Binaybay nina Harvey ang daan para makarating sa ospital ng Sta.Rama kung saan dinala si Manang Ermin. Palinga-linga pa siya na naghahanap ng mapapadaan na sasakyan habang hawak-hawak sa magkabilaang kamay ang kambal. Si Kisses naman ay nasa bandang likuran niya at nakakapit sa laylayan ng damit niya.
Hindi na nga niya alam kung paano aalalayan ang mga kapatid. Si Kisses ay alam niyang natatakot kaya siguradong hindi niya ito maaasahang makatulong sa pag-alalay sa kambal. Nagtataka pa siya dahil wala halos dumadaan na sasakyan. Alam niya namang hindi iyon highway o maituturing na daanan ng mga pampasaherong sasakyan pero bakit kahit anong sasakyan ay wala siyang makita.
"Kisses, bilisan natin. Kailangang makarating tayo sa ospital. Kailangang malaman nina daddy na hindi na safe sa bahay," lingon ni Harvey sa kapatid na nasa likuran.
Hindi nila alam na umalis na ang mga magulang sa ospital para puntahan sana sila.
At sina Gerardo, napaapak bigla sa preno. Paano ay may dalawang sasakyan na nakaharang sa daanan nila. Nagkabanggaan. Napababa si Gerardo para tingnan ang kalagayan ng mga nakasakay sa mga sasakyang iyon. Pagkababa ay nagmamadali siyang lumapit dito.
"s**t!" napamura si Gerardo sa nakita.
Patay na ang parehong driver ng sasakyan. Hindi niya alam kung namatay ba sa aksidente o sa mga nakakapangilabot na mga earthworm na gumagapang sa mga ito!
May nakita pa siyang bukol sa pisngi ng nakalungayngay na ulo ng isang driver. Bukol na namumula at may sugat pa. Hindi man pantay-pantay ang laki at haba ng mga earthworm na gumagapang sa mukha nito ay malinaw niyang nakita ang tila laway na hindi humihiwalay sa kabuuan ng earthworm. Mabilis na tumakbo pabalik sa sasakyan si Gerardo lalo na nang makitang may mga earthworm pang gumagapang sa mga sasakyang nagkabanggaan.
"Gerardo--" hindi natuloy ni Alpha ang sasabihin.
"Kailangan nating makabalik kaagad sa bahay! Ang mga bata!" ani Gerardo pero napailing ito dahil hindi sila makakadaan dahil halos sinakop ng dalawang sasakyang nagbanggan ang kalsadang iyon. Bangin na ang kabilaang side ng kalsada, at pag pinilit niyang sumingit o idaan sa gilid ang sasakyan, tiyak na mahuhulog sila.
Agad kinabig ni Gerardo ang manibela pero hindi para bumalik. Kasabay ng pagkabig niya sa manibela para makaikot ay kumanan ito. May iba pa namang daanan para makarating sa bahay nila. Hindi p'wedeng hindi nila balikan ang mga anak nila!
Samantala, binilisan naman lalo ni Harvey ang pagtakbo. Napatigil lang siya nang biglang madapa mula sa likuran niya si Kisses.
"Kisses!" agad niya itong dinaluhan at binitiwan muna ang kamay ng mga kambal.
"Kuya," umiiyak na tawag ni Kisses. "Hindi ko na kayang tumakbo kuya, pagod na talaga ako," sabi nito kay Harvey.
"Hindi p'wede Kisses, nakita mo iyong kakaibang earthworm sa bahay kanina? Iyon ang dahilan kung bakit may namatay na bata, iyong nasa balita! At ang earthworm din na iyon ang dahilan kung bakit nasa ospital si Manang Ermin! Kailangan nating makalayo rito para mapuntahan sina daddy at mommy sa ospital," sabi ni Harvey na pilit itinatayo mula sa pagkakadapa si Kisses.
Nang tuluyang makatayo si Kisses, nagpaika-ika naman ito sa paglakad.
"Kuya, ang sakit ng tuhod ko," sabi ni Kisses na umiiyak pa rin.
Nakita ni Harvey na nagkaroon ng gasgas ang tuhod ni Kisses.
"Kisses, konting tiis na lang. Malayo na ang natatakbo natin, tingin ko malapit na tayo," pang-aalo ni Harvey sa kapatid.
At natanaw nila sa di-kalayuan ang dalawang sasakyan na tila nagsalpukan. Nang tuluyan silang makalapit dito ay niyakap ni Harvey ang kambal para hindi nila makita ang mga earthworm na gumagapang sa dalawang sasakyan.
"Kuya!" lalo namang napaiyak sa takot si Kisses.
Binilisan nina Harvey ang pagtakbo hanggang malampasan nila ito. Malapit na. Malapit na sila sa ospital.
Halos hindi pa tuluyang tumitigil ang sasakyan nina Gerardo ay napatalon na ito palabas ng sasakyan. Sumunod namang bumaba si Alpha at tinakbo nila ang bahay. Napaatras si Gerardo nang may makitang mga earthworm sa sahig nila sa sala.
"Gerardo, ang mga anak natin," mangiyak-ngiyak na sabi ni Alpha habang tutop-tutop ang bibig nito.
Agad tumakbo papasok si Gerardo.
"Harvey!" tawag nito. "Kisses! Yhella! Yhanna!" inikot ni Gerardo ang sala at kusina. At nakita pa nito na maraming earthworm ang nag-gagapangan galing cr sa kusina.
Natatakot at kinakabahan man, nagpatuloy sa pagsigaw si Gerardo.
"Harvey!" pumasok din siya sa kwarto ni Manang Ermin.
Nakita niya naman si Alpha na paakyat sa taas. Sinundan niya ito.
"Yhella! Yhanna!" tawag din ni Alpha.
"Kisses!" si Gerardo at inisa-isa nila ang k'warto sa itaas.
Halos palitan lang sila ni Alpha sa pagtawag sa mga anak. Hanggang humantong sila sa k'warto ni Harvey. Nagkatinginan pa silang mag-asawa nang tila may gumagalaw sa ilalim ng kama ni Harvey. Bahagya kasing nagagalaw ang laylayan ng bed cover ni Harvey na nakalaylay hanggang sahig kaya naman hindi nakikita ang ilalim ng kama.
"Harvey, nandiyan ba kayo?" kinakabahang tanong ni Gerardo at mabilis na lumapit sa kama.
Itinaas nito ang laylayan ng bed cover ni Harvey sa pag-aakalang naroon ang mga anak. Pero napaatras at napaupo si Gerardo sa nakita.
"Gerardo!" sigaw naman ni Alpha.
Halos mapatulala si Gerardo kaya naman hinila ito ni Alpha hanggang makababa sila.
Ang nakita nila, isang garapon na maliit at may lamang earthworm. At marami pang mga earthworm na nasa labas naman ng garapon na akala mo'y gustong mabuksan ang garapon upang makalabas ang isang earthworm na nasa loob nito. Ang nakakahilakbot pa, halos nagdikit-dikit na ang mga ito dahil sa kulay puti na nasa kabuuan ng mga earthworms na iyon.
Sumakay muli ang mag-asawa sa sasakyan nila. Bago ito paandarin ni Gerardo ay tumingin pa siya sa itaas ng bahay nila.
"Si Harvey..." tila nanghihinang usal ni Gerardo.
Bigla namang napasandal nang malakas si Alpha sa kinauupuan nito at napapikit.
"Harvey...ano bang ginawa mo..." anas ni Alpha.
"Kailangang makita natin ang mga anak natin Gerardo," lumuluhang sabi nito.
Nang makita nila ang garapon na may earthworm sa ilalim ng kama ni Harvey, iisa ang pumasok sa isipan ng mag-asawa.
Si Harvey ang pinagmulan ng mga nangyayaring ito...
***