Kabanata Labing Lima

1830 Words
Nagtuloy-tuloy ang pagiging magkaibigan namin ni Gani at hindi ko na muling pinagdudahan kung bakit gusto niya akong maging kaibigan. Lalo na noong totoo talagang gusto niya akong kaibiganin. Ilang buwan na kasi ang lumipas simula noong nagkakilala kami ngunit patuloy pa rin ang pagbalik niya sa simbahan para lang makipaglaro sa akin. Malapit na nga ring manganak si tita Carol, at mas lalong hindi na ako nakalalabas at nakaaalis ng bahay dahil walang nagbabantay kay tita Carol bukod sa aming dalawa ni tatay. Kapag walang pasok si tatay ay doon lang ako nakalalabas ng bahay o kaya naman ay kapag mahimbing ang tulog ni tita Carol, tumatakas ako sandali at bumabalik din kaagad. “Uuwi ka na agad? Pero parang kararating mo lang, ah?” Sumimangot si Gani pagkatapos kong sabihin sa kaniya na kailangan ko nang umuwi. Tumango ako. “Baka gising na ang Tita ko..” Alam naman ni Gani na hindi ako puwedeng magtagal na makipaglaro sa kaniya. Naikuwento ko na rin sa kaniya na buntis si tita Carol at ako ang madalas na kasama nito kapag wala si tatay. Si Adriel naman ay pinalalaro ko sa labas ng bahay namin kasama ang nakababatang kapatid ni ate Mei at hindi siya hinahayaan na tulungan ako sa gawaing bahay. Pakiramdam ko kasi ay gustong-gusto ni Adriel na makapaglaro sa labas, ngunit hindi niya lang magawa dahil gusto niya ring tumulong sa akin. Habang nakatingin kay Gani ay naalala ko ang sinabi niya sa akin noong binanggit ko na buntis ang bagong asawa ni tatay. “Ibig sabihin ay magkakaroon ka na ng bagong kapatid?” parang kumislap ang mga mata ni Gani pagkatapos niyang itanong iyon. “Oo, magkakaroon na ako ng bagong kapatid,” pinilit ko ang ngumiti sa kaniya. Unti-unting kumunot ang noo ni Gani. “Hindi ka ba masaya na may bagong kapatid ka na?” “Hindi ko alam.” Umiling ako at bumuntonghininga. “sigurado kasi na lalong hindi na kami mapapansin ni Tatay dahil mayroon na siyang bagong anak. Kaya hindi ko kayang maging masaya nang sobra para sa magiging bagong anak nila ng bago niyang asawa.” “Pero tatanggapin mo naman siya, at hindi ka magagalit sa kaniya kapag lumabas na siya sa mundo?” Kaagad akong umiling. “Hindi ako magagalit, malulungkot lang siguro… At maiinggit.” “Pero mahal mo pa rin naman siya, hindi ba? Iyong bago mong kapatid?” “Oo naman!” Tumango ako at nilingon ang lawa sa harapan namin. Narito kasi kami ngayon sa paborito kong lugar na naging paboritong lugar na rin ni Gani. Kung hindi ko mahal ang bago kong kapatid, hindi ako mag-pre-presinta na ako ang kasama ni tita Carol ‘pag wala si tatay. Hindi ko susundin ang mga utos ni tita Carol sa akin, at hindi ko iisipin ang baby sa loob ng tiyan ni tita Carol. At hindi rin ako magkukumahog na umuwi ngayong araw para lang doon sa baby. Ang lahat ng ginagawa ko ay para sa bago kong kapatid. “Hindi ba talaga ako puwedeng sumama sa inyo? Gusto ko lang namang makita ang bahay ni’yo, Jessa,” sambit pa ni Gani bago ako umalis sa harap ng simbahan. Bumuntonghininga ako. Ito rin ang isa pa sa gustong mangyari ni Gani dahil nga magkaibigan na kami. Gusto niyang sumama sa akin pauwi sa aking bahay, ngunit ako ang may ayaw dahil hindi ko gustong makita siya ng ibang mga bata. Paano kung hindi niya na gustong makipaglaro sa akin dahil may mga bago na siyang nakilala? At ang kasing edad niya ay sina kuya Joseph at ate Essa… Paano kung sabihin nila na huwag nang makipaglaro sa akin si Gani? Si Gani lamang ang kaibigan ko, ayaw kong maagaw siya sa akin. Oo, marami ring bata rito sa labas ng simbahan, ngunit hindi nila nilalapitan si Gani dahil tinitignan ko kaagad sila nang masama. Pero kapag sa mga kapitbahay ko ay hindi ko magagawa iyon dahil naghahangad din ako na makalaro sila. Nakaiwas ako sa tanong ni Gani nang marinig namin ang pamilyar na busina ng kotse nila. “Oh, hindi na rin kita maisasama sa bahay dahil sinusundo ka na.” “Oo nga.” Siya naman ang bumuntonghininga ngayon. “Bye, Jessa. Pupunta ako ulit dito bukas, hihintayin kita.” Tumango ako at ngumiti sa kaniya. Hinintay ko na rin muna na makaalis ang kotse nila bago ako naglakad pauwi ng bahay. Malaki ang ngiti ko at hindi matanggal iyon, patalon-talon pa akong naglalakad pauwi. Ang kasiyahang nadarama ko ngayon ay nararamdaman ko lang sa tuwing kasama ko si Gani. Pakiramdam ko ay wala akong problemang iisipin at ang tanging gagawin ko lang ay makipagkuwentuhan at makipaglaro sa kaniya. Ganoong pakiramdam ang ibinibigay ni Gani sa akin. Hindi ko nga lang alam kung ganoon din ba ang nararamdaman niya sa tuwing ako ang kasama niya. Itatanong ko nga iyon sa kaniya ‘pag nagkita kami ulit bukas. Bumagal ang lakad ko nang malapit na ako sa bahay at nakaririnig ng mga sigaw galing sa loob. Sa paglipas ng mga buwan, lumaki na ang tiyan ni tita Carol. At mas lalo ring naging magagalitin si tita, ang lagi niyang nakakasagutan ay si ate Essa. Ngayon nga ay nagsasagutan na naman sila. Hindi kasi nagpapatalo si ate Essa kay tita Carol, at ako ang pumipigil sa kanilang dalawa kapag ganoon na ang nangyayari. Tumakbo na ako para makapasok kaagad sa loob ng bahay at malaman kung ano naman ang dahilan ng pagsisigawan nila ngayon. “Hindi ko nga sabi kinuha ang pera mo, eh! Bakit ko kukunin iyon, eh, may sarili akong pera?!” sigaw ni ate Essa. “Ikaw lang naman ang nandito, Essa! Ano’ng tingin mo sa akin, tanga?! Sino ang kumuha no’n kung hindi ikaw, aber?!” sigaw din ni tita Carol pabalik. Nakahawak siya sa kaniyang malaki at bilog na bilog na tiyan. Lumapit ako kaagad kay tita Carol para sana paalalahanan siya na makasasama sa baby kapag nag-iinit ang ulo niya, ngunit hindi ko nagawa iyon nang ako na ang pagbuntunan ng galit ni tita Carol. “Aba! Buti at umuwi ka na!” Hinila ni tita Carol ang buhok ko na natanggal sa pagkakatali. “A-Aray k-ko p-po–” Mas lalo pa niyang hinila ang buhok ko nang magsalita siya ulit, “Bakit ngayon ka lang? Siguro ay ikaw ang kumuha ng pera sa kahon, ano?! Anong ginawa mo roon sa pera, ha, Jessa?!” “H-Hindi ko po alam i-iyong s-sinasabi ni’yo, Tita Carol…” HInawakan ko rin ang aking buhok at sinubukang bawiin sa kamay niya ngunit masyadong mahigpit ang pagkahahawak niya. Tinignan ko si ate Essa na nakatitig lamang sa ginagawa ni tita Carol. Nang magtama ang mga mata namin ay umirap siya sa akin. “Lahat na lang ba, pagbibintangan mo? Oh, pagbintangan mo rin si Adriel! Tutal, diyan ka naman magaling!” Kasabay ng pagsabi ni ate Essa ng mga salitang iyon ay ang pagpasok din ni Adriel sa loob ng bahay namin. Mas lalo lamang umusbong ang galit kay tita Carol, ngunit pakiramdam ko ay niligtas ako ni ate Essa dahil binitiwan ni tita Carol ang aking buhok. Ang problema naman ay mabilis siyang lumapit kay ate Essa para ito naman ang masabunutan niya. Ngunit bago pa niya iyon magawa ay nakita ko na lamang ang pamimilipit sa mukha ni tita Carol at ang paghawak niya sa kaniyang tiyan. Nanlaki ang mga mata ko, at kahit na masakit pa ang anit dahil sa pagsabunot ni tita Carol ay mabilis akong lumapit sa kaniya. “Tita Carol, ayos lang po ba kayo?” tanong ko at hinawakan ang kaniyang braso para alalayan siya. Mas lalo lamang ngumiwi si tita Carol. “M-Masakit ang t-tiyan ko…” “Ha!” Nanunuyang sambit ni ate Essa. “Ayan, galit ka kasi sa mundo!” “A-Ate Essa, m-mamnganganak na ‘ata si Tita Carol!” Naiiyak kong sambit. Nanlaki ang mga mata ko nang may tumatagas pababa ng mga hita ni tita Carol. Walang kulay iyon na parang tubig at tuloy-tuloy lamang ang pagtagas. Nanlalaki ang mga mata ko habang nakaalalay pa rin kay tita. Hindi ko alam ang gagawin! Ano iyong tumatagas mula sa hita ni tita Carol? “Adriel, tawagin mo ang kaibigan ni Tita Carol!” utos ni ate Essa sa aming bunsong kapatid at lumapit sa aming dalawa ni tita Carol para umalalay din. Tinitigan ko si ate Essa, ang akala ko ay hindi siya tutulong sa amin dahil sa galit niya kay tita Carol, ngunit mali naman pala ang akala ko. Hindi ko tuloy naiwasang mapangiti, ngunit nang dumaing si tita Carol ay nalipat nang muli ang atensyon ko sa kaniya. Tunay ngang manganganak na si tita Carol noong araw na iyon. At ang panganganak niya ang naging simula ng mas matinding kalbaryo sa akin, pati na rin sa mga kapatid ko. “Paano ‘yan? May bago na kayong kapatid, baka sa susunod, palayasin na kayo sa bahay.” Tumatawang sambit ni kuya Joseph. Nakaupo kaming apat na magkakapatid sa gilid ng kalsada sa tapat lamang ng bahay namin. Tinawag kasi kami ni ate Essa kanina at may pag-uusapan daw, ngunit hindi ko alam kanina kung ano ang pag-uusapan namin. Ito pala iyon. “Pero kapatid mo rin ‘yon, Kuya Joseph,” puna ko sa pagsabi niya ng ‘kayong.’ Hindi ba siya kasama sa mga kapatid ko? Hindi pinansin ni kuya Joseph ang sinabi ko. Tumatawa pa rin kasi siya hanggang ngayon. “May anak man sila ni Tatay o wala, wala pa rin namang magbabago. Itsapuwera pa rin tayong apat,” sambit naman ni ate Essa. Ilang saglit pa, mayroon nang nagtatawag sa pangalan ko. “Jessa! Pakilinisan nga muna ang kapatid mo at dumumi na naman!” sigaw ni tita Carol. Bumuntonghininga ako at tumayo na para makapasok sa loob ng bahay. Narinig ko pang bumulong si ate Essa, “At tuloy-tuloy din ang pagiging alila mo sa kanila, Jessa.” Hindi ko na lamang pinansin iyon at tumawid para makapasok na sa loob ng aming bahay. Walong taon ako nang magkaroon ako ng bagong kapatid. Sampung taon naman ako nang sumama ako sa aking lola papuntang Maynila para maging kasa-kasama niya sa bahay. Wala na kasing kasama ang nanay ni nanay dahil may sarili ring tahanan ang mga kapatid ni nanay. Kinalimutan ko ang buhay na nakagisnan ko kasama si tatay at ang mga kapatid ko, ngunit si Adriel ay kasama ko sa aking bagong bahay. Hindi ko na gustong bumalik pang muli sa dati kong buhay. Inakala ko ring magiging masaya ako at hindi ko na mararanasan pang muli ang naranasan ko kasama si tatay at ang bago niyang asawa, ngunit doon ako nagkamali. Sa pag-iwan ko sa dati kong tirahan at sa paglimot sa dating buhay na nakagisnan, kinalimutan ko na rin na nakahanap ako ng isang kaibigan na malaki ang pinagkaiba sa akin pagdating sa estado ng aming mga buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD