Ang Unang Pagtakas

1864 Words
LABINDALAWANG TAON SI JADA nang una siyang nagtangkang tumakas sa pamilya. Ang dalagita at ang nakilalang mga magulang nito ay nakatira sa isang lumang bahay sa paanan ng bundok. Hindi bagay ang nakapalibot na nagtataasang sementadong pader sa simpleng lumang bahay na gawa sa kahoy at may dalawang palapag. Parang sinasadyang bumukod ng bahay sa karamihan samantalang malayo na nga ang bahay sa daan ay ilang kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na kapitbahay. Alas-otso na ng gabi, wala ng nararamdaman si Jada sa ibaba ng bahay nila. Alas-siete ng gabi ang nakagawiang oras ng pagtulog nila. Katulad ng nakasanayan niya ay pagkatapos ng hapunan ay pinapaakyat na siya sa kanyang kwarto para magbasa ng mga aralin na itinuturo ng kanyang ina sa maghapon. Pagkatapos ng ilang minuto ay kailangan na niyang maghanda sa pagtulog. Noong bata pa si Jada ay sinusubaybayan ng kanyang ina ang lahat ng kilos niyang iyon pero nang lagpas sampung taon na siya ay hinahayaan na siya nitong gawin ang mga iyon ng mag-isa.  Marahan niyang tinulak pabukas ang bintanang capiz at tumanaw sa labas, sinilip din ang lupa sa ibaba na bahagyang naaninagan ng liwanag ng buwan. Bahagya lang siyang kinabahan sa gagawin kahit ilang daang beses na niyang nalundag ang taas na iyon. Madilim ang buong paligid dahil wala ring ilaw na nanggagaling sa kwarto niya pero hindi iyon magiging problema. Sanay siya sa dilim at hindi siya natatakot sa gabi dahil nakagawian niya ng maglakad sa bakuran nila ng madaling araw kapag hindi siya makatulog. Hindi rin siya malulain at kayang-kaya niyang maglambitin para makababa.   Pilit na tinatanaw ni Jada ang direksyon ng gate nila. Dalawa ang pwede niyang gawin para makatakas, una ay akyatin ang mataas na gate na gawa sa bakal o kaya naman ay isampa ang hagdan para maakyat ang sementadong pader na nakabakod. Saka na niya pag-iisipan ang mga bagay na dapat niyang katakutan kapag nakaalis siya at sumikat na ang araw. Sa ngayon ay mas nangingibabaw ang kagustuhan niyang makalaya. Ibinaba niya ang pinagdugtong-dugtong na kumot at twalya. Iyon madalas ang ginagawa niya kung umaalis sa kwarto niya tuwing gabi para maglakad sa bakuran nila sa ilalim ng buwan. Bahagya lang iyon nakapangalahati sa unang palapag ng bahay pero tinuloy niya pa din ang pagsampa sa pasimano ng bintana para bumaba.  Ngayong gabi ay hindi lang siya mamasyal sa hardin nila habang pinag-iisipan kung ano ang mayroon sa labas ng bakod nila at sa mundong nababasa lang niya at napapanuod sa telebisyon, ngayong gabi ay gagawa siya ng paraan para makita o maranasan ang mundong iyon. Buong buhay ni Jada ay naging masunurin siyang anak at may takot na sumuway sa mga magulang. Kinakabahan siya sa gagawin niya pero gusto niya talagang makapag-aral sa normal na paaralan katulad ng napapanood niya minsan sa telebisyon nila na nasa aparador.   Wala siyang nakilalang ibang tao sa paglaki niya kundi ang mga magulang. Ang nanay niya ang nagsilbing guro niya samantalang ang tatay niya ang gumagawa lahat sa maliit na taniman nito ng prutas at gulay na nasa loob din ng bakuran nila. Matagal niyang inakala na ganoon ang normal na pamumuhay, nalaman niya lang na may ibang tao din pala dahil sa mga itinuturo ng nanay niya at sa napapanood sa telebisyon, na mabibilang sa daliri kung ilang beses siyang pinayagan. Noon ay hindi niya pinagtatakahan kung paano sila nakakaraos sa ganoong kasimpleng pamumuhay na hindi kailangang lumabas ng mga magulang at iwan siya kahit sandali man lang. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang mga supplies na regular na dumadating sa kanila. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang pera ng mga magulang gayong ang mga pananim ng tatay niya ay hindi naman ibinebenta dahil sapat lang iyon sa kanila. Nang minsang magtanong siya sa mga magulang sa lahat ng mga pinagtatakahan niya ay simpleng sagot lang ang nakuha niya, na may pondo ang mga ito para sa ganoong buhay. Isa iyon sa mga pagkakataon na nagkalakas siya ng loob magtanong dahil kadalasan ay tahimik ang mga ito at kung nag-uusap man ay sa lenggwaheng hindi niya maintindihan dahil sadyang hindi itinuro sa kanya. Nang magkaroon siya ulit ng lakas ng loob na magsabi sa mga ito ay nang ideklara niyang gusto niyang mag-high school sa isang normal na paaralan. Tumutol ang mga ito at nagbigay ng napakaraming dahilan. At hindi niya maunawaan iyon. Paanong ang mga pamilya, ang mga batang laman ng mga aklat na binabasa niya at bida sa mga patalastas o palabas na napauod niya ay nakakapunta sa ibang lugar, nakakapasok sa paaralan at nakakagawa ng maraming bagay sa labas ng tahanan nila? Samantalang siya ay ang bakuran lang nila ang narating?    Ang hinanakit niya sa pagtanggi ng mga magulang ay isa lang sa mga dahilan kung bakit siya nagplanong umalis. Wala siyang mapagkomparahan dahil wala siyang nakilalang ibang pamilya, ang kaalaman lang niya tungkol sa ibang tao ay limitado lang sa napapanuod o nababasa niya pero alam niyang may kulang sa pamilya nila, sa sarili niya. Hindi niya matukoy kung ano. Ginagawa ng mga magulang niya ang mga gawaing tinanggap niyang normal na ginagawa sa tahanan pero wala siyang matandaan na niyakap siya ng mga ito, hinagkan o inalo kapag umiiyak siya o nalulungkot. Dati ay iniisip niyang baka hindi lang marunong magpakita ng nararamdaman ang mga ito kaya maski siya ay palagi ding nagtataka at naguguluhan sa sarili at hindi alam kung paano pakikitunguhan ang sariling damdamin. Kaya siya humantong sa pagdedesisyon na umalis.    Nang nasa dulo na ng tali si Jada ay kumuha siya ng bwelo at lumundag paibaba. Naramdaman niya ang paghapdi ng nasaktang tuhod at mga palad. Nang ginagawa niya iyon noong mga nakaraan ay hindi siya nasusugatan, ngayon na lamang na magkakahalo ang nararamdaman niyang kaba at excitement sa gagawin. Kasabay ng tunog na ginawa niyang paglundag ay ang pagkalat ng liwanag mula sa loob ng bahay. May nagbukas ng ilaw sa sala na tumatagos sa labas. Sa takot na baka nahuli siya ng mga magulang ay kumaripas siya ng takbo. Hindi niya kakayaning umakyat sa mataas na sementadong pader kaya sa direksyon ng gate ang tinungo niya.   Ilang metro pa ang layo niya sa gate nang matanaw na may liwanag na lumalagpas sa gate. Sa pagtataka niya ay unti-unting bumubukas iyon! Nagtago si Jada sa mga hilera ng mga halaman sa gilid malapit sa gate habang hinihintay na tuluyang bumukas iyon. Nagkaroon siya ng pagkakataon na lingunin ang bahay nila. Nakabukas lahat ng ilaw tanda na nagising na ang mga magulang niya. Pero wala siyang naririnig na komosyon sa bahay na nalaman na ng mga ito na wala siya sa kwarto niya o hinahanap na siya ng mga ito.   Nang lingunin naman niya ang direksyon ng gate ay tuluyan na iyong nabuksan at pumapasok ang isang sasakyan. Bahagyang napapikit si Jada dahil sa nakakasilaw na liwanag nito. Lalo siyang sumiksik sa likod ng mga halaman, kinakabahan na baka makita siya ng kung sinumang sakay nito. Sa isang bahagi ng isip niya ay nagtataka dahil ngayon lang may pumasok na sasakyan sa bakuran nila, iyon din ang unang pagkakataon na nakakita siya ng sasakyan. Dati ay sa TV lang siya nakakakita ng sasakyan. Wala siyang alam sa modelo ng sasakyan pero malaki iyon at kulay itim, madilim din ang mga salamin. Gusto man niyang mamangha pa dahil sa nakita ay kailangan niyang samantalahin na bukas pa ang gate para pumuslit at makalabas. Pero hindi niya iyon magawa dahil tumigil ang sasakyan sa tapat niya sa halip na dumiretso sa tapat ng bahay nila.   Abut-abot ang kaba ni Jada, iniisip kung tatakbo na siya palabas o mananatiling nagtatago. Bago pa siya nakapagdesisyon ay narinig niya ang kalabog ng pagbukas at sara ng pinto ng sasakyan. Isang lalake ang bumaba at sa halip na maglakad ito sa direksyon ng bahay ay tumapat ito sa halaman na pinagtataguan niya. Kahit madilim ay malinaw na nakikita ni Jada ang mukha ng lalake at ito na yata ang pinaka-gwapong lalake na nakita niya kahit siguradong ilang taon ang tanda nito sa kanya! Hindi siya makapaniwala na nasa bakuran nila ito.   Tinungo ng lalake ang halaman na parang alam na may nagtatago doon. Inilahad nito ang kamay sa direksyon niya nang nakangiti. Pakiramdam niya ay lalabas ang puso niya sa dibdib niya sa sobrang kabog niyon dahil sa mga emosyon na hindi maintindihan ng labindalawang taong gulang na si Jada. “Ako si Ambrose. Pwede ba kitang makita sa liwanag, Jada?” Malalim ang boses nito pero palakaibigan ang tono. Hindi pa din siya makapaniwala na ito ang unang ibang tao na makakaharap niya. Sandali siyang naguluhan, iniisip ang planong pagtakas at nagtataka kung bakit siya kilala ng lalake.   Inabandona niya ang plano na pagtakas at saka alumpihit na lumabas sa pinagtataguan, nakatungo, nahihiya sa hitsura. Ang pantulog niyang bestida ay naalikabukan na sa pagtalon niya kanina at sa pagtatago niya sa mga halaman. Madumi din ang mga paa niya na walang sapin. Hindi niya inabot ang kamay ng lalake, hindi kasama sa naituro ng nanay niya kung paano humarap sa ibang tao dahil wala namang pagkakataon sa buhay niya na kailangan niya iyon. Sa pagtungo ni Jada ay sinisilip niya ang lalake na nakangiti sa kanya. “Simula ngayon ay ako na ang mag-aalaga sa iyo, Jada.” Doon siya napatingala sa lalake. Hindi niya naiintindihan kung bakit nasabi iyon ng lalake. Sino ba ito? Pero hindi niya maitanggi na bumabangon ang pagkasabik sa nasisilip na pagbabago ng buhay niya kung totoo nga ang sinasabi nito. Kung ito ang mag-aalaga sa kanya ay ibig sabihin niyon ay makakasakay na siya sa sasakyan sa kauna-unahang beses, malayo at marami ang pwede niyang puntahan! Pero mas nangingibabaw ang kaguluhan at takot na buong buhay niya ng nararamdaman. Napalingon siya sa direksyon ng bahay nila at nakita niya ang mga magulang na nakatayo sa pintuan. Napahakbang siya paatras nang makitang nakatanaw ang mga ito sa kanila, natatakot na mapagalitan siya ng mga ito kung malaman ng mga ito ang plano niyang pag-alis. Pero ilang segundo na at hindi umaalis sa pagkakatayo ang dalawa, blangko ang ekspresyon at mayamaya ay pumasok na ulit sa bahay at sinarado ang pinto.   Nagtataka at nasasaktan si Jada sa ginawa ng mga ito. Para bang alam na ng mga magulang niya ang nangyayari, ang sinasabi ng lalake at mabilis na tahimik na nagdesisyon na pumapayag ang mga ito na ipaubaya siya sa lalake na hindi niya kilala. Normal ba talaga iyon sa mga pamilya?   Hindi maiwasan ni Jada na mapahikbi dahil sa pagtalikod ng mga magulang. Tiningala niya ang lalake na hindi man lang nabigla sa kinilos ng mga magulang, nasa mga labi pa din ang ngiti na nag-aanyayang sumama siya dito. Wala sa isip niya kung sino ito. Ang alam lang niya ng mga oras na iyon ay ang lalake ang susi niya para makaalis sa lugar na iyon na naging kulungan niya kasama ang kinilalang magulang na handa pala siyang literal na talikuran. Hindi niya naisip na pagdudahan kung sino si Ambrose dela Torre. Mas malaki ang tanong niya na kung sino nga ba siya. Sino si Jade Danielle Gardose?   Sa pagsama niya sa lalakeng nagpakilalang Ambrose sana ay makilala niya ang sarili. Sana…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD