Kabanata Labing-Isa

1568 Words
Pinilit kong maging masaya sa ibinalita ni tatay. Wala naman akong ibang mapagpipilian kung hindi ang maging masaya na lang para kay tita Carol. Dahil sa wakas, magkakaroon na rin siya ng anak. Magkakaroon na kami ng bagong kapatid. Kapatid. Isang salitang napakagandang pakinggan. Noong dumating si Adriel sa buhay namin, walang mapaglagyan ang tuwang naramdaman ko. Ang akala ko ay ako na ang pinakahuli sa aming pamilya, ngunit hindi naman ako nakaramdam ng galit o inis nang madagdagan pa ako ng isa pang kapatid. Isang biyaya para sa amin ang pagdating ni Adriel lalo na noong nabubuhay pa si nanay. Mahal na mahal namin ang bunso kong kapatid at alagang-alaga siya ni nanay at tatay maging ng mga nakatatanda naming kapatid. Nagbago lamang ang lahat ng iyon noong kunin na ng langit si nanay sa amin. Ang dating pagmamahal na ibinubuhos para kay Adriel, nawala na lamang bigla na parang bula. “Oh, ngayong buntis ang Tita Carol ninyo, huwag na huwag ni’yo siyang gagalitin at hindi na siya puwedeng ma-stress,” sambit ni tatay at lumingon sa akin. “Lalo ka na, Jessa. Ayaw kong maabutan kang nakikipagsagutan sa Tita Carol mo.” Sandaling kumunot ang noo ko, ngunit pinilit ko ring alisin ang kunot sa aking noo at tinanguan na lamang si tatay. Gusto ko sanang sumagot at sabihin na hindi naman ako ang dapat niyang sabihan ng ganoon, kung hindi si ate Essa dahil si ate ang mahilig sumagot kapag nagagalit si tita Carol sa amin. Ngiting-ngiti si tatay habang inaalalayan si tita Carol na umupo sa harap ng aming maliit at bilog na lamesa. Saka ko lang napansin na mayroon ng ulam na nakahain sa mesa at sa tanang buhay ko, isang beses ko pa lang natikman ang pagkain na iyon. Kaya siguro binili iyon ni tatay ay dahil sa balitang magkakaroon na ulit siya ng panibagong anak. Masayang-masaya si tatay. Pangalawang beses na nakita ko siyang muli na ganito kasaya pagkatapos ng pagkawala ni nanay. Ang unang beses ay noong ipinakilala niya sa amin si tita Carol. Hindi ko tuloy maintindihan. Bakit parang ang bilis naman nakalimutan ni tatay si nanay? “Jessa, Adriel, sumabay na kayo sa amin ng tita Carol niyo. Kumain na tayo ng tanghalian,” tawag ni tatay sa aming dalawa ni Adriel habang malaki pa rin ang ngiti. Ramdam na ramdam ko ang tuwang nadarama niya. Bagsak ang balikat ko at mabigat ang pakiramdam, ngunit pinilit kong huwag na lang pansinin iyon, at pinilit ko rin ang aking sarili na maglakad na papunta sa lamesa para makakain ng tanghalian. Si Adriel ay nauna nang umupo sa tabi ni tatay. Sa kalagitnaan ng aming pagkain ay sabay na dumating sina kuya Joseph at ate Essa. “Aba, may ulam na? Himala.” Tumatawang sabi ni kuya Joseph nang makita kaming kumakain sa hapag. Hindi pinansin ni tatay ang sinabi ni kuya. Nakangiti pa rin siya at wala ‘atang makapagtatanggal ng ngiti niyang iyon. “Kumain na rin kayo, Essa at Joseph. Masarap ang ulam dahil buntis ang tita Carol ninyo.” Si ate Essa na kumukuha ng pinggan sa lagayan ay naihulog ang pinggan na kinuha niya. Nang bumagsak iyon sa sahig ay nagpira-piraso ang pinggan at napunta pa ang ibang piraso sa ilalim ng lamesa. Kaagad na napatayo si tatay. Nawala na ang ngiti niya ngayon. “Essa, magdahan-dahan ka naman!” “Ang sarap nga ng ulam, kaso nakakawalang ganang kumain dahil sa sinabi mo, Itay,” sagot ni ate Essa. Hindi niya pinansin ang pagsaway sa kaniya ni tatay. “At bakit, Essa?!” si tita Carol na iyon. Tahimik lamang ako habang nagmamasid sa nangyayari. Nilingon ko ang mga pinggan namin na may natira pang kanin at ulam, ngunit sa tingin ko ay hindi na iyon mauubos dahil sinimulan na ni ate Essa na sirain ang masayang pakiramdam nina tatay at tita Carol. Umangat ang tingin ko kay kuya Joseph na siyang kumakain na. Hindi niya pinapansin ang nangyayari, at palaging ganito si kuya Joseph. Ang mahalaga lang sa kaniya ay ang sarili niya. “Hindi naman talaga nakatutuwa na magkaroon ng bagong kapatid, sinong hindi mawawalan ng gana? Kayo lang naman po ang natutuwa sa balitang iyan.” Diniinan ni ate Essa ang salitang ‘po.’ Hindi natuwa si tita Carol sa sagot ni ate Essa ngunit wala siyang nagawa kung hindi ang sabihin kay tatay na pagsabihan si ate. Siguro ay iniingatan ni tita Carol ang baby sa loob ng tiyan niya dahil kung hindi siya buntis, siguradong tumayo na siya sa kaniyang kinauupuan at lumapit na kay ate Essa para bigyan siya ng ‘leksyon.’ “Essa, huwag kang ganiyan. Kapatid niyo ang pinag-uusapan natin rito,” malumanay na sambit ni tatay. Nagulat ako nang malakas na tumawa si kuya Joseph. Ang akala ko ay hindi siya makikisali sa nangyayari ngunit nagsalita siya, “Kapatid daw.” Umiling pa si kuya habang tumatawa. “Tinanong ni’yo ba kami kung gusto naming magkaroon ng kapatid, Tatay?” si ate Essa na iyon ulit. “Ni hindi niyo nga kami mabigyan ng pera kapag humihingi kami sa inyo. Wala rin tayong makain, tapos magkakaroon ka pa ng panibagong anak?” “Essa!” halos mabingi ako sa pagsigaw ni tatay. “Ilang taon ka na ba at bakit ganiyan ka kung makasagot sa akin?! Wala ka pang napatutunayan, ha! Tandaan mo, rito ka pa nakatira sa pamamahay ko!” “Oh, Essa. Umalis ka na raw para puwede ka nang sumagot kay Tatay.” Pagsali ni kuya Joseph sa sagutan ni tatay at ate Essa. “Bakit, Itay? Totoo naman po, ah? Noong nawala si nanay, parang hindi mo na kami mahal. Puro riyan na lang sa bago mong asawa pati ang atensyon mo, tapos mag-aanak pa kayo? Paano naman kami, ‘Tay? Anak mo rin kaming apat…” Nagulat ako nang may kumalabit sa aking gilid. Napalingon tuloy ako roon at saka naalala na kasama ko pala si Gani. “Bakit?” tanong ko sa kaniya dahil sa pangangalabit niya sa akin. “Ayos ka lang ba? Parang malungkot ka kasi…” Umiling ako bilang sagot. Hindi ako nagsalita dahil hindi ko naman alam kung paano sasagutin ang sinabi niyang iyon. Oo, malungkot ako, iyon ang nararamdaman ko ngayon ngunit ayaw kong ipagsabi iyon kahit kanino. Tapos na ang tanghalian at bumalik na ako rito sa tapat ng simbahan. Si Gani ay naghihintay na sa akin nang makabalik ako rito sa harap ng simbahan. Nakaupo siya kung saan kami nakaupo kaninang umaga. Narito na si Gani ngunit ang isip ko ay bumabalik pa rin sa nangyari sa aming bahay kanina. Pagkatapos ng sinabi ni ate Essa ay hindi na nagsalita si tatay, kahit si tita Carol ay hindi na rin ngunit may binulong siya na hindi ko naman naintindihan. Si ate Essa naman ay umalis ng bahay at hindi na talaga kumain ng tanghalian. Hindi ko alam kung nakabalik na ba siya ngayon o hindi pa. Hindi ko alam na ganoon pala ang naiisip ni ate Essa sa sitwasyon namin. Kasi, kahit ako, ganoon din ang nasa isip. Paano nga kami kung may bago ng anak si tatay? Mas lalo kaming maiitsapuwera dahil halatang-halata na mas mahal na ni tatay ang bago niyang asawa. Para ngang ibinigay niya na ang lahat ng pagmamahal niya kay tita Carol at wala ng itinira para sa kaniyang sarili. Palagi niyang sinusunod si tita Carol na para bang hindi siya mabubuhay kapag nawala ito sa kaniya. “Jessa, alam mo, parang mas matanda ka pa kaysa sa edad mo.” Nawala ang atensyon ko sa iniisip ko nang marinig ang sinabi ni Gani. Lumingon ako sa kaniya at kinunot ang aking noo. “Bakit naman?” “Kasi parang ang lalim ng mga iniisip mo, pati ‘yung pananalita mo, iba rin sa ibang mga bata na nakilala ko at kasing edad mo lang. Tapos, nagbebenta ka pa ng mga sampaguita.” Ngumiti sa akin si Gani. “Naglalaro ka rin ba o hindi?” Umiling ako. “Wala namang may gustong makipaglaro sa akin…” Nanlaki ang mga mata ni Gani pagkatapos ay kumunot ang noo. “Bakit naman?” “Ewan ko, eh. Basta ayaw akong isali ng mga kapitbahay namin ‘pag naglalaro sila. Pero okay lang, nandiyan naman si Adriel para makipaglaro sa akin.” “Adriel? Sino ‘yon?” “Iyong bunso kong kapatid.” “Ah.” Tumango si Gani. “Pero ngayon, hindi na lang ang kapatid mo ang kalaro mo. Ako rin!” Kumunot na naman ang noo ko. Bakit? Palagi ba siyang magpupunta rito? “Lagi akong sasama kay Daddy sa tuwing pupunta siya sa trabaho niya tapos ay magpapaiwan ako rito. Hihintayin kita na dumating dito hanggang sa sunduin na ako ni Daddy para makapaglaro tayo.” Ako naman ang nanlaki ang mga mata ngayon at napanganga pa. “Talaga?” Tumango nang paulit-ulit si Gani. “Oo naman! Kaya dapat magpupunta ka rito, ah? Kapag nakita mo ako, ibig sabihin ay ikaw ang hinihintay ko.” “Sige!” Tumango rin ako at masayang-masaya na pumalakpak. “Dadalhin kita sa paborito kong lugar doon sa likod ng simbahan! Puwede tayong maglaro roon!” “Promise mo ‘yan, ah, Jessa?” Dahil sa sobrang saya ko, tumango akong muli. “Oo naman, promise!” At iyon, ang kauna-unahan kong promise sa isang kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD