Kabanata Walo

1350 Words
Kunot ang noo ko habang tinitignan ang batang lalaki na tumatakbo papalayo sa akin. Hindi ko alam kung saan siya pupunta, dahil lumiko pa siya sa gilid ng simbahan at hindi ko na siya makikita roon. “Jessa, sino ‘yon? Ba’t mo kausap?” Kinalabit ako ni ate Chix para lang tanungin sa akin ang tungkol doon sa batang lalaki. Nagkibitbalikat ako at umiling. “Hindi ko po alam, eh. Pinagbentahan ko lang po ng Sampaguita. Sabi niya, kukuha lang daw siya ng pera.” “Kukuha ng pera? Saan?” Nagkibitbalikat akong muli at nilingon ang daan kung saan lumiko ‘yung lalaki. Iniwan na rin ako ni ate Chix at bumalik sa puwesto niya kung saan siya nagpapahinga at gumagamit ng cellphone. Hindi ko alam kung totoo ba iyong sinabi noong batang lalaki, ngunit hindi ako puwedeng tumayo lang dito at maghintay sa kaniya kaya naman tumalikod na ako at babalik na sana sa pagbebenta ng sampaguita. “Psst!” Mabilis akong lumingon sa aking likuran. Ang batang lalaki ang sumalubong sa aking mga mata, malaki ang ngiti niya at naglakad palapit sa akin. Nang makalapit siya ay ibinuka niya ang kaniyang kanang palad dahil nakasarado iyon kanina. “Pabili ng sampaguita.” Tinignan ko ang palad niya na may nakapatong na kulay dilaw na perang papel. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, at ibinalik ang mga mata roon sa palad niya. Paulit-ulit na ganoon ang ginawa ko dahil hindi ko maintindihan kung bakit ang laki ng perang ibinibigay niya sa akin. Hindi pa ako nakahahawak ng ganoon kalaking pera. Nakikita ko lang iyon kapag bumibili ako sa tindahan ni ate Mei at naaabutan ko siyang nagbibilang ng pera na nakalagay sa loob ng maliit na arinola. Nakita ko rin iyon na ipinambayad ni teacher Ria noong bumili kami ng gagamitin ko para sa aking project. “Ilan ba ang bibilhin mo?” Inangat ko ang mga sampaguita at binilang iyon. “Isa lang.” Nanlaki na naman ang mga mata ko. “Ha?! Eh, ba’t ang laki ng pera mo?” “Magkano ba ‘yan?” ang mga mata niya ay nakatuon sa mga sampaguita. “Sampung piso lang.” “Ah,” pabulong niyang sagot at tinignan naman ngayon ang hawak niyang pera. “Eh ‘di sa’yo na lang ‘to.” “Ha?” Kumunot ang noo ko. “Ang alin?” “Itong pera.” Umangat ang braso niyang may hawak noong pera at tumigil iyon sa harapan ng mukha ko. “HA?!” napasigaw ako at mabilis na umiling. “Bakit mo naman ibibigay sa akin iyan?!” Tinignan ko iyong pera na ibinibigay niya, hindi ko kukunin iyon! Sobrang laki naman! At ano ba siya? Bakit niya pinamimigay ang pera niya? “Baka kasi kailangan mo. Kasi nagbebenta ka pa ng mga sampaguita.” Tumango siya ng isang beses. “Ito na lang, oh, para hindi ka na magbenta.” Umiling akong muli at nanginginig ang mga matang tinignan siya. “Hindi, hindi ko tatanggapin iyan. Sa iyo iyan.” “Okay lang. Hiningi ko ‘to kay Daddy.” Bumaba muli ang tingin ko roon sa kaniyang palad. Ilang segundo ko iyon tinitigan bago ako huminga nang malalim at umiling sa aking sarili. Muntikan ko nang iangat ang aking kanang kamay para kunin iyong pera, ngunit alam ko sa sarili ko na hindi ko iyon dapat gawin kaya naman pinigilan ko ang sarili ko. “May sampo ka ba riyan?” tanong ko na lamang. Umiling siya. Tinignan kong muli ang perang papel na nasa kaniyang palad. Iyon lang ang dinala niya. “Eh ‘di kung gano’n, huwag ka na lang bumili.” Tinalikuran ko na siya para magbenta sa ibang mga dumaraan. “Huh? Pero ‘pag hindi ako bumili, hindi mo naman ako kakaibiganin,” sagot niya. Naglakad ako palayo sa kaniya ngunit sinundan niya naman ako habang nag-aalok ako ng mga sampaguita. Hindi ko na lamang siya pinansin dahil inakala kong kapag ginawa ko iyon ay mapapagod din siya kasusunod at aalis na. Ngunit hindi nangyari iyon. Dahil imbes na mapagod siya ay tumulong pa siya na magbenta noong mga sampaguita ko! “Bili na po kayo ng sampaguita namin. Fresh na fresh pa po ito at murang-mura lang!” paglako niya sa mga Sampaguita na hawak ko. Naalala ko na Gani ang tawag sa kaniya noong tita na kasama niya kahapon, kaya naman tinawag ko rin siya ng ganoon. “Gani, ano’ng ginagawa mo?” Lumingon siya sa akin na nanlalaki ang mga mata. “Kilala mo ako?” Tumango ako. “Narinig ko ‘yung tita mo kahapon, tinawag ka niyang Gani. Iyon ba ang pangalan mo?” Ngumiti siya at tumango nang paulit-ulit. “Oo. Naalala mo?” Pagdating sa mga pangalan, hindi ako madaling makalimot. Tumango ako sa tanong niya bilang sagot. Ngunit hindi ko pa rin nakalilimutan ang ginagawa niya ngayon. “Bakit mo ako tinutulungang magbenta?” Kumunot ang noo ko. “Gusto kita maging kaibigan.” “Bakit?” Hindi na siya sumagot. Mas lalo lamang kumunot ang noo ko dahil hindi ko alam kung bakit ako pa ang gusto niyang kaibiganin. Wala ba siyang kaibigan sa kanila? At bakit ba siya nandito? Kanina pa ‘ata siya narito, eh. “Ano bang ginagawa mo rito?” Tinignan ko ang suot na damit ni Gani. Ang suot niya ay pang-alis. Galing ba siyang simbahan? Nagsimba ba sila ng tita niya pati na rin ng daddy na sinasabi niya? “Tatanungin ka kung puwede ba kitang maging kaibigan.” Ngumiwi ako. “Ano namang makukuha mo kung makikipagkaibigan ka sa akin? Wala naman.” “Feeling ko magiging mabuti kang kaibigan sa akin.” Magiging mabuti? Paano niya naman nasabi iyon? “Gusto mo ba talaga akong maging kaibigan?” tanong ko. Tumango siya nang paulit-ulit at lumingon sa akin. Ihinarap niya rin sa akin ang buong katawan niya. “Oo naman!” “Okay, sige. Magkaibigan na tayo.” Inilahad ko ang kanang kamay ko sa kaniya. “Ako si Jessa.” Tinanggap niya ang kamay ko at mahinang niyugyog iyon. “Ako naman si Isagani.” Tinignan ko ang magkahawak naming mga kamay. Kakulay ng gatas ang kaniyang braso. Sinundan ko ng tingin ang kamay na nakakonekta sa kaniya at saka napagtanto na kamay ko iyon. ibang-iba ang kulay ng aking balat kumpara sa kaniya. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ko siya puwedeng dikitan… “Oy, oy, Jessa. Sino ‘yan?” Lumingon ako sa aking likuran nang marinig ang boses ni kuya Joseph. Nanlalaki ang mga mata ko at kaagad na binawi ang kamay na nakahawak kay Gani. “K-Kuya!” Masama ang tingin ni kuya Joseph kay Gani. Naglalakad pa siya papalapit sa kinatatayuan ko at hindi nakatuon ang atensyon niya sa akin. Nilingon ko si Gani na nasa likuran ko para makita ang itsura niya. Blangko lamang ang tingin niya kay kuya Joseph. “Sino ‘yan, Jessa?” tanong muli ni kuya nang tuluyan na siyang makalapit. “Ah, bumibili lang po ng sampaguita, Kuya,” sagot ko at tinignan si Gani. Totoo iyon. Bumibili lang naman talaga siya ng Sampaguita. Hindi ko na kailangang sabihin pa na gustong makipagkaibigan ni Gani sa akin. Kilala ko si kuya Joseph, at sa mga tingin niya ngayon kay Gani, alam kong may hindi siya magandang naiisip. “Ah, gano’n ba, Jessa,” sagot ni kuya ngunit hindi naman siya lumingon sa akin. Ilang sandali niya pang tinitigan si Gani bago niya ibinaling ang kaniyang mga mata sa puwesto ko. “Sige. Dito na muna ako.” Napabuntonghininga ako nang umalis na si kuya Joseph. Nakapagtataka na hindi niya ako tinanong kung bakit narito ako sa labas ng simbahan. Hindi niya rin siguro napansin ang hawak kong Sampaguita dahil hindi siya nagtanong ng tungkol doon. Nilingon ko si Gani. “Hindi ka pa ba uuwi?” “Magkaibigan na ba talaga tayo?” Tumango ako. “Oo nga, magkaibigan na nga tayo.” Noong araw na iyon, nagkaroon ako ng bagong kaibigan na nagngangalang Isagani.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD