Kabanata Lima

1354 Words
Yakap-yakap ko ang mga gamit na binili sa akin ni teacher Ria. Hindi ko alam kung napansin ba iyon ni tita Carol, ngunit mas mabuti nang makasiguro ako na hindi niya mahahawakan ang mga bagong gamit ko. Nangako pa naman ako kay teacher Ria na iingatan ko ang mga ito. “Ate Jessa, ayos ka lang po ba?” Nilingon ko si Adriel na nakatitig sa akin. Kanina, bakas sa kaniyang mukha ang tuwa dahil sa pasalubong ko sa kaniya na isang kahon ng krayola, ngunit nawala na ang tuwa sa kaniyang ekspresyon dahil sa nakita niyang ginawa ni tita Carol sa akin. Ngumiti ako at paulit-uli na tumango sa aking kapatid. “Oo naman! Ayos lang si Ate. Sige na at mag-drawing ka pa riyan.” “Okay po, Ate!” masaya niyang sagot at bumalik na sa ginagawa. Nang hindi na sa akin nakatuon ang mga mata ni Adriel, doon na nawala ang mga ngiti sa aking labi. Kinakabahan ako sa huling sinabi ni tita Carol, at hindi ko alam kung ano ang gagawin para mawala ang kabang nararamdaman ko. Ayaw kong tumigil sa pag-aaral. Pakiramdam ko ay doon ako magaling, at kapag nakatapos ako ng pag-aaral ay masusuklian ko na ang lahat ng ginawa sa akin ni tatay. Bukod pa roon, matutupad ko pa ang pangarap ni nanay para sa aming magkakapatid. Kung si kuya Joseph at ate Essa ay sumuko na, ako, hindi pa. At hinding-hindi ko susukuan ang pag-aaral. Tumayo ako mula sa aking kinauupuan kung saan katabi ko si Adriel at naglakad papunta sa aming maliit na kusina na ilang hakbang lang ay makararating ka na agad. “Kumain ka na ba ng hapunan, Adriel?” Nilingon ko ang kapatid ko na abala pa rin sa pag-drawing. Ngayon naman ay nagkukulay na siya gamit iyong mga krayola. Umiling si Adriel bilang sagot sa aking tanong. “Hindi pa po, Ate Jessa. Ang sabi po kasi ni tita Carol ay wala raw po tayong ulam.” Hindi na ako sumagot at inalis na rin ang tingin kay Adriel. Binuksan ko ang kaldero at nakitang may sinaing na ngunit kaunti na lamang iyon. Sa tingin ko ay hindi iyon magkakasya sa aming anim… Kung dito man kakain sina ate Essa at kuya Joseph. “Wala bang sinabi si Tita Carol kung may uwing ulam si tatay o kaya naman ay kung bibili siya ng ulam natin?” Nilingon kong muli si Adriel na nag-angat ng tingin sa akin. “Hindi naman po nagsasabi nang ganoon si Tita Carol, Ate.” Ah, oo nga pala. Nawala sa isip ko iyon, ah. Kung hindi pa sinabi ni Adriel ay makalilimutan ko na talaga kung paano kami tratuhin ni tita Carol. Galit na naman nga siya sa akin dahil sa pagbisita ni teacher Ria. Napahawak ako sa aking tiyan nang marinig ko ang malakas na pagtunog noon. Napangiwi rin ako bago lumingon muli kay Adriel na nakakunot ang noo sa akin. Tinignan ko rin siya ngunit hindi ako nagsalita at nakangiwi lang. Ilang segundo kaming nagtinginan hanggang sa bumunghalit ang kapatid ko sa malakas na tawa. “Ano ba iyang tiyan mo, Ate! Hindi ko alam kung natatae ka ba o nagugutom ka na.” Tumatawang sambit ni Adriel habang tinuturo pa ako at nakahawak sa tiyan niya. Ilang segundo ko pa siyang tinignan bago ako nakisali sa kaniyang pagtawa. Kahit ano ay gagawin ko para lang marinig na tumawa nang ganito ang kapatid ko. Sana ay ganito na lang palagi ang makikita kong ekspresyon sa kaniyang mukha, ayaw kong makita siyang umiiyak. “Bakit, ikaw? Hindi ka pa ba nagugutom?” tanong ko kay Adriel at tinignan ang kaniyang tiyan na hawak niya. Natigil siya sa pagtawa at isa pang tunog na para bang kumukulo ang narinig namin parehas. Hindi na iyon sa tiyan ko nanggaling, kung hindi sa loob ng tiyan na ni Adriel. Ako naman ang bumunghalit ng tawa ngayon. “Oh, paano ba ‘yan? Nagugutom ka ba o natatae?” Ibinalik ko rin sa kaniya ang asar niya sa akin kanina. Pero alam kong nagugutom na rin talaga ang kapatid ko. Hindi ko na dapat siya asarin pa. Iniwan ko muna si Adriel sa loob ng bahay para mangutang sa tindahan ng uulamin namin ni Adriel, pati na rin nina tita Carol at tatay. Paglabas lang ng bahay namin ay kaunti lang ang lalakarin at makararating na sa tindahan. Iyon na ang pinakamalapit sa amin at mabait naman ang tindera roon. Binibigyan ako ng tindera kapag inutusan ako ni tatay o kaya naman ay ni tita Carol na mangutang sa tindahan nila. “Hello po!” masiglang sambit ko nang tumapat na ako sa tindahan. Lumingon naman sa akin iyong tindera. Nang makita niya ako ay ngumiti siya nang malaki. “Oh, ikaw pala ‘yan, Jessa.” Tinanguan niya pa ako. “Ate Mei, puwede po bang mangutang?” Ngumiti ako, iyong kita ang lahat ng ngipin at nag-beautiful eyes kay ate Mei, ang tindera kung saan ako nangungutang ng uulamin namin. “Oo naman! Basta ikaw, Jessa,” sagot ni ate Mei at tumayo sa upuan. “Ano bang uutangin mo?” “Isang corned beef po at tatlong itlog.” Tinignan ko ang mga delata ng corned beef na nasa likuran ni ate Mei. Bukod doon ay mayroon pang ibang mga delata tulad ng meat loaf, sardinas, at kung ano-ano pa. Ngunit mas nakatatakam ang corned beef ngayong gabi. Gusto rin kasi iyon ni Adriel. Ibinigay sa akin ni ate Mei ang mga inutang ko at sinabihan na ililista na lamang niya iyon sa pangalan ni tatay. Patalon-talon akong bumalik sa aming bahay para magluto na ng hapunan. Hindi ko naman kasi mahihintay si tita Carol dahil hindi ko alam kung nasaan siya. Madilim na rin at kailangan na naming kumain. Mabuti na lang din at marunong na akong magluto kaya makakakain kami agad. “Aba, aba, may ulam na ah!” Pumasok si kuya Joseph sa loob ng aming bahay at nakatutok kaagad ang mga mata sa niluto kong corned beef at itlog. Tapos ko ng lutuin ang pagkain at hinihintay na lang namin ni Adriel si tita Carol at tatay. Ngunit hindi naman sila ang dumating, kung hindi si kuya Joseph. “Saan ‘to galing, Jessa?” Umupo si kuya Joseph sa bakanteng upuan at kinuhaan na ang ulam, kumuha na rin siya ng kanin. Napanganga ako at sinubukan siyang pigilan. “Kuya, hintayin muna natin sina tita Carol at tatay.” “Sus.” Umiling si kuya Joseph. “Inuunahan nga lang tayo ng mga ‘yon na kumain ng hapunan, eh.” “P-Pero–” “Ang bango, ah. Amoy corned beef.” Lumingon ako sa may pintuan nang marinig ang boses ni tita Carol. Nakasunod sa kaniyang likuran si tatay at parehas sila na may mga ngiti sa labi. “Magandang gabi po, Tita Carol at Tatay!” masayang bati ko sa kanila. “Nagluto na po ako ng hapunan natin.” Nakangiti pa rin si tatay nang magtanong siya sa akin, “Saan ka kumuha ng ulam, Jessa?” “Inutang ko po sa tindahan, Itay.” Pagkatapos ko iyong sabihin, nagulat na lamang ako nang nasa harapan ko na si tita Carol at mariin na ang pagkahahawak sa aking braso. “Gaga ka talagang bata ka, ano? Sinong pagbabayarin mo sa inutang mo?!” Suminghot ako bago nagsalita, “P-Pero w-wala p-po k-kasi tayong u-ulam, n-nagugutom na rin po k-kami ni A-Adriel…” Hinawakan ko ang kaniyang kamay na mahigpit na nakahawak sa akin. Nagulat kaming lahat nang sumigaw si tita Carol. Sa sobrang lakas noon ay halos mabingi ako. “Wala na ngang pera ang Tatay mo, nagdesisyon ka pang mag-isa! Sige, ikaw ang magbayad sa inutang mong iyan!” Binitiwan na ako ni tita Carol. Padarag at marahas, tulad ng palagi niyang ginagawa sa akin sa tuwing nagagalit siya. Ngunit hindi iyon ang problema, dahil saan ko kukunin ang pambayad sa inutang kong corned beef at itlog? Na hindi lang naman ako ang kumain, maging si tita Carol at si tatay ay kumain din.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD