Enzo’s POV
Bumaba ako sa kuwarto ko dala-dala ang aking mga gamit na dadalhin sa condo. Nakita ko si Mom na nag-aayos sa dining area ng mga pagkain habang si Dad naman ay may tinitignan sa kaniyang laptop.
“Tapos na po ako Mom,” sambit ko sa kaniya. Bigla naman napatingin sa akin si Mom sabay ngumiti. Dinala ni Mom ang mga hawak niyang plato at inilapag sa lamesa ang mga ito.
“Sasamahan na kita sa condo after nating kumain,” sambit sa akin ni Mom.
“Hindi ka papasok sa trabaho?” tanong sa kaniya ni Dad. Tumingin naman si Mom sa kaniya sabay umiling-iling.
“NO, I decided na samahan si Enzo ngayon. Isa pa kinausap ko na din si Emma regarding this kaya kailangan kong makipagkita sa kaniya para sabihin sa kaniya ang mga bagay na ganito,” sambit ni Mom sa kaniya.
“Paano naman yung Salvador Corporation?” tanong ni Dad sa kaniya.
“Andoon naman si Dad kaya no problem about that,” saad ni Mom, “Sofia, baba na,” tawag naman ni Mom sa kaniya. Nilapag ko naman ang aking gamit sa isang upuan na bakante sabay umupo sa tabi nito.
“Enzo kung kailangan mo ng allowance, kunin mo na lang dito, okay?” sambit ni Dad sa akin sabay bigay niya sa akin ng ATM card. Tinignan ko naman ito bago ko ito kunin sa kaniya.
“Salamat, Dad,” sambit ko sa kaniya. Kinuha ko ang aking wallet at inilagay doon ang ATM card na binigay sa akin ni Dad.
“Sabihin mo sa akin kung kulang pa iyan lalagyan ko na lang ulit okay,” saad niyang muli.
“Magkano ba ang laman nito Dad?” tanong ko sa kaniya.
“Mga 2.5 million,” sambit ni Dad. Napatigil naman kaming dalawa ni Mom dahil sa sinabi ni Dad sa akin.
“2.5 million?” tanong ni Mom sa kaniya. Napatingin naman si Dad kay Mom sabay tumango-tango.
“Yeah,” tugon ni Dad sa kaniya. Agad naman pinalo ni Mom si Dad sa kaniyang braso dahil sa sinabi nito.
“Nababaliw ka na ba Ethan?” tanong ni Mom sa kaniya, “hindi naman aalis si Enzo at hindi na babalik dito sa bahay para bigyan mo ng ganon kalaking halaga,” saad ni Mom sa kaniya.
“100 thousand will do na,” dagdag ni Mom.
“Come on, Ericka ayaw ko naman na tinitipid ang anak ko,” saad ni Dad, “sabihin mo na lang sa akin kung kulang Enzo at dagdagan pa iyan ni Dad,” ngiting sabi ni Mom.
“My god Ethan masyado mong ini-i-spoil ang mga anak mo,” iling-iling na sabi ni Mom.
“Bakit naman hindi, kaya ako nagtatrabaho for them,” sambit ni Dad, “Sofia yung allowance mo mamaya ko na ibibigay,” saad ni Dad kay Sofia. Napangiti naman si Sofia kay Dad sabay upo sa upuan.
“Magkano naman ang ibibigay mo kay Sofia?” tanong ni Mom sa kaniya.
“Mga 1 million siguro,” saad ni Dad. Napahawak na lang si Mom sa kaniyang noo sabay napailing-iling dahil sa mga winika ni Dad sa kaniya.
“Jusko naman Ethan,” saad ni Mom sa kaniya.
“Bakit ayaw mo non hindi ka na maghahanap ng iba kasi ako pa lang pasado na bilang sugar daddy,” saad ni Dad sa kaniya sabay kindat sa kaniya. Napairap na lang si Mom sa kaniya sabay kumuha ng makakain.
“Ewan ko sa iyo Ethan kung ano-ano ng mga sinasabi mo,” sambit ni Mom sa kaniya.
“Mamaya ha,” saad ni Dad. Napatigil naman si Mom sa kaniyang pagsasandok nang pagkain sabay napatingin kay Dad na nakakunot ang noo dahil sa sinambit ni Dad.
“Ano nanaman ‘yun?” tanong ni Mom sa kaniya.
“Baka naman pwede na nating sundan si Sofia,” bulong na sabi ni Dad kay Mom. Bigla naman napatingin ng masama si Mom kay Dad dahil sa sinabi nito.
“Magtigil ka nga Ethan,” diin na sabi ni Mom kay Dad. Natawa naman si Dad at pinagpatuloy ang kaniyang ginagawa.
“Kumain ka na Enzo para makaalis na tayo,” saad ni Mom sa akin. Napangiti ako sa kaniya sabay napatango-tango bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi.
----
Matapos naming kumain ni Mom agad kaming nag-ayos nang mga gamit na aming dadalhin.
“Ethan, diba pupunta sila Mom dito?” tanong ni Mom kay Dad.
“Pakisabihan na lang sila na dito na din kumain mamaya,” dagdag ni Mom. Ngumiti naman si Dad sa kaniya sabay napatango-tango bilang sang-ayon nito sa sinabi ni Mom.
“Sige na mauuna na kami ni Enzo kasi traffic pa naman ngayon baka hindi kami makarating sa oras,” paalam ni Mom. Lumabas na ako ng bahay dala-dala ang aking gamit at inilagay ito sa likuran ng sasakyan ni Mom. Sumunod namang lumabas si Mom sa bahay dala-dala ang susi ng kaniyang sasakyan sabay sumakay. Sumunod na ako sa kaniya sa pagpasok sa loob ng sasakyan sabay isinuot ang seatbelt.
“Tara na?” tanong ni Mom sa akin. Ngumiti ako sa kaniya sabay napatango-tango bilang pagsang-ayon ko sa kaniyang sinabi.
Habang nagmamaneho si Mom ako naman ay nanatiling nakatingin lang sa labas ng sasakyan niya at pinagmamasdan ang mga dinadaanan naming lugar patungo sa condo ni Dad.
“Ayos na ba Enzo lahat ng gamit mo?” tanong ni Mom sa akin. Napatingin ako sa kaniya sabay napatango-tango bilang sagot sa kaniyang tanong.
“Nakausap ko na kanina ang teacher na nag-handle sa iyo noong high school ka at na manage na niya ang grade mo para meron kang ipakita sa university mo,” sambit ni Mom sa akin. Napangiti naman ako sa kaniya sabay napatingin sa labas ng sasakyan.
---
Makalipas ang ilang oras ay nakarating na din kami ni Mom sa condo na dating tinitirahan ni Dad nung nag-aaral pa siya.
“Maayos pa din pala dito,” sambit ni Mom habang tinitignan ang buong paligid, “matagal na din simula ng hindo ako nakapunta dito, kasi nung umalis ako sa pilipinas nung college pa lang kami, ‘yun ang huli kong punta dito,” saad niya.
“Hindi pa ba kayo nakakapunta ulit dito ni Dad, Mom?” tanong ko sa kaniya.
“Minsan lang nakakapunta dito si Ethan dahil sa trabaho, ganon din naman ako kaya ngayon na lang din ako nakabisita dito. Isa pa si Tito Kenneth mo naman ang laging nag-aayos dito dahil siya ang laging inuutusan ng Dad mo,” sambit ni Mom sa akin.
Napatingin naman ako sa buong lugar ng condo kung saan nakatira si Dad noon. I didn’t expect na kaya ni Dad magtagal dito for so long na siya lang mag-isa. Siguro nakuha ko din kay Dad yung mahilig mag-isa.
“Andito yung mga gamit sa pagluto, Enzo,” sambit ni Mom. Napatingin ako kay Mom sabay naglakad papalapit sa kaniya. Napatingin naman ako sa buong kusina ng condo na napakaaliwalas pati na din ang buong paligid na punong-puno ng salamin.
“Siguro napaka ganda dito pag gabi na,” saad ko kay Mom. Napasilip muli ako sa labas ng kusina ng condo at tinignan ang mga salamin na nagsisilbing harang sa kabilang bahagi ng condo kung saan makikita ang syudad.
“Magagandahan ka talaga dito sa loob ng condo kasi maganda ang spot na pinili nang Dad mo noon,” sambit ni Mom sa akin.
“Magluluto muna ako ng pagkain natin Enzo,” saad ni Mom sa akin.
“Sige po Mom,” saad ko. Kinuha ko naman ang aking cellphone sabay naglakad papunta sa couch at doon umupo sandali habang nakatingin sa labas ng condo ni Dad. Napahinga na lang ako ng malalim habang nakasandal sa couch.
“Baka lagi lang ako nandito sa loob ng condo na ito kapag ako na lang ang mag-isa dito,” bulong ko sa aking sarili. Napatayo naman ako sabay kuha nang sombrero at salamin sa aking bag.
“Mom pwede ba akong umakyat sa itaas?” tanong ko sa kaniya.
“Sige, wala naman masyadong tao doon. Isa pa presko ang hangin doon kaya magagandahan ka doon,” sambit sa akin ni Mom. Napangiti na lang ako sabay isinuot ang aking sombrero at salamin bago lumabas sa loob ng condo.
Paglabas ko pa lang may iilan na agad na tao ang siyang sumalubong sa akin kaya gumawa ako ng paraan upang hindi nila ako makita. Nakahinga ako ng maluwag ng walang nakapansin sa akin na tao doon sa condo. Hanggang ngayon hindi ko pa din na pa-practice kung paano makipaghalubilo sa ibang tao kasi laging nasa isip ko nab aka makilala nila ako. Pero I’m still trying na masanay sa lahat ng tao na makakasalamuha ko especially papasok na din ako ngayon sa isang university I’m sure kailangan kong makipaghalubilo sa kanila.
Nang mawala na ang mga tao sa hallway ng condo agad akong tumungo sa hagdanan na siyang daan paakyat sa rooftop ng building. Bago ako umakyat tinignan ko kung mayroong tao ang nasa itaas at napansin ko na meron lamang na kakaunti kaya kumilos ako ng walang masyadong makakahalata sa akin. Siguro ito na din ang magandang practice lalo na’t hindi ko maiiwasan ang hindi makipagsalamuha sa university na papasukan ko. Dahil kung nagpaka-mysterious naman ako ay tiyak mabilis lang nila mabubuko ang tinatago ko.
Habang nakaupo ako sa upuan na ako lang ang mag-isa, pinagmamasdan ko ang mga tao na nasa itaas ng rooftop. Masaya lang at walang masyadong iniisip. Siguro masaya lang ang maging normal na tao lalo na’t onti lang ang nakakakilala sa iyo.
Napatingala ako habang tinitignan ang kalangitan sabay naphinga ng malalim. Ngayon lang ako nakaramdam ng Kalayaan na inaasam-asam ko. Ngayon ko na mararamdaman ang tunay na takbo ng buhay ng isang hindi sikat. For once lagi kong iniisip kung paano kung normal lang ako na tao at hindi masyadong kilala ng iba madali lang ba sa akin na makipaghalubilo. Para kasing ang hirap makisama sa iba lalo na hindi din ako sanay noon pa man.
Napahinga na lang ako ng malalim sabay kinuha ang aking cellphone upang mag-scroll sa aking social media. Hindi naman ako ganon ka-active dito dahil ayaw ko na din makabasa ng mga comments regarding sa akin especially yung mga videos na nakikita ko sa youtube regarding sa akin mas lalo ko silang nilalayuan.
Habang nag-i-scroll ako bigla akong napahinto sa isang interview ng baguhan na teen star. Napakunot ang noo ko dahil sa article na iyon ay nakita ko ang pangalan ko.
“What the hell is this?” tanong ko sa sarili ko. This is the first time na makakakita muli ako ng isang article ng artist na kasama ako sa mismong article niya.
Bigla naman akong napahinto sa aking pag-i-scroll ng marinig ko ang tao sa aking likuran na nag-uusap.
“Kilala mo ba yung bagong artista ngayon na si Elle Mariano?” tanong ng babae sa kaniyang kasama.
“Yeah, grabe hindi ko alam na ganon pala siya agad na sisikat no, nakakagulat lang,” saad ng babae sa kaniyang kasama.
“Okay naman siya eh, pero parang may kulang lang sa kaniya, pero for sure mahahasa pa naman niya iyon dahil baguhan pa lang siya,” wika ng babae.
“Alam mo nagtataka nga ako kanina eh, kasi meron siyang na-mention na isang artist na hindi na active ngayon,” saad nito. Napakunot naman ang noo ko at hinayaan ang aking sarili na pakinggan ang kanilang pinag-uusapan.
“Tinanong kasi kanina sa interview niya dahil baguhan siya meron siyang gusto na maka-partner na dating artist like nakakaloka siya kanina dahil madaming choices na pinapili sa kaniya pero wala siyang pinili sa mga choices na iyon dahil isa lang naman daw ang gusto niyang maging partner,” saad nito.
“Sino?” tanong niya.
“Hindi ko kilala eh, hidni na kasi active sa showbiz yung lalaki sabi niya, basta yung name nung lalaki is something like, Enzo ba iyon,” sambit nito. Napahinto ako dahil sa aking narinig sa kanila.