UNANG BESES NA NARINIG NI SEBASTIAN ang tanong na iyon mula sa isang mortal. Kung sabagay, ito ang kauna-unahang mortal na nakasaksi ng kapangyarihan niya, maski si Calida sa kahuli-hulihang sandali ng buhay nito ay hindi nakita ang kakaibang kakayahan niya. Nahulog na ang tuyong dahon na binitawan niya pero hindi maalis ni Sebastian ang mga mata sa mukha ni Jada. Kung nitong mga nakaraang araw ay takot ang madalas niyang nakikita sa mukha ni Jada, ngayon ay mas lamang ang pagkamangha sa mga mata nito nang tanungin iyon sa kanya. “Isa akong imortal,” sagot ni Sebastian nang di kumukurap. Gusto niyang makita ang kaliit-liitang reaksyon ng babae. Kitang-kita niya ang dahan-dahang pamimilog ng mga mata nito nang rumehistro dito ang sinabi niya. Nang bahagyang ibaba ni Sebastian ang tingin

