Kabanata Labing Tatlo

1512 Words
“Ate, gusto mo po ba tulungan na kita?” Nilingon ko si Adriel nang lumapit siya sa akin habang nagtutupi ako ng mga damit ni tita Carol na nilabhan ko dalawang araw na ang nakalilipas. “Marunong ka na ba magtupi ng mga damit?” Umiling si Adriel. “Hindi, pero turuan mo ako para matulungan kita, Ate Jessa.” Tinitigan ko si Adriel. Matagal. Matagal ko siyang tinitigan at hindi ako nagsalita. Habang nakatitig sa kaniya ay unti-unting bumibigat ang aking dibdib. Napagtanto ko kung gaano kasaklap ang sitwasyon ko pati na rin ng kapatid ko. Sa murang edad namin parehas ay kinailangan naming danasin ang ganito. Nilingon ko ang tambak ng mga damit na kailangan kong tupiin. Halos ang lahat ng iyon ay mga damit ni tita Carol, ang iba ay mga damit ko at ni Adriel na nauna ko nang matupi kanina, ngunit marami pa rin ang kailangang tupiin. Bumuntonghininga ako. Kanina, nagdadalawang-isip pa ako kung patutulungin ko pa ba si Adriel sa akin dahil ayaw ko talagang tulungan niya ako, ang gusto ko lang ay ang maglaro siya o kaya ay mag-drawing dahil iyon dapat ang ginagawa ng batang kagaya niya. Ngunit habang tinitignan ko ang bundok ng mga tupiin, tuturuan ko na lang muna siya na magtupi para makatulong siya sa akin. Mas maaga na akong matatapos dahil may katulong na ako sa pagtutupi. “Ganito,” sambit ko at sinimulan ang pagtutupi sa isang damit ni tita Carol. Kulay pink na t-shirt iyon at parang pamilyar sa akin. Tinitigan ko pa iyon nang mabuti bago nanlaki ang mga mata. “Adriel, naalala mo pa ba ang damit na ‘to?” Itinaas ko ang damit na tinutupi ko. Tinignan ni Adriel ang damit na iyon at unti-unting kumunot ang noo sa akin. “Hindi po, Ate. Kanino po ba ang damit na iyan?” “Kay Nanay itong damit.” Bahagya akong bumuntonghininga. Oo nga pala, mas bata sa akin si Adriel kaya mas malaki ang posibilidad na hindi malinaw sa kaniyang alaala ang tungkol kay nanay. “Miss mo na po ba si Nanay, Ate Jessa?” Tumango ako at pinilit na ngumiti. Naramdaman ko na parang nagtutubig ang aking mga mata kaya naman umiling-iling ako para matigil iyon. Marami pa kaming tutupiin ng kapatid ko, hindi ako puwedeng umiyak. Isa pa, baka umiyak din si Adriel kapag nakita niya akong umiiyak. Tinuloy ko na ang pagtuturo kay Adriel na magtupi ng mga damit ni tita Carol. Ngunit nahirapan siya sa mga t-shirt kaya naman ang mga short na lang ang ipinatupi ko sa kaniya dahil mas madali iyon. Sa kalagitnaan ng aming pagtutupi, pumasok naman si ate Essa sa loob ng bahay. “Dami niyan ah,” puna niya sa bundok ng mga damit na nasa harapan naming dalawa ni Adriel. Ngumiti lang ako at hindi na nagsalita. Ipinagpatuloy ko lang ang pagtutupi. Kapag sinabi ko kasing kay tita Carol ang mga damit na ito, baka kung ano pa ang sabihin ni ate Essa o kaya naman ay may sabihin pa siyang kung ano. Habang nagtutupi ay panay din ang tingin ko kay ate Essa na ngayon ay naglalakad papunta sa aming kusina. “May almusal ba?” Nilingon niya ako. Umiling naman ako bilang sagot. “Wala po, Ate, eh. Biskuwit lang po ang kinain namin ni Adriel.” “Eh, ‘yung bagong asawa ni Tatay nakita ko roon sa may karinderya, kumakain ng almusal.” Umikot ang bilog ng mga mata ni ate Essa at napailing din siya. “Binigyan na naman siguro ni Tatay ng pera kaya nakabili ng almusal. Tapos kayo rito hindi binigyan ng pang-almusal?” Hindi ako sumagot at yumuko na lamang. Hindi ko naman alam ang isasagot doon kaya mas pipiliin ko na lamang ang manahimik. Nakalulungkot ang sinabi ni ate Essa, ngunit may magagawa ba ako? Hindi naman ako katulad ni ate na sinasagot-sagot si tita Carol kapag naiinis siya rito. Ganoon din si ate kay tatay. Kung pipigilan ko naman si ate Essa ay hindi naman siya nakikinig sa akin. Lumabas ng bahay si ate Essa nang walang paalam sa aming dalawa ni Adriel. Nilingon ko ang bunso kong kapatid nang mapansin na walang kahit anong galaw akong narinig galing sa kaniya. Kahit ang magsalita ay hindi niya ginawa noong narito si ate Essa. Napangiti ako nang makitang nakatulog pala siya. Kinalabit ko siya. “Adriel.” Gumalaw naman siya kaagad at lumingon sa akin. Ipinagpatuloy ko ang sinasabi ko,. “huwag ka matulog, may pasok tayo.” Tumango si Adriel at minadali na naming tapusin ang pagtutupi para makapag-ayos na ng aming mga sarili at makapaghanda na rin sa pagpasok sa eskuwelahan. Hindi ako puwedeng u-m-absent ngayong araw dahil ipapasa ko na ang proyekto na ipinagawa ni teacher Ria. Katatapos ko lamang iyon gawin kagabi at excited na akong ipasa iyon kay teacher. Sana ay matuwa siya sa proyekto ko. Naglalakad na kami ni Adriel sa kalsada papunta sa eskuwelahan. Medyo malayo ang eskuwelahan namin kaya sinabihan ko si Adriel na bilisan ang paglalakad dahil baka mahuli kami sa una naming mga klase. Ngunit wala pa man kami sa kalagitnaan ng daan papunta sa paaralan ay may pamilyar na boses ang tumawag sa akin. “Jessa!” si tita Carol iyon. Lumingon ako sa kaniya at nakita ko siyang sumesenyas sa akin. Tinanggal ko muna ang maliit na bato na naipit sa ilalim ng aking suot na tsinelas bago patakbong lumapit sa kaniya. Tama nga si ate Essa, nag-almusal nga si tita Carol at katatapos niya lang ‘atang kumain. Nakaupo kasi siya sa labas ng karinderya at may pinggan sa kaniyang harapan. “Papasok na po kami ni Adriel,” paalam ko sa kaniya. “Umuwi ka nang maaga para may magluluto. Hindi ako puwedeng magutuman,” mataray na utos ni tita Carol. Bumaba ang tingin ko sa kaniyang tiyan na malaki na ngunit hindi naman dahil sa baby na nasa loob noon, kung hindi malaki lang talaga ang tiyan niya dahil may katabaan si tita Carol. Tumango ako sa kaniyang sinabi. “Sige po.” Hinayaan na kaming umalis ni tita Carol pagkatapos niyang sabihin iyon. Pero hindi naman na kailangan pang ipaalala ang tungkol sa pag-uwi ko nang maaga dahil lagi naman akong umuuwi sa tamang oras. Wala rin naman akong pupuntahan kaya sa bahay na ako agad dumidiretso pagkatapos ng eskuwela. Ngunit may nag-iba sa araw na ito. Dahil nang dumaan kami ni Adriel sa tapat ng simbahan, hinarang naman ako ni ate Chix. “Jessa! Pangatlong araw ka nang hinahanap ni Isagani!” Itinuro ni ate Chix ang maputing lalaki na nakaupo sa hagdan sa labas ng simbahan. Nanlaki ang mga mata ko at saka tumakbo palapit sa kaniya. Nakasunod sa akin si Adriel at tinatanong ako kung bakit kami tumatakbo ngunit hindi ko na siya nasagot dahil nasa tapat na kami ni Gani. “Gani,” tawag ko sa aking kaibigan na nakalimutan ko nitong dalawang araw na nakalipas. Hindi kasi ako nakaalis ng bahay dahil maraming ipinagawa sa akin si tita Carol. Napatayo si Gani sa kaniyang pagkakaupo. “Jessa!” malaki ang ngiti ni Gani, ngunit kanina ay nakasimangot siya noong hindi pa siya sa akin nakatingin. “Ate, sino ‘yan?” bulong ni Adriel sa aking gilid. Nilingon ko siya. “Si Gani, kaibigan ko siya, Adriel.” Ipinakilala ko si Adriel kay Gani. Pagkatapos noon ay pakiramdam ko, mas close na silang dalawa dahil nagdadaldalan na sila. Halos makalimutan na nga namin ni Adriel na kailangan pa naming pumasok sa eskuwelahan. “Bakit ngayon ka lang ulit nagpunta? Hinintay kita kahapon saka noong isang araw,” sambit ni Gani noong magpapaalam na dapat kami ni Adriel sa kaniya. “Marami kasi akong ginawa sa bahay, eh. Tapos ngayon ay papasok pa kami ni Adriel sa eskuwelahan,” sagot ko at bumaba na ng hagdan. “Ikaw, wala ka bang pasok?” Umiling si Gani. “Wala kaming pasok ng isang linggo.” Nanlaki ang mga mata ko. Gusto ko sanang itanong sa kaniya kung bakit ngunit hindi ko na iyon ginawa dahil nagmamadali na kami ng kapatid ko. Mahuhuli na talaga kami ngayon! “Daraan ka ba ulit dito mamaya?” tanong pa ni Gani. Tumango ako. “Oo, pero sandali lang dahil kailangan ko ring umuwi nang maaga. Kailangan ko pa kasing magluto ng hapunan namin.” Nagsimula na kaming maglakad paalis. Sumunod naman si Gani sa amin na ikinagulat ko. “Bakit ka sumusunod? Baka mawala ka ‘pag bumalik ka na ng simbahan!” Nanlaki ang mga mata ko. Huminto si Gani at kumaway na lang sa amin ni Adriel dahil sa sinabi ko. Medyo malayo na kami sa simbahan nang sumigaw pa siya, “Hihintayin kita rito pag-uwi mo! Ingat kayo, Jessa!” Hindi ko napigilan ang mapangiti nang marinig iyon. Ganito pala ang pakiramdam na mayroon kang kaibigan. Pero, bakit kaya gustong-gustong makipaglaro sa akin ni Gani? Wala ba talaga siyang kalaro sa kanila? Kagaya ko rin ba siya na hindi pinapansin ng ibang mga bata?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD