Kabanata Sampu

1898 Words
“Jessa, good morning!” Kumaway muli sa akin si Gani bago huminto sa harapan ko. Kahit na naguguluhan ay ngumiti rin ako pabalik sa kaniya. “Magandang umaga rin, Gani!” Nasa tapat ko na siya ngayon, malaki ang ngiti sa akin. Hindi ko naman alam kung ano ang nginingiti niya. Masaya ba siya? Pero bakit siya masaya? Sa ngiti niya ay parang wala siyang iniisip na kahit anong problema. “Kilala mo, Jessa?” Kinalabit ako ni ate Chix bago ibinulong ang tanong na iyon. Bago ko ibaling ang mga mata ko kay ate Chix ay nakita ko pa si Gani na lumingon din kay ate na ngayon ay nasa tabi ko. Nagsalita ako, “Nakilala ko po kahapon, Ate. Pero noong nakaraang araw ay bumili ‘yung Tita niya ng Sampaguita sa akin.” “Ah.” Tumango si ate Chix at ngumiti kay Gani. Hindi na sa akin nakatuon ang atensyon niya at naroon na sa lalaking nasa harapan namin. “Hello! Ako si Chix. Ano ang pangalan mo?” “Isagani po,” sagot ni Gani habang nakangiti pa rin. Pinanood ko lang silang dalawa na mag-usap at hindi nakisali sa kanilang usapan. Ang sabi ni nanay sa akin noon, kapag may nag-uusap daw na mas nakatatanda sa akin ay huwag daw akong makikisali. Kapag tinanong daw ako o kaya ay ako na ang kinakausap ay doon lang ako sasagot. At susundin ko iyon dahil mas nakatatanda sa akin sina ate Chix at Gani. Matangkad si Gani at halos kasingtangkad niya na si ate Chix. Hindi kasi ganoon katangkaran si ate at ngayon ay nakaupo pa siya kaya kinailangan niyang tumingala para makita ang mukha ni Gani. “Pangatlong balik mo na rito, ah. Sinong kasama mo?” tanong ni ate Chix. Tumingin muna sa akin si Gani bago siya sumagot, “Si Daddy po. May trabaho po kasi siya malapit po rito, sumasama po ako sa kaniya.” “Wow, Daddy ang tawag mo sa Tatay mo?” Pumalakpak ng isang beses si ate Chix na ikinakunot ng noo ko. “Ano ang trabaho niya?” “Gumagawa po ng bahay.” Mas lalo lamang kumunot ang noo ko sa sagot ni Gani. Gumagawa ng bahay? Ano ang tawag sa trabahong ganoon? Sa pagkaaalam ko, ganoon din ang trabaho ni tatay ngunit hindi ko alam kung ano ang tawag. Basta ang alam ko lang ay gumagawa rin siya ng bahay. “Karpintero?” Kumunot ang noo ni ate Chix. “Pero hindi naman puwedeng karpintero lang ang Tatay mo kung bumaba ka sa kotse,” pabulong niyang sambit. “Ah! Inhinyero siguro ang Tatay mo?” Lumingon ako kay Gani at nakitang nakakunot ang noo niya. “Inhinyero? Ano po iyon?” Kaya naman pala nakakunot ang noo niya, hindi niya pala alam kung ano ang ibig sabihin ng salitang sinabi ni ate Chix. Lumingon na akong muli kay ate Chix at nakita siyang nakanganga kay Gani. Pinigilan ko ang tumawa kahit na nakatatawa ang itsura niya. Kahit ako rin naman ay hindi alam kung ano ‘yung inhinyero. “Ah, hindi ka ba pamilyar sa Tagalog? Ano ngang Ingles no’ng inhinyero?” Yumuko si ate Chix at inilagay ang hintuturo sa ilalim ng kaniyang baba. Ilang saglit pa ay nag-angat na siya ulit ng tingin kay Gani. “Ayon, Endyinir! Endyinir ba ang Tatay mo?” Kaagad na tumango si Gani. “Opo, engineer po ang Daddy ko.” “Wow!” Nakanganga na naman si ate Chix ngayon. “Ngayon lang ako nakakilala ng batang endyinir ang Tatay! Ay, engineer pala.” Tumawa pa si ate. Nilingon ako ni ate Chix. Gusto ko sanang magtanong sa kaniya kung engineer din ba ang tawag sa tatay ko dahil parehas lang ang trabaho ng mga tatay namin ni Gani ngunit kailangan ko munang hintayin si ate Chix na kausapin ako para makapagsalita ako at makasali na sa kanilang usapan. “Hindi ba, Jessa? May kilala ka bang engineer din ang Tatay? Sa mga kaklase mo?” sa wakas, kinausap na rin ako ni ate Chix. Kumunot ang noo ko. Ito na ang pagkakataon ko para maitanong kay ate Chix ang gusto kong tanungin. “Si Tatay ko po, ‘di ba engineer din siya? Parehas po sila ng trabaho ng Daddy ni Gani.” Umatras si ate Chix at ngumiwi. “Ngi, construction worker ang Tatay mo, Jessa. Hindi engineer! Iba ‘yung engineer sa construction worker.” “Ano pong pinagkaiba no’n, Ate Chix?” mas lalo lamang kumunot ang noo ko. Napakamot naman si ate Chix sa kaniyang ulo. “Aish! Hindi ko rin alam, pero basta! Magkaiba silang dalawa.” Hindi ko na lang pinilit si ate Chix dahil mukhang wala talaga siyang alam. Umalis na rin siya sa tabi ko para magbenta na ng kaniyang mga sampaguita. Ako sana ang magbebenta noon ngunit hindi na lang muna at tatambay na lang muna ako sa harap ng simbahan. Si Adriel ay nasa bahay lamang at paniguradong nag-draw-drawing na naman. “Ano ‘yang kinakain mo?” Tinuro ni Gani ang kamay ko. Napalingon naman ako roon at nakita ang kulay berdeng balot ng suman na ibinigay sa akin ni ate Chix kanina. Wala na iyong laman at balot na lamang ang natira. “Suman. Kaso ubos na, eh.” Naglakad ako papunta sa basurahan at tinapon ang balot ng suman doon. Malapit lang ang basurahan sa tinatambayan ko ngunit sumunod pala sa akin si Gani at nasa likuran ko na siya. Napakamot ako sa aking ulo at napabuntonghininga rin. Para akong may buntot sa aking likod dahil sa kaniya. “Upo tayo,” sambit ko at umupo sa pinakamababang hagdan sa labas ng simbahan. Umupo sa tabi ko si Gani. Tinignan ko siya habang inaayos niya ang suot niyang damit. Sobrang puti niya talaga, kakulay niya ang gatas na hindi ko alam kung kailan ko huling nainom. Hindi ko na maalala dahil wala kaming pambili ng ganoon sa tindahan. “Mayaman ka ba, Gani?” tanong ko nang lumingon na siya sa akin. Kaagad naman siyang umiling. “Hindi, ah! Marami lang kaming pera.” “Eh ‘di mayaman ka nga!” Humagikgik ako. “Ilang taon ka na ba?” “10 years old na ako. Ikaw?” “7 na ako. May kapatid ka?” Umiling siya. “Wala akong kapatid. Nasa heaven na ang Mommy ko at may bagong asawa naman si Daddy. Baka magkaroon ako ng kapatid sa bago kong Mommy.” “Hala!” napasigaw ako. “Parehas pala tayo! Nasa langit na rin si Nanay at may bagong asawa na si Tatay ko.” Nanlaki ang mga mata ni Gani. “Talaga?” Tumango-tango ako para ipakita sa kaniya na totoo ang sinasabi ko. Pagkatapos ay nagtanong ako sa kaniya, “Mabait ba sa’yo ang bago mong Mommy?” “Oo. ‘Yung bumili sa’yo ng Sampaguita na tinawag kong Tita, siya ‘yung bagong asawa ni Daddy.” Ah. Tita rin pala ang tawag niya sa bago niyang mommy, parehas din kami. Ang kaibahan lang namin ay hindi mabait ang bagong asawa ni tatay sa aming magkakapatid. “Ikaw ba? Hindi ba mabait sa’yo ang bago mong Mommy?” tanong ni Gani. Umiling ako. “Hindi. Lagi ‘yon nagagalit sa akin pati sa mga kapatid ko.” Bumuntonghininga ako at umiling. “Huwag kang maingay, ha. Sa iyo ko lang ito sasabihin. Naiinis talaga ako roon sa bagong asawa ni Tatay. Galit kasi siya sa akin kahit wala naman akong kasalanan, tapos palagi pa akong inuutusan!” Kunot ang noo ko na tinanggal ang tingin kay Gani para ilibot ang mga mata sa paligid, baka kasi may makarinig sa akin at ikuwento kay tita Carol, lalo pa akong malalagot sa kaniya. Marami pa namang kakilala si tita Carol dito, ang mga kaibigan niya ay nagtitinda rin sa tapat ng simbahan. “Hindi mo sinusumbong sa Tatay mo?” Umiling ako. “Kahit si Tatay ay galit din sa akin.” “Ha?” Nilingon ko na ulit si Gani at nakita ang nakakunot niyang noo. “Pero Tatay mo ‘yon, ba’t naman siya magagalit sa’yo?” “Ewan ko nga. Simula nang mamatay si Nanay ay hindi na siya nakikipag-usap sa aming magkakapatid, maliban na lang kung may itatanong kami sa kaniya.” Hindi ako nagkukuwento sa iba ng tungkol sa nangyayari sa loob ng bahay namin, dahil alam kong mali ang mainis at magalit kina tatay at tita Carol. Ngunit hindi ko alam kung bakit ang dali lang para sa akin na ikuwento kay Gani ang tungkol sa pamilya ko, gayong magkaiba kami ng buhay. Pati ang estado ng buhay namin ay magkaiba rin. “Hayaan na nga natin ‘yon,” sambit ko nang mapansin na hindi na siya nagsalita. “Oo nga pala, bakit nandito ka ulit?” “Hihintayin kasi kita dapat dito, kaso nandito ka na rin pala.” Kumunot ang noo ko. “Ha? Bakit mo ako hihintayin?” “Eh kasi magkaibigan tayo, ‘di ba?” Kumunot din ang noo niya. “Kapag magkaibigan, bumibisita sa isa’t-isa, hindi ba?” Hindi ako kaagad nakasagot. Hindi ko naman alam dahil wala naman akong ibang kaibigan. Hindi nga rin ako nakapaglalaro sa labas ng bahay dahil ayaw akong isali ng mga kapitbahay namin sa tuwing naglalaro sila. “Siguro.” Nagkibit balikat ako. “Ganoon ba ang ginagawa mo sa mga kaibigan mo?” Umiling siya. “Ikaw na lang ang itinuturing kong kaibigan.” “Eh? Bakit naman?” “Sabi kasi no’ng dati kong kaibigan, ayaw niya na raw sa akin.” Tumango-tango ako. Hindi ko pa man nararanasan ngunit masakit siguro iyon, iyong mawalan ng kaibigan. Ayaw kong mangyari iyon sa akin. “Eh ‘di ako na lang ang kaibigan mo, ikaw lang din ang kaibigan ko, eh,” sambit ko at nginitian siya. Itinaas niya ang kanang kamay niya. Umapir ako roon at sabay kaming nagtawanan. Wala kaming sinabi sa isa’t-isa ngunit naintindihan naman namin kung ano ang ibig sabihin noon. Matagal kaming nagkuwentuhan ni Gani hanggang sa sumapit na ang tanghali at sinundo na siya ulit ng kanilang kotse. Nagpaalam na rin ako sa kaniya na uuwi na para kumain ng tanghalian at babalik din ulit sa simbahan pagkatapos dahil napagkasunduan namin na magkita ulit. Wala namang pasok sa eskuwelahan kaya pumayag na rin akong makipaglaro sa kaniya. Pag-uwi sa bahay ay naabutan ko sina tatay at tita Carol na magkayakap, habang si Adriel ay nakaupo lang sa aming kahoy na upuan. “Magandang tanghali po, Tatay at tita Carol,” bati ko sa kanila. Sabay nila akong nilingon na may mga ngiti sa kanilang mga labi. Bahagyang kumunot ang noo ko dahil sa nakikitang kasiyahan sa kanilang dalawa lalo na kay tita Carol. Kapag tumingin kasi siya sa akin ay nanlilisik na agad ang mga mata niya ngunit ngayon ay hindi. Ano kayang meron? “Magandang tanghali rin, Anak. May magandang balita ang tita Carol niyo,” masayang sambit ni tatay. Hindi ako umimik at hinintay lang ang susunod niyang sasabihin. “Magkakaroon na kayo ng kapatid!” Nanlaki ang mga mata ko. Hati ang aking pakiramdam sa nalaman at hindi ako makapagdiwang nang tuluyan katulad ng ginagawa ni tatay ngayon. Dahil paano na kami kung magkakaroon na ng anak si tatay sa bago niyang asawa?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD