3

1124 Words
TUWANG-TUWA si Yvonne habang binabaybay ang pilapil. Ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Tumingala siya sa langit na unti-unti nang nagiging kulay-kahel. Malapit nang lumubog ang araw. Ang taas-taas ng kalangitan doon. Hindi katulad sa Maynila na pakiramdam niya ay mababa ang langit. Tila nasisikipan ang pakiramdam niya. Kahit na masikip, pakiramdam pa rin niya ay nag-iisa siya. Doon, tila ang lawak-lawak ng mundo. Hindi rin niya nararamdaman na nag-iisa siya. Binisita niya nang hapong iyon ang matalik na kaibigan ng kanyang ina na si Aling Gloria. Tuwang-tuwa ito nang makita siya. Inakala nitong hindi na sila babalik sa Mahiwaga. Hinanap nito ang kanyang ina. Sinabi na lang niyang abala ito sa trabaho at siya lang ang naroon. Doon na siya pinaghahapunan ng ginang. Nagpaalam siya kung maaaring mamasyal siya sa bukirin. Sakop na ng Hacienda Cattleya ang lupaing iyon. Maliit na bahagi lang ng Mahiwaga ang hindi pag-aari ng mga Castañeda. Halos buong Mahiwaga ay pag-aari na ng pamilya. Kabilang ang maliit na lupa nila sa hindi nasasakupan ng hacienda. Isa ang asawa ni Aling Gloria sa mga katiwala ng hacienda. Mula pagkabata ay marami na siyang naririnig na magagandang bagay tungkol sa mga Castañeda. Halos lahat ng mga tao roon ay humahanga at tinitingala ang pamilya. Ang mga may nasasabing hindi maganda ay mga naiinggit lang. Kahit na wala siyang gaanong alam tungkol sa pamilya dahil malayo ang kinatitirikan ng bahay nila sa Villa Cattleya, alam niya na mabuting tao ang mga ito. Palaging sagana ang ani ng mga ito dahil hindi maramot ang mga ito sa biyaya. Lahat ng bagay na makabubuti sa mga taga-Mahiwaga ay ginagawa ng mga ito. Pinoprotektahan ng pamilya ang natural resources ng bayan. Karamihan sa mga taga-Mahiwaga ay gustong ipreserba ang mga kagubatan doon. Walang illegal logging sa lugar nila. Hanggang ngayon kasi ay mahigpit pa rin ang paniniwala ng mga tagaroon sa mga bantay at engkanto. Nais sana niyang bisitahin ang mga kaibigan niya roon, ngunit gahol na siya sa oras. Kailangan na niyang umuwi kaagad kinabukasan. Hindi pa siya gaanong nakakapaglibot dahil kadarating lang niya nang nagdaang araw. Hanggang sa susunod na araw pa sana siya roon, ngunit nalaman ng kanyang ina na wala siya sa Boracay. Hindi pa nito alam na nasa Mahiwaga siya ngunit inutusan na siya nitong umuwi sa Maynila. Galit na galit ito sa kanya. Kahit na masama ang loob niya rito, ayaw naman niyang magalit ito nang sobra. Kahit paano ay sumusunod pa rin siya sa mga utos nito. Labis siyang nagagalit sa isang taong napaka-sumbungero. Alam niya na hindi naman malalaman ng kanyang ina na wala siya sa Boracay kung hindi sa isang taong napakapakialamero at sumbungero. Napanguso siya. “Akala mo kung sinong magaling. Akala mo kung sinong perpekto. Kahit kailan, hindi ko siya matatanggap,” naiinis na sabi niya. Marahang tinapik niya ang kanyang magkabilang pisngi. Hindi niya dapat na hinahayaan na masira ang mood niya dahil lang sa lalaking iyon. Ayaw niya itong alalahanin hanggang maaari. Hindi siya magpapaapekto sa lahat. Lulubusin na niya ang kanyang huling araw sa Mahiwaga. Hindi kasi niya alam kung kailan uli siya makakatapak sa lugar na iyon. Naglakad-lakad pa siya habang pilit na kina-kalimutan ang sitwasyon ng pamilya niya. Nang makaramdam ng pagkahapo ay nilingon niya ang pinanggalingan niya. Napalayo na pala siya masyado. Nang makakita siya ng kubo na pahingahan ng mga magsasaka ay nagpasya siyang magpahinga sandali bago siya bumalik. Natigilan siya nang makalapit siya sa kubo. May tao pala roon. Isang lalaki ang mahimbing na natutulog sa papag. Banayad pa nga itong naghihilik. Base sa suot nito, masasabi niyang hindi ito isa sa mga magsasaka. Dapat ay umalis na siya roon. Ngunit imbes na lumakad pabalik ay sumilong siya sa kubo. Umupo siya sa papag at pinagmasdan ang natutulog na lalaki. Kung hindi siya nagkakamali ay magkasing-edad lang sila. Nasiguro niya na hindi ito magsasaka ng hacienda nang matitigan niya ito nang husto. Masyadong makinis at maputi ang kutis nito upang maging magsasaka. Nagtaka siya kung ano ang ginagawa ng isang katulad nito sa bukid. Bakasyunista ba ito? Bisita ba ito ng isang tagaroon o bisita mismo sa villa? Hindi niya maalis ang paningin niya sa mukha nito. Guwapo pa ito sa salitang “guwapo.” Tulog pa ito sa lagay na iyon. Paano pa kaya kung gising ito? Makinis ang mukha nito para sa isang lalaki. Mahaba ang mga pilik-mata at perpekto ang arko ng mga kilay nito. Tila nais niyang padaanin ang hintuturo niya sa matangos na ilong nito. Tila nais niya itong gisingin upang alamin kung maganda rin ang mga mata nito. Mamula-mula ang mga labi nito na tila kay lalambot. Sino kaya ang lalaking ito? Napapitlag siya nang gumalaw ito na tila magigising na. Inutusan niya ang kanyang sarili na tumalilis na ng takbo ngunit ayaw sumunod ng kanyang mga paa. Unti-unti itong nagmulat ng mga mata. Natulala siya at lalong hindi nakagalaw. Higit sa inaasahan niya ang ganda ng mga mata nito. He owned the most beautiful pale brown eyes. Sandali lang nagsalubong ang mga kilay nito. Sandali lang gumuhit ang pagtataka sa mga mata nito. Then he suddenly had a dreamy-eyed look on his face. Napangiti ito at lalo itong kumisig sa paningin niya. “Hi,” anito sa medyo paos na tinig. “Are you an angel?” Hindi niya napigilan ang mapangiti sa sinabi nito. Napagkamalan siyang anghel nito?  Kaagad ding nabura ang ngiti niya nang tumaas ang kamay nito at hinaplos ang kanyang pisngi. Hindi niya maalis ang pagkakatitig sa mga mata nito kahit na ang lakas na ng kabog ng dibdib niya. Ibang uri na ng kaba ang nararamdaman niya. Umangat ito mula sa pagkakahiga. Bago pa man niya maituwid ang kanyang katawan mula sa pagkakayuko ay nailapat na nito ang mga labi nito sa mga labi niya. Namilog ang kanyang mga mata. Marahas na itinulak niya ito palayo sa kanya. Nauntog pa ang ulo nito sa papag. Bago pa man ito makahuma, mabilis na niyang nilisan ang kubo. Mabilis ang naging takbo niya, hindi na siya lumingon. Kahit na ilang beses siyang nahulog sa pilapil ay nagpatuloy pa rin siya sa walang-lingong pagtakbo palayo roon. Mabilis ang t***k ng kanyang puso. Hindi siya makahinga hindi lang dahil sa pagtakbo. Tila sasabog na ang dibdib niya anumang oras. Nang sa tingin niya ay malayo na siya, tumigil siya at nagtago sa isang mayabong na puno ng mangga. Sumandal siya roon habang habol ang kanyang hininga. Nahaplos niya ng daliri ang mga labi niya nang umupo siya sa ugat ng puno. Ano ang nangyari? Bakit bigla na lang siyang nahagkan? Tila maiiyak siya na hindi niya malaman. Iyon ang unang halik niya. Nakuha lang ng isang estranghero na hindi niya alam kung saan nanggaling ang unang halik niya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD