Kabanata Anim

1803 Words
“Kumusta na ang project mo, Jessa? Nasimulan mo na ba?” tanong ni teacher Ria pagkatapos ng kaniyang klase sa amin. Nahihiya akong ngumiti bago umiling kay teacher. “Hindi pa po, Teacher, eh. Pero mamayang gabi po ay sisimulan ko na.” “Okay, sige. Aasahan ko iyan, Jessa. Gandahan mo ang paggawa, okay?” Paulit-ulit akong tumango at ngumiti nang malaki kay teacher Ria. “Oo naman po, Teacher Ria!” Ngumiti rin si teacher Ria sa akin ngunit hindi na siya nagsalita. Hindi na siya sumagot kaya naman nagsalita ako ulit, “Sige po, Teacher Ria. Pupuntahan ko na po muna ang kapatid ko po.” Humakbang na ako palabas ng classroom. “Okay, Jessa. Sa susunod ay bibisitahin kita ulit sa bahay ni'yo.” Napahinto ako at kaagad na lumingon kay teacher Ria. Kaagad akong umiling habang nanlalaki ang mga mata. Hindi… Hindi na puwedeng magpunta si teacher Ria sa bahay namin dahil siguradong pagagalitan na naman ako ni tita Carol! “H-Huwag na po kayong p-pumunta, T-Teacher! O-Okay lang naman po ako at iniingatan ko po ang mga gamit na ibinili niyo po sa akin,” medyo malakas kong sabi. Ang mga mata ay nanlalaki pa rin dahil sa kaisipan na magpupunta ulit si teacher Ria sa bahay namin. Napansin ko ang bahagyang pagkunot ng noo ni teacher, ngunit nawala rin iyon kaagad at napalitan ng isang ngiti kaya hindi ko na masyadong binigyan ng atensyon pa ang napansing iyon. “Okay…” Tumango si teacher Ria. “Sige na, puntahan mo na ang kapatid mo para makapag-recess na kayo.” Tumango rin ako sa aking teacher at nagpaalam na sa kaniya. Mabilis akong naglakad papunta sa classroom ni Adriel. Sabay lang ang oras ng recess namin kaya naman sabay din kaming kumakain ng biskwit na binibili ko sa kantina. Ngunit ngayong araw… Wala kaming kakainin dahil wala kaming pambili ng pagkain. Walang ibinigay na pera si tatay dahil ubos na raw ang pera niya. Binagalan ko na ang paglalakad nang malapit na ako sa classroom ni Adriel at nakita siyang nakaupo sa labas. Kumunot ang aking noo nang makita siyang nakayuko. Napayuko rin tuloy ako para silipin kung bakit siya nakayuko. Saka ko napansin na nakapikit pala ang kapatid ko at mukhang nakaidlip. “Adriel!” tawag ko sa kaniya at patakbong lumapit. Tumunghay siya mula sa pagkayuyuko at nagkusot ng mga mata bago niya idinilat ang mga iyon. Mabuti na lang at mabilis ang reaksyon ng kapatid ko sa paligid niya. “Ate Jessa!” masayang bati niya sa akin at tumayo. Ngumiti ako at ginulo ang kaniyang buhok. Dahil mas matanda ako, mas matangkad din ako kay Adriel. Kailangan pa niyang tumingala sa akin para magkasalubong ang mga mata namin. “Kakain na po ba tayo, Ate?” inosenteng tanong ng kapatid ko. Umarko ang aking labi paibaba. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Adriel na wala kaming kakainin ngayon dahil wala kaming pambili. Hindi naman na ako puwedeng mangutang sa tindahan dahil may utang pa akong corned beef at tatlong itlog doon. Hindi ko na nga alam kung saan kukuha ng pambayad ng mga iyon dahil ang sabi sa akin ni tita Carol, ako raw ang magbabayad noon at hindi si tatay. Bumuntonghininga ako at hinaplos ang ulo ni Adriel. Huminga muna ako nang malalim at inihanda ang sarili na sabihin sa kaniya ang problema namin. “Tara sa playground?” Dinala ko muna si Adriel sa maliit na playground ng school kung saan kami madalas na kumain ng aming recess. Hindi ko nagawang sabihin kaagad sa kaniya ang gusto kong sabihin dahil sigurado akong malulungkot lang ang kapatid ko at ayaw kong makita siyang ganoon. Wala naman akong magagawa para sa kaniya. “Adriel, may sasabihin si Ate sa iyo…” Pinaupo ko si Adriel sa isa sa mga swing at naglakad papunta sa likod niya para itulak nang marahan ang swing. “Ano po ‘yung sasabihin mo, Ate?” tanong niya at gumawa ng mahinang ingay nang medyo lumakas ang pagtulak ko sa duyan. Napangiti ako nang mapagtantong natutuwa siya sa ginagawa ko. “Wala kasing pera na binigay si Tatay at wala ring pera si Ate kaya hindi ako makabibili ng pagkain natin ngayon…” Medyo humina na ang pagtulak ko sa swing. Inabangan ko ang reaksyon ni Adriel ngunit hindi na siya nagsalita kaya naman hindi ko na itinulak ang swing at hininto na iyon. Lumipat ako ng puwesto at tumayo sa harapan ng kapatid ko. “Hintay na lang tayo hanggang sa makauwi ng bahay,” sambit ko at umupo na sa harapan niya. Kumunot ang noo ni Adriel. “May pagkain ba pag-uwi sa bahay natin, Ate? Paano kung wala?” Ibinuka ko ang bibig ko para magsalita ngunit tumigil din nang napagtantong wala naman akong sasabihin. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong ni Adriel. Kahit na hindi ko rin kasi sagutin iyon, alam niya na kaagad ang sagot. “Eh ‘di kapag walang pagkain, gagawan ni Ate ng paraan! Hindi ba, magaling si Ate sa ganoon?” Ngumisi ako. At dahil iyon ang sinabi ko kay Adriel, iyon ang gagawin ko. Dahil pag-uwi namin ng bahay ay walang ulam. Tama nga si Adriel, kaya naman ngayon ay narito ako sa may tapat ng simbahan at may hawak na Sampaguita para ibenta sa mga dumaraan sa harap ng simbahan. “Kapag naubos mo ‘yan ng benta, bibigyan kita singkwenta,” sambit noong babaeng nagbebenta talaga ng Sampaguita at pinakiusapan ko na ipabenta sa akin ang mga natitirang Sampaguita. Hindi ko siya kilala nang lubos ngunit palagi ko naman siyang nakikita at binabati. Sa pagkaaalala ko, ang tawag sa kaniya rito ay ate Chix. “Talaga po?!” Napanganga ako sa sinabi niya. Hindi ako makapaniwala! Malaking pera na iyong singkwenta at may pambayad na ako sa utang kong corned beef at tatlong itlog sa tindahan! Tumango siya. “Oo naman. Hindi ako nagsisinungaling ‘no. Sige na at ibenta mo na ‘yan do’n para matapos ka agad bago sumapit ang dilim.” Nakatayo na ako ngayon sa harap ng simbahan at sinusundan ang mga dumaraan para alukin sila na bumili ng Sampaguita. “Ate ganda, bili na po kayo ng Sampaguita. Sampung piso lang po, murang-mura na po para sa inyo!” Ipinakita ko sa babaeng binebentahan ko ang Sampaguita na hawak ko. Nakatingala ako sa kaniya dahil ‘di hamak na mas matangkad siya sa akin. Ang hula ko ay mas bata siya kay tita Carol, ngunit mas matanda naman kay teacher Ria. Totoong maganda si ate kaya naman ‘ate ganda’ ang tinawag ko sa kaniya. Ngumiti si ate ganda sa akin at nakita kong dumako ang mga mata niya sa aking suot na damit. Napatingin din tuloy ako roon at nakitang nakasuot pa pala ako ng uniporme. Hindi pa ako nakapagpapalit sa kamamadali na makahanap ng pagkukuhaan ng pera. “Talaga? Maganda ba talaga ako?” Itinuro ni ate ganda ang sarili niya pagkatapos niyang tanungin iyon sa akin. Tumango-tango ako. “Opo! Maganda po kayo! At ang tangkad-tangkad mo pa po!” “Magiging ganito ka rin katangkad sa akin kapag lumaki ka na.” Tumawa siya. Nakita kong binuksan niya ang kaniyang dalang bag at dumukot ng kung ano roon bago nagsalita muli, “Okay, bibili si Ate ganda ng limang Sampaguita. Ayos na ba iyon?” Nanlaki ang mga mata ko, hindi makapaniwala sa sinabi niya. Nagmadali tuloy akong bilangin ang mga Sampaguita na natitira pagkatapos kong kumuha ng lima para kay ate ganda. “Oh, dahan-dahan lang. Hindi naman ako nagmamadali,” mahinang sambit ni ate ganda nang halos mahulog pa ang lahat ng Sampaguita sa lupa, mabuti na lang at nasalo niya kaagad ang mga ito. Humagikgik ako at ibinigay na kay ate ganda ang limang Sampaguita. “Ito na po–” “Tita! Tara na po, hinahanap ka na po ni Daddy.” Natigil lang ako sa pagsasalita nang may tumawag doon kay ate ganda. Sabay kaming lumingon ni ate roon sa tumawag at nakitang isang bata iyon na sa tingin ko ay mas matanda sa akin nang kaunti. Parang kasing-edad siya ni ate Essa, ngunit siguradong mas matangkad pa siya kay ate Essa pati na rin kay kuya Joseph. Maputi rin ang batang iyon na para bang hindi nabilad kailanman sa ilalim ng araw. Pasimple akong tumingin sa aking balat na nabilad sa init kaya kulay morena na ang aking kutis. Pakiramdam ko, ‘pag tumabi ako sa batang iyon ay hindi ako makikita o mapapansin ng kahit sino. Agaw pansin kasi ang kulay ng batang lalaki. “Sandali lang, Gani. May binibili pa si Tita,” sagot ni ate ganda roon sa tumawag sa kaniya na Gani ang pangalan. Tuluyan ko nang ibinigay ang mga Sampaguita kay ate ganda at tinanggap ang bayad na ibinigay niya. May sukli pa ang ibinigay niyang isang daan ngunit naglakad na paalis si ate ganda at kinailangan ko pa siyang habulin. “Sandali lang po!” Tumakbo ako para mahabol siya. “May sukli pa po kayo!” Lumingon siya sa akin at ngumiti. “Sa iyo na ‘yan. Bumili ka ng kahit anong gusto mo.” Huminto na ako sa pagsunod sa kaniya at tinignan na lamang siyang lumayo sa akin… Kasama iyong Gani na tinawag siyang tita, at isang beses na lumingon sa akin at tignan ako ngunit wala namang reaksyon sa kaniyang mukha. Nakaraming alok pa ako ng Sampaguita sa mga bumibili bago naubos iyon. Mahirap na ring makahanap ng bibili dahil magdidilim na at nagmamadali nang mag-uwian ang mga tao sa kani-kanilang tahanan. Ngunit mabuti na lang at naubos ko pa rin sa pagbenta ang mga Sampaguita. May pera ako ulit! “Ate Chix! Naubos ko na!” Patalon-talon ako habang papalapit kay ate Chix na nakaupo sa labas ng simbahan. Ngumiti sa akin si ate Chix at tinanguan ako. “Aba, napakagaling naman talaga nitong si Jessa. Sige, sa susunod ulit, ha?” Pumayag ako sa sinabi ni ate Chix at tinanggap ang inaabot niyang singkwenta at bente. Nagpasalamat ako sa kaniya dahil totoo nga ang sinabi niya na dadagdagan niya pa ang ibibigay niya sa akin. May pambayad na talaga ako ng utang sa tindahan at may pera pang pambili ng pagkain namin ni Adriel bukas sa recess! Masaya akong naglakad pauwi ng bahay. Nasa loob ng bulsa ng aking palda ang pera para walang makakita noon. Mahirap na at baka may makakita sa akin, maaari pang kunin ang pera ko. “Jessa! Saan ka galing?” Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ang boses ni kuya Joseph. Unti-unting umusbong ang kaba sa aking dibdib at lumingon sa aking likuran kung nasaan ang nakatatanda kong kapatid. Napahawak din ako nang mahigpit sa aking palda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD