Ang Kakampi ng Kaaway

1928 Words
ANG ORIENTATION PARA SA MGA VOLUNTEERS ang unang hakbang bago makasama sa mga operasyon ng Calida. Sa pamamagitan niyon ay nalalaman ng mga volunteers ang kasaysayan ng organisasyon, ang mga misyon nito sa kung saan-saang panig ng bansa at kung ano ang papel ng iba’t ibang miyembro ng grupo. Nalagpasan ni Jada ang orientation dahil basta na lang niya tinanggap ang alok ni Dra. Clara na sumama sa outreach program na ginawa ng mga ito. Ang buong akala ni Jada ay feeding program at pagbibigay lang ng school supplies sa mga maliliit na komunidad ang ginagawa ng grupo at lahat ng iyon ay natatapos sa isang araw. Mali pala siya ng akala. Ang nasamahang outreach program ay isa lang sa napakaraming inisyatibo ng grupo. Nang makausap niya si Dra. Clara nang tumawag ito sa cellphone ni Mariz ay natuwa ito nang ibalita niyang interesado siyang dumalo ng orientation. Para sa ginang ay pwede na niyang palagpasin ang orientation at ito na mismo ang magsasabi ng mga dapat niyang malaman pero tumanggi siya. Kung napagdesisyunan niyang sumali sa grupo ay gusto niyang pagdaanan lahat ng dapat pagdaanan at hindi ginagamit ang pagkakaibigan nila ng doktora. Naintindihan iyon ni Dra. Clara at halatang-halata ang tuwa sa boses nito. Mula sa narinig niya sa orientation ay ilang dekada nang nago-operate ang grupong Calida at ang pangunahing misyon nito ay ang matulungang magkaroon ng tirahan at makapagsimula ang mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa mga kalamidad, sakuna at armed conflicts. Manghang-mangha si Jada sa mga nakikitang larawan ng mga senaryo ng mga komunidad na nasalanta dahil sa iba’t ibang dahilan at ang diwa ng bayanihan na nakuhanan ng larawan pati na rin ang mga pagbabago sa buhay ng mga pamilya na natulungan ng grupo. Buong buhay ni Jada ay hindi niya naranasang problemahin ang mga pangunahing pangangailangan niya. Ang simpleng hapunan sa bahay ni Ambrose ay hindi niya naisip na fiesta na ang katumbas para sa ordinaryong pamilya. Hindi niya naranasang maging hindi komportable tuwing bumabagyo o mag-aalala kung lumilindol dahil sa matalinong pagkakadisenyo ng mansyon ni Ambrose. Maski ang paa niya ay hindi pa naabot ng baha dahil madalang siyang payagang lumabas. Kung magkasakit man si Jada ay may personal siyang doktor na kahit anong oras ay available isang tawag lang ni Ambrose. Hindi niya kahit kailan pinroblema ang mga ganoong bagay. Naisip niya tuloy na buong buhay niya ay ang sariling problema lang ang iniintindi niya. Ngayon niya naiisip na ang simpatyang nararamdaman kapag nakakarinig ng ganoong mga balita dati ay napakababaw. Sa halip na makaramdam ng pasasalamat dahil sa masaganang buhay na binigay ni Ambrose ay lalong nakaramdam ng galit si Jada. Ang kawalan niya ng kalayaan na makisalamuha sa ibang tao ang dahilan kung bakit hindi siya mulat sa realidad ng buhay. Literal na inilayo siya sa ganoong kalagayan para panatilihin siyang walang alam. Nakakalungkot lang na wala siyang paraan para malaman kung ano ang motibo ng mga inakalang pamilya kung bakit pinaniwala siya ng mga ito na normal ang buhay niya. Hindi napigilan ni Jada ang pamumuo ng luha sa mga mata niya nang mapagnilayan na naman ang buhay niya. "Picture pa lang iyan, Jada." Inakbayan siya ni Mariz. Hindi namalayan ni Jada na hindi lihim kay Mariz at Jesson ang reaksyon niya sa mga pinapakita sa LED screen. Hindi niya masabi na bukod sa awa sa mga biktima ng iba't ibang sakuna ay kinaawaan din niya ang sarili. "Kapag naranasan mo mismong nasa area ka kung saan kailangan ng tulong, hindi ka talaga mag-aatubili na kumilos para tumulong, so, ano? Magregister ka para sa training and workshops ha," engganyo nito. Napatango na lang siya habang nahihiyang ngumiti. Nasa pagitan siya ng kagustuhan na makatulong at matuto ng marami pang bagay at ang takot at pagdududa sa sariling kakayahan. "E-excuse me." Sa halip na sagutin si Mariz ay tumayo siya at naghanap ng comfort room habang pinapayapa ang sarili. Ayaw nyang magtaka ang makakakita sa kanya kung bakit siya naging emosyonal gayong magaan at hopeful ang atmospera sa buong gymnasium kung saan ginanap ang orientation. Nilagpasan ni Jada ang hilera ng mga upuan at magalang na tinanggihan ang mga miyembrong nag-aalok ng pagkain. Lumiko siya sa isang pasilyo at natanaw ang sign kung nasaan ang comfort room. Iyon ang pangalawang beses na nakapasok siya sa pampublikong palikuran. Una ay nang sumama siya sa outreach program. Walang dahilan para gumamit siya ng public comfort rooms noon dahil hindi pa tumatagal ng isang oras kung pinapayagan siyang lumabas para pumunta sa school noong mga panahong nag-aaral siya. Pagkatapos ayusin ang sarili ay ilang segundo pang nakipagtitigan si Jada sa salamin. Lalo siyang nalungkot sa nakikitang hitsura. Nangingitim ang ilalim ng mga mata niya dahil ilang araw na siyang walang maayos na tulog. Dati ay gabi-gabi din siyang nagigising pero nakakabawi siya ng oras ng pahinga. Isa pa ay hindi maalis sa isip niya kung totoong nangyari ang muntik na niyang pagkapahamak noong isang araw o panaginip lang iyon. Nang makatulog naman siya kagabi nang dire-diretso ay pakiramdam niya pagod pa din siya pagkagising. Siguro ay dahil sa panaginip na hanggang ngayon ay hindi pa din niya matandaan at hindi na siguro matatandaan pa. Napabuntong-hininga si Jada at matamlay na lumabas ng banyo. “I knew it was you.” Biglang napalingon si Jada nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. No! Naksandal sa tapat ng palikuran ng para sa mga lalake ang taong hindi niya inaasahan na makita sa lugar na iyon! Si Khai, ang matalik na kaibigan ni Ambrose! “I am not expecting to see you, Jada in a place like this.” Nakakalokong dagdag nito at nang umikot ang mga mata sa paligid ay nahalata ang disgusto sa mukha nito. Sinabi lang nito ang iniisip niya para dito. Nakakapagtaka na ang isang katulad ni Khai ay nasa lugar na iyon. Nasa provincial capital ang pinagganapan ng orientation. Sa gymnasium ng isang pampublikong eskwelahan na naipatayo sa tulong ng organisasyon. Pangalawa lang iyon sa eskwelahan na narating ni Jada, ang una ay ang unibersidad na pinasukan. At nang unang tumuntong siya kanina ay na-realize niya kung gaano kalayo ang agwat ng dalawang eskwelahan. Kahit walang estudyante nang araw na iyon ay mahahalata sa mga pasilidad na napakaraming estudyante ang nag-aaral doon na isa sa dahilan kung bakit halatang hindi nakakasabay ang maayos na pagmimintina ng mga pasilidad. At ang katulad ni Khai na hindi man niya masyadong kilala dahil sa iilang pagtatagpo ay sigurado siyang unang beses lang na nakapunta sa ganoong lugar. Khai always claim to be a gender-fluid fashionista. Sa madalas na porma nito ay hindi maisip ni Jada kung paano ito reresponde kung sakalaing magkaroon ng sakuna. Kung ibang tao ito ay hindi niya dapat jina-judge ito pero kilala niya si Khai. Hindi niya maikonekta kay Khai ang pag-attend sa mga ganoong orientation lalo na at sa lahat ng pagtatagpo nila ay wala itong ipinakitang maayos na pagtrato sa ibang tao. At ang mas nakakatakot na katotothanan ay magkaibigan ito at si Ambrose kaya sigurado siyang ito ang tipo ng mayaman na walang pakialam sa ibang taong hindi nito kapantay. At dahil lagi nitong kasama si Ambrose ay sigurado rin siyang laman din ito ng iba’t ibang elite parties at kung anu-anong social functions na para sa kanya ay mga alamat lamang dahil naririnig niya lamang iyon at hindi pa nararanasan. “H-How, why are you here?” Hindi malaman ni Jada kung ano ang itatanong dito dahil nag-uunahan na ang kaba at takot niya na baka nasa paligid lang din si Ambrose at doon na matatapos ang kalayaan niya. “Why not? Volunteering is good to my image especially on my social media profile. But well, hindi mo nga pala alam iyon,” he mocked. Ganoon palagi ang tono nito kapag kinakausap siya. He looks at and talks to her like she was the most pitiful creature. “What about you? Hindi ako naniniwalang pinayagan ka ni Ambrose na lumabas ng hawla mo.” Khai raised a well-trimmed eyebrow. Sa sinabi nito ay sigurado si Jada na hindi nito alam ang ginawa niyang pagtakas pero hindi niya makontrol ang takot na rumehistro sa mukha niya nang mabanggit ang pangalan ni Ambrose na agad namang naunawaan ni Khai. “Interesting! Nagawa mong tumakas kay Ambrose? Really?! And what are the odds to see my friend’s little captive here,” humalakhak ito. “N-No! Please don’t tell him!” Jada panicked. “Oh dear, you have nothing to offer for me to hear your plead. Mukhang may maipapasalubong ako sa kaibigan ko pag-uwi ko,” nakakaloko pa din ang tono nito at parang nagniningning pa ang mga mata sa kaaliwan. Napailing si Jada at napaatras at saka tumakbo palayo dito. Hindi niya naramdaman ang paghabol nito pero sinusundan siya ng malakas na tawa nito na nag-e-echo sa hallway. Hindi alam ni Jada kung saan pupunta pero wala siyang balak na bumalik sa loob ng gymnasium. Ang akala ni Jada ay ang papunta sa gate ng school ang direksyong tinatakbo niya pero napunta pa siya sa hilera ng mga lumang classroom buildings. Kailangan niyang makalayo. Sigurado si Jada na hindi lumalakad mag-isa si Khai. Palagi itong may mga bodyguards sa paligid. Sa kwento mismo ni Ambrose ay tagapagmana si Khai ng isang napakayamang pamilya sa Mindanao na nasa larangan ng politika. Kapag pinahuli siya ni Khai sa mga bodyguards nito ay wala siyang tsansa na makatakas sa mga ito. Nakarating si Jada sa mataas na pader na siyang dulo ng magkatapat na building. Naramdaman niya ang panlulumo katulad noong tumakas siya sa mga kinilalang magulang. Kung sinubukan niya sigurong akyatin o gumawa ng paraan para matawid ang pader ay hindi siguro siya maabutan ng papadating na si Ambrose at hindi siya nito mapapaniwalang magkapamilya sila. Naiba siguro ang buhay niya. Ngayon, sisiguraduhin ni Jada na hindi mauulit iyon. Napalingon si Jada sa pinanggalingan. Bukod sa naririnig sa ere na sound system mula sa gym ay may mga mabibigat na tumatakbong hakbang din na parang nanggagaling sa kabilang building. Sa tantiya niya ay labinlimang talampakan ang taas ng pader. Mabilis na luminga si Jada sa paligid para maghanap ng magagamit sa pag-akyat sa pader, nang makita niya na may mga nakakalat na mga silya sa hallway ay kinuha niya ang mga iyon at pinagpatong-patong. Tatlong silya ang nakaya niyang ipatas. Kung tutuntong siya doon at itataas ang mga kamay ay maaabot niya ang tuktok pero hindi siya sigurado kung makakaya niyang iangat at iliban ang katawan sa pangungunyapit doon. At kung mailiban man niya ang katawan, ang isa pang problema ay ang taas ng babagsakan niya sa kabila ng pader. Hindi na masyadong pinag-isipan iyon ni Jada at umakyat sa magkakapatas na upuan. Mas tatanggapin niyang mabalian kaysa mahuli at maibalik kay Ambrose. Habang binabalanse ang sarili sa ibabaw ng mga upuang sumasayaw dahil sa hindi pantay na pagkakapatas ay saktong nalingunan ni Jada ang isang pamilyar na lalakeng palinga-linga at parang may hinahanap. Ang isa sa mga bodyguard ni Khai! Mabilis na tinaas ni Jada ang dalawang kamay para abutin ang ibabaw ng pader pero mas lalong nagulat nang makita ang lalakeng nakatuntong doon. Napasinghap si Jada nang makilala ang lalake na prenteng nakatingkayad sa ibabaw ng pader na tatawirin niya... Ito ang lalakeng nakatagpo niya noong isang gabi. Ang lalake sa panaginip niya. No! Hindi panaginip ang nangyari! Sa pagkagulat, takot at sa posisyon ng katawan niya ay lalong nawalan ng balanse si Jada. Gumuhit ang sakit sa iba’t ibang parte ng katawan niya nang mahulog siya at masalo ng natumbang mga upuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD