Enzo’s POV
Habang naglalakad kami sa loob ng mall hindi ko maiwasan ang hindi mapatingin sa ibang tao na nasa loob. Iba din ang aking nararamdaman na kahit matagal na akong wala sa pag-a-artist-a baka meron pa ding mga tao ang makakilala sa akin kaya pilit akong hindi tumitingin sa mga taong nakikita ko dahil baka makilala nila ako.
“Ano’ng ginagawa mo?” biglang tanong sa akin ni Sheena. Napatingin ako sa kaniya dahil sa kaniyang tanong sa akin.
“Ano na naman ba ang problema mo sa akin?” tanong ko sa kaniya.
“Like hello kanina ka pa nakayuko para kang ewan,” saad niya sa akin.
“Paki mo ba eh sa gusto kong yumuko eh,” saad ko sa kaniya.
“Ano ba naman kayong dalawa, Sheena, Enzo, andito tayo sa mall madaming tao magtino kayong dalawa,” sambit ni Ate Emma sa amin. Tumingin ako sa kaniya ng masama dahil sa pangingialam niya sa akin.
“Kuya, saan mo gustong kumain?” tanong sa akin ni Sofia. Napatingin naman ako sa kaniya sabay napangiti.
“Kahit saan,” ngiti kong sabi sa kaniya.
“Nako, Enzo madaming tao dito, okay lang ba sa iyo na nadito ka? Kasi hindi din naman natin alam na baka meron pa ding nakakakilala sa iyo dito kahit na matagal ka ng wala sa pag-a-artist-a,” saad naman sa akin ni Ate Emma. Napatingin naman ako sa buong lugar at nakita ko ang madaming tao sa paligid dahil weekend.
“Sa restaurant na lang tayo ni Tito Felix kumain,” sambit ko sa kanila, “meron naman doong private area, para wala na din masyadong tao na makaabala sa atin,” wika ko sa kanila.
“Pero Enzo hindi naman namin kaya yung mga bilihin doon,” saad ni Ate Emma sa akin, “alam mo naman na five-star ang restaurant ng Tito Felix mo diba?’ saad niya sa akin. Ngumiti naman ako sa kaniya dahil sa sinabi ko.
“Treat ko na po, wag na po kayong mag-alala,” saad ko sa kanila, “tara na po,” aya ko. Agad kaming naglakad palabas ng mall at pumunta ng parking lot upang makapunta na kami sa restaurant ni Tito Felix.
Habang nagmamaneho ako ng sasakyan ay walang tigil sa pagtatanong si Ate Emma sa akin.
“Enzo, are you sure na hindi ka na babalik sa pag-a-artist-a mo?” tanong niya sa akin, “sabi sa akin ng mom mo na lagi daw nagpapaalala ang manager mo about sa comeback mo sa industry dahil alam niya na kaya mo pa naman na mag-excel at sumikat,” saad niya sa akin. Napahinga ako ng malalim sabay napangiti.
“Ate Emma, ayaw ko muna po na pumasok sa ganiyan,” saad ko sa kaniya.
“Why dahil ba sa naging issue mo from the past?” tanong niya sa akin, “five years na din naman Enzo iyon, isa pa ang dami na ding nakalimot sa bagay na iyon,” saad niya sa akin.
“Ate Emma alam ko naman na sayang pero gusto ko munang ma-feel ang teenager life ko ngayon,” sambit ko sa kaniya, “limang taon na din ang nasasayang ko dahil sa pagtago lang sa lahat ng tao para hindi lang lumabas ang issue ko noon, sa limang taon na iyon hindi ko din alam kung tama pa ba ang ginagawa ko dahil hindi ko din naman nagawa ang gusto kong gawin,” saad ko sa kaniya.
“Alam mo naman diba na ni-hold ng manager mo ang contract at ayaw niyang ipa-terminate sa iyo iyon,” saad niya sa akin.
“Kakausapin naman na ni Mom ang manager ko about sa case na iyon, gusto ko lang talaga ngayon ang maranasan na maging normal, kung tutuusin ayos na din naman ang buhay ko kahit na hindi na ako bumalik sa pag-a-artista eh,” saad ko sa kaniya.
“Pero Enzo bata ka pa, alam ko na madami ka pang mapupuntahan, kung dati na ang bilis mong sumikat nung bata ka pa what more na ngayon na malaki ka na,” saad sa akin ni Ate Emma, “ang bilis mo lang nakuha ang title na teen star kata alam ko na kaya mo pa din makuha iyon kung babalik ka,” saad niya sa akin.
“Yes, Ate Emma gagawin ko din naman talaga ang bagay na iyon siguro ngayon gusto ko munang unahin yung personal life ko,” saad ko sa kaniya.
“Ganon pa din ba ang contract sa iyo?” tanong sa akin ni Ate Emma.
“Yes, still meron sa contract ko ang bawal magkaroon ng partner in real life. Siguro dahil din sa background ng family ni Dad kaya ganon,” saad ko sa kaniya.
“Hindi naman kasi talaga maiiwasan na sa ganiyang mukha hindi ka mahuhulog, hindi ba Sheena,” sambit ni Ate Emma. Natawa naman ako dahil sa kaniyang sinambit sa akin.
“Ma naman,” inis na sabi ni Sheena sa kaniyang ina.
“Hindi ba totoo, ang gwapo kaya na bata ni Enzo,” saad ni Ate Emma sa akin.
“Ate Emma, hinay lang baka masanay ako niyan,” saad ko sa kaniya.
“Ma, sa tao iba-iba naman ang classification nila sa itsura ng bawat isa at para sa akin…” wika ni Sheena sabay napatingin sa akin, “he’s ordinary kung iisipin mo mas angat pa din si Sir Ethan kaysa sa anak niya,” nakangiti niyang sabi sa akin.
“Pero Ate magkamukha naman si Dad at si Kuya Enzo, so sinasabi mo din ba na gwapo ang itsura ni Kuya pero hindi mo lang ma-direct?” tanong ni Sofia sa kaniya. Napasilip naman ako sa rear mirror upang silipin ang reaksyon ni Sheena. Nang makita niya akong nakatingin sa kaniya agad naman siyang napatingin sa labas ng sasakyan ko dahilan upang matawa ako sa kaniyang reaksyon.
“Wala akong sinabi na ganon Sofia,” seryoso niyang sinabi.
“Diba anak meron kang crush?” pang-aasar ni Ate Emma sa anak, “sino nga iyon?” tanong ni Ate Emma sa kaniya.
“Ma, wala naman dito iyon kaya bakit mo pa kailangan banggitin,” inis na sabi ni Sheena sa kaniya, “isa pa may girlfriend na din iyon no,” wika niya.
“Si Enzo ba hindi mo Crush?” tanong ni Ate Emma sa kaniya. Bigla naman napatingin si Sheena sa akin sabay iwas muli ng tingin.
“I don’t have time for boys,” saad niya. Napatango-tango na lang ako dahil sa kaniyang sinabi.
“Yeah, tama lang iyan save yourself,” nakangiti kong sabi sa kaniya.
“Sa ‘yo?” tanong niya sa akin. Ngumiti naman ako sa kaniya dahil sa sinambit niya.
“Nah, I’m a good boy naman isa pa hindi naman kita type so no need to save yourself from me,” nakangiti kong sabi sa kaniya. Napairap na lang siya dahil sa aking sinabi.
Hindi pa din nagbabago, siya pa din si Sheena na kilala ko noong mga bata pa kami. Nakilala ko siya noong five years old pa lang kami kasi lagi siyang dinadala ni Ate Emma pag meron akong shoot sa ibang lugar. Nakakapag-usap naman kami pero katagalan din nag-iiba na siya minsan pag meron akong shoot si Ate Emma lang ang nandoon kaya nagtataka din ako kung bakit hindi na siya dumadalaw sa shooting ko noon. Siya pa naman ang isa sa mga kaibigan ko ang alam kong pagkakatiwalaan ko.
Sa mundo kasi ng showbiz hindi ka makakahanap ng totoo din sa iyo dahil yung iba doon mga pakitang tao lang. Mabait sa iyo sa harap ng camera pero pag wala na ng camera parang hindi na kayo magkakilala. But Sheena is different, pag oras ng break ko siya lagi ang nandoon para yayain ako maglaro at pumapayag naman ako pero katagalan nawala na din ang closeness namin dalawa dahil sa hindi ko din malaman na kadahilanan.
---
Maya-maya pa ay nakarating na kami sa aming pupuntahan. Agad kong hininto ang sasakyan sa tabi at nag-ayos ng aking sarili upang hindi ako makilala ng mga taong pumapasok at lumalabas sa loob ng restaurant ni Tito Felix.
“Alam na ba ng Tito mo na nandito tayo?” tanong ni Ate Emma sa akin.
“Yes po, sinabihan ko na siya kanina. Dumaan na lang daw tayo sa likod ng restaurant niya para makaakyat tayo sa private area,” saad ko. Agad kaming lumabas sa loob ng aking sasakyan upang makapasok na kami sa loob.
Pagdating namin sa loob ng restaurant ni Tito Felix bigla naman bumisita sa amin si Tito at si Ate Fey.
“Tito, Ate,” masaya kong bati sa kanila. Dali-dali naman silang pumunta sa amin sabay binigyan ako ng yakap pati na din si Sofia.
“Buti napadalaw kayo,” sambit ni Tito sa amin.
“Buti nga Tito na aya ko si Kuya ayaw pa dapat kasing lumabas eh,” saad ni Sofia kay Tito.
“Ikaw talaga Enzo, ibang-iba ka talaga sa Tatay mo,” saad ni Tito sa akin, “sige na umupo na kayo, dadalhin na lang namin yung pagkain dito,” saad ni Tito sa amin. Ngumiti naman ako sa kaniya sabay pumunta malapit sa lamesa.
“Oo nga pala Enzo,” sambit ni Ate Fey sa akin. Napatingin naman ako sa kaniya upang malaman ko ang kaniyang sasabihin.
“Bakit?” tanong ko sa kaniya.
“Malapit na death anniversary ni Lola Teresita ah,” sambit niya sa akin. Napatigil naman ako dahil sa kaniyang sinabi.
“Yeah, malapit na nga,” saad ko sa kaniya.
“Bakit hindi pumunta si Tito Ethan sa libing ni Lola Teresita last year?” tanong niya sa akin. Napahinga naman ako ng malalim sabay napatingin sa kaniya.
“Sabi ni Mom hindi daw kaya ni Dad na makita si Lola sa huli niyang hantungan,” saad ko sa kaniya, “pero alam ko naman na dadalo si Dad sa death anniversary ni Lola. Isa kasi sa pinaka-close ni Dad si Lola Teresita kaya masakit din sa kaniya na nawala si Lola last year,” wika ko.
“Ikaw hindi ka din naman pumunta nung libing ni Lola Teresita ah,” saad niya sa akin.
“Alam mo naman na nasa showbiz pa ako ng mga panahon noon,” saad ko, “bawal akong magpakita doon dahil baka magkagulo, pero andoon naman ako sa malayo nakatago lang,” nakangiti kong sabi sa kaniya.
“Kumusta ka na pala?” tanong niya sa akin, “ang tagal mo na din nawala sa trabaho mo,” saad niya sa akin.
“Ayos lang naman, gusto ko lang din naman magkaroon muna ng tahimik na buhay, isa pa gusto ko muna unahin ang personal life ko kasi nasayang na yung limang taon ko na sige lang tago sa lahat” wika ko sa kaniya.
“Alam mo huwag kang mape-pressure sa ganiyang bagay, isa pa tama din na unahin mo muna ang sarili mo para mahanap mo din yung mga hindi mo pa nakikilala sa sarili mo,” saad niya sa akin. Napangiti ako sa kaniya sabay napatango-tango.
“Yeah, alam ko din naman iyon, besides gusto ko din naman i-explore ang buhay ko at hindi lang nakaikot sa likod at harap ng camera at patuloy lang magpapasaya ng mga tao diba,” sambit ko sa kaniya.
“Sige na tulungan ko muna si Dad para maiakyat na dito yung pagkain ninyo,” sambit niya sa akin. Napangiti ako sa kaniya sabay napatango-tango dahil sa kaniyang sinabi. Agad naman ako umupo sa upuan sabay kinalikot ang aking cellphone habang nag-iintay sa aming pagkain.
‘Ma, magbabanyo muna ako,” sambit ni Sheena sa kaniyang ina. Napatango-tango naman si Ate Emma bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi. Napatayo naman siya habang ako ay tahimik lang na sinusundan siya ng aking mga mata.
Maya-maya ay bigla naman siyang bumalik sa loob habang nakatingin sa baba. Napakunot naman ang aking noo dahil sa kaniyang ginagawa.
“Saan ba yung banyo dito?” tanong niya. Napangiti naman ako dahil sa kaniyang sinabi sabay tayo sa aking upuan.
“Samahan na kita,” saad ko sa kaniya. Bigla naman siyang tumingin sa akin sabay angat ng kaniyang kamay.
“Okay lang, ituro mo na lang sa akin,” saad niya sa akin.
“Mahirap kasing ituro kasi nakakaligaw yung lugar dito sa taas,” sambit ko sa kaniya. Napatingin naman siya sa akin at wala na ding nagawa kung hindi ang sumunod sa akin. Dali-dali kaming lumabas sa loob ng private area at sinamahan siya papunta sa banyo dito sa second floor.
Ngunit bago pa kami makapunta doon ay nakita ko na may harang ang daan papunta doon.
“Enzo saan kayo pupunta?” rinig na boses ko ni Ate Fey. Napatingin naman ako sa kaniya sabay tinuro ang nakaharang na plywood doon.
“Ate wala na ba dito ang banyo?” tanong ko sa kaniya.
“Under construction pa kasi diyan,” saad niya sa akin, “ine-expand kasi yung restaurant ni Dad kasi madami na ding tao na dumadayo. Mag-cr na lang kayo sa baba,” saad niya sa amin. Napangiti ako sa kaniya sabay napatango-tango bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi.
Napatingin naman ako sa kay Sheena at sinenyasan siya na maglakad pababa sa second floor. Sumunod na lang siya sa akin dahil wala naman gaanong tao dito sa itaas ng second floor para mapagtanungan niya.
Nang malapit na kami sa hagdanan, napatigil naman kaming dalawa ng makarinig kami ng ingay ng mga tao sa baba. Minsan hindi pa din ako sanay sa mga madaming tao na makakasalamuha ko dahil andoon din sa part ko na kahit matagao na akong wala sa showbiz at may makakilala sa akin.
Bigla naman niya akong hinawakan sa aking braso dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
“Sige na bumalik ka na doon madami ng tao dito,” sambit niya sa akin. Agad ko naman hinawakan ang kamay niya dahilan upang magulat siya sa aking ginawa.
“Tara na,” saad ko. Agad akong naglakad pababa habang hawak ang kaniyang kamay. Wala na din naman siyang nagawa kung hindi ang sumunod sa akin.
Pagbaba namin sa hagdan, nagulat na lang kami ng biglang madaming tao ang dumaan sa harapan namin. Bigla naman akong hinatak ni Sheena papalapit sa kaniya sabay hinarang ang kaniyang kamay sa aking mukha. Napahawak naman ako sa kaniyang kamay upang tanggalin ito ngunit mas diinan naman niya ito.
“Shh, may mga tao pa makikita ka nila,” sambit niya sa akin. Napahinga na lang ako sa kaniyang sinabi at wala na din nagawa kung hindi ang bitawan ang kaniyang kamay.
Nang marinig ko na ang mga tao na nakalagpas sa amin. Dahan-dahan naman niyang tinanggal ang kamay niya na nakaharang sa aking mukha. Bigla naman siyang nagulat ng makita niya akong seryosong nakatingin sa kaniya.
“Bakit mo ginawa iyon?” tanong ko sa kaniya. Nakita ko naman napalunok siya dahil sa aking sinabi sabay napaiwas ng tingin sa akin.
“Bakit? Tinulungan lang naman kita ah,” sambit niya sa akin, “alam mong hindi ka sanay sa harap ng madaming tao magmamatapang ka na samahan ako dito sa baba,” wika niya sa akin.
“Bumalik ka na sa taas kaya ko naman ito,” dagdag niya.