Hingal na hingal sina Harvey nang makarating sa ospital. Pero hindi sila pinapasok ng g'wardiya na bantay dito.
"Umuwi na kayo, hindi p'wede ang mga bata rito kung wala kayong kasamang nakatatanda sa inyo," sabi ng g'wardya sa kanila.
"Nasa loob po ang mommy at daddy namin. Kailangan po namin silang makausap," pagpupumilit ni Harvey.
"Naku, kayo talagang mga bata. Ang babata niyo pa ang gagaling na ninyong magpalusot. Sige na, umalis na kayo. Hindi kayo p'wede rito," pagtataboy ng g'wardya sa kanila.
Dahil wala namang magagawa sina Harvey, hindi na ito nagpumilit pa.
"Kuya, paano na. Gusto ko na pumunta kina mommy," sabi ni Kisses na nagsimula muling umiyak.
Hinila naman ni Harvey ang mga kapatid at pumunta sa parking area ng ospital. Naisipan niyang doon na lang sila maghintay sa sasakyan ng mga magulang. Sa ganoon paraan, kapag lumabas ang mga magulang para balikan sila sa bahay ay malalaman kaagad nilang wala na sila roon.
Kanina pa nila iniikot ang parking area, nguni't wala doon ang sasakyan ng mga magulang.
"Kuya, baka kanina pa umuwi sina mommy. Baka bumalik din sila kaagad, sana hindi na lang tayo umalis ng bahay," ani Kisses na may luha pa sa mga mata.
"Kuya," bigla namang singit ni Yhanna.
"Bakit, Yhanna?" baling ni Harvey sa kapatid.
"Ang kati kuya," sagot ni Yhanna na akmang kakamutin ang binti nito.
Nanlaki ang mga mata ni Harvey nang may makitang sobrang liit na earthworm sa binti ni Yhanna. Hindi iyon tulad ng mga ibang earthworm na may tila laway sa kanilang kabuuan. Dahil siguro maliit ito kaya ganoon.
"Huwag!" awat ni Harvey sa kapatid at hinawakan ang kamay nito.
Nakakita si Harvey ng stick at ito ang ginamit niya para alisin ang maliit na earthworm sa binti ni Yhanna. Dahil maliit naman, pinatay ito ni Harvey sa pamamagitan ng pag-apak dito.
"Kuya!" nahintakutan sina Kisses at Yhella nang makita ang tinanggal ni Harvey sa binti ni Yhanna.
Hindi naman napigilan ni Yhanna na kamutin ang binti nito.
"Yhanna!" hindi na ito nagawang pigilan ni Harvey.
Agad yumukod si Harvey upang tingnan ang kinamot ni Yhanna. Wala itong sugat. Katulad lang nito ang naging pamumula sa talampakan ni Manang Ermin.
Dali-daling nagpunta muli sina Harvey sa entrance ng ospital. Hindi p'wedeng hintayin pa nilang lagnatin din si Yhanna tulad ng nangyari kay Manang Ermin. Lalo pa't hindi pa nila alam kung ano na ang kalagayan ng katulong nila.
"Hep! Hep!" harang sa kanila ng g'wardya.
"Kayo nanaman?? Talaga naman!" napapalatak na sabi ng g'wardya.
"Kailangan pong madala sa loob ang kapatid ko!" si Harvey at ipinakita pa ang binti ni Yhanna na namumula.
Tumaas ang isang kilay ng g'wardya.
"Dahil diyan?" tumatawang sabi ng g'wardya at hinawakan pa sa braso si Harvey. "Gagawin mo pang dahilan 'yan hindi naman kapani-paniwala," tila naiinis nitong sabi.
"Pero--"
"Umalis na nga kayo. Kung ano-ano pang idinadahilan ninyo makapasok lang sa loob. Hala! Alis!" at pilit silang pinagtulakan ng g'wardya. Ni hindi nito hinintay magsalita si Harvey.
Wala rin naman kasing alam ang g'wardya sa nangyayari sa Sta. Rama. Dahil g'wardya, lagi lang itong nasa labas ng ospital at hindi naman niya inuusyoso kung anong sakit ng mga ipinapasok sa ospital doon. At kahit pag-uwi ay hindi naman ito nakakapanood ng balita dahil wala siyang tv at wala rin naman siyang kasama sa tinitirhan na magbabalita sa kanya. Kaya naman hindi niya alam na delikado ang pamumula sa binti ng batang si Yhanna. Idagdag pang nagpumilit ding makapasok sina Harvey kanina na hindi niya pinahintulutan, at pagbalik biglang sasabihing kailangang maipasok ang kapatid sa ospital. Mas pinaniwalaan ng g'wardya na nagdadahilan lang ang mga bata. Nang maitaboy niya ang mga ito ay bumalik na sa kanyang p'westo ang g'wardya.
"Daddy..mommy..asan na ba kayo?" umiiyak na sambit ni Harvey sa kawalan.
At saka binalingan si Yhanna at niyakap.
"Yhanna, sorry..." hinging-paumanhin ni Harvey.
Alam niyang siya ang dahilan ng lahat ng nangyayaring ito. At ngayon, hindi lang ang katulong nila ang nag su-suffer sa ginawa niya. Pati ang kapatid niyang si Yhanna.
Dalangin na lang ni Harvey na sana'y walang mangyaring hindi maganda kay Yhanna...at kung totoo mang bumalik ang mga magulang niya sa bahay nila, sana rin ay ayos lang ang mga ito...
Muling napatigil sa pagmamaneho si Gerardo.
"Hah!" Nahampas nito ang manibela sa inis.
Nakalimutan niyang doon dumaan sa ibang daan na dinaanan nila kanina pauwi sa bahay nila. Nakalimutan niyang hindi nga pala sila makakadaan ngayon sa kalsadang ito dahil sa dalawang sasakyan na nakaharang. Naaawa namang tiningnan ni Alpha ang asawa nang kabigin nito ang manibela para bumalik.
Binilisan ni Gerardo ang pagpapatakbo. Nasa isip na nitong baka pinuntahan sila ng mga bata sa ospital kaya naman kailangan nilang makabalik din kaagad sa ospital. Bigla-bigla'y napa preno si Gerardo nang malakas.
"Gerardo, honey..." ang nahihintakutang mukha ni Alpha.
Nasa maliit na tulay sila ngayon. Ang tulay kung saan madalas pagliguan ng mga bata ang tubig sa ilalim nito. At hindi na rin sila makakadaan dito. Halos napuno kasi ng mga sasakyan na magkakasunod ang tulay na iyon. Mga sasakyang waring nawalan ng kontrol sa manibela kaya mga nagbanggan sa bawat p'witan ng sasakyan.
Bumaba sila. Kitang-kita nila ang mga earthworm na naggagapangan sa bawat sasakyan na umuusok pa.
"Halika na. Dali!" ani Gerardo at hinila ang asawa pababa sa tulay.
Bahala na kung saan sila mapunta o kung anong panganib ang maaring mangyari. Ang importante makahanap sila ng paraan para makabalik sa ospital at mahanap ang mga anak nila...
Napatayo si Harvey mula sa pagkakaupo sa hagdanan ng ospital sa labas. Doon kasi sila naka p'westo at matiyagang hinihintay bumalik ang mga magulang. Napatayo nga ito nang may makitang mga dumating na pasyente. Lahat ay pawang may mga sugat sa katawan at mga nanghihina pa. Mabilis nagpagilid sina Harvey. Naisip niyang baka nakakahawa din iyong mga sugat ng tao kaya umiwas silang mapadikit dito.
Sinundan ng tingin ni Harvey ang mga pasyenteng ipinasok.
Labis ngayon ang pagsisising nararamdaman ni Harvey. Paulit-ulit pumapasok sa isipan niya na siya ang may kasalanan. Magsisi man siya ay wala na siyang magagawa. Ano nga ba naman ang magagawa niya para mawala ang mga sinasabing infected earthworms na siya ang may gawa?
Hindi nilusong nina Gerardo ang tubig sa ilalim ng tulay kahit pa doon sila maaaring mapadali sa pagpunta sa ospital. Iniisip kasi nila iyong nangyari sa batang namatay noon. Baka naapektuhan ang tubig dahil sa mga earthworms. Binaybay nila ang bandang gilid ng katubigan. Hanggang makarating sila sa ilalim ng bangin.
Iyon ang bangin malapit sa likod-bahay nila. Mas madali na lang din kasi sana kung bumalik na lang sila kung saan madadaanan ang dalawang sasakyan na nagsalpukan. Pero masyado na iyong malayo mula sa tulay. Kaya naisipan nilang umikot na lang mula sa baba ng tulay.
Napadaan sila sa k'weba. Ang k'weba kung saan hinila ng maliliit na earthworms ang napalaking earthworm ni Harvey.
Inakyat ni Gerardo ang tuktok ng k'weba upang makabalik kung nasaan ang bahay nila. Mas malapit na kasi iyon sa orihinal na daanan patungong ospital. Inabot nito ang asawa. Pagkatapos ay pinilit nilang makaakyat sa itaas ng bangin na ang baging ang nagsilbing tulong nila upang makaakyat.
Pagkaakyat ay dali-dali silang tumakbo.
Walang lingon-likod nilang nilampasan ang bahay nila.
"Kailangan nating bilisan, baka kung napaano na ang mga bata," sabi ni Gerardo habang tumatakbo silang mag-asawa.
Mabilis nilang narating ang daan kung nasaan naroon ang dalawang sasakyan. Nagulat pa sila nang makitang pababa ang mga earthworm na nanggaling sa mga sasakyan papunta sa banging nasa gilid ng daan.
Tila may mga isip na nagbabaan ang mga earthworm sa bangin.
Dahil sa kanang bahagi ng kalsadang iyon ang tinutungong bangin ng mga earthworm, sa kaliwang bahagi dumaan sina Gerardo at Alpha.
Dahil sa pagmamadali nila, nadupilas si Gerardo at hindi sinasadyang mahulog sa bangin.
"Gerardo!!" sigaw ni Alpha at lumuhod upang masilip ang asawa.
Nakita niya si Gerardo na nakahiga sa baba ng bangin. Mabuti na lamang at hindi sa bangin na iyon ang binabaan ng mga earthworm.
Gumalaw ang lalaki habang hawak-hawak ang likod. Sinubukan ni Gerardo na makaakyat muli. Subali't mas mataas iyon kumpara sa bangin sa likod-bahay nila. At ang bangin sa likod-bahay nila ay may kuweba kaya nagamit nila ang tuktok ng k'webang iyon para maging tuntungan paakyat sa bangin doon.
Lahat ng baging na kapitan ni Gerardo ay bumibigay dahil sa tagal ng pagkakawak niya.
"Mauna ka na!" sigaw ni Gerardo kay Alpha. "Puntahan mo na ang mga bata, baka umalis pa sila doon kung hindi nila agad makikita kahit isa sa atin!"
"No! Ayoko! Sabay tayong babalik doon!" ganting sigaw ni Alpha.
"Susunod ako! Kailangan lang may mauna sa atin doon, mahirap makaakyat! Iikot na lang ulit ako para makabalik diyan! Pero masyadong malayo ang iikutan dito kaya matatagalan! Kailangan mong mauna!" sigaw pa rin ni Gerardo upang siguradong naririnig ni Alpha ang sinasabi niya.
"Gerardo...!"
"Trust me, hon, okay?! Susunod ako! Kailangan tayo ng mga anak natin! Puntahan mo na sila!" tila maiiyak na si Gerardo sa mga nangyayari.
Naitakip ni Alpha ang mga palad sa bibig bago tuluyang tumayo. Saka tumalikod. Nakakailang hakbang pa lang si Alpha ay muli itong tumakbo pabalik at muling dinungaw si Gerardo.
"Honey! Promise me! Darating ka! Hihintayin ka namin kaya mag-iingat ka!" muling sigaw ni Alpha.
Pilit ngumiti si Gerardo sa asawa. "I promise! Babalikan ko kayo, okay?"
Sunod-sunod na tumango si Alpha kasabay ng paglandas ng luha sa mga pisngi. "I love you..." mahinang usal nito at nagsimula ng umalis.
Lakad-takbo si Alpha na umiiyak. Ayaw niyang iwan ang asawa, pero may katwiran ito. Kailangan niyang mapuntahan din ang mga anak.
"I love you too, honey..." usal naman ni Gerardo nang wala na ang asawa.
Kahit hindi niya narinig, naintindihan niya ang paggalaw ng mga labi ng asawa. Umaasa na lang siyang walang panganib na naghihintay sa kanya sa bangin na iyon.
"Yhanna? Yhanna?!" Bahagyang niyugyug ni Kisses ang kapatid na nakayukyok sa mga hita niya.
Nakaupo sila sa gilid ng ospital at matiyagang hinihintay ang mga magulang.
"Kuya si Yhanna!" mangiyak-ngiyak na tawag nito kay Harvey na nakatayo sa gilid ng kalsada at inaabangan ang mga magulang.
Napatakbo si Harvey sa mga ito.
"Bakit, Kisses?" agad tanong ni Harvey.
"Kuya, sobrang init ni Yhanna," umiiyak na balita ni Kisses.
Umiiyak na rin noon ang kambal ni Yhanna na si Yhella.
"Ha?!" agad itinayo ni Harvey ang tila nanghihinang si Yhanna. "Tulungan mo ako Kisses."
Pinagtulungan nga nilang akayin si Yhanna. At muling iniakyat sa entrance ng ospital.
"O, ano nanamang palabas iyan!" salubong muli ng g'wardya sa kanila.
"Parang awa niyo na po, nilalagnat na ang kapatid ko," pakiusap ni Harvey.
"Naku, tigil-tigilan niyo na ang mga kalokohan niyong bata kayo," sagot ng g'wardya na hindi pa rin sila pinapasok.
Maya-maya ay may nurse na papasok ng ospital. Hinabol ito ni Harvey at pansamantalang binitiwan ang isang kamay ni Yhanna.
"Nurse, nurse! Tulungan niyo po kami," sabi ni Harvey sa nurse na hinila pa ang laylayan ng uniporme nitong pantaas.
"Hoy!" agad silang nilapitan ng g'wardya at pilit inilayo si Harvey.
"Nurse! Iyong kapatid ko po, nilalagnat dahil nagapangan siya ng earthworm! Tulungan niyo po siya!" pagmamakaawa ni Harvey.
Dahil sa narinig ng nurse ay agad nitong inutusan ang g'wardya na bitiwan siya.
"Nasaan siya?" tanong agad ng nurse.
Itinuro ni Harvey ang kapatid at nilapitan nga ito ng nurse at tinulungan silang makapasok sa loob.
Tanging dalangin ni Harvey ng mga oras na iyon ay ang makaligtas si Yhanna sa panganib na dala ng earthworm...
***