5: La navaja de justicia y el empiezo del próximo caos.
Ang navaja de justicia ang pinakamakapangyaring sandata sa buong kalawakan. Maliit na sandata ito, ngunit humahaba at nagiging espada sa isang hila pababa sa sandata nito. Ang nasabing navaja ay gawa sa isang piraso ng kometa na muntikan nang pumatay sa mga higante. Kaya nitong bumuhay o pumatay - depende sa intensyon ng gagamit. Kadalasang ito ang sandata ng amang si Marzo sa mga digmaan noong unang panahon. Kaya rin nitong patigilin ang panahon hanggang sa limampung libong taon. Marami pa itong kakayahan, kahit ang sugatan ang hangin upang makapasok sa ibang panahon o dimesyon ng kalawakan. Ito ang ginamit ng mga diyos nang labanan nila ang mga higante. Ito rin ang nagkulong sa mga ito sa Tartaro, ang siyang nagbawal na magkaroon pa ng kapangyarihang ang mga higante hanggang sa mawala ang panahon, at higit sa lahat, tanging si Haring Marzo lang ang may kakayahang gumamit nito sa pagbabalik ng buhay ng isang diyos na mapapatay ng nasabing sandata.
Bumangon si Fogo mula sa pagkakahiga sa sahig. Agad niyang tiningnan ang mga lugar kung saan niya nilalagay ang mga bakal, ginto, pilak, at mga diyamente mula sa kalawan. Walang nawala sa mga ito. Huminga siya nang malalim. Sa laki ng katawan niyang ginuguhitan ng mga ugat sa laman, bigla itong pumaloob sa takot. Doon niya na naisip na puntahan ang pinaglalagyan ng mga espada ng mga diyos. Walang nawawala. Napalagok na siya sa labis na takot. Hindi na baleng mawala ang mga ‘yon, maliban sa isang na kahit siya ay mapapatay - ang navaja de justicia.
Pagkabukas ni Fogo ng kuwarto kung saan ito nakalagay, nagkalat na ang mga espada at wala na ito roon. Napaluhod na siya sa takot. Naging pula ang mga mata niya at biglang sumabog ang isang bulkan sa labas ng kaniyang palasyo. Wala na siyang magagawa kung hindi ibalita ang masamang nangyari sa iba pang diyos.
Bumukas nang malakas ang tarangkahan ng Sierra Alta. Nayanig ang mga diyos na naroon. Bakas na bakas ang takot sa mukha ni Fogo. Sinalubong siya nina Fides at Vitas. Ito ang unang beses na nakita nilang nababahag ng takot ang diyos ng mga bulkan. Pinilit niyang huminahon, pero ni hininga niya ay parang magiging apoy kahit anong sandali.
“May nagnakaw ng navaja de justicia!” Bulalas niya.
Tumigil ang mga diyos sa pag-uusap. Agad na pinaupo si Fogo at tinanong ni Fides.
“Fogo, paano?”
“Hindi ko rin alam, Fides. May ginagawa lang ako sa itaas ng palasyo nang biglang may mga polbong kumukutitap sa ere, saka ako bumagsak. Nakita ko ring mas dumami ang mga floragrandes ko - ‘yung mga nangangain ng tao. Ibig sabihin, may pumasok at binalak na patayin ang mga 'yon, pati na rin ang mga halimaw sa bulkan.”
“May mga naiwang bakas ba ang pumasok?”
“Wala, Fides. Napakalinis ng pangyayari. Ni yanig o kahit ano, wala akong narinig.”
Nagdalawang-isip na agad si Fides. Tinitingnan niyang maigi ang mga kapatid at iba pang kamag-anak na narito. Binura niya agad ang posibilidad na sila-sila ang may sala. Kilala kasi si Fogo sa pagiging matapang, ngunit pagiging mapagpatawad at mapayapa sa lahat, maliban sa isa. Pumasok bigla sa isip niya ang mga kapatid na sina Australis, Borealis, at Viento Visto. Ngunit wala sa mga nabanggit niya ang pakiwari kung sino talaga ang may sala. Nang makita niya si Borealis, hinatak niya ito sa halamanan at doon sila nag-usap.
“Borealis, may alam ka ba sa mga nangyayari?”
Tumikhim si Borealis. “Huwag dito, Fides. Isasama kita sa Polo Norte.”
“Bakit?”
“Mahalaga ang sasabihin ko.” Hinawakan niya ang kamay nito.
“Sige, sige.”
Bumalot ang isang aura sa kanilang dalawa. Kinain sila nito at napadpad sa Polo Norte. Pinagsuot ni Borealis ng abrigo si Fides. Naglalakad na sila sa papasok sa palasyo. Umasô ang hamog sa pagbukas at agad silang pumunta sa parte ng palasyo na nakabibingi ang katahimikan. Napabuntong hininga siya at hindi niya alam kung paano sisimulan ang mga haka-hakang nalaman niya.
“Fides, huwag kang mabibigla.”
“Bakit ba, Borealis? Ano ba’ng nangyayari?”
“Wala sa Sierra Alta o sa palasyo niya si Viento. Wala rin si Australis sa Polo Sur.”
“Ano? Ano na naman ang ginawa ni Viento? Babatukan ko talaga ‘yon.”
“Huwag kang mag-alala. Ligtas silang dalawa. Nasa isang bayan sila na hindi matutunton ng diyos na alam kong nakikita mo sa mga mata mo.”
“Borealis, siya rin ba? Si Ganador?”
“Oo, siya nga. Mabuti na lang din at wala ang dalawa sa mga palasyo nila. Pinadala ko si Australis para maging mensahero ko. Hindi maaaring si Elixis.”
“Kung sabagay, tama ka.”
“Sa isang kisapmata, kaya kong makipag-usap kay Australis gamit ang mga mata ko. Maririnig niya ang lahat ng sasabihin ko. Basta, ang kailangan, walang taong makakita sa kaniya.”
Patuloy pa rin sila sa pag-uusap. Pilit na tinatago ni Borealis ang katotohanan kay Fides, pero bigla itong nagtanong sa kaniya. “Gusto ba ni Viento ang taong ‘yon?”
Natigilan si Borealis sa narinig. Hindi niya alam kung paano susundutan ng palusot. Natigang na ang isip niya sa paggawa ng iba’t ibang dahilan. Pero ito na rin ang panahon upang aminin niya na ang lahat.
“Oo, Fides. Gusto niya ang taong ‘yon. Sinabi niya pa sa akin na handa siyang isuko ang pagiging diyos upang makapiling ang taong ‘yon.”
“Hindi maaari, Borealis! Hindi siya maaaring makasama ng taong ‘yon!”
“Bakit?”
“Siya ang magiging mitsa ng malaking pagbabago sa buong Sierra Alta. Siya, Borealis. Siya!”
“Paano?”
“Mamamatay si Viento paghaharap nila ni Ganador, at tanging ang taong ‘yon ang matitira.”
Parang nabagsakan ng malaking bato si Borealis. Hindi niya na alam kung saan magsisimula. Aniya, kapag diyos sa diyos na ang maglalaban, hindi na nila alam ang susunod na mangyayari. Hawak-hawak man nila ang kapalaran ng sangkatauhan, hindi maaaring masira ang takbo ng mga pangyayari dahil magdudulot ito ng mas malaking gulo. Tiyak na magugunaw ang daigdig kung magkataon man. Nakaisip ng isang magandang paraan si Borealis.
“Fides, makipag-ugnayan ka kay Fogo. Kailangan niyang gumawa ng isang sandata na maaaring tumapat sa lakas ng navaja. Hindi maaaring matalo si Viento. Mawawala ang ugnayan ng mga bagay kapag si Ganador ang naging kanang-kamay ni Ama.”
Bumalik na si Fides sa Sierra Alta pagkatapos ng usapang ‘yon. Alam niyang maganda ang pagbabagong maidudulot ni Milo, ngunit inaalam niya pa rin kung hanggang saan ang kaya nitong ibigay.
***
Nagpapatuloy pa rin ang pagdarasal ng taumbayan sa loob ng dambana. Maya-maya pa ay lumabas na si Milo. Nabibigatan siya sa bitbit na mga buslo ng ubas at iba pang prutas. Gumuguhit man ang pawis sa mukha at katawan ay hindi niya na alintana ang hirap. Tinawag niya si Aire upang iabot ang isang buslo ng ubas galing sa mga mangangalakal.
“Aire, umuwi ka na. Isama mo na rin siya. Kailangan ko pang kausapin ang mga mangangalakal.”
“Opo, mauuna na kami. Salamat, Milo.”
“Walang anuman.”
Pumasok ulit si Milo sa loob ng dambana upang pakiharapan ang mga mangangalakal galing sa bayan ng Pezcuenza. Mababanaag ang haba ng leeg ng mga ito dahil sa mga aksesoryang bakal na sinusuot mula pa pagkabata. Pawang mga babaeng mangangalakal sila at humihingi ng dasal sa kanilang paglalakbay sa iba pang bayan.
“Señora Porcia, isinulat ko po rito ang mga dasal para sa paglalayag sa dagat. Ganoon na rin ang paglalakbay sa lupa. May basbas na rin po ito ng kamanyang at pulbo ng azafrán.”
Umakbay ang señora sa kaniya habang papalabas sila ng dambana. “Hindi ako makapaniwala sa bayang ito, Señor Milo. Maaliwalas at punung-puno ng ligaya ang mga tao.”
“Siyanga, señora. Namumuhay kami sa kapayapaan.”
Umupo na silang dalawa. Ang iba pang mga señora ay naghanda na rin upang ibaba ang iba pang produkto na pinagbili nila sa mga mangangalakal ng bayan. Naiwan si Señora Porcia upang makipag-usap kay Milo.
“Pero maiba lang ako. Ang lalakeng kasa-kasama mo. ‘Yung malaginto ang buhok.”
“Bakit po?”
“Alam mo, hindi tao ‘yon. Malamang isa siyang diyos na nagkatawang-tao.” Tumikhim siya. “Kilala mo naman ang mga uri nila. Malamang sa malamang, may natitipuhan siyang lalake o babae sa bayang ito.”
“Mahiwaga talaga ang taong ‘yon. Ang pakilala sa akin ng mga sundalo at caballero ay taga-Atenas siya. Ngunit wala akong makitang kahit akong takda o mga papel. Wala.”
“Para saan pa at naging vistador ka? Alam kong may mga paraan ka upang makilala kung sino ang nasa harapan mo.”
“May punto ka, Señora.”
“Walang anuman.”
Umalis na ito at nagsimula na ring maghakot ng mga paninda. Bumalik ulit si Milo sa loob ng dambana. Bumaba siya at balak niyang magbasa pagkatapos magdasal ng mga tao. Pagkatapos nilang magdasal, nagsimula na siyang maglinis. Pagkatapos, kumuha na siya ng mga librong babasahin. Mga dasal sa pagkakatawang-tao. Ngunit alam niyang hindi kailanman ito naging epektibo dahil maraming mga vistador na rin ang sumubok, pero walang nagtagumpay. Kinuha niya ang isang dasal mula sa panahon ng mga Visonoto. Namuhay ang mga ito noong panahong nagsisimula pa lamang ang daigdig. Mga malaginto rin ang buhok dahil mga inanak ng diyos sa tao. Madalas din silang napapagkamalang diyos na nagkatawang tao, ngunit hindi tumatalab ang mga dasal.
Pumunta siya sa vistador mayor. Nagpaalam siyang iuuwi ang aklat na ‘yon. Pumayag ito sa isang kondisyon na kailangang ingatan dahil iilang kopya na lamang ang mayroon nito sa buong daigdig.
Samantala, nag-uusap naman sina Aguapez at Aire habang papauwi sa bahay.
“Ikaw talagang dalahira ka. Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Aire sa kapatid.
“Pinasunod ako ni Ate Borealis. May gulo na naman kasi sa Sierra Alta.” Tumigil sila saglit. “Hinahanap ka kasi roon. Hindi ko rin alam kung bakit, pero mas mabuti na rin sigurong narito ka.”
Umusad na ulit silang dalawa.
“Bakit, Australis?”
“Paano ko ba sasabihin?” Napabuntong hininga siya. “Kasi alam mo naman si Ganador, hindi ba?”
“Ano na naman ang ginawa niya?”
“Parang may napuna si Ate Borealis.”
“Ano naman?”
“Mukhang aalisin ka niya sa Sierra Alta.”
Natawa si Aire. “Alam mo naman ‘yon. Matatalo lang sa akin.”
Tumigil sa paglalakad si Aguapez. Dumilat nang husto ang mga mata niya. Naging kasingabo ng Polo Sur ang mga ito. Bumuka ang kaniyang bibig. Nasa Polo Norte na si Borealis at Ibabalita niya na ang haka-haka nila ni Fides.
“Australis, makinig ka. Nawawala ang navaja de justicia. Ramdam namin ni Fides na si Ganador ang kumuha ng sandata.”
Kumurap ang mga mata ni Aguapez. Nagkaulirat ulit siya at saka bumalik sa usapan nilang dalawa ni Aire.
“Huwag kang magsalita ng tapos, Kuya. Nawawala ang navaja de justicia.”
Hindi na nakapagsalita pa si Aire sa mga narinig mula sa kapatid. Binilisan na nila ang paglalakad upang makauwi. Parang sumasayaw ang araw at isa lamang ang ibig sabihin - may malaking pagbabagong mangyayari sa buong mundo.
Isa-isa nilang nilapag ang mga buslo sa loob ng tahanan. Naligo muna silang dalawa sa batis upang mawala ang dungis ni Aguapez. Naghubad na sila ng kanilang mga baro, saka lumublob sa tubig. Mababanaag ang balat niya na kasingkulay ng niyebe sa taglamig. Hindi ito napapaso ng araw o kahit ano. Sumalok siya ng tubig at saka binuhos sa ulo. Naghilamos na rin siya ng mukha.
Bumalik ulit sila sa usapan.
“Sino sa tingin mo ang kumuha ng sandata?” tanong ni Aire.
“Baka si Ganador. Alam mo naman ang kapatid natin, mapanibugho at tuso. Nagsisimula pa lamang ang kalawakan, nais niya nang palitan ang puwesto mo. At ngayong may pagkakataon na siya, hindi siya magdadalawang isip na alisin ka bilang kanang kamay ni Ama.” Huminga nang malalim si Aguapez. “Huwag kang mag-alala, Kuya. Gumagawa na kami ng paraan.”
“Salamat.”
“Pero sana alam mo pa rin na bawal tayong makipagtipan o mag-asawa ng tao.”
“Alam ko. Kaya kung gusto ni Ganador na angkinin ang posisyon ko, wala nang pipigil sa kaniya.”
“Bakit, Kuya?”
“Bibitiwan ko na ang pagiging diyos at magiging tao na lang ako. Gusto kong makapiling si Milo.”
Hindi na alam ni Aguapez ang isasagot. Kahit siya man, ayaw niyang mapalitan si Aire sa pagiging kanang kamay ng amang si Marzo. Ramdam din niya na magsisimula ang isang malaking digmaan kapag nawala na ang Aire sa puwesto. Kailangang makulong si Ganador sa Tartaro at hindi na makabalik. Batid rin niyang gagamitin nito ang mga halimaw na yelo sa pagsalakay sa mga kaharian sa buong daigdig at gawin itong masalimuot upang tumulad sa kaniyang nararamdaman.
***
Habang naglalakad si Milo palabas ng dambana, sinalubong siya ni Olympus. Mukhang may ibabalita na naman ito dahil nanaginip ulit siya kagabi. Isang pagnanakaw ng mahalagang sandata ang kaniyang nabanaag. Sa tuwing maaalala niya ang nangyari, hindi niya mawaglit sa isipan ang posibilidad na baka magunaw ang daigdig.
“Milo, may sasabihin nga pala ulit ako sa iyo.”
Sinara ni Milo ang aklat at tinago ito sa kaniyang cartera. “May napanaginipan ka ba ulit?”
“Oo.” Napalagok siya. “Nakakahilkbot.”
Pumasok ulit silang dalawa sa dambana. Mababakas ang pagkabahala sa mga mata niya. Kapwa sila natatakot sa kung anuman ang mangyayari.
“Ano ‘yon, Olympus?”
“May nagnakaw ng navaja de justicia.”
Doon na natigilan si Milo. Kinintal niya lahat sa kaniyang isip at piniling makinig sa mga sasabihin pa ng binata. Nabanggit din nito na nakasuot ng itim na tunika ang nagnakaw at pinasok nito ang palasyo ng diyos na si Fogo. Nagkakagulo na ang buong Sierra Alta. Pinayuhan ni Milo na magpaalam na si Olympus sa kaniyang amo. Isasama na siya sa paaralan ng mga dalubhasa at pilosopo. Doon na rin siya mamamalagi.
Iyon na rin ang dahilan kung bakit pinili niyang sumama sa binata upang siya na rin ang magbigay ng balita sa amo nito.
“Señor Godín, nais ko lamang pong ipahayag ang aking pagkamangha sa inyong kasambahay na si Olympus.”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin, mahal na vistador?”
“Nakakatuwa po ang kalinangan niya sa pagbabasa ng mga aklat at pagbabasa ng mga panaginip. Nais ko po sana siyang ipaalam sa inyo dahil ipapasok ko po siya sa paaralan.”
“Sa monasterio de artes astrales e físicas?” Bakas na bakas ang pagkamangha ng señor kay Olympus. “Siyang tunay, mahal na vistador. Wala po akong nakikitang suliranin. Pero bakit siya po?”
“Nakikita niya ang mga nangyayari sa Sierra Alta. Iilan lamang po sila sa buong daigdig. Ayaw ko pong sayangin ang pagkakataong ito.”
Pumasok sandali si Señor Godín sa kaniyang silid-aklatan. Maririnig ang kaluskos ng bawat paglilipat ng pahina. Pagkatapos, lumabas siya na may dalang tatlong aklat. Nang isira niya ang pinto, saka siya nagsalita. Nilapag niya ang mga aklat sa kaniyang mesa.
“Aaminin ko, mahal na vistador. May pangarap din akong maging isang soñador noon. Ngunit hindi naman ako katulad ng mga nasusulat sa mga aklat. Ayaw kong masira ang pangarap ng isang tao dahil lang sa paninibugho sa kung ano’ng mayroon siya.” Tumikhim siya. “Maaari na po siyang magligpit ng kaniyang mga gamit.”
“Maraming salamat po, Señor. Makakaasa kayo ng mga balita tungkol sa pag-unlad ng kalinangan ni Olympus.”
“Walang anuman. Aasahan ko po iyan.”
Dahil magiging bahagi na ng monasterio si Olympus, kailangan niya munang magpalipas ng gabi sa bahay niya. Siya na rin ang makikipag-usap kung kailan maaaring magsimula ang binata sa kaniyang pag-aaral bilang soñador.
Kumakaway siya sa mga taong nakakasalubong niya. Yumuyuko naman ang iba dahil kay Milo. Tinitingnan niya ang mga gamit ng binata. Nakakatuwa na may iilang libro ito. Aniya, bigay ito lahat ng kaniyang mga naging amo sa nakalipas na apat na taon. Kadalasan kasing umaalis ng bayan ang mga amo niya noon at hindi na bumabalik. Tanging isang maliit na supot ng pilak at mga aklat lang ang iniiwan sa kaniya. Dagdag niya pa, kadalasang may manlilimbag ng aklat ang mga pinapasukan niya at doon din siya natutong magbasa sa iba’t ibang wika.
Habang papalampas na sila sa distrito ng Pamplona, nagsimula nang magkuwento si Milo tungkol sa mga soñador. Ang mga soñador ay mga taong nakikita ang mangyayari sa ibang bahagi ng daigdig na hindi abot-tanaw ng mga tao. Sila ang mga kadalasang hindi mahanap-hanap dahil minsan lang itong makita sa loob ng isang libong taon. Sa bawat sandaang taon, sampu lang din ang lumilitaw sa kanilang uri. Kinuwento ni Milo ang kasaysayan ng mga soñador sa nakalipas na dalawang daang taon. Namamangha siya sa mga nalalaman. Doon niya na rin kinuwento ang mga nakikita niya simula bata pa lamang siya.
“Alam mo, Milo, noong bata pa lang ako, nananaginip ako ng mga bagay tulad nang paglipad sa kalawakan at paggagala sa iba’t ibang bayan.”
“Hindi ko naranasan ‘yan. Pero noon pa lang, sinanay na ako sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at mga aklat.”
“Nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga mamamayan at ng mga maharlika, napilitan kaming lumikas papunta rito sa Buen Aire. Simula noon, napapanaginipan ko na ang mga masasamang mangyayari.”
“Katulad ng ano?”
“Noong minsang nagkaroon ng sunog sa distrito namin noong nakaraang taon, alam ko nang mangyayari ‘yon. Binalaan ko sila, pero walang nakinig.”
“Iyan na siguro ang sakit ng bayang ito. Hindi makikinig sa kung sino-sino, maliban na lang kung soñador ka. Ang masakit nga lang, halos animnapung taon nang walang soñador ang Buen Aire. Ikaw ang magbabago ng mangyayari, Olympus.”
“Salamat sa pagtitiwala, Milo.”
“Walang anuman. Basta bukas, maghanda ka. Pupunta tayo sa edificio magistral at doon kita ipapakilala sa isang guro na maalam sa pagiging soñador. Ang maganda pa, ikaw lang ang magiging mag-aaral niya.”
“Mukhang maganda nga ‘yan, Milo.”
Nakalampas na sila sa tatlong bukirin at malapit na sila sa tahanan nang mapansin nilang kababalik lang ng dalawa galing sa paliligo. Hindi maiwasang mapatingin ni Olympus kay Aguapez mula sa malayo. Nahahalina siya sa buhok nitong namumula sa bawat pagtama ng sinag ng araw. Napanganga pa siya nang makitang kumaway ito sa direksyon nilang dalawa.
“Buenas tardes,” pagbati ni Olympus sa kanilang dalawa.
“Buena tarde.” Nakipagkamay sa kaniya si Aguapez.
Pumasok na silang lahat sa loob ng bahay. Nagtanong si Aire.
“Bakit parang naglayas yata itong si Olympus?”
“Mag-aaral na siya bilang isang soñador,” balita ni Milo.
“Talaga? Kailan siya magsisimula?”
“Sa susunod na linggo na.”
“Bienvenido, Olympus,” pagbati ni Aire.
Tinuro na ni Milo ang magiging silid niya. Binuksan na rin niya ang magiging silid-aralan nito. Ang kapalit naman nito ay ang paninilbihan niya sa mga panahong kakailanganin siya ni Milo. At dahil mauuna ang pag-aaral niya, maaari siyang tumanggi kung makakasagabal man ang iuutos nito. Isang malaking silid-aralan na punung-puno ng mga aklat at may dalawang mesa at tig-apat na upuan bawat isa.
“Tanong ko lang, Olympus. Marunong ka bang magsalita ng Franquesa?”
“Oo. Marunong ako. Doon nanggaling ang mga ninuno ko. Taga-Provencain ang mga magulong ko.”
“Sige nga. Magpakilala ka.”
“Oui, monsieur. Je m’appele Olympus. Je suis de Provencain, en le sur du Franque. Je veux de chanter, partager les histoires, lire et aider les gens. J’ai travaillé pour le merchand, Monsieur Godín de la localité des merchands. C’est proche de chateau de roi. Oui, je peut parler la Franquesse. Merci beaucoup.”
“Mahusay!” Pumalakpak si Milo. “Kailangan mo rin kasing matutunan ang mga wikang ng karatig bayan o bansa. Karamihan kasi sa kanila ay pumupunta sa Buen Aire upang magbenta. Kaya naman hindi lang isang soñador ang magiging trabaho mo. Magiging tagasalin ka rin ng mga wika. Magaling, Olympus.”
Pinapasok na rin ni Milo ang mga gamit. Nagpatulong si Olympus kay Aguapez. Parang may napipintong mangyari, pero kahit siya at hindi maliligtas.
“Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong ni Olympus.
“Aguapez. Taga-saan ka nga pala ulit?”
Tumikhim siya. “Magbibingi-bingihan ka ba ulit?” Ngumisi siya kay Aguapez.
Napakamot siya sa ulo. “Sabi ko nga, e. Franquía. Taga-Atenas naman ako.”
“Atenas? Sa buhok mo, taga-Prado de los Cielos ka.”
“Siguro nga. Doon kasi nanggaling ang mga ninuno namin ni Aire.”
“Kaano-ano mo nga pala siya?”
“Magkapatid kaming dalawa.”
Natapos nang magpasok ng mga gamit ang dalawa. Inayos na rin niya ang mga gamit niya sa kuwarto. Binigyan na rin siya ng isang mahabang kurtina at bakal. Habang nagkakabit, hindi niya namamalayan na pinapanood pala siya ni Aguapez. Ngumiti lamang siya at pinagpatuloy ang ginagawa. Iba ang naramdaman ni Aguapez sa mga ngiting iyon. Hindi katulad ng kapatid niyang si Aire, maliit lamang siya at halos magkasing-edad lamang sila ni Milo kung titingnan. Kailanman, hindi niya pa nararamdaman ang mahulog sa isang lalake. Ngayon pa lamang.
Naghahanda naman ng makakain ang dalawa. Naghihiwa na ng mga oliva si Aire habang naghahango ng mga pita si Milo. Nagluto rin siya ng dalawang inihaw na manok na may laurel at paminta dahil sa malayong bansa ng Indus at Mundo Viejo. Nilagyan niya rin ito ng isang kurot ng azafrán. Inihanda na rin ang mga prutas galing sa bayan ng Pezcuenza.
“Ang bango talaga ng mga recado. Nakakagutom tuloy,” sabi ni Aire.
“Nakakadagdag kasi ang amoy sa kung papaano natin malalasahan ang pagkain. Kaya kung masarap sa pang-amoy o panlasa, paniguradong madadala nito ang kahit na sinong nababahala hanggang sa kapayapaan.”
“Kung sabagay.”
Kaharap na nila ang mga pagkain. Nagsimula na silang kumain. Pinag-uusapan na rin nila kung bakit nagtungo si Aguapez sa bayan.
“Gusto ko lang kasing makita ang kapatid ko. Baka sa susunod na linggo, umalis na rin ako. Pupunta kasi ako sa Pico del Valle Azul.”
“Talaga ba? Pupunta kasi ako roon. Mawawala ako ng isang linggo.”
“Tamang-tama, at maluwag ang aking barquito. Kakayanin nito hanggang sa sampung tao.”
“Mabuti naman. Magdadala kasi ako ng mga alay para sa aking magulang at mga kapatid.”
“Wala na ang pamilya mo?” tanong ni Olympus.
“Oo, matagal na. Ako na lang ang natitira sa angkan namin.”
“Pobrecito. Hindi bale. Narito naman kaming lahat na tagasunod mo, Milo,” sabi ni Olympus.
Habang naghuhugas ng mga pinagkainan, hindi maiwasang mag-usap nina Milo at Aire. Kapwa nila napapansin ang dalawa na kanina pa may “laman” ang mga palitan ng salita. Tinitingnan nilang maigi sina Olympus at Aguapez. Paliwanag ni Aire, hindi niya kailanman nakita ang kapatid na nagkagusto sa kahit na sino. Madalas na bigo ito sa pag-ibig at nagkulong na lamang ito sa paggawa sa matagal na panahon.
“Hindi naman hinihintay ang pag-ibig; Kusang dumarating ‘yan,” bulong ni Milo.
“Totoo naman. ‘Yun nga lang, nakakagulat na sa lalake siya nagkakaganiyan. Puro magagandang dalaga ang mga niligawan niya noon. Muntikan pa ngang mabaliw ang isang gitana sa kaniya.”
Nandilat si Milo. “Hindi naman maitatanggi. Siya na siguro ang pinakapurong nilalang sa mata, pero hindi pala nasasalat sa karanasan sa pag-ibig.”
“Pero ikaw, bakit naman kasi sa diyos ka pa umiibig?”
“Hindi ko rin alam. Iba lang siguro ang dating ng isang diyos na malaki man ang katawan e sagad naman sa kabutihan ang puso. Makakalawakan ang isip ko. At dahil sa diyos ako umiibig, hindi ko maaabot ang langit kahit ilan daang dipa pa ang liparin ko.”
“Walang namang nagbabawal na mangarap.”
“Pero may nagbabawal naman sa pagtitipan ng diyos at tao. Wala rin.”
Mabilis, matalim, at makamandag ang mga salita ni Olympus. Nakahiga sila sa mga dayami na nilagyan nila ng isang malaking kumot upang mahigaan. Nagtatalo ang isip at puso niya dahil may isang nilalang na hihigit sa kariktan ni Milo. Nakaimbay na ang bisig niya sa malasutlang katawan ni Aguapez. Hindi pa man sila naglalayo, nangungulila na agad siya. Hinahabi na ng hangin ang papawirin at nagkakaroon na ito ng liwanag na dala ng mga bituin. May isang bulalakaw na sumaglit at nakita ni Aguapez ang pagkislap ng mga mata ni Olympus.
“Alam mo, napapaluhod ako sa tuwing naririnig kita,” sabi ni Aguapez.
“Bakit? Dahil ba ngayon ka lang nakatagpo ng katulad ko?”
“Oo, ikaw pa lang ang lalakeng nakagawa ng ganito sa akin.”
“Pero isa lang ang sasabihin ko sa iyo: Tinanggihan din ni Milo ang pag-ibig ko.”
“Bakit naman?”
“Hindi tao ang gusto niya. Isang diyos din.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Sino?”
“Si Viento Visto.”