Chapter VIII: Responsibility

1261 Words
Bigo si Alpha na makita ang mga anak kaya nagpasya itong bumalik ng ospital sa pagbabakasakali ring nandoon na ang asawang si Gerardo. Habang naglalakad pabalik ng ospital si Alpha ay may nakita itong isang ginang na pumapalahaw ng iyak sa daan. "Tulungan niyo kami!!" ang iyak ng ginang. Nakalupasay ito sa daan habang pilit itinatayo ang batang babae na marahil ay anak nito. May sugat ito sa braso na lalong lumalaki habang kinakamot ng bata. May mangilan-ngilan na ring naglalabasang pamumula sa katawan ng bata. Palipat-lipat ito sa pagkamot. Lalapitan sana ito ni Alpha para sabihing 'wag kamutin ang katawan pero hindi na niya naituloy dahil bigla na lang tumumba ang batang babae na sa tingin niya ay kaedaran lang ng anak niyang kambal. At sa isang iglap, hindi na gumalaw ang bata. Patay na ito. Ganoon kabilis ang epekto ng sakit na dala ng mga earthworms. Lalong pumalahaw ng iyak ang ginang na napatingin pa sa kanya. Awang-awa si Alpha. Naalarma pa si Alpha nang may makitang mga earthworms na nagkalat. May maliliit at mga medyo malaki. Ang pinakamalaki ay tulad ng pinakamalaki rin sa normal na earthworm. Nahaplos ni Alpha ang noo. Palala nang palala ang sitwasyon. Nagmamadali itong umalis hanggang makarating muli sa ospital. Iginala nito ang paningin sa labas ng ospital. Siguradong anumang oras ay magkakaroon na rin ng earthworms doon. Tuluyan na siyang pumasok sa ospital at pumunta sa isang silid na inookupa ni Manang Ermin. Nang makapasok siya ay may mga nakahiga na rin sa mga kamang bakante lang kanina bago siya umalis. Mga pasyenteng nakararanas din ng pangangati. May benda ang bahagi ng namumula sa mga ito upang hindi rin nila direktang makamot. Siguradong tulad ni Manang Ermin ay nilalagnat din ang mga ito. Wala pa kasing mahanap na paraan ang mga doktor doon kung paano mawawala ang pamumula sa nagapangan ng mga earthworm. Nakita agad ni Alpha ang doktor na inaasikaso ang isang pasyente at nilapitan niya ito. "Doc, dumating na ba ang asawa ko rito?" tanong ni Alpha sa doktor. "Wala pa po misis. Pero ang mga anak ninyo ay nasa kabilang k'warto, nagkaroon na rin ng pamumula sa bandang binti ang isa sa mga anak ninyo. Mabuti na lamang at hindi niya ito nakamot, pero tulad nila," sabi ng doktor na tinignan ang ibang pasyente sa loob ng silid na iyon. "Nakakaranas din ng lagnat ang anak ninyo." Mabilis na lumabas si Alpha at inisa-isa ang silid na madaanan. Natagpuan nito sina Kisses at Yhella na nakatayo at nakahawak sa isang kama. At sa kamang iyon ay naroong nakahiga si Yhanna. Mabilis na tinakbo ni Alpha si Yhanna at niyakap. "A-anak..Yhanna?" at hinawakan ni Alpha ang magkabilang pisngi nito. Ramdam niya ang init ng anak. "Mommy!" bulalas naman nina Kisses at Yhella saka niyakap agad si Alpha. Bahagya lang hinaplos ni Alpha ang dalawa dahil nakatuon pa rin ang pansin nito kay Yhanna. "Mo-mmy..." anas ni Yhanna. "Yhanna, anak," napaluha si Alpha. Awang-awa si Alpha sa anak. At ayaw niyang isipin na baka hindi iyon kayanin ni Yhanna. Naalala niya ang batang namatay sa daan kanina. Ayaw niyang matulad din doon si Yhanna kaya naman pilit iwinaglit ni Alpha sa isipan ang nakita. Nang mapansin nitong wala si Harvey. "Nasaan ang kuya niyo?" nag-alalang tanong ni Alpha. "Mommy umalis po siya kanina, may babalikan daw po siya," sagot ni Kisses. "Ano? Anong babalikan?" Naghisterikal si Alpha nang maisip na baka bumalik ito sa bahay nila para hanapin sila. "Hindi ko po alam mommy. Basta kanina po habang nanonood kami ng balita riyan sa tv, bigla na lamang po siyang umalis," sabi pa ni Kisses. Napatuwid ng tayo si Alpha mula sa pagkakayakap sa nakahigang si Yhanna. Ang balita. Marahil nga ay napanood iyon ni Harvey. Alam ni Harvey na siya ang hinahanap ng mga tao. Naalala ni Alpha na tuwing may ginagawa si Harvey noon na kung ano-ano ay isinusulat nito ang mga ginagamit niya sa paggagawa para raw pag gusto niyang ulitin ay hindi nito makakalimutan. At ni minsan ay hindi niya sinasamahan si Harvey sa mga ginagawa nito na dapat sana ay nababantayan niya yamang siya lagi ang kasama ng mga ito na naiiwan sa bahay nila liban pa kay Manang Ermin. Ang sabi sa balita kanina ay kailangan nilang malaman sa taong may kagagawan sa pagdating ng mga infected earthworms kung ano ang mga kemikal na ginamit o pinaghalo-halo nito na naging dahilan para magkaroon ng infected earthworms. At alam ni Harvey na siya iyon. Parang lalong naging mahirap ang sitwasyon para kay Alpha. Sigurado siyang bumalik sa bahay nila si Harvey at baka kung mapaano ito. Gusto niya itong sundan pero paano ang ibang bata? Si Yhanna? Kailangang nandoon siya para ma-monitor ang mga mangyayari kay Yhanna. Kung sana'y nandito lang din si Gerardo... Pero nasaan na nga ba ang asawa niyang si Gerardo? Bakit hanggang ngayon wala pa ito? Marami nang iniwasang earthworm si Harvey na nasasalubong nito pabalik sa bahay nila. Pagod na pagod ito sa katatakbo hanggang sa wakas ay makarating na ito sa bahay nila. Kitang-kita niya ang sahig nila na may bakas ng mga laway mula sa mga earthworm na naggapangan doon marahil. May mga ilang earthworm din siyang nakita na nanggaling pa sa kusina nila. Mabilis siyang umakyat papunta sa k'warto niya. Nguni't nasa ikatlong hagdan pa lamang siya nang may biglang mahulog na di-kalakihang earthworm sa bandang balikat niya. Naka sando lang siya noon kaya naman bigla siyang napatalon pagkabagsak na pagkabagsak ng earthworm sa balikat niya. Agad ding nalaglag ang earthworm sa isang baitang ng hagdan. Mabilis niyang tinungo ang silid niya kung saan naroon ang papel na pinagsulatan niya ng pagkakasunod-sunod ng mga kemikal na itinurok niya noon sa isang earthworm. Naghalughog nang naghalughog si Harvey. Hindi na rin kasi niya matandaan ang eksaktong pinaglagyan niya sa papel. Nang may makita siyang mga earthworm na naglalabasan mula sa ilalim ng kama niya ay bahagya siyang napalayo. Nguni't sa biglang pagharap niya ay nabunggo siya sa upuang naroon sa tabi ng maliit na mesa niya kung saan siya gumagawa ng assignments noon. Natumba si Harvey at hindi sinasadyang nahulog ang salamin niya sa mata. Biglang naging blurred ang paligid ni Harvey kaya pilit niyang kinapa kung nasaan ang salamin niya. Subalit may nasanggi ang hinliliit niya na medyo malambot at may pagkamalagkit. Wala pa halos isang segundo na mabilis nailayo ni Harvey ang daliri sa nasanggi niya na natitiyak niyang earthworm. Blurred. His room looks blurred without his eyeglasses... Nagmamadaling lumabas si Alpha sa ospital. Ibinilin niya na lamang muna ang ibang bata sa nurse na naroon. Tiwala siyang hindi lalala ang sitwasyon ni Yhanna dahil hindi naman nito kinakamot ang pamumula ng balat lalo pa't may benda iyon. Pupuntahan niya si Harvey. Alam niyang kasalanan ni Harvey ang mga nangyayaring ito pero hindi niya hahayaang mapahamak ang anak. Aminado siyang matigas talaga ang ulo ni Harvey at sa lahat ng anak niya, si Harvey ang hindi niya masyadong pinapansin noon dahil lagi siyang inis sa mga pinaggagawa nito. Ngayon niya napagtantong marahil ay hindi niya nagampanan nang ayos ang pagiging ina kay Harvey kaya naging ganoon ka-busy sa ibang bagay ang anak. Masyado siyang naging maarteng ina. Ni hindi niya pinagtuunan ng pansin ang mga ginagawa nito. Kung naroon lang sana siya lagi sa tabi nito para gampanan ang pagiging ina rito ay hindi mangyayari lahat ng ito. Responsibilidad nga ni Harvey na tapusin ang gulong iyon, pero responsibilidad niya ring protektahan ang anak. Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa kanila ni Harvey... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD