Ang Unang mga Kaibigan

917 Words
NANG MAKABALIK SI JADA sa tinutuluyan ay nakita niya sa entrada ng gusali ang isang babae at lalake na mukhang hindi nakakalayo sa edad niya. Masayang nagbibiruan ang mga ito bago maramdaman ang presensya niya at mapalingon sa kanya. Nahihiya siyang ngumiti sa mga ito, hindi siya sigurado kung ang dalawa ang umookupa ng mga katabi niyang kwarto para sa mga volunteers. Lalagpas na sana siya nang tawagin siya ng lalake sa palakaibigang tono. “Ako nga pala si Jesson.” Pakilala nito nang nakangiti. Kung hindi ito lumapit sa kanya at unang nagpakilala ay aakalain niyang nerd ito. Medyo malago ang wavy na buhok nito at may salamin ito sa mga mata, mukhang hindi rin ito bothered sa fashion nito. Nakasuot ito ng polo shirt at corduroy pants at panlalakeng sandals. Maaliwalas ang bukas ng mukha nito at mukha itong maaasahan. “Jada. Jada Gardose.” Inabot niya ang kamay nito. “At ito naman ang mapapangasawa ko, si Mariz. ” Natatawa nitong marahang hinila ang babaeng kasama nito. “Ambisyoso!” natatawang sagot ng babae pero nagpahila din. Sa halip na kamayan siya ni Mariz ay niyakap siya nito sa pagka-ilang niya. Nang bumitaw ito ay masaya siyang hinarap. “Hi, Jada! Sa wakas may makakasama na din akong volunteer na medyo ka-edad ko bukod sa mokong na ‘to.” Pabiro nitong inirapan si Jesson. Nakumpirma niya ang iniisip na ang dalawa nga ang kasama niya sa building na iyon. Nakakahawa ang sigla ng dalawa, mukhang pamilyar na pamilyar na sa isa’t isa. Katulad ng sinabi ni Mariz, mukhang magkaka-edad lang sila. Pero pakiramdam ni Jada ay isa siyang bata na walang kaalam-alam at hindi pa sanay makakita ng tao. Totoo naman iyon. “Nice meeting you.” Sinserong sagot niya sa dalawa at hindi mapagdesisyunan kung dederetso na sa kwarto o hindi. “So, excited ka na ba sa orientation bukas?” si Mariz na hinawakan pa ang braso niya. “Uhm…” Walang alam si Jada sa kung anumang orientation ang meron bukas. Ang huli nilang pag-uusap ni Dra. Clara ay bibigyan pa siya ng ilang araw para makapag-isip. “Ako, oo. Dahil ibig sabihin buong araw kitang makikita bukas, Mariz.” Singit ni Jesson at nakangising inakbayan ang dalaga. “Tumigil ka nga.” Natatawang siniko nito ang lalake at inambaan ng suntok. Gustong maiinggit ni Jada sa samahan ng dalawa. Obvious na nagliligawan ang mga ito kung hindi pa man may relasyon ang dalawa. Kung sana lang ay katulad niya ang mga ito na may normal na buhay, walang dapat pagtaguan, masaya lang… “P-Para saan ang orientation?” tanong niya. “Para mas makilala pa ng mga bagong volunteers ang organization at kung anu-ano at saan ang mga operations ng grupo. Isang way na din iyon para makahikayat na maging regular responder o magtrabaho full-time ang mga volunteer na gustong mag-shift o mag-start ng career sa humanitarian. Ako, tatlong taon nang full-time dito at napaka-rewarding ng trabaho.” Sa masayang disposisyon nito ay nakikita ni Jada ang katotohanan niyon. “Sabihin mo lang, Mariz, anytime, handa akong iwan ang trabaho ko sa Manila para mag-full time sa organisasyon.” singit ulit ni Jesson. “At makita ka araw-araw at pagtiisan ang kakulitan mo? No, thanks!” Nag-make face ito sa lalake at si Jada naman ang inakbayan palayo kay Jesson. “Huwag kang mag-alala, kung gusto mong mag-apply bilang full time responder, tutulungan kita para maipasa mo ang mga trainings and workshops,” assurance nito at namamangha si Jada sa kabaitan na pinapakita ni Mariz. Sa kilos at sinasabi nito ay parang matagal na silang magkaibigan. Hindi pa iyon naranasan ni Jada sa buong buhay niya. Wala pa siyang naging kaibigan dahil sinisigurado ni Ambrose na ang mga katiwalang nagbabantay sa kanya ay ginagawa lang ang trabaho ng mga ito. Ang gusto ng kinilalang kapatid ay sila lang ang magkaibigan. “S-Salamat.” Hindi masabi ni Jada kay Mariz ang totoong dahilan kung bakit siya nandoon at kung bakit wala talaga siyang ideya kung ano grupong sinamahan. Isang beses pa lang siyang nakasama at simple lang ang ginawa niya sa outreach program, mas tamang sabihin na mas mahabang oras pa na nag-obserba lang siya kaysa naki-involve sa ginawang outreach ng grupo.  “So… sabay tayo bukas na pumunta sa headquarter ha? Hihintayin ka namin.” Nagsabi ito ng oras ng alis nila at saka masayang nagpaalam nang hindi hinihintay ang sagot niya. Nang sundan ni Jada nang tingin ang dalawa ay masayang naghahabulan ang mga ito paakyat sa hagdan ng building. Nasabik si Jada sa pagkakaroon ng kaibigang katulad ni Mariz. Siguro nga ay tama si Dra. Clara na magandang simula kung susubukan niyang sumama sa grupo. Isa pa, hindi rin siguro masama na subukan niyang um-attend sa orientation, training at mga workshop. Sa kalagayan niya ngayon na walang tiyak na pupuntahan at aasahan ay hindi maganda na tumanggi sa oportunidad. Siguro ay tama din ang pakiramdam niya sa mga taong nakilala. Hindi lahat ay katulad ni Ambrose na mapagkontrol, hindi lahat ay katulad ng mga katiwala ni Ambrose na mas mahalaga ang hanapbuhay kaysa tulungan ang kalagayan niya at hindi lahat ay gustong saktan siya, katulad ng lalake sa panaginip niya. Nang maalala ang lalake ay awtomatiko siyang napahawak sa bulsa niya kung saan niya nilagay ang binigay ng ale sa palengke na pangontra sa masamang panaginip. Sana ay umepekto iyon. Kailangan niya ng malinaw na pag-iisip ngayong handa na siyang gumawa ng kauna-unahang desisyon sa buhay niya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD