Malayo pa lang ay dinig ko na ang mga hiyawan, tilian ng kasangkabaklaan, at mga nagmamaganda. Iyong tipong akala mo hindi sila nakakakita ng guwapong nilalang. Naiiling akong umupo sa aking desk. Alam kong pagdating niya sa loob ng aming silid aralan ay katakot-takot na pambubully na naman ang dadanasin ko sa kamay ng kumag kong kaklase na si Kier De Castro.
"Ang lakas talaga ng hangin!" sambit ni Kier ng makapasok siya sa aming classroom.
Talagang malakas ang hangin, dahil nandito ka na naman! Sigaw ng isipan ko nang marinig ko ang sinabi niya.
Dumiretso si Kier sa aking kinauupuan at sinimulang haplos-haplusin ang aking buhok.
"Ano ka ba, Kier?" inis kong saway sa kanya. Minulagatan ko siya ng aking mga mata upang masikdak siya subalit tinawanan lamang niya ako. Nagmukha tuloy akong katawa-tawa sa paningin ng iba pa naming mga kaklase.
"Nakakatakot ’yan!" sagot niya sa akin." Huwag ka ngang o.a diyan, Claire. Hindi ka naman maganda para mag-inarte," dagdag pang sambit ng mayabang kong kaklase na akala mo kung sino.
"Hindi ka pa ba nananawa?" tanong ko sa kanya habang hinahawi ang aking buhok na ginulo niya.
"Nope," agarang tugon ni Kier sa akin. Nag-iinit na talaga ang aking ulo sa mayabang kong kaklase.
"Hindi ko alam kung bakit ba ako ang lagi mong pinagdidiskitahan? Siguro bakla ka, ano?" napalakas kong sambit sa kanya na ikinatingin ng aming mga kaklase.
"Naku, Boss Kier, bakla ka pala?" Humagalpak na sabi ni Russel sa kanyang barkada. Hindi naman na umimik ang kumag, batid kong galit siya sa akin.
Tumingin sa akin si Kier, alam ko ang mga tingin na iyon at alam kong hindi niya ako tatantanan hangga't hindi niya ako napapaiyak.
"See you later." Pabulong niyang banta sa akin.
Paktay na naman ako nito, hindi ko alam kung paano ako makakauwi ng bahay nang hindi nadudumihan ang aking uniporme.
Napapikit na lamang ako at nagdasal na sana'y umulan upang hindi matuloy ang masamang binabalak sa akin ng mayabang na si Kier.
"Lagot ka, Claire. Malapit nang mag-uwian," untag sa akin ni Leah. Tumingin ako sa bandang likuran ko at nakita kong nakatingin din sa akin si Kier. Umiiling-iling pa.
"Kung ako sa iyo, magso-sorry na kaagad ako kay Kier," sabi pa sa akin ni Nena na concern para sa akin.
"Ako, magso-sorry? Wala naman akong kasalanan sa kanya," giit kong sagot sa kanilang dalawa.
"Ikaw rin, huwag mong subukan ang kabaliwan ni Kier, nakasisigurado akong uuwi ka na namang parang basang sisiw," mahabang lintanya ni Leah sa akin.
"Hindi ako natatakot sa kanya ano?" lakas loob kong sagot kahit na sa totoo ay nanginginig na ang aking kalamnan sa takot.
"Halata ngang hindi ka takot," napansin ni Nena ang kaba sa aking tinig.
Magsasalita pa sana ako nang biglang tumunog ang bell, hudyat na uwian na ng hapong iyon.
"Goodluck, girl!" sabay na sambit nina Nena at Leah sa akin bago sila tumayo sa kanilang desk.
Nakalabas na ang mga kaklase ko maliban kay Kier na naroon pa rin, nakaabang siya sa may pintuan at mukhang seryosong-seryoso. Hindi ko tuloy alam kung paano ako makalalabas ng aming classroom.
Marahan akong tumindig at diretsong naglakad papuntang pinto. Subalit nang makarating ako roon ay biglang hinarang ni Kier ang kanyang kamay dahilan upang mapahinto ako sa paglalakad.
"Saan ka pupunta?" seryoso niyang tanong sa akin habang nakatayo sa may pintuan.
"Ah..U-uuwi na!" sagot ko sa kanya.
"Sinong may sabing makauuwi ka na?" muli niyang tanong sa akin.
"Bakit, bawal ba?" balik kong tanong sa kanya.
"Hindi ka pa rin nagtatanda, ako ang batas ng campus natin! Ang bumangga sa akin ay malilintikan!" galit niyang bulyaw sa akin. Para akong mabibingi sa lakas ng boses niyang iyon.
"Tigil-tigilan mo nga ang kayabangan mo, Kier. Hindi ka naman santo para sambahin at tingalain. Oo nga pogi ka pero hindi nalalayo sa iyo, sa pag-uugali mo ang pagiging demonyo!" inis kong sigaw na sagot sa kanya. Hindi yata ako magpapatalo sa kumag na iyon!
"Bawiin mo ang sinabi mong ’yan!" maawtoridad niyang utos sa akin.
"Hindi! Hindi ko ibig bawiin ang aking mga sinabi sapagkat batid kong totoo ang lahat ng aking itinuran, isa kang—"
Hindi ko na naituloy pa aking mga sasabihin nang bigla akong makaramdam ng malamig na tubig buhat sa aking likuran at hindi lang iyon basta tubig kundi maruming tubig na nilubluban ng maruming map na nilagyan ng maraming yelo.
Hindi ko akalain na mayroon pang tao sa aming classroom at ito ay sina Glenn at Russel na barkada ni Kier.
"Eeeewwww!" diring-diri kong sigaw sa kanila. Halos mainom ko pa ang maruming tubig na ito.
"Haha!" dinig kong tawanan ng tatlong kumag na iyon sa akin.
"Mga bakla kayong tatlo! Babae lang ang kaya ninyong saktan at i-bully!" mangiyak-ngiyak kong sambit sa kanila.
"Subukan mo pang sabihin iyan sa akin, sa susunod papakainin na kita ng tae ng kalabaw!" pagbabantang iyon pa ni Kier habang nakatingin sa akin at ako'y pinagtawanan nilang tatlo at nag-apiran pa. "Pag-uwi mo sa inyo, maligo kang mabuti at mag-alcohol!"
Iniwan nila akong basang-basa at mabaho. Hindi ko napigilan ang sarili ko't napaiyak na lamang ako. Wala kasi ang aming guro ng hapong yaon kaya't sa loob na ng aming classroom ako winalaghiya ni Kier.
"May araw ka rin sa akin!" Kinuyom ko ang aking aking kamao sa sobrang galit.
Pag-uwi ko ng aming tahanan ay sinalubong ako ng anak ng yaya namin na si Gemma.
"Ate, halos araw-araw yata ang dumi-dumi mo't ang baho pa." Nakatakip sa ilong na sambit sa akin ni Gemma.
"Huwag mo na lamang ito mabanggit kay mommy at daddy," sagot ko na lamang at iniwan ko na siya.
Ayaw na ayaw kong malalaman ng aking mga magulang ang pambubully sa akin ni Kier De Castro dahil tiyak malilipat ako ng school na papasukan.
Mabuti na lamang at sa tuwing uuwi ako ay wala pa sila. Kaya ganoon na lamang ang pasasalamat ko dahil hindi pa nila nabibisto ang nararanasan kong pambubully sa kamay ng kumag na si Kier.