ITINULAK NI JESSON ang mabigat na pintuang kahoy ng bahay ng kanyang amo. Ginitilan siya nang pawis habang ginagawa iyon dahil parang na-stuck na ang solidong kahoy sa sobrang tagal nang hindi nagagalaw.
Para sa kanya ay mas mahirap pa iyon kaysa sa ginawa niyang ilang oras na paglalakad sa kagubatan marating lang ang nag-iisang bahay sa gitna ng mapanganib na kagubatan at rock formation na malapit sa dagat. Walang matinong tao ang makakaisip na magtatayo ng ganoong bahay na buwis-buhay bago mapuntahan. Pero sabagay, hindi nga pala ordinaryong tao ang amo niya, hindi rin siya sigurado kung ika-classify niya bilang tao ang amo na imortal.
Bumwelo ulit siya at tinulak ang pintuang dalawang dangkal ang kapal. Walang lock ang pinto dahil hindi na kailangan dahil nga sa bigat at kapal. Isa pa, wala namang ibang taong nakakarating sa bahay na iyon maliban sa amo niya at sa kanya, at sa mga ninuno ni Jesson na naunang nagsilbi dito. Kung mayroon mang maligaw ay magdadalawang isip dahil mukhang haunted house ang bahay lalo na at itim ang mga kahoy na materyales at makakapal na malalabong salamin ang mga bintana na katulad ng pinto ay ilang dekada na ding hindi nabubuksan. Protektado rin ang bahay ng mga mababangis na hayop ng kagubatan na ginawa ng tambayan ang loob at labas ng bahay. Ang presensya ng mga hayop na gumagala doon ang dahilan kung bakit itinuturing na mapanganib ang lugar na iyon. Kahit si Jesson ay hindi na yata masasanay sa mga iyon pero ang mga hayop ay mukhang nasanay na sa kanya o kaya naman ay pinagsabihan na ng kanyang amo na huwag siyang gagalawin. Hindi siya sigurado kung may ganoong kakayahan ang amo na makipag-usap sa mga hayop pero hindi siya masusurpresa kung meron man. Taong-gubat si Sebastian. Maraming taon ng imortalidad nito ay nasa gubat ito. Katunayan ay ito lang at sa tulong ng naunang nanilbihan dito ang nagtayo ng sariling bahay na iyon na umabot ng kalahating dekada lang. Gamit ang helicopter nito ay ito mismo ang nag-angkat ng mga materyales. Hindi nakakagulat na maraming alam gawin ang amo niya dahil marami itong natapos na kurso na kadalasan ay kinuha sa panggabing klase. Maski siguro si Jesson kung siya ay imortal, mag-iinvest din siya sa iba't ibang kaalaman.
Nang hindi pa rin magalaw ang pinto ay sandali niyang pinag-isipan kung kakayanin niyang umakyat sa balkonahe sa second floor at doon pumasok. Sigurado siyang bukas ang pinto sa balkonahe dahil gusto ni Sebastian na nakakapasok ang hanging dagat sa kwarto nito. Isa pa ay mas magaan ang panel ng pinto sa ikalawang palapag. Binawi ni Jesson ang pagkakatingala sa balkonahe dahil imposibleng maakyat niya iyon. Hindi rin niya malulundag iyon katulad ng ginagawa ng amo niya na hindi marunong dumaan sa main entrance kaya ganito ngayon ang nangyari sa pinto.
Ilang tulak pa ang ginawa niya at unti-unting umawang iyon sa tuwa niya. Hindi na niya tuluyang binuksan iyon at pinagkasya na lang ang sarili na makalusot sa awang. Mabuti na lang at may kapayatan siya, sunod niyang hinila papasok ang camping bag na dala.
Nasa loob na siya nang maalalang pagpagin ang mga tinik na kumapit sa suot niya. Kumpleto ang get-up ni Jesson, mukha siyang camper. Iyon nga lang, hindi camping ang sadya niya sa lugar na iyon kundi trabaho. Ang camper get-up lang niya ay dahil iyon ang angkop na suutin para marating ang bahay ng amo dahil walang foot trail ang papunta roon. Isa pa, excuse niya iyon para sa kung sino mang makakakita sa kanya sa kagubatan kung mayroon mang maglalakas ng loob na magawi doon. Ang bahaging iyon ng gubat kung saan nakatayo ang bahay ay iniiwasan ng mga taong nakakaalam na mayroong bahay sa gubat. Bukod sa mapapanganib na hayop, dahil rin iyon sa mga nakakatakot na kwento na sinadyang pinakalat ng mga ninuno ni Jesson para na rin protektahan ang katahimikan ng lugar na iyon. Ang tanging totoo lang sa mga kwento ay mapanganib ang lugar dahil sa mga ligaw at mabangis na hayop na dumadayo sa palibot ng bahay katulad ng mga unggoy, wild horses at mga ahas. Normal na tanawin na iyon doon, parang nagbibigay pugay ang iba’t ibang mga hayop sa may-ari ng bahay na nagmana ng mga katangian ng agila, ang mata ng kagubatan.
Tinawid ni Jesson ang salas na walang laman at binaybay ang pasilyo na may mga tambak ng mga libro sa gilid. Nang madaanan naman niya ang kusina na halos wala ring gamit ay nakita niya rin ang ilang patas ng mga libro sa mahabang lamesang kahoy. Sa bintana malapit sa lababo ay nakasampay ang isang malaking sawa na marahang gumagapang. Walang balak si Jesson na gambalain iyon kaya nagtuloy siya sa paglakad.
Parang dumoble ang dami ng mga libro kaysa noong huling punta niya doon. Mas marami pa ang libro kaysa sa mga Vigan tiles na pinakasahig ng buong bahay, doble ang dami kaysa sa mga kagamitan ng bahay.
May manipis na alikabok ang sahig at ilang mga sapot ng gagamba sa iba’t ibang bahagi ng bahay na dumagdag sa hitsurang abandonado nito. Pero sigurado si Jesson na hindi ang pagpapalinis ng bahay na iyon ang ipagagawa ng amo.
Masiglang humakbang papunta sa terasa si Jesson para hanapin si Sebastian, excited siya sa kung anumang dahilan ng pagpapapunta nito sa kanya. Pakiramdam niya ay mas nabibigyan ng kahulugan ang pagsisilbi niya kapag nakakaharap ito. Mas madalas kasi ay nasa syudad sya at sinusubaybayan ang mga negosyo nito at tumatanggap lang ng utos nito mula sa malayo.
Ang pamilya Valiente ang tanging mortal na nagsisilbi sa natirang tribung Ugjayon na naging imortal. Bata pa lamang siya ay pina-intindi na ng mga ninuno nila ang lahat tungkol sa tribung imortal at kung ano ang magiging misyon nila, lalo na ang pagtatago ng lihim na may mga katulad ng tribung imorta. Labing walong taon siya nang magsimulang magtrabaho kay Sebastian. Katatapos lang niya sa kolehiyo noon. Maaga siyang naka-graduate dahil ilang beses siyang na-accelerate. Kabilang siya sa bagong henerasyon ng mga Valiente at masasabi niyang napakaswerte niya para matalagang magsilbi kay Rahgu Ygban o Sebastian sa panahong ito. Ngayon ay tatlong taon na siya sa pagsisilbi dito at gusto niya ang ginagawa niya.
Natanawan ni Jesson ang amo sa balkonahe kaharap ang laptop nito. Bihira niyang makita ito nang ganoon dahil alam niyang hangga’t maaari ay iniiwasan nito ang mga impluwensya ng bagong panahon lalo na ang teknolohiya. Mas sanay ito sa mga gawaing mano-mano at trabahong hindi masyado kailangang makisalamuha sa mga tao.
“What’s up, boss?” Ibinaba ni Jesson ang mga gamit at umupo sa harap nito. Iniisip na kung bukod sa paglalaro sa mga hayop sa kagubatan ay may iba pa kayang libangan na natuklasan ang amo katulad na lang ng paglalaro ng solitaire sa laptop? Alam kaya nito na may mga pre-installed at online games sa laptop nito na kayang-kaya nitong i-master lalo na at walang katapusan ang buhay nito?
Tumango ito at saka humigop ng kape.
Naisip ni Jesson na na isa talaga sa perks ng pagiging imortal ay pwedeng kumain o uminom ng kahit ano at hindi mag-aalalang mamatay.
“Don’t do it.”
Utos ni Sebastian nang hindi tumitingin sa kanya. Napamulagat si Jesson sa amo. Alanganin siyang napangiti. Alam niyang wala itong kapangyarihan na makabasa ng isip pero siguro dahil sa tagal na nitong nabubuhay ay madali na nitong nalalaman kung ano ang iniisip ng isang tao base sa ekspresyon ng mukha. Hindi naman kasi talaga niya mapigilan ang isip niya, he-he-he!
“What do you have for me, Jesson?” Hindi nagbabago ang seryosong mukha nito nanakatutok sa kung anumang ginagawa nito sa laptop.
Inayos niya ang salamin sa mga mata at sinusubukang pantayan ang kaseryosohan ng amo. Kinuha niya ang envelope sa bag. Isa iyon sa mga inutos nito bago siya pinapunta doon. “Ito lang ang mga dokumento na nakuha ko sa pinasukang university ni Jade Danielle Gardose. Pekeng birth certificate. Wala ring impormasyon tungkol sa mga magulang ang nasa records ng school. Homeschooled siya mula elementary hanggang high school. Nagtapos siya ng kursong Library Science, blended learning. Mas madalas online at pumupunta lang ng school sa piling subject. Walang in-attend-an na school events kahit ang graduation niya.”
Tumigil sa pagtipa sa keyboard ang amo at tiningnan siya, hindi pinag-aksayahang sulyapan ang mga dokumento. “That learning set-up, was it offered to other students?”
Kung hindi niya kilala ang amo ay iisipin niyang isa itong dayuhan. Fluent ito sa english at ilan pang lenggwahe. Ang pisikal na anyo nito ay malayo sa deskripsyon na karaniwan sa tribung Ugjayon, katunayan ay hindi ito mukhang Pilipino. Ang alam niya ay may lahing banyaga talaga ito, isang katangian na naging dahilan kung bakit outcast ito sa tribu noong mortal pa ito.
Umiling si Jesson. Kilala ang university na iyon, karamihan ay mga elitista ang mga pumapasok doon. “Uhm, this Jade Danielle, boss, wala rin siyang bank records o kahit anong government issued numbers. She’s basically a recluse.”
Nakita ni Jesson ang pagdilim ng mukha ng amo at sa mga ganoong pagkakataon niya naaalala na isa itong imortal na may kapangyarihan. Hindi niya pinahalata ang nerbiyos.
“Ask your team to look into how Ambrose is connected with the university. Siguradong siya ang dahilan kung bakit nakapasok doon ang babaeng iyon. I want proofs how the two are connected.”
Napatango-tango siya. Ngayon ay alam na ni Jesson kung bakit pinaimbestigahan nito ang babaeng nangngangalang Jade Danielle.
Hindi niya alam ang detalye ng hidwaan ng ilang tribung imortal na natitira pero bukas sa lahat ng mga nakakaalam sa tribu ang alitan sa pagitan ni Sebastian at ni Ambrose.
Sinulyapan ni Jesson ang dokumento. Sa larawang nakuha ng team niya ay naglalakad ang babae at papasakay sa isang luxury car na ilan lang ang mayroon sa bansa. Malabong kuha iyon ng CCTV ng katabing establisyimento ng school. Iyon lang ang larawan ng babae dahil wala itong social media accounts o hindi man lang nakuhanan kahit saan. Hindi alam ni Jesson kung para saan ang awa na nararamdaman sa babae, ang ideya na maaaring may kaugnayan ito sa manipulador na si Ambrose o sa posibilidad na aanihin nito ang galit ni Sebastian kapag napatunayan na may kaugnayan nga ito sa kalaban ng amo.
“This is my top priority, Sir pagbalik ko bukas sa Manila.” Napangiti siya, excited sa misyon. Ganitong mga kakaibang utos ang inaabangan niya bukod sa pamamahala ng iba’t ibang negosyo nito.
“Leave it to your team. I have another assignment for you.” Binaba nito ang monitor ng laptop. Tumayo at patalikod na sumandal sa barandilya ng balkonahe habang nakapamulsa.
Nakuha na lalo ang interes ni Jesson. “Sure, Sir.”
Tahimik niyang hinintay ang sasabihin nito pero maraming segundo na ang lumipas ay hindi pa din nagsasalita ang amo. Mukhang pinag-iisipan ang iuutos sa kanya. Ngayon lang niya nakita ang ganoong ekspresyon nito. Kadalasan ay bago pa siya nito kausapin ay buo na a isip nito ang ipagagawa sa kanya,
“Go undercover as a Calida volunteer.”
Napamulagat si Jesson sa amo. Narinig pa lang niya ang salitang ‘volunteer’ ay buong puso na siyang pumapayag sa kung anumang ipagagawa nito. Limitado ang mga utos na natatanggap niya na may kaugnayan sa Calia, ang humanitarian organization na pinamumunuan nito dahil wala siyang kailangang ayusin doon. Isa si Sebastian sa direktang namamahala sa organisasyon nang hindi nalalaman ng maraming mga miyembro niyon. Ang ibang mga tribung imortal na sila ring founder ang organisasyon ang pinakamukha ng grupo katulad ni Dra. Clara. Kung tutuusin ay mas malapit pa si Jesson sa ginang kaysa sa amo dahil na rin sa magkaibang ugali ng dalawa. Distant at seryoso ang amo samantalang very motherly ni Dra. Clara. Pero hindi lang iyon ang dahilan kung bakit siya mas malapit sa mabait na doktora. Ang isa sa mga ampon nitong si Mariz ay ang matagal na niyang nililigawan simula pa lang ng high school sila. Isa rin itong volunteer ng Calida. Napangisi si Jesson.
“Kailan ako magsisimula, Sir?” hindi na niya mapigilan ang kasabikan sa tono. Nakita niyang bahagyang napailing si Sebastian dahil sa naiisip na dahilan ng sigla niya.
“Bukas.”
Ayos!