Chapter VII: The Solution

1509 Words
Pagod na pagod si Alpha nang makabalik sa ospital. Agad itong umakyat papunta sa entrance ng ospital. Nilapitan nito ang g'wardyang naroon. "May mga bata ka bang nakita na pumasok dito sa loob?" hingal nitong tanong sa g'wardya. "Wala naman po ma'am, kaming dalawa po ang nandito kanina pero wala kaming nakitang mga bata," sagot ng g'wardya. Hindi kasi ito ang g'wardyang bantay kanina roon. Dalawa nga sila kanina pero tulog ang g'wardya'ng iyon kaninang naroon sina Harvey. "Sigurado ba kayo?" si Alpha. "Opo ma'am, saka hindi po kami nagpapapasok dito basta-basta ng mga bata. Kaya sinisigurado ko po sa inyong walang mga bata sa loob," nakangiting sabi ng g'wardyang matulis ang tiyan. Naihilamos ni Alpha ang mga palad sa sariling mukha bago muling bumaba. Paano na? Nang maalala nito ang katulong nila. Umakyat itong muli sa ospital at saka pumasok. Pinuntahan nito ang doktor na nag-asikaso sa katulong nilang si Manang Ermin. "Doc, kumusta na ho ang kalagayan ni Ermin Dela Rosa?" bungad niya sa doktor. "Medyo maayos na ang kalagayan niya ma'am. Napag-alaman po namin na hindi kumakalat ang pangangati kung hindi ito magsusugat. Kaya binendahan po namin ang pamumula sa talampakan niya. Para hindi niya po ito direktang makamot. Once po kasi na magsugat, doon po papasok ang impeksiyon na dala ng earthworms. At iyon po ang dahilan kaya mabilis na kumakalat o nagkakaroon ng panibagong pangangati sa katawan ng nakakaranas nito," sagot ng doktor kay Alpha. "Ang ibig bang sabihin doc, hindi na mamamatay ang mga nakakaranas ng ganoon?" natutuwang wika ni Alpha. "Kung malalaman at gagawin nila ang dapat. Kaya nga humingi na kami ng press briefing para maiparating ang balita sa mga tao nang hindi na lumala pa ang kalagayan nila," sabi ng doktor. Iyon lang at hindi na nagawa pang magpaalam ni Alpha. Kahit nalaman niya ang good news mula sa doktor ay kailangan niya pa ring mahanap ang mga anak. Bata lang ang mga ito at siguradong hindi pa rin nakakarating sa mga ito ang balitang sinabi ng doktor. Ni hindi na lumilingon pa sa paligid si Alpha sa pagmamadaling makalabas ng ospital kaya hindi na nito napansin o nakita ang nakahiga sa isang kama ng ospital na iyon na nasa loob ng isang k'warto. Marami ang kamang nasa loob ng isang k'warto at may mga ibang pasyente ring nakahiga. Pero dahil bukas ang pinto, nakita ni Yhanna ang mommy niya nang mapadaan ito sa k'wartong kinalalagyan niya. "Mommy!" Malakas na tawag ni Yhanna. Bababa sana ito pero maagap siyang napigilan ng mga nurse. Pagkalabas ng ospital ay hindi malaman ni Alpha kung saan hahanapin ang mga anak. Lakad-takbo itong muli na naghahanap sa paligid sa pagbabakasakaling makita ang mga bata. Nakakalayo na siya pero kahit isa sa mga anak ay wala siyang makita. Samantala, dumating naman ang media para interbyuhin ang mga doktor ng ospital na iyon. "Dr. Santos, may nalaman na po ba kayong maaaring makatulong sa kalagayan ng mga tao ngayon?" tanong sa isang doktor. Ilang mga microphone at recording ang tumapat sa doktor. "Napag-alaman namin na maaaring hindi kumalat ang pangangati kung hindi natin kakamutin nang kakamutin ang pamumulang mararanasan sa balat kapag nagapangan ng earthworms. Once na kinamot kasi ito nang kinamot, magsusugat ito at doon papasok ang infection na dala ng earthworms. Hanggang kumalat na maaaring magdulot ng kamatayan," sabi ng doktor. "Ibig po ba ninyong sabihin, matitigil na rin ang mga nangyayaring ito?" tanong ng isang reporter doon. Bumuntung-hininga ang doktor. "The main problem here is, the infected earthworms. Mapipigilan lang ang paglala ng pangangati sa katawan, pero ang mga earthworms, hindi namin alam kung paano. Pansamantalang solusyon lang itong sinasabi namin, pero hangga't hindi nawawala ang mga infected earthworms na iyan, patuloy pa rin pong mararanasan ang kakaibang pangangati na maaaring ikamatay ng mga tao kung hindi natin susundin ang mga sinasabi namin," pagtatapos ng doktor. "Wala ba kayong mga magulang na kasama?" tanong ng nurse kay Harvey nang mapansing wala silang ibang kasama. Umiling lang si Harvey. "Naku, eh baka pauwiin kayo at magpatawag ng ibang p'wedeng magbantay sa kapatid niyo. Kung tutuusin kasi bawal ang bata rito kung hindi naman pasyente. Lalo pa at ang babata niyo talaga," sabi ng nurse rito. Sukat doon ay napatayo si Harvey at humawak sa braso ng nurse. "Huwag po! Hindi kami pwedeng bumalik sa bahay. Nagkalat na po ang earthworms sa bahay namin," pakiusap ni Harvey sa nurse. Nagkatinginan naman ang mga nurse na naroon. "Ganoon ba," muling baling sa kanya ng kausap niyang nurse, "Nasaan ba ang magulang ninyo?" Biglang nalungkot si Harvey. Hinanap niya kasi kanina kung nasaan nakapwesto si Manang Ermin. Nahanap niya naman, ang problema wala roon ang mga magulang. Ibig sabihin, kaya hindi nila nakita ang sasakyan nila sa parking lot kanina ay dahil umalis ang mga ito. "Dapat po andito rin sila...pero mukhang binalikan po nila kami sa bahay..." nalulungkot na sabi ni Harvey. Hindi tuloy alam ni Harvey kung nasa mabuting kalagayan ba ang mga magulang... Habang hinahanap ni Alpha ang mga anak ay bigla siyang nakakita ng kumpulan ng mga tao na tila nagkakagulo. May iniiwasan pala na earthworm ang mga ito. "Wag mong kakamutin anak!" saway ng isang babae sa batang kasama nito. Kung ganoon ay naibalita na ang tungkol sa nadiskubre ng mga doktor na paraan para hindi mamatay ang mga nakakaranas ng pangangati na dala ng mga earthworms. Nang mapadaan ito sa isang kainan at eksaktong may ibinabalita tungkol sa mga nangyayari. "Nakahanap man ng solusyon ang mga doktor para hindi lumala ang pangangati na dulot ng mga earthworms, hindi naman sila nakakahanap pa ng paraan para tuluyang mawala ang pangangati. At paano nga ba matitigil ang mga nangyayaring ito kung patuloy naman ang pagdami ng sinasabing infected earthworms?" pagkasabi niyon ng reporter ay ipinakita roon ang kabilaang kaguluhan na nangyayari dahil sa mga lumilitaw na earthworms. Ipinakita rin doon ang mga nagsalpukang sasakyan sa tulay malapit sa kanila pati na rin ang dalawang sasakyan na humarang sa isa pang daanan. May mga ipinakita ring mga tila rescuer na may malalaking hose na hawak na pinambobomba sa mga earthworms na nakadikit sa mga sasakyang nagsalpukan. "Ang nakikita po ninyong inilalabas ng malaking hose ay pinaghalong ibat'ibang kemikal. Matapos kasing masuri ang isang earthworm noon at malamang nagkaroon ng chemical reactions sa earthworms na naging dahilan para maka-impeksiyon sila, pinaniniwalaan na baka sakaling kemikal lang din ang makapatay sa mga infected earthworms na ito. Pero tila hindi ito epektibo kaya naman hinahanap kung sino ang taong pinagmulan ng gulong ito. Ang tao kasing may gawa kung bakit nagkaroon ng infected earthworms ay kailangang makita upang tanungin kung anong mga kemikal ba ang maaaring ginamit nito sa pagbabakasakaling iyon din ang makapapatay sa mga infected earthworms. Kaya kung sino man po siya, sana'y makarating sa kanya ito upang maagapan na hangga't maaga pa, ito po si Jane Perez, nag-uulat." Muling naglakad si Alpha para ipagpatuloy ang paghahanap. Importanteng makita niya ang mga anak at para makausap din si Harvey. She needs to know if the infected earthworms were made by his son. Ang isa pang problema niya ngayon, baka dumating ang asawa niya sa ospital ng wala sila. Baka lalo silang hindi magkita-kita. She really needs to find their children. Nasa labas ngayon ng ospital si Harvey. Binilinan nito sina Kisses at Yhella na 'wag iiwan si Yhanna. Alam na rin ng mga nurse at doktor na kakilala nila si Manang Ermin kaya naman oras na dumating doon ang mga magulang ay sasabihan na sila ng mga nurse kung nasaan sina Yhanna. Pero hindi siya p'wedeng makihintay lang. Napanood niya ang balita kanina. Kailangan niyang bumalik sa bahay nila. Siya ang dahilan ng mga kaguluhang ito. Siya rin ang nakakaalam kung ano ang mga eksaktong kemikal na ginamit niya sa earthworm noon. Gustuhin niya mang dumeretso na sa mga doktor at sabihing siya ang may gawa, siya ang nakakaalam kung ano ang hinahanap nilang kemikal, hindi pa p'wede. Hindi niya naman kasi ganoon katanda kung ano ang mga ginamit niya. Kung ano ang mga pinaghalo-halo niya. Pero nakasulat iyon. Isinulat niya iyon sa isang papel noong ginagawa niya ang pagkakamaling iyon. At nasa bahay nila ang papel. Nasa bahay nila ang susi sa kaguluhan. At kailangan niyang puntahan upang paniwalaan siya ng mga doktor. Hindi p'wedeng basta na lamang siya magsasabi na walang patunay. Baka hindi siya paniwalaan lalo at bata pa siya. Kaya babalik siya sa bahay nila para kunin ang papel. Humakbang pababa si Harvey. At dahil sa mga kaguluhang nangyayari, wala na halos mga sasakyang makikita. Kinailangang lakarin ni Harvey ang daan pabalik sa kanila. Ang daan nito ay salungat sa dinaanan ni Alpha kanina para hanapin ang mga anak. Minadali ni Harvey ang paglalakad para makarating kaagad sa kanila. Sa paglalakad ay paminsan-minsan itong may nakikitang pakalat-kalat na earthworm sa dinadaanan. Nilalagpasan niya lang ito. Naniniwala siyang matatapos din iyon oras na makabalik siya sa bahay nila at makuha ang pakay. Bahala na kung may mga earthworms nang nakatira sa bahay nila. Ang importante, makuha niya ang pakay niyang papel... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD