Kabanata Pito

1682 Words
“K-Kuya Joseph!” masaya kong bati sa kaniya at naglakad papalapit sa kaniyang kinatatayuan kahit na nanginginig ang aking mga tuhod dahil sa kaba. Tinanggal ko na ang pagkakakapit ko sa aking palda at binitiwan na iyon nang tuluyan. Malalim naman ang bulsa noon kaya alam kong hindi iyon basta-bastang mahuhulog sa lupa. Naniniwala akong hindi iyon makikita ni kuya Joseph. Hindi niya rin malalaman na may pera ako dahil hindi ko iyon ipaaalam sa kaniya kahit na ano pang mangyari. Nakangisi sa akin si kuya nang makalapit na ako sa kaniya. Hindi ko naman alam kung para saan ang ngisi niyang iyon, pero sana ay hindi iyon tungkol sa dahilan ng malakas na pagkabog ng dibdib ko ngayon. “Bakit nasa labas ka pa?” tanong ni kuya. Pakiramdam ko tuloy ay hindi si kuya Joseph ang kausap ko. Hindi naman kasi siya nagtatanong ng ganoon sa akin o kahit kay Adriel. Ipinasok ko ang aking kamay sa aking bulsa at kinapa ang pera ko roon. Nakahinga ako nang maluwag nang makapa pa rin iyon doon. Alam kong hindi naman iyon mawawala dahil walang butas ang aking palda, ngunit gusto ko pa ring makasigurado. “Galing po akong simbahan, Kuya,” sagot ko sa tanong ni kuya Joseph. Alam ni kuya na nagpupunta talaga ako sa simbahan kaya naman hindi na siya nagtaka pa, ngunit may binulong siyang kung ano at inilingan ako. Dahil hindi ko maintindihan kung bakit niya iyon ginawa, hindi ko na lang pinansin. Kanina ko pa pinipigilan ang paghinga ko dahil sa sobrang kaba. Iniisip ko tuloy kung naririnig ba ni kuya Joseph ang malakas na kabog ng aking dibdib, o ang tunog lang ng mga kuliglig ang naririnig niya? Sana ay iyong mga kuliglig lang… “Una na ‘ko sa’yo umuwi,” sambit ni kuya Joseph at ginulo ang buhok ko. Saka lang ako tuluyang nakahinga nang maluwag nang makita si kuya na maglakad papaalis. Pinanood ko ang likod niya na unti-unting lumiliit sa paningin ko habang lumalayo rin siya sa akin. Nakahinto lang ako sa kinatatayuan naming dalawa kanina at hinintay na mawala na siya sa paningin ko. Saka lang ako makasisiguro kapag hindi ko na siya makikita. Binilisan ko ang paglalakad papunta sa tindahan ni ate Mei. Malapit lang iyon sa bahay kaya naman sinilip ko pa kung may tao ba sa labas ng bahay namin na makakakita sa akin. Nang makitang sarado ang pinto ng bahay namin ay saka lang ako dumiretso sa tindahan. Nakita ako kaagad ni ate Mei kaya naman naunahan niya akong bumati. “Oh, Jessa, uutang ulit?” nakangiti niyang tanong. Umiling ako. “Hindi po. Magbabayad po noong inutang kong corned beef at tatlong itlog.” Dinukot ko ang pera ko sa bulsa ng aking palda at nagbilang ng saktong pambayad. “Aba, bigay ng Tatay mo sa’yo? Ang aga magbigay, ah. Dalawang araw pa lang ang nakalipas pagkatapos mong utangin, may pambayad na agad.” Ngumiti lang ako kay ate Mei at hindi na sumagot. Hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya na sariling pera ko itong gagamitin kong pambayad sa utang. Baka kasi mabanggit niya pa kay tatay o kaya ay kay tita Carol. “Magbabayad ka rin ba sa mga nakaraan ninyong utang, o iyong corned beef at mga itlog lang?” Nag-angat ako ng tingin kay ate Mei na nakakunot ang noo. Kumurap-kurap ako nang ilang beses at hindi kaagad nakasagot sa tanong. Bumuntonghininga si ate Mei at ngumiti. “May mga utang pa kasi kayo noong nakaraan na hindi pa nababayaran. Medyo malaki pa,” paliwanag ni ate Mei at tinignan ang hawak niyang maliit na notebook. “A-Ah,” bulong ko at tinignan ang perang natira sa akin. Ilang sandali kong tinitigan iyon bago nag-angat muli ng tingin kay ate Mei. “Iyong corned beef at mga itlog lang po muna ang mababayaran ko, Ate.” Ibinigay ko kay ate Mei ang bayad ko roon sa inutang ko. Hindi ko alam na may utang pa pala kaming iba bukod doon sa corned beef at itlog. Ang akala ko kasi ay nabayaran na ni tatay iyon. Umuwi ako sa aming bahay at naabutan na kumakain si Adriel at kuya Joseph sa maliit naming lamesa. Kasama rin si tita Carol at tatay. Ang tunog ng mga kubyertos lamang ang maririnig na ingay sa loob ng aming maliit na bahay. Mukhang kauumpisa pa lamang nilang kumain dahil halos hindi pa nababawasan ang ulam na itlog at tuyo. May pagkain na pala, mabuti na lang at hindi ako bumili ng pagkain namin ni Adriel ngayong gabi dahil siguradong magtataka sila kung saan ko nakuha ang perang pinambili ko. “Magandang gabi po,” bati ko at lumapit para magmano kay tatay, pati na rin kay tita Carol. Tinanggap ni tatay ang pagmano ko sa kaniya. “Bakit ginabi ka ‘ata sa pag-uwi?” “Galing lang po akong simbahan,” mahina kong sagot at pinasadahan ng tingin si kuya Joseph na tumingin sa akin. Sumunod akong nagmano kay tita Carol. Tinanggap niya iyon ngunit nakita ko kung paano tumirik ang kaniyang mga mata. Marahas niya ring tinanggal ang kaniyang kamay mula sa pagkahahawak ko. Hindi ko na pinansin ang gumuhit na kung ano sa aking dibdib dahil sa nangyari. “Kumain ka na muna, Jessa,” yaya ni tatay sa akin ngunit hindi niya naman ako nilingon at nagpatuloy lang sa pagkain. Tumango ako. “Magbibihis lang po muna ako, Tatay.” Mabilis akong nagbihis ng pamalit sa aking uniporme. Sa totoo lang, minsan lang kumain nang sabay-sabay ang pamilya namin. Hindi man sila kumpletong kumakain ng hapunan ngayon dahil wala si ate Essa, hindi ko pa rin maiwapaliwanag ang nararamdaman kong tuwa habang tinitignan sila kanina. Kaya ako nagmamadali na makapagpalit ng damit ay para makasabay silang kumain ng hapunan. Lumabas ako sa maliit na kuwarto at naabutan silang apat na kumakain pa rin kaya naman napangiti ako at kaagad na umupo sa bakanteng upuan para makakain na ng hapunan. Sa unang pagkakataon, pakiramdam ko ay may pamilya pa rin ako. “Oh, ipabenta niyo na kay Jessa ‘yung mga sampaguita ninyo! Magaling kaya magbenta ‘tong batang ‘to.” Napalingon ako kay ate Chix na nakatingin na rin pala sa akin. Kinabukasan nang sumapit ang hapon at nag-uwian na mula sa eskuwelahan, dito ako dumiretso ngunit nagbihis muna ako ng pambahay na damit. Nang dumaan kasi kami kaninang umaga ni Adriel dito ay sinabihan ako ni ate Chix na magpunta ulit dito pag-uwi galing sa eskuwelahan. “Dali na! Kung pagod na kayo, si Jessa na ang magbebenta ng mga sampaguita. Pero may bayad dapat, ha! Wala ng libre ngayon.” Tumawa si ate Chix sa kaniyang sinabi. Hawak ang mga Sampaguita na hindi lang si ate Chix ang nagpapabenta, pati na rin ang iba pa niyang mga kasama rito na napapayag ni ate Chix, ay sinimulan ko na ang magbenta noong mga Sampaguita sa mga dumaraan sa harap ng simbahan. “Mukhang mayaman ‘yon, ano? Tignan mo ang puti-puti. Kutis artistahin.” “Oo nga, eh. Pero, bakit kaya narito ‘yan? Kanina pa ‘yan nakatayo sa tapat ng simbahan.” Nilingon ko ang dalawang babae na kasing-edad siguro ni tita Carol nang marinig ang pinag-uusapan nila. Kumunot ang noo ko at sinundan ng tingin ang tinitignan nilang dalawa. Sumalubong sa akin ang mga mata ng isang batang lalaki na mas matangkad sa akin, at totoo ngang kutis artistahin. Pero teka, parang pamilyar ang mukha niya… Parang nakita ko na siya ngunit hindi ko alam kung saan ko siya nakita. Nakatingin din siya sa akin. Hindi siya nakangiti at seryoso lang ang kaniyang mukha, hindi ko alam kung bakit siya nakatingin sa akin ngunit kinabahan ako dahil baka magalit siya, ayaw niya bang tinitignan siya? Nag-iwas na lamang ako ng tingin at nagpatuloy sa pagbebenta noong sampaguita. Ngunit hindi ko pa rin naiwasan ang tumingin muli sa kaniya. Isang beses ko pa siyang nilingon at nakitang nakatingin pa rin siya sa akin. Doon ko naalala kung bakit parang pamilyar ang mukha niya. Siya iyong batang kasama noong pinagbentahan ko ng Sampaguita kahapon! Siya iyong batang lalaki na sobrang puti at tinawag na tita iyong babaeng bumili ng maraming Sampaguita. Pero, bakit kaya siya narito? Anong ginagawa niya rito? Nasaan ang tita niya at bakit hindi niya kasama? Dala ng kuryosidad, tinignan ko ang hawak kong sampaguita at binilang ang mga iyon. Medyo marami-rami pa. Bumuntonghininga ako at ibinalik ang tingin doon sa batang lalaki na nakatingin pa rin sa akin. Naglakad ako papalapit sa kaniya para alukin siya ng sampaguita. “Gusto mo bang bumili?” tanong ko at itinaas ang mga sampaguita na hawak ko. Nakita ko kung paano bumilog ang mga mata niya at pabalik-balik na tinignan ang nakaangat na mga sampaguita at ang mukha ko. Hindi ko napigilan na tumawa sa kaniyang reaksyon. “May pera ka ba?” Natatawa pa rin ako ngunit kailangan kong makabenta ng sampaguita. “Bili ka na kung may pera ka.” Kumunot ang noo ng batang lalaki. “Bakit ka nagbebenta niyan?” “Para may pera.” Nagkibit-balikat ako. “Bakit, ikaw? Hindi mo ba kailangan ng pera?” Umiling siya. Bumuntonghininga naman akong muli. “Eh ‘di, wala kang perang dala?” Umiling siyang muli kaya tinalikuran ko na siya. “Sige, magbebenta na muna ako sa iba.” Maglalakad na sana ako paalis ngunit nagsalita pa iyong batang lalaki. “Wait! Bibili ako, manghihingi lang ako ng pera kay Daddy,” sambit niya na ikinakunot ng noo ko. Kapag nanghingi ba siya ay bibigyan siya kaagad? At ano raw? Daddy? Hindi ba at pang mayaman na tawag lang iyon? Mayaman ba siya? Sasagutin ko na sana ang sinabi niya ngunit nagsalita pa siya ulit, “Kapag bumili ba ako niyan ay puwede kitang maging kaibigan?” Ako naman ang bumilog ang mga mata ngayon sa narinig. Kaibigan? Ako? Tinuro ko ang sarili ko. “Gusto mo akong… maging kaibigan?” “Oo, gusto kitang maging kaibigan.” Tumango siya at tipid na ngumiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD