Kabanata Apat

1811 Words
“Wow, ang ganda naman po rito!” Manghang-mangha ako habang nakatingin sa mga makukulay na lapis na nakalagay sa kanilang mga lagayan. Hindi ko alam kung lapis ba ang tawag sa mga iyon, ngunit nakita ko na ang mga ganoon sa mga kaklase ko. Sa tuwing pinapaguhit kami ng mga teacher namin, inilalabas nila ang mga iyon sa kanilang bag. Ako naman, ang gamit ko lang ay ang mga krayola na pinaglumaan ni ate Essa. Putol-putol na ang mga iyon ngunit nagagagamit pa naman. Narinig ko ang mahinang pagtawa ni teacher Ria mula sa aking likuran. Napalingon tuloy ako sa kaniya para makita kung ano ang ikinitawa niya. Nakita ko siyang nakatingin sa akin habang nakangiti. “Ngayon ka lang ba nakapasok dito, Jessa?” tanong niya habang nakangiti pa rin. Nakatayo siya kanina ngunit ngayon ay bahagya na siyang nakaupo at lumebel sa akin. Tumango ako sa kaniyang tanong. “Opo, teacher!” Inilibot ko ang aking mga mata sa loob ng kuwarto na punong-puno ng iba’t-ibang mga gamit na nakikita ko lamang sa mga kaklase ko noon. Iyong iba na narito ay hindi ko alam ang tawag. “Hindi pa po ako nakapapasok sa ganitong lugar dahil wala naman po akong kasama. Si tatay po ay gabi na kung umuwi galing sa trabaho.” “Ganoon ba? Sige at pumili ka na ng kahit anong gusto mo riyan. Iyong magagamit mo para sa project,” sambit ni teacher Ria at tinanguan ako. Tumango rin akong muli at ibinigay na ang buong atensyon sa mga makukulay na lapis na nasa harapan ko. Hindi ko alam kung saan magsisimulang tumingin dahil hindi ko rin alam kung anong gusto ko. Ang dami kasing magaganda! Paano kaya ako makapipili? “Hmm,” bulong ko habang tinitignan nang mabuti ang mga lapis. Nawala ang atensyon ko sa aking harapan nang umupo si teacher Ria sa gilid ko. Nakangiti pa rin siya ngunit hindi na siya nakatingin sa akin at doon na sa mga lapis. “Ito.” Itinuro niya isang medyo malaking box na punong-puno ng mga makukulay na lapis. “Gusto mo ba nito?” Napasinghap ako at tatango na sana ngunit hindi ko itinuloy nang may maalala. Tinignan ko iyong hawak ni teacher Ria at saka nagsalita, “Baka mahal po iyan, Teacher… Wala po akong pambayad.” Kaagad na umiling si teacher Ria sa sinabi ko. “Hindi mo naman kailangang magbayad, bibilhin ko ito para sa iyo.” “Pero–” Hinawakan ni teacher Ria ang isang kamay ko gamit ang kamay niyang hindi nakahawak doon sa box ng mga lapis. “Ito na ang bibilhin ko para sa iyo, Jessa. Halika na at bumili na tayo ng iba mo pang gagamitin.” Isang tango ang ibinigay sa akin ni teacher Ria bago niya marahang hinila ang aking palapulsuhan. Sumunod naman ako sa kaniya, bumaba ang mga tingin ko sa hawak niyang box at hindi ko maiwasan ang mapangiti. Kakaibang tuwa ang nararamdaman ko ngayon dahil sa nangyayari. Hindi ko alam na ganito ang mangyayari, at lalong hindi ko inaasahan na bibilhan ako ni teacher Ria dahil alam kong hindi niya obligasyon na gawin ito. Umangat ang tingin ko kay teacher Ria. Naglalakad pa rin kami at hawak niya pa rin ang palapulsuhan ko. Nakatalikod siya sa akin at siya ang nauuna sa aming paglalakad habang ako naman ay nakasunod sa kaniya. Noong nabubuhay pa si nanay, tinuruan niya kami ng mga kapatid ko na magpasalamat sa mga taong magbibigay sa amin, bagay man ang ibigay o pagkain. Kaya naman mamaya ay magpapasalamat ako kay teacher Ria para sa mga ibibili niya sa akin. “Ria!” Huminto si teacher Ria sa paglalakad kaya naman huminto rin ako sa kaniyang likuran. Sandali niya akong nilingon at nginitian. Sinuklian ko ang ngiti niyang iyon bago lumingon sa taong nasa harapan ni teacher Ria. Isang babae na kasingtangkad ni teacher at mukhang kakilala niya iyon dahil tinawag siya nito kanina. “Kumusta na? Ngayon na lang kita ulit nakita,” sambit noong babae at tinignan si teacher Ria mula ulo hanggang paa. Suot pa ni teacher Ria ang kaniyang uniform at ang kulay itim niyang shoulder bag. Narinig ko ang pagtawa ni teacher Ria. “Oo nga, eh. Ito, nagtuturo na ako sa elementarya.” “Ganoon ba?” Ngumiti iyong babaeng kausap ni teacher Ria. Hindi kalaunan ay dumako ang kaniyang tingin sa likuran ni teacher–sa akin. “May kasama ka pala, sino itong kasama mo?” Naalala ko rin na sinabi ni nanay na ngitian ko ang mga bumabati sa akin, ngunit hindi iyon ang ginawa ko. Sa halip ay nagtago ako sa likod ni teacher Ria at humawak sa laylayan ng kaniyang suot na damit. “Ah.” Tumawa si teacher Ria at sinubukan akong abutin ng kaniyang kamay. “Isa sa mga estudyante ko, si Jessa.” Sinubukan akong paalisin ni teacher Ria sa kaniyang likuran para patabihin sa kaniyang gilid ngunit hindi ko iyon ginawa. Mabuti na lang din at hindi ako pinilit ni teacher Ria, sumuko na rin siya at hinayaan na lang akong kumapit sa kaniyang likod. “Hulaan ko, binibilhan mo siya, ano?” Sumilip ako roon sa babaeng kausap ni teacher Ria at nakita ko itong umiiling. “Hindi ka pa rin pala nagbabago? Paano ka aasenso niyan kung pinamimigay mo ang pera mo para sa hindi mo naman kamag-anak.” Humigpit ang pagkakahawak ko sa laylayan ng damit ni teacher Ria at mas lalong nagtago sa kaniyang likuran. Hindi ko alam kung ano ang gagawin bukod doon kaya naman tinignan ko na lamang ang mga nanginginig kong mga daliri na nakakapit sa damit ng teacher ko. “Huwag ka namang magsalita ng ganiyan, naririnig ng bata,” bulong ni teacher Ria at sa tingin ko, ayaw niya iyong iparinig sa akin ngunit narinig ko pa rin naman. “Bakit? Totoo naman kasi, Ria. Ayan kasi ang problema sa iyo, masyado kang mabait at halos lahat ng kinikita mo ay hindi mo natitikman.” “Mas okay na siguro iyon, kaysa naman sinosolo mo lang ang pera mo at hindi mo ibinabahagi sa iba. Hindi ba at kasakiman ang tawag doon?” Tinignan ko si teacher Ria na panay ang buntonghininga sa gilid ko habang naglalakad kami pauwi sa aking bahay. Tapos na kaming bumili ng mga gagamitin ko para sa project na siya ang nagbayad. Tapos ay ihahatid niya pa raw ako sa bahay namin kaya naman kasama ko siyang naglalakad pauwi. Hindi ko alam kung paano ipaliliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayong hapong ito. Lalo na noong nakiusap ako kay teacher Ria na bilhan din namin ng krayola si Adriel at pumayag siya! Kaya naman mayroon din akong pasalubong para sa bunso kong kapatid na sinabihan ko kanina na mauna ng umuwi dahil may pupuntahan pa ako. “Teacher Ria,” mahinang tawag ko kay teacher. Lumingon naman siya sa akin agad na may malaking ngiti sa labi. “Hm? Ano iyon, Jessa?” “Thank you po sa pagbili po ng mga gagamitin ko po para sa project po na pinagagawa niyo. Iingatan ko po ang mga ito at hindi ko po hahayaan na masira.” Tumango si teacher Ria at mas lalong lumaki ang kaniyang ngiti. “Promise mo iyan, ha, Jessa?” “Opo, Teacher! Promise po!” Ngayon lang ako nagkaroon ng mga ganitong gamit, siguradong iingatan ko talaga ito at hindi ko hahayaan na masira ng kahit na sino man. Ngunit nang maisip ang mga nakatatandang kapatid ay nagduda ako sa pangako ko kay teacher Ria. Baka kasi kunin nila ang mga ito sa akin. Ngunit hindi naman sila mahilig mag-aral, kaya hindi naman nila siguro iyon gagawin… “Teacher Ria, narito na po ang bahay ko po.” Itinuro ko ang bahay namin na nakabukas ang pinto at ang ilaw sa loob. “Pasok po tayo.” Ako naman ngayon ang humawak sa kamay ni teacher Ria para mahila siya papasok sa aming maliit na bahay. Nang makapasok kami ay nakita ko si Adriel na nakaupo sa aming kahoy na upuan habang nag-draw-drawing. Tamang-tama at ibibigay ko sa kaniya ang krayola na binili namin ni teacher Ria para sa kaniya! Masaya akong lumapit sa bunso kong kapatid ngunit natigilan noong magsalita si teacher Ria. “Magandang hapon po.” Noong lumingon ako kay teacher Ria ay hindi naman siya sa akin nakatingin. Sinundan ko ang tinitignan niya at nakita kong si tita Carol iyon. Hindi ko napansin si tita Carol dahil kay Adriel agad tumutok ang mga mata ko. Unti-unti akong nakaramdam ng kaba nang makita ang itsura ni tita Carol. Seryoso iyon at halos walang reaksyon. “Sino ka?” masungit ang tono ng boses ni tita Carol nang sambitin niya iyon. “Ako po si Ria, teacher po ako ni Jessa,” magalang na sagot ng aking teacher kay tita Carol. Kaagad na naiba ang ekspresyon ng mukha ni tita Carol at ngumiti kay teacher Ria. “Ah, ganoon ba? Salamat sa paghatid kay Jessa, upo ka muna.” “Maraming salamat po.” Nag-usap si teacher Ria at tita Carol sa aming maliit na lamesa kung saan kami kumakain. Minsan ay tumitingin ako sa kanilang dalawa, ngunit mas gusto kong panoorin si Adriel na magkulay ng kaniyang drawing. Ibinigay ko na kasi sa kaniya ang krayola na binili namin ni teacher Ria at tuwang-tuwa naman ang kapatid ko. “Ang galing-galing naman mag-drawing ni Adriel!” puri ko sa aking kapatid at pumalakpak pa. Matagal na nag-usap si tita Carol at ang teacher ko. Hindi ko nga alam kung ano ang pinag-uusapan nila dahil hindi ko iyon gaanong maintindihan. Mahina ang kanilang mga boses at parang hindi para sa bata ang usapan nila. Hindi ko alam kung ilang minuto o oras na ang nakalipas bago umalis si teacher Ria sa bahay namin. Pag-alis niya ay nagulat ako nang hilahin ni tita Carol ang buhok ko. “T-Tita C-Carol, b-bakit po–” “Anong sinabi mo roon sa teacher mo, at bakit siya nagpunta rito?!” Kaagad akong umiling at hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa buhok ko. “W-Wala p-po! W-Wala p-po a-akong s-sinabi–” “Gusto mo pa talagang ipahamak ang tatay mo, ano? Ikaw na nga itong pinaaaral niya!” Umiling ako. Paulit-ulit ko iyong ginawa hanggang sa rumagasa na ang mga luha sa aking pisngi. Gusto kong alisin ang mga daliring nakapulupot sa aking buhok dahil sumasakit na ang aking anit ngunit hindi ko iyon magawa dahil ang lakas ni tita Carol at hindi ko matanggal ang kaniyang mga daliri sa aking buhok. “Kapag bumalik pa iyong teacher mo na iyon dito, sasabihin ko kay David na patigilin ka na sa pag-aaral!” mariin na sambit ni tita Carol at padarag na binitiwan ang aking buhok, dahilan para masubsob ako sa sahig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD