“Nina, sumama ka naman sa amin.”
Napahinto si Nina sa ginagawang pagbubura ng mga nakasulat sa pisara at nilingon ang kaklaseng si Macey. Ayaw talaga siyang tantanan nito. Hindi naman sila sobrang close pero lagi siyang inaaya. Lagi naman siyang humihindi. Mabarkada ito at laging nasa bilyaran, minsan naman, magmo-malling. Madalas itong nasisita ng mga subject teachers dahil laging nagka-cutting classes.
“Pasensya na.”
Ibinalik niya sa lagayan ang eraser at pinagpag ang mga kamay na nadumihan ng chalk dust. Pinulot niya ang mga gamit na nakapatong sa desk at maayos na isinaksak sa bag.
“Grabe ka, ha, lagi kang humihindi. Oi, sama ka naman,” pangungulit pa nito na naupo sa armrest ng desk niya.
Napabuntung-hininga siya at tiningnan ito. “Ako ba ay nire-recruit mo para sa gang ninyo?”
Nahuli niya ito sa akto. Halatado naman pero todo tanggi pa rin ito. Alam niya naman kung anong pakay nito. ‘Yong mga tipong inosente raw na kagaya niya ang inaaya ng mga ito, ‘yong mga madaling mauuto. Noong nakaraan lang ay bisita ito ng guidance office dahil nahuling naninigarilyo sa loob ng campus, doon sa lumang gusali. Initiation daw iyon ayon sa mga usap-usapan ng mga kaklase.
“Uy, hindi ha.”
"Bahala ka."
Binirahan niya ng talikod ang babae. Ang kulit lang ay sumabay pa sa kanya palabas ng silid. Sa hallway ay naghihintay na ang mga afternoon shifters, sila na lang ang hinihintay na lumabas ng silid. Pinagtitinginan pa ng mga ito si Macey. Paano ay sadyang tinalian ang gawing harapan ng suot na PE shirt. Kita ang maputi nitong pusod at makurbang beywang. Mas binilisan pa niya ang paghakbang. Kating-kati na siyang makalayo rito.
"Nina!"
Napahinto siya sa paghakbang. Malalim na nagpakawala ng hangin at nilingon ito. “Macey, bakit ba hindi ka na lang mag-aral nang mabuti? Sayang ang perang ipinapadala ng mga magulang mo sa'yo.” Hindi na niya napigilang huwag magbigay ng unsolicited advice.
“Inaaya lang naman kita, pero ang dami mo na kaagad sinasabi.” Sumimangot ito. Kumaway sa mga kabarkada na ngumising aso na akala yata ay nakumbinse siya. Neknek ng mga ito! Kahit hindi siya lumaki sa lungsod, may pagka-street smart naman siya, ‘no.
“Layuan mo na ‘yang mga tropa mo. Wala namang naidudulot na maganda sa'yo mga 'yan. Sayang ka, maganda ka at matalino ka naman.”
Tumirik ang mga mata nito at ngumiwi pagkatapos.
“Hay, Mother Theresa, diyan ka na nga!"
Laking ginhawa na tinantanan siya nito sa wakas. Naiiling na sinundan na lang niya ito ng tingin. Saan pa ba ito didiretso kundi sa mga kaibigan nito na nagkumpulan sa isang sulok habang umiinom ng softdrinks. Ewan niya lang kung softdrinks ba talaga ang laman ng mga ‘yon. Tapos sasama siya sa kanila? Ano siya, baliw? Kailanman ay hindi siya gagawa ng bagay na ikaka-disappoint nina Ate Aiah at Kuya Jacob at mas lalo ng nanay at tatay niya.
Ang dami niyang pangarap sa buhay.
Bago muling naglakad, nakita pa niya kung paanong nauwi sa simangot ang ngisi ng isa. Malamang, nalaman na walang epekto ang charm ni Macey sa kanya. Hayun, halatang pinagsabihan ng mga kasamahan.
'Sana naman, tantanan na talaga ako.'
Napatingin siya sa orasan. Hindi pa naman gaanong late ang pag-uwi niya pero kailangang magmadali na siya. Ayaw niyang makadagdag sa isipin ni Ate Aiah. Napapansin niya kasi na mukhang may mabigat na pinagdadaanan ngayon ang mag-asawa. Halatang nag-iiwasan. Kaya, ayaw niyang maging sakit ng ulo ng mga ito. Hiling niya lang na sana, magkaayos na ang mga ito. Nami-miss na niyang makita ang paglalambing ni Kuya Jacob kay Ate Aiah. Nami-miss na niyang nakikitang ngumingiti ang Ate Aiah niya.
Ang hirap naman ng pag-ibig, nagkakasakitan minsan.
“Mylabs, halika muna dito!”
Nakatawid na pala siya sa gate ng eskwelahan na maraming naglalaro sa utak. Ang malakas na boses ni Caloy ang naging panggising ng naglalakbay na diwa niya. Nakangiting nilingon niya ang kaibigan. Noong una ay naiinis pa siya kay Caloy, pero kalaunan ay nakasanayan na niya ang panunudyo nito. Wala namang malisya, biruan lang. Mas nanaisin pa niyang makipagkaibigan kay Caloy kaysa doon sa mga gang members niyang mga kaklase. Taga-Laguna din kasi ito kaya marami silang common topics. Kapag ito ang kausap niya, laugh trip palagi. Non-stop ang biruan. May pagkakengkoy kasi ito.
“May ipapatikim ako sa’yo.”
“Ano naman ‘yan?”
Tinapos muna nito ang paglalagay ng kekiam sa paper cup at ibinigay sa isang customer. Siya naman ay kumuha na rin ng kanya at binayaran iyon. Hindi siya magastos pero pagdating sa kaibigan ay naglalaan siya ng tapyas ng baon niya. Nakaka-inspire lang kasi si Caloy, ang tiyaga at nag-aaral pa sa gabi.
“Gumawa ako ng siomai. Tikman mo naman. Husgahan mo.”
Bago niya maisubo ang kekiam ay mas nauna pang naiumang ni Caloy ang isang piraso ng sioami sa bibig niya. Buong-buo niya iyong nilamon. Bumubukol tuloy ang bibig niya sa kakanguya.
“Paano?”
Nangingislap ang mga mata nito. naghihintay ito ng positive feedback. “Caloy, ang sarap nito,” aniya matapos lumunok.
“Talaga?”
“Um-um." Inilabas pa niya ang dila para makita nitong walang natirang kahit maliit na piraso sa bibig niya. "Alam mo, pwede mo itong ialok sa mga wholesalers." Pwera biro, masarap talaga. "Pwede ko bang ubusin na 'yang laman ng tupperware?”
"Syempre naman, mylabs."
Sinubuan pa siya ni Caloy. Lamon naman kaagad siya. Nang sa paglingon niya ay may umagaw sa atensyon niya. Isang pigura na nakaupo sa hood ng kotse na nakaparada sa katapat na gilid ng kalsada. Pwede naman niyang huwag pansinin pero paano ba niya babalewalain ang kakaibang titig na ipinupukol nito sa kanila, sa kanya. Seryoso lang ang ekspresyon nito habang halos hindi na kumukurap sa kakatitig sa direksyon niya. 'Yon bang tipo ng tingin na kahit wala naman siyang ginagawang masama ay kinakabahan siya. Pakiramdam niya, nagkasala siya.
Pero bakit?
Ang buong atensyon niya ay nawala kay Caloy at sa mga sinasabi nito. Ang tanging ginawa niya ay ang makipagtitigan sa lalaking iyon habang napaawang ang bibig na may laman pang pagkain. Dumadaan ang mga sasakyan sa pagitan nila pero ang mga titig nito ay hindi napuputol. Tila pa nag-slowmo ang lahat at ang tanging nakikita ay ang taong iyon. May ilang metrong layo ito sa kanya pero nagawa niyang pag-aralan ang kabuuan nito. Ruggedly handsome, ganoon pa rin ang ayos nito na kahit ang mga kababaihang estudyante sa likuran niya. pati ang baklang kaklase ng mga ito ay napapasinghap sa kakisigan at kagwapuhang namamalas.
Ang nakakainis pa ay ang tila pagbangon ng matinding pag-ayaw sa kaibuturan niya. Bakit bigla yatang ayaw niya sa reaksyon ng mga ito?
Huminto ang daloy ng mga sasakyan. Buong-buo na niyang natatanaw ang kabuuan nito na nakiisa sa paghakbang patawid ng kalsada. Para itong modelong nangingibabaw ang tangkad sa kasabayang pedestrians.
Tumindi ang bulungan sa likuran niya, ganoon din ang kabog ng kanyang dibdib. Sa talagang hindi niya kayang sawayin.
‘Sa akin ba siya patungo?’
Nalunok niya nang wala sa oras ang piraso ng pagkain na naiwan pala sa loob ng kanyang bibig. Halos marinig pa niya ang pagdaan niyon sa kanyang lalamunan, ngunit mas matindi sa lahat ang pagkalimbang ng puso niya. Parang nagwawala. Parang may delubyo.
‘Sa akin pa rin siya nakatitig.’
Binalak niyang humakbang at lumayo ngunit tinatraydor yata siya ng mga paa niya na ayaw makiisa sa kanya. Palapit na nang palapit ang bampirang Baxter na ayaw pa rin siyang tantanan ng paninitig. Ano ba ang kailangan nito sa kanya? O, siya nga ba ang tinititigan at balak na lapitan nito?
Isa, dalawa, tatlong hakbang na lang yata ang natitira sa pagitan nila at tuluyan na itong makakalapit sa kanya. Bago mangyari iyon ay naging aktibo naman ang utak niya. Mabibilis at malalaki ang mga hakbang na pumihit siya at lumayo. Dinig niyang may tumatawag sa kanya pero hindi na siya lumingon pa. Basta ang alam niya ay gusto niyang makatakas at makalayo mula rito.
Nakiisa siya sa mga pasaherong lumululan sa nakahintong jeep. Ni hindi na niya tiningnan kung papunta sa direksyon ng bahay nina Ate Aiah ang sasakyan. Nakipag-unahan pa siya sa mga kasabayan sa paglulan ng jeep. Nang sa wakas ay maayos siyang nakaupo. Saka niya natanong ang saril kung bakit ba siya tumatakbong palayo mula kay Baxter. Tila nahahapong isinandal niya ang ulo at pumikit. Ngunit kaagad ding napadilat. Hanggang sa imahinasyon niya kasi ay malinaw niyang nakikita ang hitsura nito.
Nagdilat siya ng mga mata at sunud-sunod ang ginawang pag-iling ng ulo. Gusto niyang alisin ang imahe nito sa isip niya. Ayaw niya na binibisita siya ng gwapo nitong mukha. Nahihiya siya sa sarili na hinahayaan niyang may lalaking magpapagulo ng utak niya, lalo na at 'di hamak na mas matanda ito sa kanya. Saka niya naramdaman ang tila panlalagkit at pamamasa ng kanyang palad. Tinitigan niya ang hawak na sisidlan ng kekiam. Hawak pa rin pala niya at halos makuyumos na sa palad niya. Dali-dali niyang kinuha ang panyo sa bulsa pero sa malas ay walang laman ang bulsa niya.
Nasaan na ba kasi ang panyo?
Mabuti na lang at may extra yellow paper siya sa bag. 'Yon ang ginawa niyang pamahid.
‘Bakit ba kasi nagiging aligaga ka, Nina, kapag nasa malapit ang taong iyon?'
Ang mga mata nito…ewan, pero mukhang may kapangyarihan talaga, eh. Hanggang ngayon kasi ay ayaw pa rin siyang tantanan ng kaba at pangangatog ng kanyang mga tuhod. Ipinagdikit niya ang mga iyon at sinikap na gawing steady.
"Ang hirap."
Napu-frustrate na napabuga siya ng hangin. Sunud-sunod. Paraan para gawing patag ang pansamantalang nawindang na kalooban.
‘Matandang bampira talaga ‘yon.’
Sa susunod na magkukrus ang mga landas nila, iiwasan niya ito sa abot ng kanyang makakaya.