatan ngunit palaging simple lang naman ang mga kailangan at gusto niya. Ibang usapan ang pag-aaral sa mahal na unibersidad at paninirahan sa Maynila. Hindi niya alam kung saan nito kinukuha ang perang pantustos nila. Hindi naman malaking pera ang pinagbentahan nito ng mga hayop nito sa probinsiya.
Ang dami niyang mga pinagtakhan dito. Bukod sa tila hindi ito nahihirapan sa pagpapaaral sa kanya kahit na wala itong ikinabubuhay sa Maynila, napapansin niyang palagi itong tuliro at tulala. May mga gabing naririnig niya ang pag-iyak nito. Madalas itong umaalis ng bahay. Noong una ay inakala niyang naghahanap lang ito ng trabaho ngunit nang maglaon ay nagkahinala na siya.
Kapag tinatanong niya ito kung ano ang problema, hindi siya sinasagot nito. Sinasabi nitong magiging okay ang lahat, na magiging masaya siya, at hindi mapapaano. Yayakapin siya nito nang mahigpit at sasabihing mahal na mahal siya nito at siya ang naging buhay nito sa nakalipas na mahabang panahon.
Lalo lang siyang nag-alala rito. Hindi niya alam kung paano nito nasasabi ang mga iyon sa kanya. Dati naman silang okay. Masaya silang dalawa. Ito ang bigla na lang nagbago. Ito ang biglang hindi naging okay.
Hindi pa man niya nalalaman kung ano ang nangyayari sa kanyang ina, may isang tao na dumating sa buhay niya upang mas maguluhan siya—ang kanyang ama.
Marahas siyang napabuntong-hininga. Mula pagkabata, wala na siyang nagisnang ama. Hindi niya gaanong alintana kahit na wala siyang ama. Hindi nagkapuwang ang pagkatao niya dahil sobra-sobra ang ibinigay na pagmamahal ng kanyang ina sa kanya. Aminado siya na maraming pagkakataon na lihim siyang naghangad at naghanap ng ama, ngunit natanggap din niya na may mga tao talagang katulad niya. Hindi lahat ng tao ay may dalawang magulang.
Ang sabi ng kanyang ina sa kanya noon, matagal nang patay ang kanyang ama. Bago pa man daw siya ipanganak ay wala na ito. Hindi na nga raw nito nalaman pa ang tungkol sa kanya. Kaya gulat na gulat siya nang isang hapon pag-uwi niya galing ng eskuwelahan ay nadatnan niya ang isang lalaki na ipinakilala sa kanya ng kanyang ina na ama niya. Humingi ng tawad ang kanyang ina sa paglilihim nito tungkol sa kanyang ama. Nalaman niya na sadyang nagpakalayo-layo ito upang hindi na makita ng kanyang ama. Walang alam ang kanyang ama tungkol sa kanya dahil hindi sinabi ng kanyang ina na nagdadalang-tao ito nang umalis ito maraming taon na ang nakararaan.
Tila siya napasok sa loob ng ipuipo. Nagulo nang labis ang kanyang mundo. Hindi niya alam kung paano niya tatanggapin ang lahat. Ni hindi niya alam kung paano pakikiharapan ang lalaking sinasabi ng kanyang ina na kanyang ama. Buong buhay niya ay alam niyang wala na siyang ama, pagkatapos ay may biglang darating isang araw.
Ang mas nakagigimbal, naikasal pala ang kanyang ina sa kanyang ama. Ang daming scenario na pumasok sa isip niya noong una. Inakala niya na other woman ang kanyang ina at siya ang pinakamalaking pagkakamali ng kanyang ama. Iba pala ang naging sitwasyon.
Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Lumipat sila ng kanyang ina sa malaking bahay ng kanyang ama. Nagsamang muli ang mga ito na tila wala lang ang mga taong lumipas. Tila nakalimutan na ng kanyang ina ang mga dahilan nito kung bakit nito iniwan ang kanyang ama.
Galit na galit siya nang malaman niya ang buong kuwento ng mga magulang niya. Galit siya sa kanyang ina dahil hindi man lang siya nito inihanda. Hindi man lang nito tinanong sa kanya kung nais niyang makasama ang kanyang ama. Nagagalit siya sa kanyang ama dahil sa mga naging desisyon nito noon. Sinaktan nito nang husto ang kanyang ina. Ang kanyang ina naman ay basta na lang nakisama uli sa kanyang ama.
Nagrebelde siya. Alam niya na hindi na siya ang dating Yvonne na pinalaki ng kanyang ina. Alam niyang nasasaktan ito sa mga iniaasal niya, ngunit hindi niya mapigilan ang kanyang sarili. Gusto niyang ipakita sa mga ito sa lahat ng paraang posible na masama ang loob niya. Aware siya na hindi na maganda ang ugaling ipinapakita niya ngunit patuloy pa rin siya sa ginagawa. Hindi niya alam kung may magbabago sa kanila kapag patuloy siyang nagrebelde, ngunit sa ngayon ay iyon lang ang paraan upang mailabas niya ang nararamdaman niya. Kapag hindi niya nailabas, baka mabaliw na siya.
Hindi alam ng kanyang ina na umuwi siya sa Mahiwaga. Ang alam ng mga ito ay kasama niya sina Antonette sa Boracay. Hindi gaanong komportable ang kanyang ina sa mga bago niyang kaibigan, ngunit pinipilit pa rin niyang sumama sa mga lakad ng barkada. Madalas siya nitong paalalahanan ngunit hindi siya nakikinig. Hindi masasamang tao ang mga kaibigan niya.
Her friends were great people. They knew how to have fun. Kapag kasama niya ang mga ito, pansamantalang nawawala ang mga suliranin niya. Nakakalimutan niya ang lahat ng alalahanin niya.
Dapat ay sa Boracay talaga ang punta niya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang nagbago ang isip niya. Bigla na lang niyang naisipang umuwi. Gusto siguro niyang magtungo sa isang lugar na nagpapaalala sa kanya ng magagandang alaala. O gusto niyang magtungo roon upang makita na may mga bagay pa ring hindi nagbabago, naroon pa rin at hindi nawawala.
Pumasok siya sa loob ng silid niya. Inilabas niya ang mga naiwan pa nilang mga bedsheet, unan, at punda. Inayos niya ang kama at humiga siya roon. Hindi niya maiwasang mapangiti habang nakahiga. This was home. She was home.