Kabanata Tatlo

1931 Words
Panay ang paglagas ng mga dahon ng punong kanina ko pa tinitignan sa tapat ng kinauupuan ko. Hindi ko alam kung ano ang tawag doon sa puno, ngunit malaki iyon at mayabong ang mga sanga. Ang nahuhulog na mga dahon ay kulay kayumanggi, siguro ay dahil patay na ang mga dahon na iyon at kailangan nang magpalit ng mga panibagong dahon. Sa lakas din ng hangin ay sumasayaw ang mga sanga noong puno at ng iba pang mga puno na nasa paligid nito. Ngunit kahit gaano pa kalakas iyong hangin, hindi nito mapatutumba ang matayog at mayabong na puno... At hinihiling ko na sana, ganoon din ako–malakas, hindi nagpapatinag sa kahit anong problemang dumarating at darating sa akin. “Huy, Jessa!” Nawala sa aking bibig ang mga daliri ko na nginangatngat ko kanina. Nag-angat ako ng tingin mula sa pagtingin ko sa puno para makita kung sino iyong tumawag sa akin at humampas sa aking kamay. “Ate Essa.” Ngumiti ako kay ate Essa at umurong nang kaunti mula sa aking kinauupuan para mabigyan siya ng espasyo. Tinapik ko ang gilid ko, pinatatabi siya sa akin. Ngumiwi muna si ate sa akin bago umupo sa tabi ko. “Kadiri ka naman, Jessa! Malinis ba ang kuko mong ‘yan? Bakit mo nginangatngat!” Umirap si ate Essa at mas lalong ngumiwi. Napakamot naman ako sa tuktok ng aking ulo at tinignan iyong mga daliri ko. Sa ilalim ng aking mga matutulis na kuko ay may mga duming nakasiksik. Kumunot ang aking noo at napangiwi rin. Marumi nga ang mga daliri ko. Lalo na iyong nginangatngat ko kanina. Bumuntonghininga ako at inalis na ang mga mata sa aking mga kuko. Mamaya ay maghuhugas na lang ako nang mabuti ng aking katawan pati na rin ng mga daliri ko. Iminuwestra ni ate Essa ang mga daliri niya sa harapan ko. “Tignan mo ‘yung mga kuko ko. Ang ganda, hindi ba?” Nagtagal ang titig ko sa mga kuko ni ate Essa at pinakatitigan nang mabuti iyon. Maganda nga ang mga kuko niya. May kulay kasi iyon na lila at may design pang mga heart sa bawat kuko. Matutulis din ang mga kuko ni ate Essa kaya naman kitang-kita ang disenyo naka-drawing sa kaniyang mga kuko. “Sinong gumawa niyan, Ate Essa?” tanong ko at tumingin sa kaniya. Ngumisi siya at iginalaw ang kaniyang mga daliri. “Doon sa nanay ng kaibigan ko.” “Nagbayad ka?” “Malamang!” Humalukipkip si ate Essa at inirapan akong muli. “Ang mahal nga ng bayad ko rito. Pero okay lang, maganda naman, eh.” Bahagyang kumunot ang noo ko sa narinig. May pera si ate Essa. Ibig sabihin, kapag nagsabi ako sa kaniya na kailangan ko ng pera para makabili ng materyales para sa aking project, malaki ang posibilidad na mabigyan niya ako ng pambili. Pero bago ko iyon sabihin, gusto ko munang malaman kung saan niya nakuha ang pera niya. Binigyan kaya siya ni papa? Pakiramdam ko ay may tumusok sa aking dibdib sa naisip na iyon. Hindi naman siguro masama kung iisipin ko na ayaw kong bigyan ng pera ni papa si ate Essa, hindi ba? Ako nga ay hindi niya binigyan ng pera. “Saan mo nakuha ang pera mo, Ate?” “Wala ka na roon,” mataray na sambit ni ate Essa at sandaling ibinaling sa akin ang mga mata bago ibinalik sa kaniyang mga kuko. Sabi ko na nga ba. Hindi sasabihin ni ate kung saan siya naka delihensya ng pera. Siguro ay rumaket na naman siya roon sa may mga nagtitinda sa gilid ng simbahan na nadaraanan namin ni Adriel sa tuwing pumapasok kami sa eskuwelahan. Bumuntonghininga akong muli. Hindi ko na alam kung gusto ko pa bang hingian ng pera si ate Essa, pakiramdam ko kasi ay hindi naman siya magbibigay. Lalo na at pera ang pinag-uusapan. Pero… Mahalaga naman ang paglalaanan ko ng pera kung sakaling bibigyan niya ako. Wala namang masama kung susubukan ko. Ibinuka ko ang aking bibig para sana magsalita, ngunit hindi ko iyon natuloy nang bigla na lamang tumayo si ate Essa at ipinagpag ang mga kamay sa kaniyang shorts. Narinig ko ang malakas niyang buntonghininga at alam kong iiwan niya na ako. Bago pa man siya makaalis ay nagsalita na ako, “Ate Essa, sandali lang!” Nakatalikod na sa akin si ate Essa. Nilingon niya ako nang nakakunot ang noo at halata ang iritasyon sa kaniyang mukha. Nanginig ang aking mga labi at bumilis ang t***k ng aking puso dahil sa nakikitang ekspresyon. Parang ayaw ko na lang ituloy ang sasabihin ko. “Ano ba ‘yon, Jessa? Bilisan mo at nagugutom na ako, gusto ko nang kumain.” Tumango ako at tumayo sa aking kinauupuan, kumukuha ng lakas ng loob para bigkasin ang gusto kong sabihin. Nasa dulo na iyon ng aking dila at hinihintay na lang na mailabas ng aking bibig. “P-Puwede ba akong manghingi sa p-pera mo, Ate? May p-project kasi kami at mayroong mga kailangang bilhin–” Malakas na humalakhak si ate Essa na naging dahilan para tumigil ako sa pagsasalita. Kumunot ang noo ko at hindi na muna ipinagpatuloy ang sinasabi. Hinintay kong humupa ang pagtawa ni ate Essa. Wala namang nakatatawa sa sinabi ko ngunit heto siya sa tapat ko at tawang-tawa sa hindi malamang dahilan. “Tanga!” sigaw niya pagkatapos ng kaniyang malakas na paghalakhak. “Aral-aral ka pa riyan! Wala nga tayong pambili ng uniporme, para sa project mo pa kaya! Huwag ka na mag-aral!” Tumalikod na si ate pagkatapos niyang sabihin iyon. Parang may tumusok na naman sa aking dibdib ngunit hindi ko na ininda iyon at hinabol si ate na ngayon ay naglalakad na pauwi sa bahay namin. Unti-unti nang napalitan ng dilim ang liwanag, hudyat na sasapit na ang gabi. Naramdaman ko ang paggalaw ng mga bulate sa loob ng tiyan ko, ngunit hindi ko rin muna pinansin iyon. Bago pa man kami makarating ni ate Essa sa bahay namin ay hinawakan ko ang kaniyang braso at tumingala sa kaniya. Mas matangkad siya sa akin dahil mas matanda siya. “P-Pero ang sabi mo ay may pera ka,” bulong ko. “Baka p-puwedeng bigyan mo naman a-ako–” Sa pangalawang pagkakataon, hindi ko na naman natapos ang sinasabi ko dahil malakas akong itinulak ni ate Essa na naging dahilan para bumagsak ako sa lupa. Nadaganan ko ang aking kaliwang braso at napangiwi ako dahil sa sakit at hapding naramdaman. “Tumigil ka nga, Jessa,” inis na sambit ni ate Essa at pumalatak ang kaniyang dila. “Sabi ko sa’yo, huwag ka na mag-aral! Wala rin namang patutunguhan ‘yang pag-aaral mo! Tignan mo, sa susunod na taon, patitigilin ka na ni papa dahil wala siyang pera! Tignan mo ako, inunahan ko na siya. Bago pa man niya ako masabihan na tumigil na sa pag-aaral, inunahan ko na.” Ngumisi siya at padabog akong tinalikuran. Isang buntonghininga ang pinakawalan ko at sinubukang tumayo mula sa pagkakabagsak gawa ng pagtulak ni ate Essa sa akin. May hapdi akong naramdaman sa gilid ng aking kaliwang braso, tinignan ko iyon para makita kung may sugat ba. Mayroon nga. Marahan kong pinagpag ang braso ko dahil bukod sa nagkaroon iyon ng sugat na mahapdi ‘pag hinawakan, mayroon ding mga dumikit na dumi mula sa semento. Kinusot ko ang aking mga mata nang maramdaman ang pagtutubig noon. Nasa tapat na ako ng bahay at nakasarado naman iyon, ngunit ayaw kong maabutan ako ni papa o kaya naman ay ni tita Carol na ganito ang itsura. Tumunog ang pinto ng aming bahay at lumabas mula roon si Adriel. Napangiti ako nang malaki nang makita ang masaya niyang ekspresyon. “Ate Jessa! Tara na po, kain na po tayo habang wala pa sina tita Carol at Papa. Baka maubusan na naman po tayo ng ulam kapag dumating na sila,” saad ni Adriel at hinawakan ang aking kanang kamay para hilahin ako papasok sa loob ng bahay. Ngumiti ako, tumango, at nagpatianod sa kaniya. “Kaunti lang ang kunin mong ulam, Jessa, ha.” Pinanlakihan ako ng mga mata ni ate Essa. “Kung ayaw mong mapagalitan ka ni Papa at mapalo na naman ni tita Carol.” Tumango ako at binawasan ang kinuhang ulam. Kaunti lang naman ang kinuha ko ngunit mas mabuti nang hindi ako mapagalitan nina tita Carol at papa dahil tama si ate Essa, ako na naman kasi ang mapupuruhan kung sakali. At ayaw ko nang mapagalitan pa ulit. Ilang taon lang ang tanda namin ni ate Essa sa isa’t-isa, ngunit parang sobrang laki ng agwat niya sa akin dahil sa kilos at galaw na ipinapakita niya. Para bang sampung taon ang tanda niya sa akin kahit na ang totoo ay hindi naman. Pakiramdam ko rin ay kahit na tinatarayan niya ako, may malasakit pa rin siya sa akin bilang kapatid, sa aming dalawa ni Adriel. Isa na sa patunay ay iyong pinaaalalahanan niya ako tungkol kay papa at tita Carol. Mas lalong lumaki ang ngiti ko habang nginunguya ang pagkain. “Hoy, Jessa, para kang tanga!” saway ni ate at umambang hahampasin ang kamay ko ng kutsara. “Anong nginingiti mo riyan?” Umiling ako. “Wala naman, Ate Essa. Masaya lang ako.” “Tss.” Umirap ang nakatatanda kong kapatid at hindi na sumagot. Sapat na siguro ito sa ngayon. Hindi man buo ang pamilya namin, narito naman si ate Essa at Adriel na kasama kong kumakain ng hapunan. Ang sabi nila, masama raw ang maghangad ng sobra. Kaya rito pa lang, malaki na ang pasasalamat ko. Sa sumunod na araw ay kinailangan ko namang harapin ang problemang hindi ko alam kung paano masosolusyunan. Kumatok ako sa pinto ng faculty room ng teacher namin na nagpapagawa noong project na kailangan ng mga materyales. Nang buksan ko iyon ay inilibot ko ang aking mga mata sa buong faculty, walang ibang tao bukod doon sa teacher ko. “Oh, Jessa. Ikaw pala ‘yan,” sambit ni teacher Ria at ngumiti sa akin. Nakaramdam ako ng kagaanan sa aking dibdib nang makita ang ngiti ng teacher ko. “Good morning po, Ma’am…” “Anong maipaglilingkod ko sa iyo sa umagang ito?” ngiti ni ma’am sa akin. Hindi ko alam kung paano sasabihin ang problema ko. Tinignan ko si ma’am at hindi man lang nawala ang mga ngiti niya habang tinitignan ako at habang hinihintay ang sasabihin ko. Dahil doon, sinabi ko sa sarili ko na mas kailangan kong lakasan ang loob ko. Hindi ko puwedeng paghintayin si ma’am dahil siguradong marami siyang ginagawa. “Ma’am, g-gusto ko po sanang sabihin na baka h-hindi ko po m-magawa iyong p-project po na p-pinapagawa ni’yo…” Yumuko ako. Bahagya akong nagulat nang hawakan ng teacher ko ang aking braso. Sa sobrang lambot at dahan ng pagkakahawak niya, hindi ko naiwasan na tignan iyon. “Bakit naman?” isang haplos mula kay ma’am ang naramdaman ko bago niya ipinagpatuloy ang pagsasalita, “May problema ba sa bahay ninyo, Jessa?” Kaagad akong umiling. “W-Wala naman po, Ma’am!” Unti-unting humina ang boses ko sa mga sumunod kong sinabi, “W-Wala lang po akong perang pambili ng materyales para po roon sa project… Wala po kaming pera.” “Hm. Ganoon ba?” Tumango-tango si ma’am at inalis na ang palad sa aking braso. “Paano kung ibili kita ng mga materyales para makagawa ka noong project?” Ngumiti si ma’am. Sa puntong iyon, pakiramdam ko ay nakakita ako ng anghel na nanggaling mismo mula sa langit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD