Umakyat muna si Harvey sa k'warto nito at naiwan ang mga kapatid sa baba. Naupo siya sa kama nang biglang maalala ang earthworm na inilagay sa garapon. Bumaba siyang muli sa kama at sinilip ang ilalim nito.
Nanlaki ang mga mata ni Harvey nang makita ang earthworm na medyo lumaki nang kaunti. Sobrang liit lang talaga niyon kahapon nang ilagay niya sa garapon. At ang isa pang ikinagulat niya, tila may laway na bumabalot sa earthworm at sa kabuuan ng garapon na ginapangan na nito marahil.
Puno man ng pagtataka ang batang si Harvey, mas nangibabaw ang kuryosidad niya kung anong nangyari sa earthworm. Hinila niya palabas ang may kaliitang garapon. Dala na rin ng mga natutunan niya sa iba't-ibang libro tulad ng science ay kumuha si Harvey ng gloves sa mga nakatagong gamit niya at isinuot bago binuksan ang garapon. Gumapang paakyat ang earthworm at may naiiwang bakas ng laway sa nadaanan nitong parte ng garapon. Bago pa tuluyang makalabas ang earthworm ay nagulat pa si Harvey nang biglang may bumagsak na butiki sa earthworm kaya naman sabay na napabalik ang mga ito papasok sa garapon. Lalo pa siyang nagulat nang makitang tila nanghina ang butiki. Lalo na nang mas mapuliputan pa ito ng tila laway sa katawan ng earthworm. Ilang sandali lang at hindi na gumagalaw ang butiki.
Mabilis na naisara ni Harvey ang garapon.
Napatulala siya.
Mabilis pumasok sa isip niyang baka ito ang dahilan ng pamumula sa talampakan ni Manang Ermin.
Baka...baka...may naapakan noon si Manang Ermin na earthworm sa loob ng banyo noong nililinis niya ito.
Pero bakit? Bakit magkakaganoon ang earthworm? Iyong batang namatay na nasa balita, iyon din kaya ang dahilan?
Kailangan niyang makasigurado. Dali-daling ibinalik ni Harvey ang garapon sa ilalim ng kama niya at mabilis na bumaba.
"Kuya! Kuya saan ka pupunta?" takang habol ni Kisses sa kanya nang lumabas siya sa bahay nila.
Dere-deretso si Harvey sa likod-bahay nila. Hinawi niyang muli ang mga halamang naiayos na ni Manang Ermin. Binilisan niya ang takbo hanggang makarating sa bangin kung saan niya itinapon noon ang kahong salamin na kinalalagyan ng namatay ngunit lumaking earthworm. Matapos lumuhod ng bahagya ay sinilip niya ang ilalim ng bangin. Wala na ang earthworm at tanging ang basag na salaming kahon na lang ang nakita niya. Nanlulumong napaupo nang tuluyan si Harvey.
Siya.
Siya ang dahilan kung bakit may namatay na bata.
Siya ang dahilan kung bakit nasa ospital ngayon si Manang Ermin.
Nang bigla nitong maalala ang mga kapatid. Dali-dali siyang tumakbo muli hanggang makarating sa bahay nila. Pagdating sa pintuan ay napaatras pa siya nang may makitang earthworm na gumagapang sa bintana nila. Pero matapang pa rin siyang pumasok nang makita ang mga kapatid.
"Kisses, ayos lang ba kayo?" humihingal niyang tanong sa kapatid.
"Bakit kuya?" takang tanong naman ni Kisses.
Hindi sinagot ni Harvey ang kapatid nang may muling maalala. Tumakbo ito sa kusina. At kahit natatakot, binuksan niya nang malakas ang pintuan ng banyo nila. Napaatraas si Harvey sa nakita.
May mga earthworm sa loob tulad ng earthworm na nasa garapon.
Tumakbo ito pabalik sa sala kung nasaan ang mga kapatid nang makitang may gumagapang na palabas ng banyo.
"Kisses! Dali, kailangan nating umalis dito," at hinawakan niya na sa kamay si Yhella at Yhanna.
"Kuya, bakit ba?" natigilan si Kisses nang makitang natigilan din si Harvey. Sinundan nito ng tingin ang tinitingnan ng kuya niya.
Ang earthworm na nakita ni Harvey sa bintana ay nakapasok na sa loob ng bahay nila.
"Halika na Kisses!" sigaw ni Harvey sa kapatid.
Nakaramdam din ng takot si Kisses kaya sumunod na rin siya kay Harvey. Hindi rin kasi pangkaraniwan sa kanyang makakita ng earthworm na tila nababalutan ng laway sa katawan nito. Lalo na't may kalakihan din ang earthworm na iyon. Nagmamadali silang nakalabas ng bahay at tinahak ang daan. Malayo-layo ang ospital sa kanila kaya malabong makarating agad sila roon.
"Mr. Carters, kaano-ano po ninyo ang pasyente?" tanong ng doktor pagkalabas sa k'warto kung nasaan si Manang Ermin.
"Katulong ho namin siya doc, kumusta na hong lagay niya?" tanong ni Gerardo.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Katulad nito ang kaso ng batang namatay. Ang pamumula sa talampakan niya ay walang pinagkaiba sa batang namatay. Iyon nga lang, dahil siguro walang sugat itong sa katulong ninyo kaya siguro hindi kumalat. Pero maaaring iyon ang dahilan kung bakit sobrang taas ng lagnat niya," sabi ng doktor.
Nangunot ang noo ni Gerardo at nagkatinginan pa sila ni Alpha. "Pero saan ho nila iyon nakuha?"
Ang balita sa telebisyon na nasa bandang itaas ng kisame ang sumagot sa tanong ni Gerardo.
"Kabilaan na ang mga nangyayari sa mga tao dito sa Sta. Rama, ilang mga tao ang nakakaranas ngayon ng sobrang pangangati sa ibat-ibang parte ng katawan nila. At ang masama pa, kumakalat ang pamumula at nagsusugat. Marami na po ang namatay sa araw na ito. Ayon sa isang ginang, may nakita raw itong kahalintulad sa isang bulate o earthworm na gumapang sa paa ng asawa niya. Hindi raw ito pangkaraniwan dahil may malapot na likido o parang laway daw na nasa kabuuan ng earthworm na ito. Ito raw ang nagdulot ng pangangati sa asawa hanggang kumalat nga at magsugat. Narito pa po ang pahayag ng isa sa mga sumuri sa katawan ng mga nakakaranas ng pangangati at sumuri rin sa isa sa mga earthworm na kinuha nila."
Lumipat ang camera sa isang lalaki.
"Sa mga nasa bahay po nila o kung sa labas man, iwasan po sana nating mapadikit sa earthworm na ito. Ayon po kasi sa pagsusuri, maaaring may chemical reaction na nangyari sa mga earthworm na ito at nagdudulot ng infection sa mga nagagapangan nila o nadidikitan ng tila laway sa katawan nila. Inaalam pa po naming mabuti kung anong klaseng infection ito, kung bacterial infection man o kung may virus ba ang laway sa katawan ng earthworm na ito," sagot ng lalaki sa interview.
Biglang naalala nina Gerardo at Alpha ang mga bata. Sukat doon ay hindi na nila nagawang magpaalam sa doktor at dali-dali silang lumabas sa ospital na iyon. Kailangan nilang balikan ang mga anak nila para ipaalam ang nangyayari.
***