Chapter 3: Sickness

1201 Words
Sa bangin.... Tila may humihila sa may kalakihang earthworm na itinapon ni Harvey. Tuluyan itong naipasok sa isang tila k'weba. Biyak ang bandang tiyan ng may kalakihang earthworm samantalang hindi naman iyon ganoon nang itapon ni Harvey. Maya-maya ay biglang may nagtalunan mula sa ilalim ng patay na earthworm. Mga maliliit na earthworm. Hindi pantay-pantay ang laki. May mga medyo mahaba. Ang mga ito pala ang humila sa patay na earthworm. At ang mas mahahabang earthworm ay may tila laway na nakadikit sa katawan ng mga ito. Bahagyang nahuhulog sa katawan ng earthworm ang malagkit na puting likido na tila laway pero hindi naman ito humihiwalay sa katawan ng earthworm. Nang biglang may palakang tumalon sa loob ng k'weba. Biglang may nagtalunang mga earthworm sa katawan ng palaka. Maya-maya ay hindi na gumalaw ang palaka, doon pa lang umalis ang mga maliliit na earthworm at bumalik sa patay na katawan ng malaking earthworm na tila ba ito ang nanay nila. Ang palaka ay patay na, ang balat ng palaka ay parang nasunog sa sobrang pamumula. Nakamamatay ang tila laway na nakadikit sa mga earthworm na naroon... "What's this?" nangungunot ang mga noong tanong ni Gerardo habang nakatingin sa diyaryong binabasa nang umagang iyon. Napalingon naman ang asawang si Alpha sa kanya. "What's the problem honey?" maarte nitong tanong sa asawa. Tinanggal ni Gerardo ang salamin sa mata at pinunasan. Pagkuwa'y kinusot ang sariling mga mata. Saka muling ibinalik at pinakatitigang mabuti ang diyaryong binabasa. "No..." mahinang usal nito. "Gerardo, ano bang problema?" tila inis na si Alpha dahil hindi man lang siya tapunan ng tingin ng asawa. "Here," sa wakas ay nilingon siya ng asawa at iniabot sa kanya ang diyaryo. Binasa naman ni Alpha ang nasa headline ng diyaryo. "BATA SA STA.RAMA, PATAY SA HINDI MALAMANG DAHILAN" "So?" taas ang kilay ni Alpha sa asawa. Normal na silang nakakabasa ng mga ganoong balita, kaya hindi niya ma-gets kung bakit ganoon ang reaksiyon ni Gerardo. Napapikit si Gerardo. Talagang kahit kailan ang asawa niya hindi man lang mag-effort alamin kung bakit ganoon ang reaksiyon niya. "Look at the picture," sabi nito sa asawa matapos muling imulat ang mga mata. "Then read and stop asking me, okay?" ani Gerardo at iniwan na ang asawa sa kusina. "Eeewww...what's this..." mahinang anas ni Alpha nang makita ang larawan. Larawan iyon ng batang tila may mga pulang bukol na nagtubuan sa katawan nito. May mga sugat-sugat pa ang bukol nito. Nakakadiri na nakakapangilabot ang larawan para sa kanya. Binasa niya ang kabuuan ng balita. Ang sabi roon, kagabi natagpuan ng mga magulang ng bata na hindi na gumagalaw ang anak nila. At nakakitaan nga raw nila ito ng mga pulang bukol na nagsusugat-sugat pa. Ayon pa sa interview sa nanay ng bata, naligo lang naman daw kahapon sa ilalim ng tulay ang anak nila. At nang umuwi raw ito inireklamo nitong may masakit daw sa likod ng bata. Tiningnan daw ito ng mga magulang ng bata at nakita nga nilang may pulang bukol na nagsusugat sa likod nito. Inakala lang daw nilang simpleng sugat iyon at ipinagsawalang-bahala. Hanggang sumapit nga raw ang gabi at nang tawagin nila ang anak sa k'warto ay hindi ito sumasagot. Ganoon na lang daw ang gulat at panghihilakbot nila sa nangyari sa anak. Dumami raw ang bukol at kumalat sa katawan ng bata. Pinag-aaralan pa raw kung saan nakuha ng bata iyon. Ipinagbawal din muna ang kahit magtampisaw lang sa tubig sa ilalim ng tulay sa bayan nila. "Wala munang lalabas sa inyo, naiintindihan?" boses ni Gerardo. Pumunta si Alpha sa sala at nabungaran niya ang asawang kinakausap ang apat nilang anak. "Bakit po dad?" tanong ni Yhanna. Nalungkot pa ang bata dahil ibig sabihin hindi muna sila makakapamasyal sa parke. Binuksan ni Gerardo ang telebisyon at inilagay sa news. Sakto namang ang tungkol sa namatay na bata ang nasa balita. "Pinapayuhan ngayon ang mga taga Sta.Rama na 'wag na 'wag munang magpupunta sa ilalim ng tulay doon kung saan maaaring nakuha ng bata ang misteryosong mga bukol. Napag-alaman kasi ng mga sumuri sa katawan ng batang namatay na maaaring impeksiyon o virus ang tumama sa bata. Pero wala pang makapag-paliwanag kung paanong ganoon kabilis kumalat sa katawan ng bata ang pinaghihinalaang virus dahil hindi pa rin sila ganoon kasigurado kung sa tubig nga ba ito nakuha. Kasalukuyan pang pinag-aaralan ang sample ng tubig na kinuha sa ilalim ng tulay sa Sta.Rama. Fredilyn Arnaiz, nag-uulat." "Ngayon naiintindihan niyo na ba?" baling ni Gerardo sa mga anak. "Dad...nakita ko po ang batang iyon kahapon. Nakita ko rin po iyong sugat ng bata," parang wala sa sariling sabi ni Harvey. Hindi siya maaaring magkamali, iyon ang batang nakita niya kahapon. Sukat sa sinabi ni Harvey ay bigla siyang nahawakan ng mariin ni Gerardo sa mga balikat. "Pumunta ka ba sa tubig ha?!" may galit pero mas lamang ang pag-aalala sa boses ng daddy niya. "H-hindi po dad..." Bigla siyang nayakap ni Gerardo na waring nakahinga ng maluwag. "Daddy..." muli niyang usal. "May pagkapareho po iyon sa namumulang talampakan ni manang Ermin," anito. Nagkatinginan sina Gerardo at Alpha. "Sigurado ka ba anak?" "Opo daddy. Wala lang sugat iyong kay Manang Ermin," sagot ni Harvey. Agad nilang pinuntahan ang k'warto ni Manang Ermin. "Manang Ermin," tawag ni Gerardo nang mabuksan ang pintuan. Kinabahan sila nang hindi umimik si Manang Ermin pero nang gumalaw ito mula sa pagkakahiga ay agad binuksan ni Gerardo ang ilaw. Naglapitan sila sa babae. "Manang Ermin kamusta hong pakiramdam ninyo?" tanong dito ni Gerardo habang nakayakap naman kay Alpha ang tatlong anak na babae. Si Harvey ay lumapit din sa katulong nilang nakahiga. Umungol lang ang katulong. Wala naman silang nakita na mga bukol-bukol sa katawan ng babae. Tinanggal ni Gerardo ang kumot ng babae at tiningnan ang talampakan nito. Ganoon pa rin naman katulad kahapon. Pero ramdam ni Gerardo na sobrang init ng hawak-hawak niyang paa ng babae. Kinapa niya ang noo nito. Inaapoy ito ng lagnat. Sukat doon ay agad nitong binuhat si Manang Ermin. "Hon, kailangan nating madala siya sa ospital!" nagmamadaling inilabas ito ni Gerardo sa k'warto. Sa kauna-unahang pagkakataon ay walang arteng kumilos si Alpha. Siya na ang kumuha ng susi ng sasakyan nila sa kinalalagyan nito at mabilis na sumunod sa asawa. "Harvey, bantayan mo muna ang mga kapatid mo!" bilin pa ni Alpha sa panganay na anak. Nang makaalis ang mga magulang ay agad isinara ni Harvey ang pintuan. Kahit umaga noon ay nakaramdam ng takot si Harvey. Hindi naman kasi nagpunta sa tubig sa ilalim ng tulay si Manang Ermin kaya ibig sabihin hindi ang tubig sa tulay ang problema. Maaaring sa bahay nila mismo nakuha ng katulong nila ang bukol sa talampakan nito. Kaya ibig sabihin, wala pang nakakaalam kung saan talaga nakuha ng batang namatay at ni Manang Ermin ang namumulang bukol sa mga ito. Mabuti na lamang at walang sugat ang pamumula sa talampakan ni Manang Ermin kaya siguro hindi siya natulad sa batang namatay. Umupo silang magkakapatid sa sofang naroon at wala ni isa sa kanila ang umiimik. Wala ring nakapansin sa mga bata na may gumagapang na pala sa bintanang salamin malapit sa main door ng bahay nila. Isang earthworm na tila naglalaway pa ang katawan... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD