Kabanata Labing-Apat

1398 Words
“Teacher, ito na po ang proyekto ko po.” Iniabot ko kay teacher Ria ang kulay puting folder na hawak ko. Sa loob noon ay ang mga bond paper kung saan naka-drawing doon ang iba’t-ibang mga hayop na ginaya ko sa dating libro ni ate Essa. Nag-aayos na si teacher Ria ng kaniyang mga gamit. Ipinatong ko muna ang folder ko sa lamesa at tinulungan siya na magtupi ng Manila paper na ginamit niya kanina noong nagturo siya sa amin. Nasa loob pa kami ng classroom at ako na lamang ang natirang estudyante dahil lumabas na ang mga kaklase ko para mag-recess. Ako naman, kailangan ko munang maipasa ang proyekto ko bago ako lumabas ng silid. “Oh, natapos mo na?” nakangiting tanong ni teacher Ria at tinignan ang folder ko na nakapatong ngayon sa lamesa. “Ang bilis, ah. Ikaw ang pinakaunang magpapasa ng project.” “Talaga po?” Nanlaki ang mga mata ko at nakaramdam ng tuwa. Inaasahan ko kasi na nakapagpasa na ang mga kaklase ko dahil kumpara sa akin, mas kumpleto sila sa kanilang mga kagamitan at mas madali lang nilang magagawa iyon dahil may mga magulang sila na tutulong sa kanila. Iyong mga kaklase ko kasi ay palagi kong nakikita na hatid-sundo ng kanilang mga papa at mama. Naiinggit nga ako sa tuwing nakikita ko sila na kasama ang mga magulang nila. Naalala ko rin si nanay, siguradong hatid-sundo niya kami ni Adriel pati na rin nina kuya Joseph at ate Essa kung narito pa rin siya. Si tatay din ay siguradong palaging kasama ni nanay tuwing susunduin niya kami. “Oo, Jessa. Sige, at i-tse-tsek ko ito kaagad para malaman mo na ang score mo.” Nagpasalamat ako kay teacher Ria at iniwan na ang folder sa kaniyang lamesa para makalabas na ng classroom. Pupuntahan ko na si Adriel para makapag-recess na rin kaming dalawa. Habang naglalakad sa pasilyo papunta sa classroom ng kapatid ko ay hindi ko naiwasan ang maisip si nanay. Umusbong ang nangungulilang pakiramdam sa akin at inisip kung kailan ko ba siya ulit makikita. Paano kung ngayong araw ko mismo gustong makita si nanay? Ngayong oras ay gusto ko siyang mayakap? May posibilidad kaya na mangyari iyon? “Ate Jessa!” Nagulat ako nang makita si Adriel na nasa harapan ko na pala. Ang blangko kong itsura kanina ay nakangiti na ngayon nang mapansin na nakakunot ang noo ni Adriel sa akin. Mabuti na lang at hindi na nagtanong ang kapatid ko tungkol doon, sa halip ay iba ang katanungan niya. “May pambili ka po ba ng pagkain ngayon, Ate?” “Meron,” sagot ko kaagad. “may natira pa akong pera. Hindi ko ito nagastos dahil wala naman tayong pasok noong nakaraang araw.” Masayang-masaya si Adriel dahil mayroon ulit kaming pang-recess. At hindi lang isang biskuwit ang nabili namin, kung hindi dalawa. Tig-isa kami at bumili rin ako ng isang palamig na tsokolate ang lasa pati na rin ang kulay. “Ate, ang sarap naman po nito!” sambit ni Adriel pagkatapos sumipsip sa straw ng tsokolateng inumin namin. Ngumiti ako. “Oo nga, eh. Hayaan mo, ‘pag may pera ulit si Ate ay bibili ulit ako ng ganito tapos tig-isa na tayo. Mag-re-recess pa kasi ulit tayo bukas kaya hindi natin puwedeng ubusin ang natira kong pera.” “Hindi ka na ba magkakaroon ng pera ulit, Ate Jessa?” Nagdalawang-isip akong umiling sa tanong ng kapatid ko. “Titignan ko pa.” Hindi ko pa rin kasi alam kung magbebenta pa ba ako ng sampaguita o hindi na. Pero gusto ko sanang magbenta pa rin dahil nakatutuwang gawin iyon at nagkakaroon pa ako ng pera. Ang inaalala ko lang ay ang makita na naman ako ni kuya Joseph at kunin na naman ang pera ko. Siguro ay magtatago na lang ako kapag nasa simbahan din si kuya o kaya naman ay ibabalik ko kay ate Chix ang mga panindang sampaguita, tapos ay kukunin ko na lamang ulit kapag wala na si kuya Joseph. Ganoon din ang gagawin ko kapag si ate Jessa naman ang makakita sa akin. Sigurado akong kukunin niya rin ang pera ko at hindi puwedeng mangyari iyon. Hindi ko maintindihan. Ganoon ba talaga ‘pag mas bata? Hindi puwedeng magkaroon ng sariling pera? Ang pera ko ay dapat pera rin nila? Pero, hindi naman sila ganoon sa akin, sa aming dalawa ni Adriel. Pagkatapos ng recess ay mabilis na natapos ang sumunod na mga klase at uwian na kaagad. Hapon ang uwian namin dahil buong araw ang klase sa aming paaralan. Ang recess na kinakain namin ni Adriel ay madalas na tanghalian na rin namin kapag wala kaming baong kanin. Tulad na lamang ngayon, walang pagkain sa bahay kaya wala rin kaming baong kanin at ulam. “Bilisan natin, Adriel! Baka hinahanap na ako ni Tita Carol!” sigaw ko at sinenyas ang mga kamay ko kay Adriel. Nasa labas na ako ng gate ng aming eskuwelahan habang siya naman ay naglalakad pa lamang palabas. Tumakbo na tuloy siya para lang mas mabilis na makalapit sa akin. Mabilis kaming naglakad ni Adriel pauwi ngunit bumagal iyon nang malapit na kami sa harap ng simbahan at nakita ko roon si Gani. Nanlaki ang mga mata ko. Si Gani! Katulad kaninang umaga, nakaupong muli si Gani roon sa hagdan na inupuan namin noong nakaraang araw. At katulad din kanina, lumapit muli sa akin si ate Chix. “Jessa! Kababalik lang niyan ni Gani kani-kanina lang, nagtanong sa akin kung dumaan ka na raw ba,” sambit ni ate Chix habang nakatingin sa kaibigan ko. “Okay po, Ate Chix.” Tumango ako at nagpasalamat. Nang makita ako ni Gani ay kaagad siyang lumapit sa akin at nariyan na naman ang malaki niyang ngiti. Masaya ba talaga siya na makita ako? Bago kami mag-usap ni Gani ay pinauna ko na munang umuwi si Adriel at sinabing susunod na ako pagkatapos kong sabihin kay Gani na hindi ako makapaglalaro ngayong araw. Sa tingin ko nga ay hindi na talaga ako makapaglalaro dahil siguradong sunod-sunod na ang utos sa akin ni tita Carol kapag lumaki na ang tiyan niya. “Hinintay mo talaga ako? Pero hindi ako makikipaglaro sa iyo ngayon, kailangan ko nang umuwi at magluto ng ulam para sa hapunan namin.” Nilingon ko si Adriel na naglalakad at malayo na sa amin, ang likod na lamang niya ang tangi kong nakikita. “Pero bukas? Makapaglalaro ka ba?” Umiling ako. “Hindi ko pa alam. Baka may iutos kasi ulit sa akin ang bagong asawa ni Tatay.” “Bakit ka niya inuutusan? Hindi ba puwedeng siya ang gumawa noon?” Kumunot ang noo niya. Nakatayo kami sa may gilid ng simbahan. Ako, nakasuot pa ng aking uniporme at naka tsinelas, habang siya ay nakapang-alis na damit at nakasuot ng kulay pula at itim na sapatos. Tinitigan ko ang suot niyang sapatos, siguro ay mamahalin iyon. Kailan kaya ako makapagsusuot ng ganoon? “Jessa?” Kaagad akong nag-angat ng tingin kay Gani. “Bakit?” “May tanong ako sa’yo.” Oo nga, may itinanong nga siya. Ngunit hindi ko iyon sasagutin dahil… Ayaw ko lang. “Gani,” tawag ko sa kaniya kahit na nakatingin na siya sa akin. “bakit ka ba bumabalik dito? Hindi ko rin maintindihan kung bakit gusto mo akong kaibiganin. Wala rin ba talagang kumakaibigan sa iyo? At hindi ka ba nahihiya na ako ang kalaro mo?” Kumunot ang noo ni Gani. “Bakit naman ako mahihiya?” “Dahil…” Tinignan ko ang balat ko. Bumuntonghininga si Gani. “Dahil iba ang kulay mo kaysa sa akin? Dahil nakasakay ako sa kotse sa tuwing nagpupunta ako rito at ikaw, hindi? Dahil nagtitinda ka ng mga sampaguita?” Dahan-dahan akong tumango, tama ang lahat ng mga sinabi niya. “Gusto kitang kaibiganin dahil mabait ka. At katulad mo, wala ring gustong kumaibigan sa akin.” Tinitigan ko siya. Naalala ko rin na sinabi niyang ako na lang daw ang kaibigan niya. Ang ibig sabihin pala, magkaiba lang kami dahil siya ay maraming pera at may kotse sila, habang ako ay walang kahit ano sa dalawang binanggit ko. Ngunit halos parehas ang kuwento ng buhay naming dalawa. Hindi naalis ang titig ko sa kaniya. Siguro nga, dapat ay hindi na ako magduda pa at hayaan na lamang siyang maging kaibigan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD