3: Malum est Victor
Naglalakbay si Ganador patungo sa gitana sa b****a ng kaharian ni Tenebris. Sa yungib na puno ng panganib, lumuluhod sa kaniya ang mga halimaw. Mga alulong ng aso ni Tenebris na lang ang mauulinigan mula sa malayo. Halos luntian ang liwanag sa paligid. At nang makita niya na ang isang kubol, pinasok niya ito at doon ay naghihintay ang gitana na si Sensatez. Nakabaro ng maitim na damit na sumasayad sa lupa ang laylayan. Abuhan ang mga mata nito, at naaakit ang sinumang makikipagtama ng paningin, maliban sa mga diyos. Minamaniobra nito ang isang bituin sa kaniyang mga kamay.
“Buenos días, El Señor Ganador.”
“Buenos días.”
Tumigil sandali si Sensatez. Bakas na bakas ang tanda niya dahil sa suot na abrigo. Maraming nang butas ang itim niyang palda. Buhok niyang malapilak sa kinang ay nagpapakita ng kaniyang kapangyarihan at katalinuhan. Samantala, hindi maitago ni Ganador ang kaba nang marinig niya ang tinig ng gitana. Nakakapaso sa lamig, at may dalang bigat.
“Ano ang maipaglilingkod ko, panginoon?”
“Gusto kong malaman kung kaya mong makita ang hinaharap ng isang diyos.”
“Dahil ba ‘yan kay Viento Visto?”
Hindi agad nakapagsalita si Ganador. Tinitingnan siyang maigi ng mga matang kasinglamig ng Polo Norte sa paglayo nito araw. Naniningkit na ang mata ng gitana. Ayaw pa ring bitiwan ni Ganador ang tunay na pakay.
“Tandaan mo, panginoon. Nakikita ng aking mga mata ang tunay na pakay ng kahit na sinong nilalang; kahit isang diyos ka pa.”
Nagdabog si Ganador. “Ya basta! Gusto kong malaman kung mapapatay ko ba ang kapatid ko.”
“Maupo ka, panginoon.” Utos niya, “Makinig ka sa akin. Sasandali lang ang kamatayan niya, ngunit magdadala ito ng malaking pagbabago bago dumilat muli ang mga mata niya.”
“Qué? Qué quieres decir, Sensatez?”
“Tatlong bagay: Kamatayan, pagbangon, at may magkakatawang-diyos.”
“Kaya mo bang baguhin ang takbo ng tadhana?”
“Hindi. Kung kaya ko, wala sana ako rito, hindi ba?” Humagikgik ang gitana.
Nagsisimula na siyang tumakbo palayo. At nang makalabas, napaso rin siya sa sikat ng araw. Samantala, hindi nasabi ng gitana na may kakayahan ang lahat ng tao na baguhin ang tadhana, pero hindi para gamitin ito sa masama. Sa isip-isip niya, mabuti na ring hindi malaman pa ni Ganador ang lahat.
***
Hindi mahulugang-karayom ang dami ng tao sa mercado. Umaalingasaw pa ang mga bagong katay na baboy, baka, at tupa. Dala-dala naman ni Milo ang kariton ng aguacate. Buhat-buhat naman ni Aire ang mga sako ng trigo. Nagugulahan siya sa mga nakikita, at napansin ito ni Milo.
“Aire, magbebenta tayo ng mga trigo at aguacate. Kailangan mo lang ipaamoy ang samyo ng trigo sa mga mamimili. Alam nilang kumilatis. Kaya naman pagbutihin mo, ha.”
“Oo, Milo. Gagalingan ko.”
Isang kindat pa lang ni Aire, nahahalina na ang kababaihan at kalalakihan sa kaniya. Sumalok lang siya ng isang trigo, at kumalat ang samyo nito. Napalingat lang saglit si Milo at nakita niyang nakapila na ang mga tao. Ganito talaga ang nagagawa ng mga maton at matitipuno, aniya. Marami namang pumila sa harap ng estante niya para sa mga aguacate. Nagsimula na rin siyang magbenta.
“Milo, sino itong ginoo na kasama mo?” tanong ng isa sa mga suki niya.
“Siya po si Aire. Galing siya sa bayan ng Atenas.”
“Siyanga? Kaya naman pala kinahuhumalingan ng lahat.”
“Hindi ko rin po masabi, pero mukhang mauubos na po ang trigo.”
Inabot niya na ang supot ng aguacate at inabutan siya nito ng isang pilak. Patuloy lang silang dalawa sa pagbebenta hanggang sa halos walang natira. Ganoon din ang mga katabing estante. Isang himala itong maituturing. Nagulat si Milo nang magpasalamat sa kaniya ang mga katabing estante dahil nahahalina niya rin ang mga mamimili na bumili rin sa kanila. Kaya naman nang matapos, kinausap agad ni Milo si Aire.
“Aire, napakagaling mong magbenta. Kahit ‘yung ibang estante, naubusan na rin halos ng paninda.”
“Napuna ko kasi na hindi sila bumibili sa iba, kaya pinaalalahanan ko sila na bumili rin sa ibang tindahan.”
“Magaling! Magiging mabuting mangangalakal ka, Aire. Ngayon, makakauwi na tayo. Quinta-feira na. Magpapahinga pa ako para bukas.”
“Salamat, Milo. Sa totoo lang kasi, gusto ko ring magpakitang-gilas. Baka kasi tanggalin mo ako bigla.”
“Hindi. Hindi ko puwedeng gawin ‘yon sa kababawan ng mga dahilan.”
“Salamat pa rin.”
Nakatanaw naman mula sa malayo si Olympus. Napakibit-balikat siya sa nakikita. Niligpit niya na lang ang mga tinda ng amo niya at saka umalis.
Nagliligpit na rin sina Milo at Aire. Tanging mga kariton na lang ang tulak-tulak nila. Kumakaway pa si Aire sa mga tao. May isang lalakeng nahimatay pa nang kindatan niya. Humagikgik siya sa tuwa. Yumuyuko naman si Milo at nagpapasalat sa mga tao. Nakalampas na sila sa dulo ng fortaleza. Kumakalansing pa ang mga pilak mula sa kahon. Bigla-biglang nabuhad ang abrigo ni Aire at bumulalas ang ginintuan niyang buhok. Hinubad niya na ito nang tuluyan at tanging tunika na lang ang suot-suot niya.
“Aire, bakit hindi mo na lang tanggalin ang abrigo mo?”
“Hindi lang siguro ako sanay sa mga tao rito. Hindi kasi ito Atenas.”
“Makakasanayan ka rin nila.”
Tumikhim siya saglit. “Alam mo bang matalas ang tingin ni Olympus sa akin?”
“Bakit naman?”
“Hindi ko alam. May gusto siya sa’yo, hindi ba?”
“Oo, pero napag-usapan na namin ‘yon.”
“Kalimutan na nga natin ‘yon. Magpahinga na muna tayo. Mamayang hapon, maliligo ako sa dagat.”
“Sasama ako. Maliligo rin ako. Pero maaari bang gabi ulit?”
“Oo naman, Milo.”
Nakahubo na si Milo at pinupunasan ang braso at katawan. Naghilamos na rin siya. Hindi na naman mapigilan ni Aire na mapatingin sa amo. Bawat lagaslas ng tubig ay siya ring kapit sa katawan ni Milo. Inalis niya agad ang paningin sa amo at hinubo na rin ang sariling damit para makapaglinis ng katawan.
Pumasok na si Milo sa loob ng bahay. Nagpalit na rin ng damit si Aire pagkatapos na malinis ang katawan. Nagpahinga siya sa lilim sa labas. Umupo siya. Binuksan niya ang bote ng vino at kumurot ng tinapay. Dala-dala naman ni Milo ang naihaw niyang karne ng baka kaninang umaga. Saka siya umupo sa tumba.
“Kumain ka muna, Aire.”
“Salamat.”
“Oo nga pala. Gusto kong malaman kung paano namumuhay ang mga taga-Atenas.”
“Sila ba? Kadalasang punong-puno ng mga dalubhasa ang pamantasan. Tapos, makikita mo ang mga bata na nagtatalo tungkol sa iisang bato. Pero dahil alipin lang ako, hindi ako puwedeng makisali sa kanila.”
“Bakit?”
“Para lang ‘yon sa mga mayayamang pamilya at mga kilalang edukador ng kaharian. Bawal din ang mga babae sa ganoong argumento. Pero, huwag ka, mas matatalino pa ang mga babae kaysa sa mga lalake roon.”
Sumubo ng karne si Milo. Nagsalita ulit siya, “Totoo naman. Nakatanggap ako ng sulat galing sa isang babaeng mamamahayag - si Elena. Sabi niya sa akin, nagkakaroon na sila ng progreso sa pangkalahatang aspeto. Maaari na rin silang makipagdebate sa mga lalake. Kasama na rin sila sa mga bumuboto ng susunod na ministro. Higit sa lahat, gusto nilang maging katulad ng Buen Aire ang Atenas.”
“Dahil ba mas malaya ang mga tao rito kumpara doon?”
“Oo. Isandaang taon ding nakipaglaban ang mga babae sa Atenas para sa mga karapatan nila. Pero dito sa Buen Aire, Maaari pang reyna ng kaharian ang mamumuno. Ito ang unang bayan na nagkasal ng dalawang lalake sa kasaysayan. Ang unang namuno sa kaharian ay isang babae. Si Catalina La Suprema Condesa.”
“Sino siya?”
“Siya ang matriyarka ng unang dinastiya ng mga maharlika sa bayang ito. Simula noon, nagpapalitan na ang mga babae at lalake sa pamumuno ng pinakamaliit ngunit pinakaprogresibong kaharian ng Buen Aire.”
Matapos nilang mag-usap, nagpahinga na silang pareho. Nilabas ni Aire ang isa pang tumba na sinabi sa kaniya ni Milo. Inimis niya muna ang mesa at itinabi ito sa likod-bahay.
Nakatanaw lang siya sa isang banda, at dinadala siya ng isang awit ng ibon sa gubat. Maya-maya pa, nakapikit na siya. Dumilat ulit siya at nasa gitna na siya ng gubat. Ito ang lugar na napapalibutan lang ng mga puno. Sa gitna, makikitang nag-uusap sina Ganador at Olympus tungkol sa pagpatay sa isang vistador menor ng Buen Aire. Pagkatapos nilang mag-usap, nagpalitan sila ng halik. Parang hindi nila nakikita si Viento. Sinubukang niyang maglakad papalayo, pero biglang napalingat ang dalawa.
“Viento, saan ka pupunta?”
Dumagundong ang kulog mula sa langit. Nakita niyang may dala-dalang punyal si Olympus. Tumakbo ito palabas ng gubat. Pumosisyon na siya upang labanan si Ganador nang bigla itong nagbigay ng isang nakagigimbal na babala.
“Isa sa aming dalawa ang tunay na Ganador. Mamili ka kung sino ang hahabulin mo.”
Nagpapalit-palit ng anyo ang dalawa, tila nakikipaglaro sa kaniyang paningin. Bumulalas ang pakpak niyang nagpataob kay Ganador. Bigla na naman itong nagpalit ng anyo; naging si Olympus. Pumilas siya ng isang balahibo at tinapal sa sugat nito. Pagkatapos, sinuong niya ang gubat at hinabol ang kapatid. Nilabas niya rin ang punyal at sinugatan ito sa talampakan. Tumumba ito at nakita niyang naging pula ang mga mata nito. Nagliyab ang buong katawan. Nasunog pa ang ilang bahagi ng pakpak ni Viento. Tumama ang isang kidlat, at naglaho na si Ganador.
Halos hindi na siya makagalaw sa nakita. Sumisigaw siya nang marinig siya ng kapatid niya. Umuga ang lupa. Bigla-bigla, may sumampal na isang baging sa kaniya. Napadilat si Aire. Sinasampal na pala siya ni Milo.
“Hoy! Nanananigip ka!” Pag-aalala nito. “Sandali lang. Maghahanda ako ng pinakuluang manzanilla.”
“Salamat.”
Gusto niyang yakapin si Milo, pero hindi maaari. Kilala niyang ang kapatid kong si Ganador. May kakayahan siyang paibigin ang mga lalake, lalo na ang mga vistador menor sa nakaraang isanlibong taon. Ilang ulit niyang nakita ng nakikipagtalik ang dalawa. May isang beses pa na nakipagtalik siya sa ere. Gabing puno ng katahimikan sa naglahong kaharian ng Portus Cale. Halos pumutok na ang mga bituin sa pagkamuhi dahil si Ganador lang ang nakakapagpa-ibig sa kahit na sino. Ginising niya ang vistador na si Victorino mula sa pagkakahimbing. Inilipad niya ito palabas ng bintana. Sumasabog ang ungol at saya sa pagitan nilang dalawa. Nakita ito ng isang vistador mayor at hinatulan ng excomunicación si Victorino. Itinaboy siya sa kaharian ng Hispania at hindi na nakitang muli.
“Alam mo, Aire, nakakakaba ka kanina.” Sabi ni Milo. Umupo na siya at nilapag ang isang tasa ng pinakuluang azafrán. “Binabanggit mo ang pangalan ng panginoong si Ganador. May ibig sabihin ‘yan.”
“Ano naman ‘yon, Milo?” tanong ni Aire.
“Kadalasan, isang pangitain ng digmaan. Kung minsan naman, pagtataksil o paninibugho.” Lumagok ng mainit na manzanilla si Milo. “Siguro naman, kilala mo si Ganador. Siya ang panginoon ng digmaan. Isa sa mga katangian niya ay ang pagiging mapanibugho. Gusto niya na siya lang ang tinatangi ng kahit na sinong diyos, lalo na ng panginoong Viento Visto.”
“Kung sabagay, kilalang nanlalalake si Ganador.”
“Ako man, natatakot. Hindi ko rin alam kung makakalampas ako sa mga gayuma ng ngiti niya.”
“Makakalampas ka rin.”
Sumipol si Aire. Napakatining, ngunit nakakahimbing ng pusong kinakabahan. Tila naghahabol ng hininga si Milo habang pumupuslit ang isang maliwanag na abo mula sa hangin. Unti-unting napapikit ang kaniyang mga mata.
“Las cenizas en el aire te van a proteger del poder de Ganador.”
Nag-ipon siya ng hangin at binugahan ng malamig na hangin ang ulo ni Milo. Pinalutang niya sa ere ang katawan nito, sabay pinalibutan ng sanga-sangang liwanag. Tila ninanakaw ni Aire ang bahaghari at pinipinta nang walang tinta sa katawan ni Milo. Pagkatapos, inihiga niya ito sa tumba, umupo na ulit sa tumba at pumitik sa hangin. Nagising na ulit si Milo, at walang naaalala sa mga nangyayari.
“Ang sarap ng naging tulog ko. Lumulutang ako habang pinapalibutan ng bahaghari. Ang sarap sa pakiramdam.”
“Buti naman at maayos ang tulog mo.”
“Oo nga, e. Salamat sa panginoong Viento Visto.”
“Walang anuman.”
“Ano ulit, Aire?”
“Wala. Maghahanda lang ako para makaligo na ako sa dagat. Sasama ka, hindi ba?”
“Oo, sasama ako sa iyo, Aire.”
Naalalang dalhin ni Milo ang karne ng baka na binabad niya sa mantikang gawa sa oliva. Pinadala niya naman kay Aire ang buslo ng mga mora, mansanas, at ubas. Kasama na rin ang dalawang baso at isang lalagyanan ng vino. Malamig ang simoy ng hangin sa kakahuyan. Biglang naging mainit nang umapak na sila sa malaperlas na buhangin ng dalampasigan. Unti-unti nang bumababa ang araw upang humimlay sa horizonte.
Gumawa ng limliman si Aire gamit ang mga kahoy at telang hindi na nagagamit. Kasya silang dalawa at kasinglaki ito ng mga kubol na ginagawa ng mga lagalag.
“Magaling, Aire.”
“Salamat.”
“Saan mo natutunang gumawa ng mga kubol na ganito?”
“Sa mga lagalag sa hilagang kanluran ng Atenas at sa Novo Oporto.”
“Ah. Marunong ka ring magsalita ng Lusitan?”
“Sim, também posso escrever.”
“Incrivel. Eu posso falar como tu. ”
“Que maravilha, o senhor Milo. Ires banhando ao mar o não queres?”
“Não sei. Porém vou eu ao mar enquanto vejo o sol ao horizonte.”
Uminom silang dalawa ng isang baso ng vino. Sapat lang upang makapagpahinga ang mga katawan nilang napagod sa paglalakad. Nilabas na rin ni Milo ang karneng baka at nagsindi ng ilang panggatong si Aire. Tumatakip na ang silim sa kalangitan. Naglalaho na ang dilaw na sinag at tanging asul at itim na lang ang nagtatalo.
“Masarap talaga ang mga luto mo, Milo.”
“Natutunan ko ang lahat sa mga magulang ko. Naaalala ko pa noong nakatira pa kami sa Valle Azul, madalas na namumulot ng mga bagong tubo na uvas ang aking ina at gagawin niyang inumin ang katas. Maaaring vino o refresco. Tapos, nagluluto rin siya ng mga inihaw baboy at baka. Mas masarap dahil binababad niya sa katas ng oliva, saka niya iihawin.”
“Amoy masarap. Kaya nangangalahati na ako. Pero nagpapasalamat ako dahil hindi mo ako tinuturing na alipin.”
“Bukod sa bawal, utos din ng hari na tratuhin na hindi alipin ang mga tao, kailangan din silang bigyan ng sapat na suweldo at magandang lugar sa bahay.”
“Mabuti naman pala.” Lumabas si Aire sa kubol at naghubad ng damit at sandalyas. “Ako’y hahayo na at maliligo. Masarap ang tubig tuwing silim.”
Napalunok si Milo sa nakikita. Si Aire, parang isang katha mula sa mga alamat. Habang tumatakbo ito, siya ring indayog ng mga kumikislot na bisig at laman sa katawan. Maliwanag pa at nakikita niya rin ang mga ngiting kayang bumuhay o pumatay ng isang damdamin. Sa pagtatampisaw ni Aire, nagiging totoo ang alamat tungkol sa hitsura ng panginoong Viento Visto. Tila punong gusto niyang akyatin kung sakali mang mawala ang takot niya sa matataas na lugar. Kumakaway pa ito at naisipan niya na ring maligo. Hinubad niya na rin ang damit at tapis lang sa bewang ang tinira niya.
“Ang sarap talaga ng tubig dito!” bulalas ni Aire.
“Pero alam mo bang minsan lang may pumunta rito?”
“Bakit?”
“Takot kasi ang mga tao sa dagat. Dala na rin ng kasaysayan.”
“Paano?”
“Ilang daang taon na, may mga pirata galing sa timog ng daigdig na dumaong dito. Maraming namatay sa pagsagupa ng mga taong ‘yon. Ginawa nilang alipin ang mga babae at sundalo ang mga lalake. Nagkaroon ng tatlong rebelyon. Natalo ang mga taga-Buen Aire sa una, saka nagwagi sa pangalawa at pangatlo. Simula noon, sinara ng Buen Aire ang sarili sa mundo. Hindi na rin ito naging sentro ng kalakalan. Kumikita pa rin ang bayan sa pagbebenta ng mga prutas at gulay, pati na rin mga sandata ng ginagawa ng mga panday. Lahat ng tao rito ay marunong lumaban gamit ang sandata at makipagbuno - babae man o lalake.”
“Magaling! Pero paanong naging tahimik na kaharian ang Buen Aire?”
“Ang dinastiya na rin ang nagsara sa buong kaharian. Kadalasan na tinataboy ng mga tao ang mga dayuhan. Mapalad ka at pinapasok ka.”
“Siguro nga. Hitsura ko pa lang, papasa na.”
“Oo nga, e.”
Natigilan si Milo. Winisikan siya ni Aire. “Ano ulit ‘yon?”
“Wala. Wala ‘yon. Maligo na lang tayo.”
Nagbasaan silang dalawa. Sa hindi inaasahang pagkakataon, napadapa si Milo kay Aire. Inangat ni Milo ang ulo niya at tumingala siya. Nakita niya ang pagkislap ng mga mata ni Aire. Sa isang iglap, nakita niya ang kalawakan sa mga mata niya. Winisikan ulit siya ng tubig sa mukha, at saka nawala sa alaala niya ang mga nakita. Pagkatapos, umahon na silang dalawa. Nagpunas na silang dalawa at nagbihis. Hinubad ni Aire ang tapis sa ilalim. Lumingat si Aire upang ‘di makita ang katawan ng amo.
Bawat paghampas ng alon ang siyang nagdidikta ng nararamdaman ng dalawa sa isa’t isa. Parang silim na sinasakluban ang daigdig upang itago ang sangkalupaan. Kapwa sila hindi tumitingin sa isa’t isa habang naglalakad sa kakahuyan. Mga lagaslas ng tubig mula sa ilog na rin ang nagpapatahimik sa kanilang dalawa. Pinili na lang nilang itulog ang pagnanasang nag-aapoy. Ngunit hanggang kailan nila kayang itago ang apoy na siyang nakikisali sa mga lamparang maliwanag?
***
Naghahanda na ang kastilyo ng Hari na si Valentín para sa piging ng buong bayan. Gaganapin ito sa plaza kung saan maghahandog muli ng awit ang buong bayan sa mga diyos. Nag-eensayo na si Milo sa pag-awit habang naliligo sa batis. Nasa katabing sapa naman si Aire at doon naliligo. At dahil pahinga rin ng amo niya sa pagbebenta sa mercado, wala rin siyang trabaho.
Naririnig ni Aire ang boses ni Milo. Naninindig ang mga balahibo niya sa kaba. Nakakatawag ng pansin sa mga ibon ang tinig ng kaniyang amo. Nagulat siya sa nakikitang kumpulan ng mga ibon sa mga sanga. May iba na paikot na lumilipad sa ulunan ni Milo. Natapos na ito at umahon na rin siya. Pagkauwi sa bahay, pinahanda na ni Milo ang mga kamanyang, pulbo ng azafrán, at isang bote ng nardo kay Aire.
“Saan ilalagay ang mga ‘to, Milo?”
“May kahon na tatlong lalagyanan sa bulwagan. Doon mo ilagay.”
“Sige.”
Nilagay niya na ang maliliit na banga sa kahon, nakita ang isang cartera na may lamang aklat. Pinigilan siya agad ni Milo nang akmang bubuksan niya na ito.
“Hindi mo maaaring basahin ‘yan, Aire! Hindi ka vistador o isang diyos. Bawal!” Kinuha ni Milo ang libro at cartera.
Umalis na silang dalawa at isa-isang bumabati ng “magandang araw” ang mga kapitbukid ni Milo. Maaaya ang mga pagbati at may mga nagpapasalamat din kay Aire. Kumakaway siya at kumakaway din ang mga kababaihan sa kaniya.
Binuksan na ni Milo ang pinto ng dambana. Pinapasok niya ang mga nais manalangin. Binabasbasan niya ng nardo ang pader. Nagpatulong siya kay Aire upang magningas ng mga sinibak na sanga ng cipres sa isang malaking kalis. Nang umusok na ito, saka niya pinaghalo ang kamanyang at pulbo ng azafrán. Humalimuyak ito sa buong dambana. Mas maraming tao ang pumasok upang manalangin. Nagsimula na sa ritwal si Milo.
Nagdadasal din si Olympus. Nababahala siya sa napanaginipan niya. Nakikipaghalikan siya sa panginoong si Ganador at nakikipagpalit ng anyo sa kaniya. Ang masamang bahagi ng panaginip niya, pinatay niya si Milo. Nakatitig siya kay Milo habang nagmumuwestra ng mga kamay sa ere. Sinusundan niya ang mga kumpas at galaw. Nagkatinginan silang dalawa ni Aire. Nakita niyang naging kasingdilim ng gabing maraming tala ang mga mata nito - naging isang malaking kalawakan. Kumurap siya at nawala ang kaniyang alaala sa nakita. Sa isang pilantik nito, bigla na lang siyangnawalan ng ulirat. Nagsigawan ang mga tao. Napalingon si Milo at pinuntahan niya upang alamin kung sino - Si Olympus.
Ginawa ni Viento ang kapangyarihang siya lang ang nakakaalam sa lahat ng diyos. Ginamit niya ang lakas ng kalawakan at ang kaluwagan nito upang makita ang totoong pakay ni Olympus kay Milo. Ang kapalit nito ay pagkahimatay at saglit na pagkalimot. Nalaman niyang may binabalak ang kapatid na si Ganador. Gagamitin niya ang katawan nito upang dakipin si Milo.
Tinapik-tapik ni Milo ang mukha ni Olympus. Nagising agad ito. Bumungad sa kaniya ang mukha ng dalawa. Inalalayan siya ni Aire at ikinuha ng mauupuan.
“Cómo estás, Olympus?” Tanong ni Milo. Pinakuha niya na rin ng tubig si Aire.
“Bien, bien.”
“Bigla ka na lang nahimatay kanina.”
“Pagod lang din siguro,” pagsisinungaling niya.
“Alam ko. Hindi lang katawan mo ang napagod. Isip mo rin.”
“Maaari ba akong makipag-usap sa salón de confesión?”
“Sige.”
Pagkabalik na pagkabalik ni Aire, inutusan siya ni Milo na maghintay sa labas.
Uminom ng tubig si Olympus. Sa bawat daloy ng tubig sa katawan, hindi niya maiwasang isipin ang nangyari. Hinila ni Milo ang isang pinto na nasa sahig sa likot ng altar. May lagusan ito. Pinababa niya si Olympus. Pinaliko niya ito sa isang pasilyo sa kaliwa. Pinapasok siya nito. Nagbukas ng dalawang sulo si Milo. Pumasok na sila sa salón de confesión. Kumuha naman si Milo ng isang kuwaderno. Doon niya isusulat lahat ng salaysay ni Olympus. Pinaupo niya na rin ito sa tapat niya.
“Magsisimula na tayong dalawa. Magdadasal muna ako sa panginoong si Veritas. Kung alam mo ang dasal, maaari mo akong sabayan.”
“Oo, Milo.”
A la luz del día, va a decir la verdad.
Desde la garganta hasta la boca, le prometo.
Por los dioses no quieren mentir, voy a confesar.
Por la diosa Veritas, voy a creen en mis palabras.
Nada de nada, yo prometo solamente la verdad.
Tumikhim si Milo. “Ano ang maipaglilingkod ko?”
“Nais ko sanang aminin ang isang kahindik-hindik na panaginip. At nais ko rin pang humingi ng sagot sa panaginip ko.”
“Maaari mong bang isalaysay ang mga naaalala mo?”
“Tatlong gabi na ang nakakalipas nang managinip ako. Nag-uusap kami ni Ganador sa gitna ng gubat. Ang plano niya ay ipapatay ka, Milo. Kasama rin si Aire sa panaginip, pero kamukha niya ang panginoong Viento Visto. At dahil may kapangyarihang manggaya o mag-iba ng anyo si Ganador, ginagaya niya ang hitsura ko. Ginamit niya rin ang kahinaan ko dahil sa pag-ibig ko sa iyo noon hanggang ngayon. Tapos, si Aire at Ganador ang nagtalo. Nakadapa ako sa gitna ng gubat. Naghahabulan naman sila sa kakahuyan. Nagapi ni Aire si Ganador, pero nasusunog ang mga pakpak nito.”
Hindi alam ni Milo kung saan magsisimula. Alam niya kasi ang ibig sabihin nito - isang diyos ang magkakatawang-tao o mamamatay ang diyos na ito dahil sa pagmamahal sa isang tao. Magsisimula ang isang digmaan sa pagitan ng dalawang diyos at ito rin ang maghuhudyat ng isang malaking pagbabago sa buong Sierra Alta. Sa kabila nito, may isang taong madadamay sa lahat nang mangyayari.
“Milo, ako ba ang taong sinasabi sa sarili kong panaginip?”
“Ginawa kang isang mensahero, Olympus. Sabihin mo sa akin lahat ng napanaginipan mo. Titingnan ko kung ano ang magagawa ko.”
“Salamat, Milo.”
“Walang anuman.”
Sinamahan muna ni Milo si Olympus paakyat saka siya bumalik sa silid-aklatan sa ilalim. Isang vistador menor na naman ang mawawala sa kasaysayan. Siya na ang susunod na mawawala sa alaala ng taumbayang pinaglilingkuran niya.
Marami na sigurong nagtataka kung bakit mga vistador menor ang madalas na dinadakip ng mga dayuhan, diyos, at ginagawang asawa. Ang kaharian ng Dacia ang dahilan kung bakit madalas na ginagawang pamalit o pinagbibili ang mga vistador. Noong unang panahon, puro babae ang mga nagiging vistador menor. Isang prinsesa na nagngangalang Gaia ang sumuway sa planong pag-iisang dibdib nila ng prinsipe mula sa kaharian ng Turcia - si Erdonin. Kapalit nito, naghanap siya ng makikitang magandang dilag. Doon niya nakita ang vistador menor na si Valencia. Dinakip niya ito at inilayo sa pamilya. Ikinasal sila sa kaharian at hindi na bumalik pa. Ganoon din ang piniling gawin ng iba-ibang prinsipe na tinanggihan ng prinsesa. Naghimagsik ang mga kalalakihan. Patago silang nag-aral ng pakikidigma kasama ang kanilang mga anak at mga asawa upang protektahan ang ika-limampung vistador menor na si Maridona. Ang bilang na limampu ay nangangahulugang pagtatama sa gitna ng lahat ng bahay sa mga Daciano. Makikitang hindi nakakabalik nang buhay ang mga hari, prinsipe, at mga maharlika. Nanalo rin sila sa mga digmaan. Napagdesisyunan ng mga maharlika, taumbayan, at ng palasyo ang pagtatalaga ng mga lalaking mukhang babae upang maging vistador menor at vistador mayor. Ang mga karatig na kaharian sa timog-silangan - Buen Aire, Ceutilla, Bardoza, Frontera de Jerez, Lisbona, Oporto Veijo, at Franquía - ay nagsisunod sa repormang pinangunahan ng Dacia sa kabilang ibayo.
Sa Buen Aire ilang libong taon na ring nagiging pangulo ng estado ang isang babae, nagkakasal ng mga taong pareho ang kasarian, pagbibigay ng mga mahahalagang posisyon sa pamahalaan sa mga babae, at nawala ang mga bagay na nagpapababa ng moral ng isang tao.