Kabanata Dalawa

1452 Words
“Ate Essa, saan ka galing?” Sinamaan kaagad ako ng tingin ni ate Essa pagkatapos ko iyong tanungin sa kaniya. Umaga na at paggising ko ay siya ang una kong nakita paglabas ko ng kuwarto. Siguro ay doon na naman siya natulog sa kaibigan niyang babae. Marami kasing kaibigan si ate Essa dahil iyon ang gusto niya, gusto niya na marami siyang kasama. Ang hindi niya lang gusto ay iyong pinakikialaman siya. Inirapan lamang ako ni ate Essa pagkatapos niya akong samaan ng tingin. Nakatayo ako sa may gilid ng pinto kaya naman noong pumasok siya ay bumangga siya sa akin at tumama ang hita niya sa aking hita. Napadaing ako dahil naging pasa na iyong ginawa sa akin ni tita Carol kagabi. Hindi ako masyadong nakatulog dahil kumikirot ang hita ko. Walang nakaaalam sa ginawa ni tita Carol bukod kay kuya Joseph. Madaling araw na rin ‘ata nakauwi si tatay dahil matagal pa bago ko narinig ang pagbukas ng pinto ng bahay noong pumasok na ako sa maliit naming kuwarto. “Magandang umaga po, Ate Jessa.” Napalingon ako kay Adriel na nagkukusot pa ng kaniyang mga mata. Maaga pa ngunit may pasok kasi ako ngayong araw kaya gising na ako. May pasok din si Adriel ngayon at parehas kami ng eskuwelahan na pinapasukan. “Magandang umaga rin, Adriel!” Ngumiti ako nang nag-angat siya ng tingin sa akin. “Ligo na, may pasok pa tayo!” Tumango-tango ang kapatid ko sa akin at nginitian din ako pabalik. “Opo, Ate!" Mas lalong lumaki ang ngiti ko at pinanood si Adriel na tumakbo papasok sa loob ng aming banyo para makaligo. Palaging excited si Adriel na mag-aral, at ganoon din ako. Kahit nahihirapan kami dahil nilalakad lang namin papuntang eskuwelahan ay okay lang. Medyo malayo ang aming eskuwelahan sa aming bahay at kailangang sumakay pa ng tricycle para makarating doon, ngunit dahil wala kaming pera para magbayad sa tricycle ay nilalakad na lang naming dalawa ni Adriel ang daanan papuntang eskuwelahan. Kaming dalawa lang ang palaging magkasama dahil hindi naman sumasabay sa amin sina kuya Joseph at ate Essa. “Tatay,” tawag ko kay tatay nang matapos na ako sa pagbibihis ng uniporme kong maliit na ang sukat sa akin. Hindi naman kasi talaga sa akin ito at pinaglumaan lamang ni ate Essa. Kahit ang uniporme ay wala kaming pambili. Nakaayos na kaming dalawa ni Adriel. Imbes na sapatos, tsinelas ang suot namin. Hindi rin kami nakabili ng sapatos dahil palaging sinasabi ni tatay na wala siyang pera para makabili ng ganoon. Lumingon sa akin si tatay, kita ang irita sa kaniyang mga mata. “Bakit?” kahit ang boses niya ay naiirita rin. “P-Puwede p-po bang humingi ng baon?” Nagdalawang-isip na tuloy akong sabihin iyon dahil alam kong galit si tatay. Ngunit kailangan kong subukang manghingi para may maibili kaming pagkain ni Adriel mamaya. Alam kong may pera si tatay. Ngunit may pera man siya o wala, hindi pa rin naman siya nagbibigay ng baon. Ngunit ngayon, may kakaibang nangyari. Nanlaki ang mga mata ko nang dumukot si tatay sa kaniyang bulsa at nagbigay ng sampung piso sa akin! Kahit kailan ay hindi siya nagbibigay, lalo na kapag nariyan si tita Carol. Natutulog pa si tita Carol kaya wala pa siya rito sa may sala. “Ayan lang ang kaya kong ibigay, wala na akong idadagdag diyan,” malamig ang tono ng boses ni tatay ngunit hindi ko na pinansin pa iyon. Mas masaya ako dahil nagbigay siya! Makabibili kami ng biscuit ni Adriel mamayang recess. “Salamat po, Tatay! Aalis na po kami ni Adriel,” sagot ko at tumalikod na para makalabas ng bahay. Ngiting-ngiti ako nang lumabas ng bahay. Maglalakad lang kami ulit ni Adriel ngayon at nakakapagod ngunit okay lang. Ang mahalaga ay makabibili kami ng pagkain. Palagi kasi kaming hindi kumakain ni Adriel kapag nasa eskuwelahan dahil wala kaming pambili. Mabuti nga at kahit papaano’y may nagbibigay kay Adriel, iyong mga mababait niyang kaklase. Grade 2 na ako habang si Adriel naman ay nasa kinder pa lang. Malapit lang ang classroom ko sa kaniya kaya naman madali ko lang siyang napupuntahan. Hindi rin ganoon kalaki ang eskuwelahan at kaunti lang ang mga nag-aaral. Kilala ko nga rin iyong mga nag-aaral doon kahit ibang grade sila dahil ang iba ay nakatira lang din sila malapit sa bahay namin. “May project ako na ipagagawa sa inyo,” sambit ng magandang teacher namin na si teacher Ria. “Kailangan niyo ng folder, bond paper at pentel pen. Dapat maganda ang gawa niyo, okay?” Ngumiti si ma’am habang inililibot ang mga mata sa amin. “Kailangang gumupit kayo ng mga pictures ng iba’t-ibang animals at alamin ang description nila. Ididikit niyo ang pictures sa bond paper at doon din magsusulat. Kahit anong design, puwede. Basta huwag kalilimutan ang mga animal.” Pagkatapos magpaliwanag ni teacher Ria ay maingay na ang mga kaklase ko. Pinag-uusapan nila ang gagawin nila sa project na pinagagawa ni teacher. Ako naman, iniisip kung makahihingi ba ulit ng pambili ng gagamitin kay tatay. Kasasabi niya lang kanina na hindi niya na ako mabibigyan... “Adriel!” Inabot ko sa kapatid ko ang isang piraso ng biscuit. Kulay itim iyon at may palaman sa gitna na kulay gatas. Ito ang napili kong bilhin sa canteen dahil ito ang pinakamura. May natira pang limang piso sa akin para makabili ng palamig na paghahatian din naming dalawa ng bunso kong kapatid. “May pera ka po, Ate?” tanong niya habang nginunguya nang mabuti iyong binigay ko sa kaniya. Tumango naman ako. “Oo, nanghingi ako kay Tatay at binigyan niya ako. Bibili ako ng palamig mamaya para may maiinom tayo.” Iyon ang ginawa ko. Bumili ako ng palamig at naghati rin kami ni Adriel doon. Nang mag-uwian, hinintay ko si Adriel sa labas ng kaniyang room. “Oh, ‘di ba panalo ako? Akin na ‘yung pera niyo!” Napalingon ako sa mga nagtatawanan sa malayong gilid ko at nakita roon si kuya Joseph kasama ang mga kaibigan niya. Lima silang naglalaro at naghahagis ng barya sa lupa. Hindi ko alam kung anong tawag sa ganoong laro pero kapag ikaw ang nanalo, sa’yo na ang lahat ng pera ng mga kalaro mo. Alam kong naglalaro ng ganoon si kuya. Alam ko ring masama iyon at ipinagbabawal iyon ng mga teacher pero marami pa ring naglalaro ng ganoon kahit dito sa school. Magkakaroon ka kasi ng pera kapag maglalaro ka noon, pero kailangan may pera ka rin dahil parang pustahan iyon. “Kuya Joseph!” tawag ko sa kaniya nang umalis na ang mga kalaro niya. Lumingon siya sa akin ngunit hindi niya talaga ako pinansin. Binibilang niya iyong pera niya at naglalakad na siya palabas ng school. Bumagsak ang mga balikat ko, balak ko sanang manghingi sa kaniya ng pambili ko noong para sa project ko… Hindi ko alam kung saan ako manghihingi ng pambili, pero susubukan ko kay tatay mamaya. “Ate Jessa, tara na po!” Hinawakan ni Adriel ang kanang kamay ko. Nakapapagod ang maglakad ngunit hindi ko na pansin iyon dahil si Adriel ang kasama ko. Marami kasi siyang mga kuwento tungkol sa nangyari sa loob ng room nila kaya hindi alintana ang layo ng paglalakad namin tuwing umuuwi kami. Ang lubak-lubak na daanan ay mahirap lakaran ngunit nakasasanayan na lang din namin. Hindi lang naman kami ang naglalakad dito, may iba rin kaming kasama na mga nag-aaral din doon sa eskuwelahan. Pagdating sa bahay ay agad kong nilapitan si tatay. “Tay, puwede po ba akong manghingi ng pera sa inyo?” Tinignan lamang ako ni tatay. Hindi siya ang sumagot, kung hindi si tita Carol na lumabas mula sa aming maliit na kusina. Bigla akong nakaramdam ng kaba na hindi ko naman nararamdaman kanina. “Para saan ang perang hinihingi mo? Akala mo ‘ata mayaman ang tatay mo, ha!” bayolenteng reaksyon ni tita Carol. Nanginig ang aking mga mata. “K-Kailangan ko lang po ng pambili ng gagamitin ko po para sa p-project...” “Talaga ba? O baka para may panglaro ka riyan sa labas!” Umiling ako nang paulit-ulit. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang naiisip ni tita Carol, alam ko ring hindi naman iyon ang totoo. Ngunit maniniwala kaya sa akin si tatay? “‘Nak,” tawag sa akin ni tatay na nilingon ko kaagad. “Pasensya na muna at walang pera si tatay ngayon. Hindi kita mabibigyan.” Iyon ang sabi ni tatay, ngunit nakita ko siyang binigyan ng pera si tita Carol kinagabihan, at iyong perang ibinigay niya sa bago niyang asawa, pinangbili lang ng alak at uminom kasama ang mga kaibigan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD