Naging mailap ang tulog para kay Nina. Nahimbing na naman sana siya kanina pero may dumalaw sa panaginip niya. Isang nakakainis na bweseta! Sarap na ng tulog niya, nambulahaw pa talaga. Hanggang sa panaginip, nagdudulot pa rin ng delubyo ang mga titig ang nakakasuya nitong mga mata. Naghahatid pa rin ng kakaibang kilabot na kung susumahin, hindi naman nakakatakot.
Sadyang iba lang. 'Di niya matukoy.
"Kainis! Bakit ko ba naiisip ang higanteng mama na 'yon?!"
Pinukpok niya ang ulo ng unan, Ipinatong niya iyon sa mukha. Matapos ang ilang segundo ay padarag siyang bumangon at tinupi ang mga tuhod sa kama at doon naman ipinatong ang baba niya. Yakap niya ang mga tuhod na ikiniling ang ulo at tumitig sa labas ng malalaking bintana. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag sa labas. Nang magsawa sa kakatitig, pinagkasyang umahon at magtungo sa kusina.
Nitong mga huling araw, tinatamad si Ate Aiah na maghanda ng agahan. Lagi itong malungkot. Si Kuya Jacob naman kasi, laging maaga kung umalis at gabing-gabi na kung umuwi. Halos sa opisina na nakatira. Noong minsan, may bisita pa itong magandang babae. Umiyak si Ate Aiah, malamang dahil sa selos. Medyo nainis siya kay Kuya Jacob no'n.
Mga lalaki talaga! Pwera na lang sa tatay niya na loyal na loyal sa nanay niya.
Natigil ang daloy ng pag-iisip niya nang maratnan ang nakatalikod na si Ate Aiah sa kusina. Kinurap pa niya ang mga mata.
Si Ate Aiah nga!
Nagsimula na itong magsalang ng mga kawali sa lutuan. Literal na naging masigla kaagad ang umaga niya pagkakita sa amo. Na-miss niya ito at ang mga luto nito.
"Ate?" may halong paniniguradong bati niya.
"Good morning, Nina," malumanay nitong bati.
Napasugod siya sa tabi nito. "Biglang naging good ang morning ko, Ate." 'Di niya naiwasang yapusin ito mula sa likuran. Pati mabangong amoy nito, na-miss niya. "Sorry, Ate. Na-miss lang po kita talaga," hinging-paumanhin niya nang bumitaw sa yakap.
"Lagi naman tayong magkasama sa bahay, ah," nakangiti nitong komento na ginulo pa ang buhok niya.
Kahit paano, ngumingiti na ito. Nakaka-miss na makipagkulitan kay Ate Aiah pero next time na lang at baka masira niya ang mood nito.
"Tulungan mo na ako?"
The next minute, masigla na nilang pinagtulungan ang paghahanda. May pa-feeding daw ito sa isang orphanage. Sa dami ba naman ng pera ng mag-asawa, kayang-kayang pakainin ng mga ito kahit buong barangay pa. Masaya silang nag-uusap nang bigla na lang itong natameme at nawala ang ngiti sa mga labi. Nabitin sa ere ang hawak nitong styro.
Tama nga ang suspetsa niya, si Kuya Jacob ang natanaw nitong naglalakad patungo sa main door. Napahinto pa ito at napatitig sa gawi nila. Ilang saglit ding nagtitigan lang ang dalawa pero unang nag-iwas ng tingin si Ate Aiah at tumalikod. Kahit hindi naman nito kailangan ang noodle spoon, basta na lang nito pinulot at inilagak sa sink. Umaalon ang dibdib nito. Para itong maiiyak habang mahigpit na hawak ang gilid ng sink. Nang tingnan niya si Kuya Jacob, kay Ate Aiah pa rin ito nakatingin. Parang ang tatay niya lang kapag nagtatampo si Nanay Eve.
Sa nangyayari, parang siya ang napapagod at kinakapos ng hininga.
Ang gulo ng mag-asawa. Halata namang nagmamahalan.
Ay, ewan sa mga adults!
Sa eskwela, buong tiyaga siyang nakinig sa teachers ngunit may mga pagkakataon talagang napapatanga na lang siya. Naiisip niya si Ate Aiah at may isa pang sumisingit na imahe sa isip niya. Ang sarap sunugin ng bahaging iyon ng kanyang utak.
"Nakakainis talaga 'yang si Primo."
Nagsusulat siya sa notebook ngunit nangapitbahay sa tainga niya ang nayayamot na reklamo ng isang kaklase sa likuran niya.
"Naiinis ka kasi crush mo 'yong tao."
Tuluyan na siyang napahinto sa pagsusulat.
Naiinis din siya sa lalaking iyon.
"Tsaka, minamalditahan mo kapag nagkaharap kayo pero kapag naman wala, panay ang banggit mo. Malamang pati diyan sa utak mo at kahit sa panaginip mo, si Primo pa rin ang laman."
Laman ng isip.
Bisita sa panaginip.
Napapikit siya nang mariin. Ang pahina ng notebook na sinusulatan ay hindi niya namalayang halos mapunit na dahil sa pagkakadiin ng kanyang panda ballpen. Namamawis pa ang palad niya.
Hindi kaya...
Hindi!
Ewe.
"Ewe talaga!"
Ipinilig niya ang ulo. Gusto niyang palayasin ang imaheng dumikit sa imahinasyon niya.
Erase...erase...erase...
Hindi maaari. Tinampal niya ng magkabilaang kamay ang mga pisngi at kumurap.
"Ang tanda na no'n. Sagwa!"
Sininop niya ang mga gamit at nagtungo sa CR. Winisikan niya ng tubig ang mukha. Pampagising lang. Uwian na rin lang naman kaya dumiretso na siya sa baba. Palinga-linga siya sa kalsada pagkarating sa labas. Otomatikong natuon ang mga mata sa direksyong ng kinaroroonan ng taong ''yon kahapon.
Wala roon ang bampira.
Napahinto siya sa paglalakad.
Bakit, inaasahan ba niyang makita ito?
Hindi ha. Para na siyang tanga na kinakausap ang sarili.
Naglakad siya patungo sa usual spot kung saan siya sinusundo ni Mang Boyet. Ilang metro mula sa school nang hindi siya makita ng mga kaklase na inihahatid-sundo siya ng isang magarang kotse. Nakakahiya kasi. Pwede naman na sanang mag-commute pero ini-insist ni Ate Aiah.
"Ang tahimik mo yata ngayon, Nina."
Nasanay si Mang Boyet na matabil siya at kung anu-ano ang kinukwento. Minsan, umaabot pa tungkol sa pamilya nito ang mga pangungulit niya.
"Nakakapagod ho kasi ang activities namin, Mang Boyet."
Umakto pa siyang napapagod at sumandal sa upuan. Hanggang sa makarating ng bahay, malimit siya kung magsalita.
"Sige, Nina, at babalikan ko pa si Ma'am Aiah."
Mabilis siyang nagbihis pagkapasok sa bahay. Malinis na rin naman ang bahay kaya ang konting mga labahin na lang muna ang inatupag niya habang isinabay na niya ang late lunch. Sa laki nitong bahay, himalang nauubusan siya ng gagawin. Masinop kasi si Ate Aiah at hands-on sa mga mga gawaing-bahay. Tsinek niya ang note ni Ate Aiah sa CP niya pagkatapos.
"Magsaing. Pakuluan ang karne at ihanda ang mga spices," malakas niyang basa sa nakasulat sa reminder.
Easy.
Habang nakasalang ang karne ng baka ay ang mga mga bulaklak ni Ate Aiah naman ang inatupag niya. Kadalasan, silang dalawa lang sa bahay pero kapag nakatitig siya sa mga pananim, pakiramdam niya, may kasama sila. Pakiwari niya, nasa Luisiana siya. Dati, umuungot pa siya sa tatay niya na hindi sasama sa bukirin. Ngayon, pinananabikan niyang gawin. Masyadong nahuhulog ang buong atensyon niya sa ginagawa. Naagaw lang ang pansin niya nang makarinig ng kaluskos mula sa likuran. May pumasok sa gate.
"Baka si Ate Aiah na."
Nakahanda na ang ngiti niya kay Ate Aiah pero kaagad iyong naglaho. Ibang tao ang dumating.
'Ano ba ang ginagawa niya rito?'
Nakakainis. Kinakabahan na naman siyang bigla nang walang dahilan. Lagi na lang. Nag-iiba na naman ang reaksyon ng dibdib niya. Nanginginig na naman ang mga kamay. Alanganin siya kung kakausapin o tatalikuran ang bagong dating na buong kampanteng naglakad papasok ng bakuran. Tatlong grocery bags ang bitbit nito pero parang balewala lang rito. Sa tigas ng katawan nito, malamang na kaya nitong magbuhat ng mabibigat.
'Ano ba, Nina?'
Masyadong nagugol sa pagtatalo ang dalawang bahagi ng utak niya. Naputol lang ang pag-iisip nang maramdaman niya ang paglandas ng tubig mula sa bunganga ng hose patungo sa kanyang balat at dumausdos iyon pababa. Mabilis niya iyong iniwas pero nabasa na ang kanyang mga paa, pati na rin ang laylayan ng suot na damit. Natatarantang isasarado na sana iyon pero namalayan na lang niyang naagaw iyon mula sa kanyang pagkakahawak.
"Wala bang shower sa loob? Bet mong maligo sa labas?"
Ang boses nito...may halong nagbibiro pero nang tingalain niya ang mga mata nito, nakita niya ang kakaibang tiim. May sinag ng araw na lumusot mula sa dahon ng mga puno sa kanyang likuran at direktang tumama sa mukha nito. Napapikit siya dahil bahagyang nasilaw. Pagmulat niya, ganoon pa rin ang ayos nito, walang pagbabago sa reaksyon ng mukha. Nakita pa niya ang tila paggalaw ng mga panga nito habang nakatitig sa mukha niya.
Nangunot ang noon niya. Ano bang dumi ang dumikit sa kanya. Namaybay ang mga titig nito sa mukha niya. Nalipat sa…
Sa mga labi niya? Napalunok siya nang wala sa oras. Parang biglang may pumitik sa utak at natauhan siya. Itinulak niya ito sa dibdib gamit ang mga palad niya at umatras ng dalawang beses at itinago ang mga kamay sa likuran. Na para bang may aagaw roon. Ang nakakainis pang lalo ay ang biglaang pag-iinit ng kanyang mukha.
Kainis!
Habang 'di niya maunawaan ang sarili, parang higanteng nakatayo lang ito sa mismong harapan niya. May amused itong ngiti na para bang isang siyang katawa-tawang tanawin. Mula sa pagiging seryoso kanina, balik salbahe na naman. Mas ngumiti pa habang hindi niya mapigil ang pagkibot-kibot ng mga labi. Sulok ng bibig lang nito ang umaangat pero kumikislap naman ang matitiim na mga mata.
Ngiting manyakis na bampira. Namilog pa ang mga mata niya nang makitang dumaan saglit ang dila nito sa ibabang labi. Dagdag kilabot iyon sa pakiramdam.
"Bakit ka ba basta-basta na lang pumapasok dito?" masungit niyang tanong habang pasimpleng iniiwas ang paningin.
"Bawal ba?"
Syempre hindi. Kaibigan ito ni Kuya Jacob. Bestfriend pa nga. Anumang oras, maaari itong bumisita at wala siyang karapatang tutulan ang pagpasok nito sa bakuran. Mali ang sinabi niya pero hindi na niya binawi. Pati simangot 'di na naalis pa sa kanyang mukha.
"So I thought."
Mas lumawak pa ang ngiti nito habang nakatitig sa nalukot niyang mukha.
"By the way, I'm just doing an errand."
Itinaas nito ang isa sa grocery bags na inilapag nito sa mesa kanina nang isarado ang hose. Nabasa pa ang handle niyon ng tubig. Dapat na magpasalamat pero bakit ba? Di-ni-stract siya nito kaya nangyari ang ganito.
"I bumped with Aiah kanina. Pupunta rin naman ako dito so, I volunteered na ako na ang magdadala ng mga pinamili niya. Isa pa, may idadaan din kasi ako. Stuffs from Baguio."
Sinasabi kahit 'di naman niya tinanong. Tumango siya nang bahagya kahit 'di naman siya interesado.
"And I brought you this," turo nito sa isa pang supot na hindi niya alam kung ano ang laman. "And this one."
Naglabas ito ng dalawang styro mula roon. Mas lalong nangunot ang noo niya, umusli ang nguso niya. Bakit naman siya pasasalubungan?
"Come on, open it up, Nina."
Kung maka-Nina, akala mo naman friends sila. Napasimangot na talaga siya. Mas lalo namang lumapad ang ngiti ng baliw.
"Ayaw mong tawagin kita sa pangalan mo?"
Nanlaki ang mga mata niya. Nabasa nito ang laman ng utak niya? Masyado sigurong napalakas ang bulong niya.kaya umayos siya sa pagkakatayo. Nahila niya ang laylayan ng t-shirt nang wala sa oras.
"Well, pwede namang iba ang itawag ko sa'yo."
Iba ang klase ng tingin na ibinigay nito sa kanya. Naiilang siya.
"Ano naman?"
Ngumiti na naman ito ng nakakaloko habang pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Nag-settle sa mismong mukha niya ang mga titig nito. Partikular na sa kanyang mga mata. Inilapit pa talaga ang pagmumukha sa kanya. Huminto lang kung saan halos pulgada na lang ang agwat ng mga mukha nila. Nalalanghap niya ang masarap na pang-amoy nito. Ang linis at sarap ng amoy. Sa sobrang lapit ng mga mukha nila, 'di tuloy maiwasang huwag baybayin ng mga titig ang kabuuan ng gwapong mukha nito Ultimo maliit na biloy nito sa kaliwang pisngi ay napapansin niya sa sobrang lapit. Natitensyon siya na 'di mawari.
"Choose..." anitong sinadyang ibitin ang pangungusap.
Parang nahuhulaan na niya na kalokohan ang lalabas sa bibig nito. Kagat pa ang ibabang labi. Mapang-asar talaga. Pero sa totoo lang, tumatahip ang dibdib niya sa paghihintay sa anumang lalabas na salita sa bibig nito. Para siyang tanga na binabantayan ang pagbubukas ng bibig nito.
"Sweetheart o baby?"