Kabanata Siyam

1972 Words
“Ingat ka, Jessa.” Tumango ako kay ate Chix at nginitian siya. “Opo, Ate Chix. Salamat po! Una na po ako.” Pagkatapos kong maibenta ang lahat ng mga sampaguita sa tulong ng bago kong kaibigan na si Gani ay makauuwi na rin ako sa bahay. Nagpasalamat din ako sa mga nagpabenta ng kanilang mga Sampaguita sa akin dahil mas malaki ang perang nakuha ko ngayon kaysa kahapon. Malaki ang ngiti ko habang binibilang ang mga pera na nakuha ko. Marami iyon at mas marami na ako ngayong itatago hindi na lang kay kuya Joseph kung hindi na rin kina tatay at tita Carol. Hindi naman sa pinagdadamutan ko sila, ngunit natatakot lang akong kunin nila ang mga ito sa akin. Ayaw kong ganoon ang mangyari dahil ako naman ang mawawalan. Binilisan ko na ang paglalakad ko para makauwi na sa bahay at makapagpahinga. Hindi nawala sa aking isipan ang tungkol kay Gani, ngunit nang makita si kuya Joseph pagpasok ko sa loob ng aming bahay ay natigil ako sa pag-iisip ng tungkol sa bago kong kaibigan. “Jessa,” tawag ni kuya sa akin nang makita niya akong papasok ng bahay. “Bakit po?” Naglakad ako papalapit sa kaniya. Tinitigan niya lamang ako at hindi nagsalita. Ganoon din ang ginawa ko ngunit hindi rin nagtagal ay inalis ko ang mga mata ko sa kaniya para ilibot ang paningin sa loob ng bahay. Hindi ko nakita si Adriel, wala ba siya rito? Kumunot ang noo ko. Ngunit maggagabi na, hindi na iyon umaalis sa loob ng bahay ‘pag ganitong oras. Kung lalabas man siya, hindi naman siya nakalalayo at hanggang sa tapat lang ng bahay namin. Nilingon ko ulit ang nakatatanda kong kapatid para magtanong, “Nasaan po si Adriel, Kuya Joseph?” Hindi pa rin siya nagsalita. Tinitigan niya lamang ako, at hindi ko alam kung bakit. Nakatitig ang mga mata niya sa akin na para bang may ginawa akong kasalanan sa kaniya. Ngunit sa pagkaaalala ko, wala naman akong ginawang kahit ano na magpapagalit sa kaniya Hindi nga kami nagkita ngayong araw bukod sa oras na ito. Kahit na alam ko namang wala akong ginawang kasalanan, malakas pa rin ang kabog ng aking dibdib. Ang tanong ko ay parang alikabok na hinangin palabas ng aming bahay nang hindi iyon sagutin ni kuya Joseph. Sa halip kasi na sagutin niya iyon ay nagtanong din siya. At gano’n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang mapagtanto kung ano ang itinanong niya. “May pera ka riyan, ano?” unti-unting ngumisi si kuya Joseph. Sa pagngisi niyang iyon, nanginig naman ako at halos hindi ko magawang umiling. Napahawak ako sa aking shorts kung nasaan ang aking mga pera na nakuha galing sa pagtitinda ng sampaguita. Nasa loob kasi iyon ng aking bulsa. Inilahad ni kuya Joseph ang kaniyang palad. “Akin na.” “A-Ang alin po?” sinubukan kong magmaang-maangan. “Huwag mo na akong lokohin, Jessa. Alam kong may pera ka.” Iginalaw niya ang kaniyang mga daliri, sinesenyas na kukunin niya ang pera ko. Mas lalo namang humigpit ang pagkahahawak ko sa aking shorts. “Akala mo siguro ay hindi ko nakita ‘yung mga sampaguita na hawak mo kanina, ‘no?” Nanlaki ang mga mata ko at nag-iwas ng tingin kay kuya Joseph. Hindi marahas ang istilo ni kuya ngayon ngunit alam kong kapag hindi ko ibibigay sa kaniya ang mga pera ay sasaktan niya ako. Ngunit hindi ko kayang isuko na lamang ang mga pera na ako mismo ang naghirap. Isa pa, hindi ko na kailangang manghingi kay tatay ng pera para sa recess namin ni Adriel dahil dito. “Bilis na, Jessa.” Bumuntonghininga si kuya Joseph. “Huwag mong ubusin ang pasensiya ko.” Umiling ako. Sa abot ng makakaya ko ay pinili kong maging matapang kahit na hirap na hirap akong tumingin sa aking kapatid. “H-Hindi po p-puwede, Kuya. Akin po ito!” “Aba?” malakas na tumawa si kuya Joseph sa sinabi ko. “Hindi ba at ang sabi ni Nanay sa atin ay dapat na nagbabahagi sa isa’t-isa?” Natahimik ako sa sinabi niya. Oo, tama. Naalala kong sinabi iyon ni nanay sa amin. Hindi dapat na magdamot sa mga kapatid at palaging magbibigay kapag mayroon ang isa at wala ang iba. Tandang-tanda ko iyon, pati na rin ang lahat ng mga pangaral ni nanay sa amin bago siya namatay. “P-Pero, hindi ka naman nagbibigay sa amin ni Adriel, Kuya!” sigaw ko at sunod-sunod na bumagsak ang mga luha. Kanina ko pa pinipigilan na mangyari ito. Hindi ko gustong makita ito ni kuya dahil alam kong hindi naman tatalab ang pag-iyak ko para tigilan niya na ang pagkuha sa mga pera ko. Mas magiging determinado pa siya na gawin ang binabalak niya. Ngunit nang marinig na sabihin niya ang tungkol kay nanay, alam kong hindi ko na matatagalan ang pagpigil sa aking mga luha. “Sumasagot ka na sa akin ngayon, Jessa?!” ang kaniyang kanang kamay ay nasa ilalim na ng aking baba, at ang kaniyang mga daliri ay nasa magkabila kong pisngi. Mahigpit niyang pinisil ang aking mga pisngi na naging dahilan para mas lalo akong lumuha. Sinalubong ko ang mga mata ni kuya. May namumuong pakiramdam sa loob ng aking katawan at hindi ko maipaliwanag kung ano iyon. Ang alam ko lang ay ang sama ni kuya. Ang sama-sama niya, at hindi ko alam kung karapat-dapat pa bang tawagin ko siyang kuya. “Huwag kang masyadong nagmamarunong, ha! Ano, sa tingin mo ba ay kaya mo na ang sarili mo? Eh, umaasa ka nga lang din kay Tatay!” marahas niyang binitiwan ang aking pisngi. Humikbi ako. Hindi na sana ulit ako lilingon pang muli sa kaniya ngunit hinawakan niya ang shorts ko na agad ko ring hinawakan para mailayo sa kaniya. Ngunit dahil mas malakas si kuya Joseph sa akin, halos mapunit ang shorts ko para lang makuha niya ang mga pera sa loob ng aking bulsa. Ilang beses kaming nag-agawan sa aking shorts para lang hindi niya makuha ang gusto niya. “K-Kuya!” garalgal ang aking boses nang magsalita ako. Ang mga hikbi ko ay nauwi sa hagulgol nang tuluyang nakuha ni kuya ang mga pera ko. Ang mga pera ko na pinaghirapan ko sa pagbebenta ng sampaguita. Hawak pa rin ang aking shorts ay napaupo ako sa sahig. Habang humahagulgol ay pinanood ko si kuya na bilangin ang mga pera na kanina lang ay akin pa, ngunit ngayon ay nasa mga kamay niya na. “Nice, ang laki rin pala nito, ah.” Lumingon siya sa akin na malaki ang ngiti at ginulo pa ang buhok ko. “Ang galing naman talaga ng kapatid ko!” Naglakad siya palabas ng bahay at iniwan ako sa loob na humahagulgol pa rin. Ang mga perang pinaghirapan ko, sa isang iglap ay nawala na. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na ganoon, ngunit nang mahimasmasan ay pinunasan ko ang aking mga luha at tinanggal ang aking ipit na nasa aking buhok. Malungkot akong napangiti nang makita ang inipit ko na pera roon. Dapat pala ay mas dinamihan ko pa ang mga perang papel na inipit ko sa aking buhok. Ginawa ko iyon dahil may kutob na ako kanina habang pauwi ng bahay na kukunin ni kuya Joseph ang mga pera ko sa akin. “Ate Jessa, hindi ka pa po ba matutulog?” Lumingon ako kay Adriel na nakahiga na sa aming banig at saka ako umiling. “Hindi pa. Sisimulan ko muna itong proyekto ko.” “Hindi ba puwedeng bukas mo na lang iyan gawin, Ate?” Ngumiti lang ako sa kapatid ko at bumalik nang muli sa paggupit ng mga disenyo na ilalagay ko para sa aking proyekto. Maaari ko namang ipagpabukas ang paggawa nito, ngunit gusto kong tuparin ang sinabi ko kay teacher Ria na sisimulan ko kaagad ang paggawa ng project at para maipasa ko na rin ito kaagad sa kaniya. Isa pa, hindi pa naman ako inaantok. “Saan ka nga pala nagpunta kanina, Adriel?” tanong ko nang maalala na wala siya rito sa loob ng bahay kanina. “Diyan lang po sa labas, niyaya po kasi ako ng kapatid ni ate Mei na maglaro no’ng bago niyang laruan. Nagugutom na rin po ako kanina kaso nga lang ay wala ka pa kaya pumayag na lang ako na makipaglaro sa kaniya.” Bumuntonghininga ako nang maalala ang nangyari kanina. Hindi na ulit bumalik si kuya Joseph pagkatapos noon, hindi rin siya kumain dito sa bahay. Siguro ay pinangbili niya na ng masarap na pagkain sa labas ang nakuha niyang pera sa akin. Pero ngayong malalim na ang gabi ay siguradong nakauwi na si kuya Joseph at natutulog na. “Naghanap kasi ako ng pera kanina kaya natagalan ako makauwi,” paliwanag ko. “Eh ‘di, marami kang pera, Ate?” bakas ang pagkasabik sa tono ng boses ni Adriel. “Kinuha ni Kuya Joseph, eh. Kaunti na lang ang natira sa akin…” Hindi na muling nagsalita si Adriel ngunit alam kong malungkot siya dahil dumaing siya nang mahina. Alam namin parehas na ganoon na talaga ang panganay naming kapatid kaya kahit na parehas pa kaming magreklamo, hindi na mababawi ang mga perang pinaghirapan kong makuha. Ilang saglit pa ay nakatulog na rin si Adriel. Habang ako ay matagal pa bago nakatulog dahil tinapos ko pa muna ang mga disenyo ng aking proyekto. Kinabukasan, maaga akong nagpunta sa simbahan dahil walang pasok. Nagdadalawang-isip ako kung magbebenta pa ba ulit ng mga Sampaguita dahil inaalala ko si kuya Joseph, baka makita niya ulit ako roon at kunin na naman ang pera ko. Kung hindi siya ang makakita sa akin ay baka si ate Essa naman. Parehas lang silang dalawa ni kuya Joseph. “Jessa, tinda ka ulit?” nakangiting tanong ni Ate Chix sa akin nang tumabi ako sa kaniya. Umiling ako. “Kinuha po ni Kuya Joseph ‘yung pera na ibinigay niyo sa akin kagabi, eh. Baka po makita niya akong nagtitinda ngayon at kunin niya na naman po ulit.” “Ay, talaga ‘yang Kuya mo!” reaksyon ni ate Chix at napailing pa. “Akala mo kung sinong gangster!” Bumuntonghininga na lamang ako at hindi na sumagot pa roon. Tinanong din ako ni ate Chix kung kumain na ba ako at noong sinabi kong hindi pa ay binigyan niya ako ng suman. Habang kumakain ng suman ay pinanonood ko ang mga taong dumaraan sa harapan ng simbahan. Maaga pa ngunit marami na rin ang pumapasok sa loob ng simbahan para magdasal. Bukas na kasi iyon kahit na mamaya pa magsisimula ang misa. Isang kulay itim na kotse ang huminto sa harapan ng simbahan. Hindi ko na dapat papansinin iyon dahil madalas naman na maraming mga kotse ang dumaraan dito at ang ibang mga nagsisimba ay may mga kotse rin. Ngunit nang bumukas ang kotse at bumaba roon ang isang batang lalaki ay napatayo ako sa aking kinauupuan. “Oh, nandito na naman ‘yung kutis artistahin na bata,” sambit ni ate Chix sa gilid ko. Tumango ako. Oo nga, narito na naman si Gani. At hindi lang siya kutis artistahin, mukha rin siyang mayaman! Pinanood ko si Gani na inililibot ang mga mata niya sa labas ng simbahan. Hindi ako umalis sa kinatatayuan ko. Kanina ay gusto ko sana siyang lapitan ngunit nagdalawang-isip na ako nang maisip na nakasakay siya sa kotse kanina. Ang mga kotse ay para sa mayayaman lang. Sa huli, sa akin dumako ang mga mata ni Gani. Lumaki ang mga mata niya kasabay ng paglaki ng kaniyang mga ngiti at tumakbo papalapit sa akin. “Jessa!” tawag niya at kinawayan niya pa ako. Kumunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan, bakit gusto niyang makipagkaibigan sa isang katulad ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD