Cantici lenti et perturbatis omnis in verita occulta ad aversum.

3709 Words
4: Cantici lenti et perturbatis omnis in verita occulta ad aversum. Abot-langit ang ngiti ni Aire nang makita ang isang lira. Nakasabit ito sa mataas na bahagi ng bulwagan, malapit sa chimenea. Kinuha niya ito at lumabas siya sa patio ng tahanan. Sa mga aklatan, kumuha siya ng isang aklat ng mga tula mula sa Novo Oporto. Gusto niya kasi ang wika ng mga ito. Susubukan niyang awitin ang isa sa mga tulang nakasulat. Sa ikalimang pahina, binasa niya ang tula tungkol sa pangungulila ng isang tao sa kaniyang minamahal sa kabila ng pagiging malapit sa isa’t isa. A canção mais lenta. O firmamento nos da distância mais longe. Somos estrelas em lados mais distinstos. Mãos a mãos, estamos a dar-nos todo o que tocar. Porém eu sei que o teu coração não bate por mi. As janelas revelam a tua beleza como diamante na caixa. Tu es a maravilha escondida no meu peito que bate por ti. Temos extremos do fio vermelho que conectamos aos batidos. Agora, vou seguer esperando ao mensagem de ti em solidão. Natatawa si Aire sa sarili. Nararamdaman niya ang mga bagay na tao lang ang nakakaramdaman. Pait, sakit, paninibugho, pagkapikon, at pagkamuhi. Pero napagtanto niya rin na magulo rin ang daigdig dahil mga diyos din ang unang nakaramdam ng mga damdaming nasa puso niya. Tumutugtog siya ng mga melodiyang nakakapukaw ng kaniyang atensyon sa bawat tipak at kalabit sa lira. Umihip ang hangin at tumigil ang aklat sa isang pahina. Natauhan siya. O canto marinheiro. Tenho ciúmes ao mar que amas tanto que eu. As vezes, eu quero cheiar-me todos os rios também. Tenho ciúmes ao ar que queres e das momentos para rogar. Vou limpar para me amares, porém eu sei que não fosses me amar. Não há esperança entre nós, meu amor na nada de firmamento. Mesmo se tenho ajudas dos deus, o destino tiver outro motivo. Somos estrelas sozinhas, em que teres amor e não sou eu. Somos amores paralelos, mas não significavam nem ser tangentes. Iyan ang nararamdaman ni Aire sa mga nangyayari. Nagtatama man ang paningin nilang dalawa, tila kasinglayo pa rin ng bituing kaya niyang abutin ang posibilidad na gusto rin siya nito. Hindi niya maiwasang manibugho sa pag-aalala sa mukha ni Milo nang makitang tumumba si Olympus. Tumugtog na lang ulit siya at sinasabayan ito ng paghingang malalim. Tinatago niya sa bawat cuerda ng lira ang mga takot at lungkot. Imposible para sa isang diyos na katulad niya ang makaramdam ng lungkot. Kadalasang tao lamang ang nakakaramdam nito o mga panginoong nasa lupa. Saka niya lang din napagtanto na nasa lupa rin siya. Natawa siya sa sarili. Pinapaso ng araw ang balat ni Olympus ngunit kailangan niyang makausap si Milo. Napanaginipan niya na nagnanakaw siya ng isang piraso ng alab na walang katapusan kay Fogo. Hindi niya na maintindihan ang sarili nitong mga nakalipas na araw. Nais niya nang matahimik ang pusong sinasakluban ng kaba. Pumulot siya ng bato, binato niya ito may natamaan siyang isang manok nang hindi namamalayan. Umimpit ang mga paa niya nang masaksihang may batong gumuhit sa paningin niya. Kumaripas siya ng takbo. Naabutan niya si Aire na nagpapatugtog ng lira. Tinungo niya agad ito. “Nariyan ka pala, Aire.” Kilala niya ang boses na ‘yon. Bumungad si Olympus. “Kumusta ka na?” “Gusto ko sana kayong makausap.” “Tatawagin ko lang si Milo. Natutulog kasi siya.” “Salamat.” Dala-dala ni Aire ang aklat ng mga tula at saka sinabit ang lira. Kumatok siya sa pinto ng kuwarto at saka siya pinagbuksan nito. “O, Aire. Ano’ng nangyari?” “Narito si Olympus. May ibabalita sa iyo.” “Sige, papasukin mo na siya at magpapalit lang ako ng damit. Salamat.” “Walang anuman.” Pinapasok na ni Aire si Olympus. Umupo ito. Papalabas na sana siya nang biglang pinatigil siya ni Milo. “Aire, dito ka muna. Kakailanganin ko ang tulong mo para matulungan natin si Olympus.” Umupo rin siya. Nagsimula na silang mag-usap. Nawala ang aya ng hangin sa pagitan nilang tatlo. Kitang-kita ang pagkagitla ni Olympus sa mga nangyayari sa kaniya. “Milo, alam kong wala tayo sa dambana. Pero kailangan ko lang talaga ng tulong mo, ninyong dalawa.” “Si Ganador, nasa panaginip mo na naman ba?” “Oo. May hawak-hawak siyang apoy. Hindi siya nasusunog, parang diyos na si Fogo na isang panday.” Kinukuwento ni Olympus lahat isa-isa. Hindi nakalampas pati ang pagnanakaw ni Ganador ng isa sa mga espada na pinanday pa ng kapatid. Gumamit din ito ng kidlat upang languyin ang dagat-dagatan ng apoy ng Bulkang Vesubio. “Salamat, Olympus.” “Walang anuman, Milo. Salamat din sa iyo, at saka sa iyo rin, Aire.” “Wala ‘yon. Basta, sabihan mo lang kaming dalawa.” Tumango si Olympus at sinamahan ito ni Aire palabas ng tahanan. Tinapik niya ang likod nito at saka humayo ang lalake. Sinusulat pa rin ni Milo ang mga narinig niya. Nang matapos, nagbasa ulit ng mga dasal si Milo upang malaman kung ano ang magagawa niya upang maprotektahan si Olympus. *** Pumuslit si Ganador sa pandayan ng kapatid na si Fogo. Hindi niya inurungan ang hanging may dalang nakakapasong tapik sa balat. Sumasabog ang mga nakapalibot na bulkan. May isang bulalakaw pang mukhang tumama sa kaniya. Kaya mas pinili niyang lakarin na lang ang daan patungo sa tarangkahan ng palasyo. Mataas ang mga dingding nito, makapal at hindi kayang abutin ng kahit na sino. Umaapoy pa at puro bulkan din ang paligid. Doon pa lang, nakakapaso na ang bilog na seradura. Kinuha niya ang tala at kumurot ng isa, saka pinahid sa buong kamay. Hinila niya ang seradura saka pumasok. Bumungad agad sa kaniya ang mga matatayog na halamang may mayayabong at dambuhalang bulaklak. Hindi man malinis ang hangin, pero puro halaman lang ang malilinis na nilalang sa kabuuan. Pinakikiramdaman niya ito. Parang humihinga ang mga halaman sa bawat yabag. Nakatalikod na siya nang biglang bumulalas nang tahimik at taimtim ang halaman. Humahaba ang tangkay at sinusundan si Ganador. Lumingon siya at libo-libong bulaklak na nangangain na ang nasa likuran niya. Inihipan niya ng pulbo ang mga ito at nakatulog! Pinatay niya naman ang iba, ngunit nabubuhay ulit at nabubuo ang ulo. Ang masama pa nito ay dumarami sila. “Qué maldito, fastidio Fogo! Qué estabas pensando con estas floragrandes, pendejo?” atungal niya. Kumaripas siya ng lipad at nakalipad siya nang mataginting. Lumipad siya pababa upang sundan muli ang daan. Sinuong niya pa ang naglalagatukang apoy sa daanan patungo sa palasyo nito. Bawat madaanan niya ay may lumalabas na mga halimaw - mga guardia de fuego. Isa-isa niyang pinupuksa ang mga ito, ngunit nabubuhay pa rin. Paso-paso na ang balat niya bago makapunta sa malaking pinto. Kumurot siya sa kakapurit na piraso mula sa bituin ng gitana. Pinahiran niya ng pulbo nito ang kaniyang mga kamay. Doon niya nabuksan ang pinto. Nakita niya agad ang apoy ng walang hanggan sa may altar at kumuha ng kapurit ito. Mula ulit sa pulbong mula sa bituin, inihip niya ito sa hangin at nakatulog ang lahat ng mga halimaw. Papalabas na sana si Fogo sa kaniyang kuwarto nang bigla siyang inantok at nakatulog sa pasilyo bago makababa. Kumuha na rin ng isang espada si Ganador. Kinuha niya ang isang espada na kayang bumuhay o pumatay, at nakadepende sa intensyon ng gagamit ang magiging resulta. Iyon na pala ang totoong navaja de justicia. Sina Fogo, Fides, at Haring Marzo lamang ang maaaring gumamit ng nasabing sandata. Ngunit, nasa maling kamay na ito. “Napasaakin ka rin, navaja de justicia. Tutulungan mo lang namang akong patulugin habambuhay ang kapatid kong si Viento.” Yumayanig ang buong Bulkang Vesubio sa pagtalon niya. Tumigil siya at mas pinili na lang na lumipad. Bumalik siya sa kaniyang palasyo sa Sierra Rota. Itinarak niya ang navaja de justicia sa isa sa mga batong pinaglalagyan niya. Tumawa siya nang malakas at parang narinig ‘yon ni Viento. “Te voy a matar, hermano. Te voy a matar!” Humalakhak siya nang malakas at yumanig ang buong palasyo niya. *** Primeira-feira. Kasisimula pa lang na hatinggabi. Bumangon si Aire. Tiningnan niya muna ang among si Milo kung natutulog - nahihimbing na ito. Tiningnan niya rin kung bukas ang ilaw ng mga kapitbukid nila; wala rin. Bumalik siya sa labas ng tahanan. Sumipol siya nang malakas. Lumamig nang kaunti ang hangin. Nakita niyang bumalot ulit ang aurang bahaghari na pumalibot kay Milo. Sinubukan niya itong ginisingin, at hindi dumilat ang mga mata nito. Lumabas siya sa tahanan, Tanging tunikang pilak at ginto ang suot niya. Kasabay ng pagliliwanag ng kaniyang katawan at sandalyas ang pagsidhi ng ningning ng mga bituin. Lumipad siya sa buong bayan at sumipol pa ng dalawang ulit. Nakatulog na ang lahat ng tao, pati ang mga maharlika at pamilya ng hari sa hilaga ng Buen Aire. “Dónde estás, maldito de ojos verdes? Dónde estás, carajo?” Hinahanap niya ang tahanan ni Olympus. Sinuyod niya ang bawat distrito. Binibilisan niya ang lipad. Naalala niya na may tinapal siyang isang maliit na diyamante sa damit nang tapikin niya ito. Nahanap niya ito sa distrito ng mga mercante, natutulog sa isang kuwarto. Sumipol ulit siya nang malakas at naghahalo ang kaayang-aya dampi ng init at lamig sa lahat ng tao sa buong bayan. Binuksan ni Viento ang mga palad niya at inangat sa ere si Olympus. Sa isang kisapmata, napunta sila sa kalawakan. Kumuha siya ng isang bituing kulay asul, ginawang pulbo at sinaboy sa lumulutang na katawan ni Olympus. Naging asul ang katawan nito panandalian. Ang asul ay nangangahulugang kapayapaan at katotohanan. Lalabas at lalabas ang katotohanan sa mga ala-ala nito kapag kinausap ulit ni Milo. Bumalik ang balat nito sa dating kulay. Sa isang pitik ni Viento, bumalik silang dalawa sa daigdig. Inihiga niya ito at pinagpatuloy ang paghimbing. Inihip pa ni Viento ang mga nalalabing abo at pulbo ng bituin sa buong bayan. Isa-isa itong kumapit sa mga bahay, palasyo, dambana, at mga taniman. Nagningning saglit ang buong bayan at sa isang ihip ng hangin, nalinis ang mga natitira at nilagyan sa maliit na pitaka ang mga natirang abo at pulbo. Nilipad niya nang paikot-ikot ang buong bayan upang tingnan kung maayos ang lahat ng tao. Huminga siya nang malalim at umihip ng isang malakas na hangin upang bumalik sa dati ang takbo ng temperatura. Unti-unting naglalaho ang isang malaki at malasalaming kalasag ng bayan na sumaklob sa Buen Aire. Pumunta siya sa dalampasigan upang magpalit ng anyo. Lumipad siya pauwi. Sumipol siya nang napakalakas. Naglaho ang mga marka ng ginawa niya sa buong bayan. Umupo siya sa tumba at doon na nakatulog. *** Umaga. Kapuputok pa lang ng araw sa silangan. Lumabas si Milo at nakita niyang natutulog sa tumba si Aire. Napangiti siya sa nakikita. Inaamin niya na hindi niya inaasahang maramdaman ito. Bawat ihip ng hangin sa mukha ni Aire ay nagpapakita ng isang kagandahang hindi kailanman makakatapak sa bayan nila. Isang kaaya-ayang nilalang na tila pinagtulungan ng mga diyos upang mabuo at magkaroon ng hubog at katawan. Pumasok muna siya sa loob at naghanda ng espesyal na maiinom. Nagpakulo siya ng tubig. Nagdikdik siya ng ilang piraso ng bulaklak ng manzanilla. Nakakakalma ang halimuyak nito. Nang ilagay niya ito sa kumukulong tubig, sumabog ang samyo nito saka niya ulit tinakpan ang palayok. Pagkatapos ihango, saka niya naman kinuha ang karne ng baka saka inihaw. Nagpasok na rin siya ng mga pipíng masa sa pugon. Sinabay niya na rin ang paggadgad sa keso mula sa kapitbukid na si Tarzena. “Nagising ako sa amoy. Pasensya na, Milo.” “Wala ‘yon. At saka, huwag kang humingi ng paumanhin sa samyo ng pagkain. biyaya ng langit ang lahat ng ito.” “Siyanga.” Ngumiti siya. “Salamat, Milo.” “Walang anuman.” Humarap ulit sa lutuan si Milo. “Maupo ka na. Malapit nang maluto ang pita.” Bawat kilos ni Milo ang nagbibigay ng ngiti kay Aire. Mahinhin at masinsin. Bawat lambot ng kilos ang nagsasabing may pakialam siya sa mga tao sa paligid niya. Bawat saglit ng kilos niya ang maaaring makapagpaamo ng kahit na sino. Isa siyang diyos na nagkatawang tao. Kariktan, kagalakan ng puso, pag-aalala at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, at hindi napapagod na maglingkod sa mga taong pinamumunuan niya sa pagdarasal at pagsamba. “Aire, matatapos na ako. Pakihango na ang mga pita mula sa pugon.” Hinango ni Aire ang pita. Mabango ito. Naaamoy ang tamis ng pulot na naluto sa loob nito. Isa-isa niyang nilapag ang mga pita sa malaking plato. Sakto namang naluto na ang karneng baka. Nagtatalo ang amoy ng asin at oliva. Inutusan na rin ni Milo na hanguin ito. Siya na rin ang naghati-hati sa piraso. “Uminom ka muna ng manzanilla bago lumamig. Malamig pa man din kagabi.” “Oo nga, e. Nakakapagtaka.” Sinusubukan niya na lang sakyan ang mga sinasabi ni Milo. Alam niya sa sariling siya ang dahilan. Parang sa mga tao kasi, malabo na biglang lumamig sa kalagitnaan ng tag-init. “Ngunit nakatulog naman ako nang maayos. Walang pumipigil sa akin. Parang may isang matinding puwersa na nagpaantok sa akin nang tuluyan.” “Buti naman at maganda ang tulog mo.” “Ikaw, bakit ka nga pala nakatulog sa tumba sa labas?” “Ewan ko. Hindi ako mapalagay sa init. Lumabas na lang ako at doon natulog.” Umupo na si Milo at kumain na silang dalawa. Kasinghinahon ng batis ang pagitan nilang dalawa. Nag-uusap sila tungkol sa mga gagawin nila sa susunod na linggo. Gumagaan naman ang pakiramdam ni Milo para kay Aire. Hindi niya maitanggi sa sarili na nadadala siya ng mga sulyap nito. Waring hinahanap siya sa tuwina. Sa buong buhay niya, hindi niya pa nararamdaman ang ganito. Ang nakakabahala nga lang ay may iba siyang nararamdaman kay Aire, bukod sa lihim niyang pagtingin. Ayaw niya mang isip, pero parang isang diyos ang nasa harapan niya, at hindi isang tao. May kung anong aura ang lumalabas kay Aire sa tuwing nagngingitian silang dalawa. Ayaw niya na lang ding ipagbigay-alam sa binata dahil masisira ang samahan nilang dalawa. “Sa totoo lang, Milo, ngayon ko pa lang naramdaman ang payak na pamumuhay. Iba pala rito kung ihahambing ko sa mga bayang napuntahan ko na.” “Payak lang talaga ang pamumuhay namin dito sa Buen Aire. Marami daangtaon na rin ang lumipas. Sinubok pa ng mga ito ang kaharian. Natuto na kaming lahat. Mas mabuti nang isara namin ang bayan sa daigdig.” “Siyang tunay. Maganda ang Buen Aire. Tahimik at walang komplikasyon.” “Pagkakapantay-pantay at pagpapatas ang dumadaloy sa aming lahat.” *** Nagtataka na ang Haring Marzo kung nasaan ang anak na si Viento. Tinanong niya na ang mga anak at mga kamag-anak isa-isa, ngunit walang nakakaalam. Nang si Borealis na ang tanungin, halos magwala siya sa takot. “Borealis, anak. Alam mo ba kung nasaan ang kapatid mo?” “Hindi, hindi po, ama. Matagal ko na rin po siyang hinahanap.” “Kung sabagay, siya nga naman ang diyos ng hangin. Parang hangin lang din siya - hindi nakikita.” Tumawa nang kakatwa si Borealis. “Siyanga, Ama. Siyanga.” “Sana ay nasa maayos siyang kalagayan.” “Makulit man ang talipandas na ‘yon, nag-iingat pa rin naman siya.” Ngumiti ang Haring Marzo. Bumalik na ito sa trono. Nagsalubong naman ang mga mata nina Borealis at Ganador. Lumapit ito sa kaniya. “Magandang araw, Borealis.” “Maganda nga ba ang araw, Ganador?” “Oo naman, kapatid. Bakit?” Napansin ni Borealis na nakabungisngis ang kapatid. Alam niya na may binabalak itong masama. Makailang ulit na ring si Ganador ang naging dahilan ng ilang digmaan ng mga tao sa nakalipas na tatlong libong taon. Iyon ulit ang bungisngis na tumambad sa mukha niya. “Alam ko ang bungisngis na ‘yan, carajo.” “Carajo? Bonito dapat.” “Cállate! Malalaman at malalaman ko rin ‘yan, Ganador. Sino ulit ang nakakita sa mga binabalak mo noon?” Tinuro ni Borealis ang sarili. “Ako, pendejo. Ako.” Inismiran niya ang kapatid. Nakangiti si Borealis habang naglalakad. Sumasabay sa indayog niya ang damit na halos mabanaag na ang kaniyang katawan. Telang gawa sa mga copo ng niyebe. Hindi natutunaw kahit nakakapaso na ang araw. Noong una pa lamang, alam niyang may balak si Ganador. Sa isang kuyom lang ng kamay nito, alam agad niyang digmaan ulit ang mangyayari. Pero sa mga sandaling ito, dalawang diyos ang magpapatayan. Walang nakakapagsinungaling sa diyos ng hilaga. Ang siyang unang anak ng mga diyos. Kasama ng ikalawalang anak na si Fides, silang dalawa ang kinatatakutan ninuman - tao o mga kapwa diyos. Pinagtibay ni Borealis ang kaniyang palasyo at teritoryo. Matutunaw ang apoy at hindi makakahinga ang hangin. Ilang libong taon na ring gustong sirain ni Ganador ang Polo Norte, ngunit hindi siya umuubra. Bukod sa copo ng niyebe na nakakasugat, kaya rin niyang magbato ng isang dambuhalang kumpol ng yelo at mapipipi ang sinumang matatamaan. Biglang lumitaw ang kapatid na si Australis, ang kapatid na lalake ni Borealis. Siya naman ang nasa Polo Sur. Magkatulad sila ng kapangyarihan, ngunit hindi naman ito kasingtapang ng ate niya. “Ate, nakita ko kanina si Ganador. Iba na naman ang ngisi niya.” “Gusto ko ngang buksan ang pinto ng Tartaro at itapon ang hayop na ‘yon.” “Que te calles, hermana. Baka narito siya sa Polo Norte.” “Kilala ko ‘yung gunggong na ‘yon, Australis. Huwag kang mag-alala, ibibigay ko rin sa iyo ang mga paraan upang mapatibay mo pa ang ‘yong palasyo sa Polo Sur.” “Salamat, Ate. Pero kanina, kumikindat ka. May iuutos ka ba sa akin?” “Oo, Australis. Nais kong hanapin mo ang kapatid natin. Alam ko kung nasaan siya.” Napalagok si Australis. “Ate, nagsinungaling ka kay Ama?” “Oo. Wala naman siyang magagawa. Kailangan ko na ring itago ang lahat.” Naroon din si Ganador. Pero hindi niya marinig ang pinag-uusapan ng dalawa. Malakas ang ihip ng hangin at halos matabunan na siya ng niyebe. Napansin na agad ‘yon ni Borealis. Binulungan niya ang kapatid, “Sa hudyat ko, maglaho ka. Bumalik ka na sa Polo Sur, Australis.” “Salamat, Ate.” Agad-agad na bumuo ng malaking tipak ng yelo si Borealis at ibinato ito sa bakod kung saan may nakikita siyang isang lalakeng nakaitim. “Hayop ka pa rin talaga, Ganador.” Ibinato niya ito nang hindi nakatingin kung nasaan ang kapatid. Hindi nakaiwas si Ganador. Sumambulat na lang ito sa kaniya at nahulog nang matindi. Nang maalimpungatan siya, si Borealis ang bumungad sa kaniya. Isang hukay na kinatatakutan niya ang kasunod. Lumuhod na siya. “Perdón, perdóname, hermana. Perdóname.” “No, no te voy a perdonar, carajo.” “Hindi ko na uulitin.” Naglalakad papunta sa kaniya si Borealis, at paatras nang paatras na siya malapit sa hukay. “Maraming beses mo nang sinabi ‘yan. At sa susunod na sumulpot ka pa rito, hindi ako magdadalawang-isip na buksan ang Tartaro at ilibing ka nang buhay!” Natulala siya sa ate niyang nagiging singlamig ng yelo ang mga titig. Nagiging abuhan ito parang paligid ng Polo Norte. Umiigiting pa ang lakas ng bagsak ng niyebe. Nagmakaawa siya nang labis-labis. “Opo, Ate. Opo.” Isinama niya si Ganador sa kumpol ng yelo at itinapon sa malayong karagatan ng Pacifis. Halos hindi siya makagalaw sa sobrang ginaw. Palutang-lutang lang siya sa karagatan. Pinili niyang lumipad at bumalik sa kaniyang palasyo. Hindi niya pa rin matanggap na takot pa rin siya sa kaniyang Ate Borealis. Sinubukan niya rin kasing buyuin ang kapatid na si Australis, pero hindi niya rin makausap ito dahil hindi naman mapasok ang palasyo nito. “May araw din ang lahat sa akin.” Naninimdim ang mga mata ni Ganador habang nakatitig sa nasasakupan ng kaniyang trono. Naging pula ang mga mata nito. Gumuhit ang mga ugat sa halos pumuputok niyang mga laman. Sinapak niya ang trono at nasira ito. Hindi niya na maitago ang panibugho kay Viento. Gusto niya nang matapos ang lahat dahil gusto niyang maging kanang kamay ng ama sa pamamahala sa buong daigdig. Si Haring Marzo man, hindi niya gusto na may pumalit kay Viento dahil maganda ang dulot ng anak sa mga tao. *** Nakahanda na ang laksa-laksang sundalong monstruo de nieves ni Australis. Nakabantay ang lahat sa paligid, taas, at loob ng kaniyang palasyo. Wala silang maaaring papasukin sa loob. Nagpalit na rin siya ng anyo. Natanggap niya ang isang liham sa hangin galing kay Borealis. Tinuro ng liham ang bayan ng Buen Aire. Kalakip nito ang isang guhit ng lalakeng maaya ang mukha. Ang siyang may kakayahang magpaibig kahit ng mga diyos. Doon niya na nalaman kung bakit nawawala ang kapatid. “Haliparot ka pa rin talaga, Viento.” Sinimulan niya na ang paglalakbabay sa tatlong karagatan hanggang sa dumaon siya sa dalampasigan sa labas ng Buen Aire. Nakita niya ang kalawakan ng buong pantalan ng bayan. Nang makadaong na siya, pinakita niya ang larawan ng lalake. “Señor caballero, kilala niyo po ba ang lalakeng ito?” “Oo, señor. Siya ang vistador menor ng aming bayan. Ano po ang kailangan nila?” “Kailangan ko po kasing humingi ng tulong sa kaniya. Baka po kasi makita niya kung nasaan ang kapatid kong nawawala.” Tumikhim ang caballero. “Maaari ba namang tingnan ang mga dala mong gamit?” “Opo.” Binuksan niya ang kaniyang cartera. Laman nila ang isang pilak, pita, at mga aklat. Tiningnan din nila ang loob ng kaniyang maliit na barko. Wala itong laman. Lumalabas na ang mga caballero. “Walang laman ang inyong barko, señor.” “Maraming bayan na ho ang nalampasan ko. Ito na po ang pinakahuling bayan na pinagdaungang ko. Maraming trigo at ubas na rin ang ipinagbili ko.” “Sige, señor. Wala na po kayong babayarang buwis upang makapasok sa bayan. Ngunit kailangan po namin kayong samahan sa dambana.” “Walang anuman po.” Naglalakad na siya kasama ng sampung caballero. Pinagtitingan siya ng mga tao dahil buhok niyang namumula kapag tinatamaan ng araw. Nakikita niya ang kaayusan ng bayan. May mga lugar upang maglaro ang mga bata. Makikita namang nagkakaroon ng palakasan ang mga kalalakihan. Ang mga babae naman ay nag-aaral ng paggamit ng espada. Malinis ang hangin at madalas na nakangiti ang mga taong nakakasalubong niya. Nang marating na nila ang dambana, inabisuhan siyang maghintay kasama ang isang sundalo na nagbabantay. “Maupo po muna kayo, señor. Tamang-tama po at malapit nang buksan ng aming vistador menor ang dambana.” “Salamat po.” “Walang anuman.” Maya-maya pa, nakita niyang may isang lalakeng nakabihis ng kulay rosas na tunika ang nagbubukas ng pinto ng dambana. Napuna niya ang kasama nitong lalake. Malaginto ang buhok at nagtatalo ang tapang at bait sa mukha nito. Mababakas ang laki ng katawan sa loob ng tunikang kulay langit. Nagtama ang paningin nilang dalawa. Naging abuhan ang mata ni Australis. Hindi halos nakagalaw si Aire dahil kilala niya kung sino ang nasa kaniyang harapan. “Mahal na vistador, may nais pong makipag-ugnayan sa inyo.” Bungad ng sundalo. “Siyanga, sino?” Tinuro ng sundalo si Australis. Doon niya pa lang napagtanto na kailangan niyang magpalit nang ngalan. “Señor, ano ang ngalan nila?” “Ah, eh.” Tumayo si Australis. Nakipagkamay, “Ako po si... Aguapez.” “Señor Aguapez. Bienvenido a La Buen Aire.” “Salamat po.” “Maaari na tayong pumasok sa dambana. Marami pang tao na gustong magdasal. Dito na tayo mag-usap. Hintayin mo lamang ako rito sa labas.” “Opo.” Isa-isa nang nagsisipasok ang mga taong nais magdasal. Nagsimula nang magdasal si Milo. Samantala, nasa labas pa rin silang dalawa at lumayo muna saglit sa dambana. “Australis, ano’ng ginagawa mo rito?” “Dito ako tinuro ni Ate Borealis.” “Si Ate talaga. Bakit?” “Mas mabuti nang sabihin ko sa ‘yo sa lugar na hindi puno ng tao.” “Sige. Mamaya sa bahay ni Milo. Doon na tayo mag-usap.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD