PAGKATAPOS NG NANGYARI KAY JADA ay isang buong araw na hindi siya lumabas sa kwartong pinag-iwanan sa kanya ni Dra. Clara. Hindi na siya nito pinilit na bumalik sa tinutuluyang bahay ng mga volunteers na malapit sa kagubatan kaya ipinadala na lamang nito ang mga gamit niya. Nahihiya siya sa abalang ginawa niya sa mga kasamahan lalo na kay Dra. Clara pero palage nitong sinasabi na nauunawaan siya nito. Hindi pa din siya makapaniwala na may taong katulad ni Dra. Clara. Ang mga nakasama niya buong buhay niya ay hindi ganoon ang pagtrato sa kanya.
Ang lumang building na kinaroroonan niya na ayon sa doktora ay ang dating opisina ng organisasyon ay abandonado na ang mga unang palapag. Ang ikatlong palapag kung nasaan ang kwarto niya ay nakalaan para sa mga volunteers pero sa ngayon ay ilan lang silang naroon dahil walang nakatakdang operasyon ang grupo para sa mga volunteers.
Nagpahayag si Dra. Clara ng kagustuhang samahan siya sa pananatili niya roon pero siya na rin ang tumanggi. Alam niyang abala ito, patunay ang maya’t mayang tawag na natatanggap nito. Pinagpapasalamat niya na nakilala ito at kahit paano ay napapayapa sa ideya na hindi siya nag-iisa at handa siya nitong tulungan. Pero nahihiya rin siya dito kaya tumanggi siya at nagsabing bigyan siya ng dalawang araw na mapag-isa para mapag-isipan ang inaalok nitong kupkupin siya nito. Napahinuhod naman ang doktora pagkatapos siyang pangakuin na hindi gagawa ng desisyon na magpapahamak sa kanya. Bago ito umalis ay nag-iwan ito ng mga kailangan niya at pagkain at ibinilin nito na magpapapunta ito ng ilang miyembro ng organisasyon na makakasama niya. Hindi pa nakikilala ni Jada ang mga iyon dahil hindi pa siya lumalabas ng kwarto niya. Hindi rin siya sigurado kung gusto niyang makisalamuha sa kahit na kanino, hindi siya sanay. Wala siyang naging kaibigan kahit kailan. Masasabi niyang si Dra. Clara pa lang ang naging malapit sa kanya nang ganoon kabilis.
Binalak niyang gugulin ang buong araw sa loob ng kwarto na iyon. Sanay siyang hindi masikatan ng araw dahil halos buong buhay niya ay nakakulong siya. Pero gusto niyang makalimutan ang nakaraan na niyon kaya nilakasan ni Jada ang loob at pinilit ang sarili na lumabas. Mula sa balkonahe ng kwarto niya ay naririnig niya ang masigla at buhay na buhay na maliit na pamilihan at naengganyo siyang libutin iyon pagkatapos paniwalain ang sarili na ligtas siya mula sa lalakeng nakatagpo noong isang araw. Maraming tao sa pamilihan at wala naman sigurong mangyayari sa kanya sa tanghaling tapat. Hindi na niya naisip na magpaalam o magpasama sa mga kapwa volunteer na narinig niyang dumating kagabi.
Gusto rin niyang maglakad-lakad para na rin makapag-isip. Kahit malaki ang tyansang tanggapin niya ang volunteer work na inaalok ni Dra. Clara ay gusto pa din niyang pag-isipan ang magiging desisyon.
Walang tiyak na pupuntahan si Jada, wala din siyang balak bumili ng kung ano. Nagtitingin-tingin lang siya. Hangga’t maaari ay ayaw niya gumastos. Hindi malaki ang nadala niyang pera.
Ang humanitarian organization na Calida ay nagbigay ng daily allowance bukod pa sa libreng tirahan at pagkain. Kung gusto niyang maka-survive sa mga darating na araw ay mas praktikal na ituloy muna niya ang pagsali sa grupo habang hindi pa siya nakakahanap ng trabaho na siguradong mahihirapan siyang gawin. Nagtapos siya ng Library Science at hindi niya alam kung may mga oportunidad para sa kanya lalo na kung balak niyang magtago sa malalayong probinsya. In-assure ni Dra. Clara na tutulungan siya anuman ang magiging desisyon niya at iyon lang ang nagpanatag ng loob niya. Talagang magandang bagay na nakilala niya ang ginang. Pero hanggang kailan siya aasa dito? Kailangan niyang pangatawanan ang paglayo niya sa pamilya at maging independent.
Itinuloy ni Jada ang marahang paglalakad sa hilera ng mga tindahan hanggang mapadpad siya sa kabilang dulo kung saan mayroon dalawang palapag na commercial building para sa dikit-dikit na stalls ng iba’t ibang paninda. Nasa labas ang malalawak na hagdan ng building na tumatanaw sa buong palengke sa ibaba. Sa baitang ng mga hagdan ay may ale na nakaupo katabi ang mga itinitindang nakalatag sa hagdan. Nakuha niyon ang interes ni Jada kaya umakyat siya para makalapit dito. Nakasuot ito ng makulay na bestidang may mahabang manggas at nakatali ang mahabang buhok ng clam. Kasalukuyan itong naglalagay ng kung anong dahon sa maliit na plastic nang tapatan niya. Ngumiti ito nang makita siya na akala mo’y magkakilala sila. Naalala niya si Dra. Clara dahil sa ngiting iyon. Katulad ng doktora ay maaliwalas din ang mukha nito at iisa ang paraan ng pagtitig ng mga ito, punong-puno ng pang-unawa at kahinahunan.
Nang ilang hakbang na lang siya ay naunahan siya ng isang mamimili na nagtanong tungkol sa mga halamang gamot na nakalatag. Hinayaan niyang asikasuhin muna nito ang namimili at nakinig sa pag-uusap ng mga ito habang naghihintay. Pinaliwanag ng ale kung anong sakit ang magagamot ng tinitinda nito. Naisip ni Jada na kung malawak ang kaalaman nito sa mga halamang gamot ay siguradong mas marami rin itong alam sa ibang bagay lalo na at mula sa narinig niya ay sa kabundukan pa nito kinukuha ang mga itnitinda. Sandali pang nagsiyasat ang babae sa unahan niya at mayamaya ay umalis din nang makabili ng halamang gamot na ipinapahid para sa kabag.
Nang makaalis ang bumili ay tiningala siya ng ale at ngumiti, walang pagtatanong sa mukha kung ano ang hinahanap niya at sa halip ay, “Gamot, ineng para sa maayos na pagbubuntis,” alok nito at inabot sa kanya ang maliit na bote na masisilip ang lamang maliliit na dahon at ugat nakababad sa langis.
“Ah, h-hindi po iyan ang kailangan ko.” Alanganin ang ngiti ni Jada at kinumpas ang mga kamay. Nag-squat na lang siya sa mas mababang baitang at humarap dito dahil kung tatabihan niya ito ay mahaharangan niya ang mga umaakyat o bumababa. Siniyasat niya ang mga paninda nitong nakabalot sa mga maliliit na plastic o di kaya ay nasa maliit na bote. Nang ibalik niya ang tingin sa ale ay nakita niya ang mga matang nakangiti sa kanya. “Mayroon po ba kayong gamot para sa hindi makatulog at nanaginip ng kung anu-ano?”
Lalong lumawak ang ngiti nito at sa halip na sagutin siya ay hinagip ang malaking bayong at may hinanap doon.
Ayon sa kwento ni Dra. Clara ay natagpuan siyang walang malay kahapon sa gitna ng kalsada. Isang may mabuting loob ang nagdala sa kanya sa klinika na malapit lang din sa building na tinutuluyan niya. Iniisip ng mga kasamahan niya na nanaginip siya kaya lumabas siya nang madaling araw. Hindi niya maipaliwanag sa mga ito na normal na ang paggising niya sa madaling araw at ang nakagawian na paglalakad sa ilalim ng buwan. Iyong ang pumigil sa kanya na sabihin ang tungkol sa lalakeng nakita at nagbanta sa buhay niya. Iisipin ng mga ito na panaginip lang iyon o di kaya ay may problema siya sa pag-iisip. Kung sinabi siguro ni Jada kay Dra. Clara ang totoo ay maaaring matulungan siya nito o marekomenda sa espesyalita. Pero bukod sa nahihiya na siyang makaabala dito ay ayaw niya ding isipin nito na may problema siya sa pag-iisip.
Nang makita niya ang ale kanina ay bigla niyang naalala ang minsang napanood sa isang documetary tungkol sa mga ito. Hindi niya alam kung gaano katotoo o kung matutulungan nga siya ng mga produkto ng mga ito pero kailangan niyang may paniwalaan. Kung totoo man na panaginip lang iyon ay ayaw na niyang maulit iyon.
Humarap sa kanya ang ale at kinuha ang mga kamay niya para ilagay doon ang isang parang christmas ball. Pero hindi katulad ng isang christmas ball, ang pangsabit niyon ay gawa sa maliit na sanga na binaluktot. Sa gitna ng magkabilang dulo ng sangang pinagtagpo ay ipinatas ang maliliit na pakpak ng ibon at pinaikutan ng makakapal na sapot hanggang sa maging bilog.
“Ilagay mo sa paanan mo tuwing matutulog ka sa gabi.”
Sandaling napa-angat ang tingin niya dito at saka binalik iyon sa bagay na nasa palad niya. Hindi pinagdududahan ang bisa niyon dahil kumbinsido siya na alam ng ale kung ano ang mga ibinebenta nito.
“May araw na lilipas ang bisa nito. Kung talagang gusto kang tawagin sa gitna ng gabi para makita ng mata ng kagubatan ay walang magagawa ang agimat na ito.”
Hindi maintindihan ni Jada ang sinabing iyon ng ale at bago pa siya makapagtanong dito ay nagsalita ito sa dayalektong hindi niya maintindihan. Sinubukan niyang abutan ito ng isandaang piso pero ibinalik rin nito iyon. Ipipilit pa sana niya iyon nang marahan nitong kinumpas ang mga kamay na parang sinasabing umalis na siya saka nito hinarap ang mamimiling lumapit dito.
Nasa baba na ng hagdan si Jada nang lingunin muli ang ale, sa pagitan ng pag-uusap nito sa mamimili ay nag-angat ito ng paningin at nginitian siya.
Kahit may pagka-misteryosa ang ale ay nararamdaman niyang mabuti ang ale, sinuklian niya ng ngiti ang ale at saka bumalik sa pinanggalingan. Kinapa niya sa bulsa ang ibinigay nito. Wala namang masama siguro kung gagamitin niya iyon.