His Eyes

2298 Words
“Ate, tama na ba ang pagkakahiwa ko nitong melon?” Napahinto si Aiah sa paglalabas ng mga kubyertos mula sa drawer at sinuri ang mga nahiwa nang prutas ni Nina. Nakapatong pa rin ang mga iyon sa chopping board. Sinisigurado niya at baka hindi tama. Mapanuri ang Ate Aiah niya sa bawat pagkaing inihahanda nito. Paano ang Kuya Jacob niya kasi ang pagdudulutan nito. Dapat walang pintas, perpekto lahat. “Oo, Nina. Cubed.” Ngumiti pa ito bago muling ibinalik ng amo ang atensyon sa ginagawa. Nakangiti ang ate niya. Halatang nag-i-enjoy ito sa ginagawa. Lahat naman ng gawin nito, lalo na sa kusina, bukal sa loob at may bahid ng pagmamahal. Kapag tinititigan niya si Ate Aiah, naalala niya ang nanay niya. Mabunganga lang ang ina pero mabait itong gaya ni Ate Aiah. Sigurado siya, lumilipad ang utak ng ate niya. Sinubukan niya itong kausapin, nakangiti lang, napapakagat-labi na tila kinikilig. Hay, inlab nga ang ate niya. "’Te?" Kanina pa siya may sinasabi ngunit lumalampas lang sa pandinig ni Ate Aiah. “H-ha?” Napangisi siya. Tama nga. Kinailangan pa niyang bungguin ang siko nito para lang matauhan. In love nga, sagad-sagad. "Ang sabi ko, Ate, baka hindi kakainin ni Kuya itong mga luto ko. Ganado pa naman ‘yon lagi sa mga hinahanda mo sa kanya." Nakiki-kuya na rin siya kay Sir Jacob at hinahayaan naman ito ng huli. Itinuturing siyang hindi iba ng mga ito. Mas kapatid kesa sa working student ang tingin sa kanya. "Malalaman natin mamaya, hm?" Ang apple green table napkin naman ang inatupag ni Ate Aiah sa perpektong pagkakatupi. “Alam mo, Ate, kapag nag-asawa ako, sisikapin kong magiging singgaling ninyo ako sa kusina para ang magiging asawa ko ay katulad ni Kuya na laging umuuwi at halatang inlab sa inyo.” Kagaya rin ng tatay niya. Simpleng ngiti lang ang sagot ng Ate Aiah niya. Napahinto ito at hinarap siya kapagkuwan. “Paano mo naman nasasabi?” Mulagat ang mga mata niyang napatitig sa amo. "Si Ate, pakakasalan ka ba ni Kuya kung hindi?" Muli ay tipid na ngiti ang isinukli nito sa sinabi niya. Hindi inayunan at hindi rin naman sinalungat ang sinabi. Hinaplos lang nito ang pisngi niya. "Tama ‘yan, Nins, pag-ibig ang dahilan kapag nag-asawa ka na." ‘Yon naman talaga dapat. Turo iyon ng nanay niya. Marami raw manlilgaw na mas nakaaangat sa tatay niya noon ang ina niya pero sa tatay niya ito nabighani. Kaya, ‘yon din ang gagayahin niya. Eh, masaya ang pamilya nila Kahit mahirap lang sila. Nag-aaway man pero madaling nagkakabati. “Aakyat muna ako sa itaas, ha.” “Uy, si Ate, magpapaganda at magpapabango,” pabirong habol niya na nginitian lang nito. Sa loob ng ilang buwan niya rito, nagagawa na niyang biru-biruin ang ate niya. Syempre, naninimbang pa rin siya. Eh, sa talagang mabait ito. Kapag niloloko niya, ngumingiti lang at napapailing. Naiwan siyang nagpatuloy sa ginagawa. Patapos na siya sa ginagawang fruit salad nang makarinig ng tunog ng papahintong sasakyan sa garahe. Kabisado na niya ang ugong ng sasakyan ng Kuya Jacob niya. Sa tantiya niya ay hindi iisa ang huminto. Dala ng kyuryusidad ay napasilip siya sa bintana. Mula roon ay tanaw niya ang garahe at kung sinuman ang papasok ng bahay. Nakita niya ang ate niya na nagkukumahog sa paglapit sa pintuan. Nakahanda kaagad ang matamis na ngiti nitong sinalubong ang Kuya Jacob. Tama nga siya, may bisita sila. Nakyuryus siyang lalo. Si Ate Karen lang naman kasi ang laging napapapadpad sa bahay na ito. Wala nga kahit isang kamag-anak ni Ate Aiah. Pero ngayon, may bitbit ang amo niya. Bumukas ang pintuan ng itim na sports car ng kung sinumang kasama ni Kuya Jacob. White rubber shoes kaagad ang una niyang napansin. Lalaki ang panauhin. Umakyat pa ang mga paningin niya sa itim at butas-butas na pantalon. Napangiwi siya. “Ewe!” Tingin niya sa mga lalaking nagsusuot ng mga ganoon, barumbado at basagulero. Mukhang sanggano. Pero ang isang ito, nakakayang dalhin ang kasuotan. Nakatalikod ang matangkad at matipunong mama. Sa bawat galaw nito, kasama ring gumagalaw ang masels na bumabakat sa suot nitong grey sweatshirt. At mistulang napakakampante ng bawat nitong kilos. Tila napaka-smooth at may halong groove. Pati ang paghawi nito sa may kahabaang buhok ay parang napakaayang tingnan. Namalayan na lang niyang nasa gilid ng pintuan ng kusina siya humantong. Sa lahat ng parte dito sa unang palapag ng bahay, tanging ang kusina ang masasabing secluded. Sa hindi malamang dahilan, napahakbang din siya. Sinusundan ito base sa kalkulasyon sa isip niya. “Hello, Mrs. Samaniego!” Sigurado siyang hindi boses ni Kuya Jacob ang narinig. Baritono pa rin ang boses ng nagsalita pero lamang ang tila pagiging mapaglaro sa boses. Nakita niyang kampante itong sumunod sa magkaakbay na mga amo at naupo sa sofa. Matangkad at matipuno ang pangangatawan ng lalaki at hindi maipagkakailang bawat kilos, magaang nitong ginagawa. Napaka-confident naman ng isang ito. “Nakakayamot na confidence.” May tamang term sa ganito. Namilipit ang utak niya sa kaiisip. “Cocky! Tama, ‘yon nga!” Nang bigla ay lumingon ito sa gawing kinaroroonan niya. Para tuloy siyang kriminal na kaagad na nagkubli at natatakot na baka mahuli sa aktong gumagawa ng kabalbalan. Ang kaba niya ay abot-langit. Napasandal siya sa dingding at napahawak sa gumagalaw na dibdib. Taas-baba iyon. Masyado bang napalakas ang boses niya at narinig ng mama? “Teka, bakit ka ba nagiging shunga, ha, Nina?” Ay, nakakainis siya! Sobra! Kabadong binalikan niya ang ginagawa. Hindi naman siya dating ganito pero iba ang kyuryusidad na nabubuhay sa dugo niya ngayon. Siguro dahil unang beses na may bumisita sa kanila. Pero naiinis pa rin siya sa sarili. Hindi naman siya dating ganito. At mas lalong naiinis siya sa lalaking ‘yon. Paano ay nagiging buhol-buhol ang isip at paghinga niya. “Aray!” Namilipit siya sa sakit nang biglang madaanan ng kutsilyong ginamit ang dulo ng hintuturo niyang ipinanghawak sa hinihiwang avocado. May tumagas na kaunting dugo na humalo sa prutas. “Ano’ng nangyari?” Nakangiwing nilingon niya si Ate Aiah. “Nasugatan ako, Ate,” parang batang sumbong niya sa amo na may kasama pang pag-usli ng nguso. Hawak-hawak niya na may kasamang pagpisil ang daliri. “Patingin.” Amo niya si Ate Aiah pero kapag ito ang kasama niya, mas ate ang pakiramdam niya sa babae. Natural na kasi ang pagiging maalaga at mabait nito. Kapag pumapasok siya sa eskwela, pinahahatid at minsan pinasusundo pa siya. Nakakahiya na nga. One in a million ang ganitong tao. May amo na, may ate at nanay pa. Hindi matawaran ang concern nito sa kanya. “Ayan, okay na ‘yan.” Malambing na hinipan pa ni Ate Aiah ang daliri niyang nababalutan na ngayon ng band-aid. Pareho nilang sinipat ang kamay niya. May magic talaga ang haplos at ihip ng Ate Aiah niya. Nawala ang kirot kanina. “Sige na. Ako na rito at ikaw naman ay dalhan na lang ng maiinom ang mga Kuya mo.” Itinapon niya sa basurahan ang mga prutas na nahaluan ng dugo at inilapag sa gilid ng sink ang cutting board at kutsilyo. Si Ate Aiah naman ay kumuha ng bar tray ay sinimulang lagyan ng dalawang bote ng beer na kinuha nito sa ref. Kahit naiinis sa tao doon sa sala, binitbit niya palabas ng kusina ang tray. Sinamahan na rin ng mani ni Ate Aiah ang beer. Iba talaga ito. Kaya ganoon na lang ito kamahal ni Kuya Jacob. Siya kaya, makakahanap din kaya ng katulad nito? O ng tatay niya? Tumatakbo ang ganoong isipin sa utak niya nang sa pagtitig niya nang tuwid sa gawing sala ay nakasalubong ng paningin niya ang isang pares ng matitiim na mga mata ng lalaking ngayon niya lang nakita. May kakaiba sa mga mata’ng iyon. Iba ang dapo ng kabang dulot sa kanya. para bang tumatagos sa kanyang kaluluwa, parang nasisilip ang pagkatao niya. ‘Lahi kaya ito ng demonyo?’ Eh, kinikilabutan siya. Hay, nakakainis lang! Hindi pa niya ito kilala, ni hindi niya alam ang pangalan pero ilang beses na siyang naiinis dito sa loob lang ng ilang minuto na naririto ito. Hindi niya alam kung kusang umangat ang kilay niya o naningkit ang mga mata pero ang mama tuloy pa rin sa paninitig sa kanya. Kailan ba nito aalisin ang mga titig nito sa kanya? Hindi ba nito alam na nagngangalit na ang dibdib niya? Ayaw niya na may tumititig sa kanya. Nagiging aligaga siya. Hindi malinaw sa kanya kung bakit, pero napahinto siya. Para lang kasing ang hirap humakbang at ang bigat ng mga paa niya. Napalingon siya sa may kusina. Sana palit na lang sila ng ate niya. Pero naririto na siya sa labas at siguradong magtataka ito kapag bumalik siya sa loob. Dati naman na siyang nakikipagbardagulan sa mga kainuman ng tatay niya. Sanay siyang nag-aabot ng inumin at pulutan sa mga iyon. Pero bakit ang isang simpleng bagay na ito ay tila napakahirap gawin sa ngayon? Ay, bahala ba! Humugot siya ng malalim na hininga. Muli niyang ibinalik ang paningin sa harapan. Umaasa siya na sa pagkakataong ito, iba na ang tinititigan ng gwapo at mestisuhing mama. Nagkakamali siya. Binundol na naman siya ng nerbiyos. Lalo pa at tila umangat ang isang sulok ng bibig nito. Tila natutuwa. Nakatukod sa dalawang pinagparteng mga hita ang mga siko. Magkasalikop ang mga daliri nitong nakatukod sa baba. Nakikipag-usap ito kay Kuya Jacob na kasalukuyang may kinakalikot sa TV rack ngunit nasa kanya pa rin ang mga mata nito. “Nina, come here. Hindi naman nangangagat ang Kuya Baxter mo.” Baxter pala ang pangalan nito. Bagay nga rito, parang walang matinong gagawin ang pangalang ‘yon. Parang badboy na ewan. Narinig niyang natawa ang lalaki. Lumitaw ang magagandang pares ng ngipin nito. Limutaw ang napakaliit na biloy sa pisngi. Sa maikling sandali ay nagawa niyang aralin ang mukha nito. Masasabi niya, gwapo ito. Kapag nakikita ito ng mga kaklse, siguradong magtitilian ang mga iyon. Minus sa kanya. “Iba ang kinakagat ko.” Humalakhak si Kuya Jacob sa sinabi ng lalaki. May nakakatawa ba sa sinabi nito? Ewan. Hindi niya gets. Huminga siyang malalim na para bang life and death ang gagawing pahakbang. Mas pinili niyang ituon sa sahig ang mga mata habang humahakbang. Parang nakakapaso lang talaga ang mga mata ng lalaki. Parang tumatagos sa balat. Para itong bampira kaya nga lang ay hindi namumula ang mga iyon. Ang creepy lang. “Well, nice, it’s Glover and Texiera,” si Kuya Jacob patungkol sa palabas. Sa araw-araw na nanonood ito ng UFC, napip-pick-up na rin niya ang pangalan ng mga MMA artists na pinapalabas sa TV. Napasulyap pa nga siya sa screen. Nagbubugbugan nga ang dalawang nasa loob ng octagon. Napangiwi siya. Ayaw niya talagang nakakakita ng nagbubugbugan. Hindi niya maintindihan kung paano nagiging entertainment ang ganito, eh, nagsasakitan naman. Ibabalik na sana niya ang paningin sa ginagawa ngunit nangapitbahay pa iyon sa taong nakaupo sa kanyang harapan. Nakatitig ito sa kanya na tila ba amused na tinititigan siya. Kunot ang noo niyang tinapos ang ginagawa. “Thank you, Nina.” “Sige po, Kuya.” Bitbit ang bar tray pabalik ng kusina na halos doblehin na niya ang mga hakbang. Ramdam niya kasing may bumabaong mga titig sa kanya. Nakadalawang hakbang pa siya nang marinig ang baritonong boses sa kanyang likuran. “Nice.” Gusto niyang batukan ang sarili kung bakit kailangan pa niyang lumingon. Nakita niya ang Baxter na iyon na tumutungga nan g beer ngunit nakasunod pa rin ng titig sa kanya. Alangan namang siya ang nice na tinutukoy. Malamang ang iced-cold beer. Nakayayamot talaga siya. Para siyang shunga. Itinuloy niya ang paghakbang. Ramdam niya kaysa sa nakikita, nakasunod ang mga mata ng lalaki sa kanya at ang nakakainis pa ay tila yata lumalambot ang mga tuhod niya. Binilisan pa rin niya ang paghakbang ngunit nananadya ang pagkakataon at nagmistulang ang tagal niyang nakabalik sa patutunguhan. “May aso bang humahabol sa ‘yo, Nins?” Aso nga. Asong nakakatakot, nakakakilabot. Napalunok siya. Sinikap na gawing patag ang pakiramdam. “Baka kasi may iuutos ka pa, Ate,” kaila niya na kaagad na ipinatong ang bar tray sa island counter at napahawak sa edge niyon. “Huminga ka muna.” Saka niya napansin, halos nga hindi siya makahinga. Parang naiipit ang puso niya sa ilalim ng kanyang dibdib. Para na rin siyang nakikipagsapakan. UFC ang palabas sa sala, bugbugan, pero siya yata itong tila binubugbog ang pakiramdam. Walang tigil sa pagkalampag ang dibdib niya. ‘Nakakainis talaga!’ Alam niyang isasabay siya ng mga Ate sa hapunan, inunahan na niya. Nadadalas na nga iyon kahit nakakahiya naman. Nagdahilan siyang may gagawin pa pero sa totoo lang, ayaw niyang makasabay ang mama’ng iyon. Baka hindi siya makasubo ng pagkain. Pero, papanhik na siya sa silid nang marinig ang kaaya-ayang boses ng lalaki. “Who is she?” Napalingon siya sa lalaki. Huling-huli niya kung paano siya nitong titigan mula ulo hanggang talampakan niya. Nayayamot siya sa ginagawa nito. Bago muling ibinalik ang paningin sa unahan ay isang masamang tingin ang itinapon niya rito. “That’s Nina,” dinig niyang sagot ng Kuya Jacob niya. "Bata pa ‘yon, ha,” parang naaalarmang saad ng Ate niya na napahinto pa sa ginagawang paglalagay ng serving spoon sa platter. Naging malutong ang halakhak ng lalaking tinawag na Baxter ng Ate niya. "I was just asking. Ang cute kasi." Iyon ang huling narinig niya bago sumarado ang pintuang pinasukan niya. Cute. Tinawag siyang cute. Lagi niyang natatanggap ang ganoong papuri. Minsan ay may kumukurot pa sa pisngi niya. Pero parang iba yata na ang higanteng mama ang nagsabi. Hindi niya malaman kung ano ang dapat maramdaman. Iisa lang ang sigurado siya, malakas ang naging pagkabog ng puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD