Samantala, wala namang kamalay-malay sina Gerardo at Harvey na may mga dumating para iligtas silang mga nasa Sta. Rama pa. Ang dahilan, nakatulog ang mga ito sa labas ng isang bahay doon.
Biglang kumilos si Harvey mula sa pagkakaunan sa hita ng ama. At tuluyan na itong nagmulat. Madilim na ang paligid. Bigla itong napabangon at ginising ang ama na nakasandal naman sa dingding.
"Daddy! Daddy!" malakas ang boses na niyuyugyug ni Harvey sa balikat ang ama upang magising.
"Harvey..." anito pagmulat ng mga mata niya.
"Daddy, gabi na po. Ano na pong gagawin natin? Hindi na po ba talaga tayo makakaalis dito?" tila nawawalan ng pag-asang sabi ni Harvey.
Niyakap ni Gerardo ang anak bago nagwika, "Wag kang mag-alala, hahanap tayo ng paraan," buo naman ang loob na sabi nito.
Gumanti naman ng yakap si Harvey.
"Daddy natatakot po ako. Kahit na hindi tayo ginagalaw ng mga earthworm, ayoko pong manatili dito kasama sila...natatakot po akong baka di na natin makita sina mommy...miss na miss ko na rin po sila, daddy," tila maiiyak na sabi ng bata.
Hinagod-hagod ni Gerardo ang likod ng anak, "Magkikita-kita pa tayo anak...naniniwala akong hindi tayo pababayaan ng Diyos. Magtiwala ka lang Harvey," pang aalo nito sa bata.
"Daddy...this is all my fault...kung hindi ko iyon ginawa, sana...sana magkakasama pa rin tayo at wala sanang mga namatay na tao...kasalanan ko po daddy," at doon na nga tuluyang napaiyak si Harvey.
"Harvey, 'wag mong sisihin ang sarili mo," sabi nito na iniharap ang mukha ng anak sa kanya. "Malalampasan natin ito lahat at makakalimutan din ng mga tao ang pangyayaring ito. Ang importante, matapos na ang lahat ng ito at nang makabalik na tayo sa mga normal nating buhay. Naiintindihan mo ba Harvey? Kailangan nating maging matatag para makasama ulit natin ang mommy at mga kapatid mo," sabi nito sa malambing na boses at saka muling niyakap ang anak.
Alam ni Gerardo na malabong mangyaring basta-basta na lang makalimutan ng mga tao ang nangyari lalo na ang mga nalagasan ng miyembro ng pamilya dahil sa mga earthworm. Pero kailangang ganoon ang sabihin niya sa anak para hindi nito sisihin ang sarili. Para sa kanya, bata lang si Harvey at hindi talaga sinasadya ang pagkakaroon ng mga earthworm na nakamamatay. Hindi niya rin alam kung paano sila makakaalis doon dahil napalibutan na nga ng mga nagtataasang pader ang buong Sta. Rama upang masiguradong walang mga earthworm ang makakarating pa sa ibang lugar. Sana lang ay nagawa nila ang paglalagay ng pader noong kokonti pa lang ang mga earthworm. Dahil kung ginawa nila iyon kung kailan dumami na ang mga earthworm, mahirap ng masabi kung wala nga bang nakalusot na mga earthworm sa ibang lugar.
Patuloy naman sa pag-atras si Alpha habang nakaupo dahil nga sa mga earthworm na palapit na nang palapit sa kinaroroonan niya.
Nalingunan nito ang radyong hawak-hawak kanina, tumilapon pala ito dahil sa pagkakatumba niya. Narinig pa nito ang boses ni Kennedy na tinatawag siya.
"Dad!" sigaw niya sa pagbabakasakaling marinig siya ng matanda kahit na malayo ang radyo sa kanya.
Napaluha na lang si Alpha nang kahit anong pilit niyang tumayo ay hindi niya magawa dahil sa nananakit na bukong bukong ng paa niya. Sa tuwing tatangkain niyang tumayo ay bumabagsak siyang muli.
"God please help me...gusto ko pang makita ang mag-ama ko..." usal nito.
Kaunting gapang na lang ng isa sa mga earthworm ay makakaakyat na ito sa paanan niya. Napapikit na lang siya at hiniling na kung mangyari ngang magapangan siya nito, sana'y mapigilan niya ang sariling kamutin ang parteng magagapangan ng earthworm na iyon.
Nang bigla siyang mapapitlag nang may mga kamay na humawak sa mga balikat niya.
"Alpha! What are you doing!"
"Dad!" tila nabuhayan ng pag-asa si Alpha ng mga oras na iyon. "Hindi ako makatayo dad," sabi kaagad nito kay Kennedy.
Inalalayan siya ni Lolo Kennedy sa pagtayo at nang maitayo ay inilagay nito ang isang kamay ni Alpha sa balikat niya upang maalalayan ito sa paghakbang palayo roon.
"I'm worried when you're not answering my call. I followed my voice coming from your radio, that's why I found you," sabi ni Kennedy sa kanya habang nakaalalay pa rin sa paglalakad ni Alpha.
"Nabitiwan ko ho Dad. I thought, mapapabilang na ako sa mga taong - "
"Don't ever think about that again, Alpha. My son, Gerardo needs you especially my grandchildren. I believe Gerardo and Harvey are still alive," pagpapalakas ni Kennedy sa kalooban ni Alpha.
Habang patuloy sila sa paglalakad ay bigla silang nakarinig ng sigaw.
"Ahhhhh!"
Nagkatinginan sina Lolo Kennedy at Alpha. Inalalayan ni Lolo Kennedy si Alpha upang maiupo muna.
"Stay here," anito kay Alpha nang maiupo ito.
"Dad - " hindi na napigilan ni Alpha ang matanda. Alam nitong balak tingnan ni Kennedy kung ano ang nangyayari sa pinanggagalingan ng sigaw kanina. Malapit lang iyon sa kanila.
Dahan-dahan naman sa paglalakad si Kennedy hanggang sa mamataan nito ang ang nangyayari sa pinanggagalingan ng sigaw.
Natigilan ito ng bahagya nang makitang ang sundalong kasama nila ang sumigaw. Isang malaking earthworm ang nasa harapan nito at pinagsasaksak ng sundalo ng isang tubo ang nasabing earthworm sa bandang dulo nito. Sa bandang ulunan naman ng earthworm ay isang matanda ang nakasandig sa pader. Nang bahagyang umangat ang ulunan ng malaking earthworm, ay sigurado siyang tutumbukin nito ang kinatatayuan ng sundalo. Mabilis na nag-isip ng paraan si Kennedy upang makatulong. Sa di-kalayuan ay may nakita itong ilang bamboo na nakatabi lang. Mabilis itong tinakbo ni Kennedy upang kunin at binuhat niya ito ng nakahawak sa gitnang bahagi ng bamboo. At sa abot ng kanyang lakas, itinakbo niya ito upang tumbukin ang malaking earthworm na nakahanda ng salakayin ang sundalo. At bago pa nga nito malapitan ang sundalo, tumarak na sa katawan ng earthworm ang bamboo. Dahil marahil malambot lang ang katawan ng eathworm, halos tumagos ang bamboo dito.
"Get out!" sigaw nito sa sundalo dahil babagsak ang eathworm sa kinatatayuan nito.
"Inay!" sigaw naman ng sundalo sa nanay nito sa pag-aalalang mabagsakan din ito dahil sa laki ng earthworm.
Nang maalala ni Kennedy ang matanda at mapagtantong nanay ito ng sundalo, mabilis niya itong nilapitan at tinulungang makalayo doon.
Nang tuluyan ngang bumagsak ang earthworm, pare-pareho na silang nakalayo dito.
"Inay!" muling sigaw ng sundalong si Sandoval pero sa pagkakataong iyon ay nakangiti na ito.
Tumakbo ito paikot sa namatay na earthworm dahil nasa magkabilang panig sila ng nanay niya at ni Kennedy.
Nang makalapit, mahigpit nitong niyakap ang nanay niya. Kapwa luhaan ang dalawa.
"Dad," tawag naman ni Alpha. Nakatayo na rin ito at masayang nakatunghay sa mag-inang nagyayakapan.
Lumapit si Kennedy kay Alpha at niyakap ito.
"Sila na ang susunod nating mahahanap," anito kay Alpha.
Kumalas naman si Sandoval sa ina at nagsalita kina Alpha at Kennedy.
"Ayoko kayong paasahin, pero naisip ko lang na baka na-rescue na rin sila ng mga kasamahan ko kanina," untag niya sa mga ito.
Bahagya namang kumunot ang noo ng dalawa. Hindi rin kasi alam ng mga ito na may mga dumating kanina.
"Mukhang hindi ninyo alam. May mga sundalong dumating kanina para i-rescue ang mga natitirang tao dito. Pero wala na rin sila, bago tuluyang magdilim ay umalis na sila. May mangilan-ngilan silang nahanap, pero hindi ko sigurado kung kasama ba doon ang hinahanap ninyo. Nagmamadali na silang umalis kanina, at hindi na nila pinansin ang paghingi ng tulong ni Inay," may sama ng loob pa nitong sabi.
Nagulat sila pare-pareho nang biglang mapaupo si Sandoval.
"Anak, anong nangyayari sayo?" alalang dinaluhan ng matanda si Sandoval.
Lumapit naman sina Alpha at Kennedy. Nakita ni Kennedy na may maliit na sugat ang ibabaw ng palad nito na hinawakan ni Sandoval.
"You need to be cured," sabi ng matanda.
Tiningala ni Sandoval ang matanda at naalala nito kung paano siya nagkaroon ng sugat sa ibabaw ng palad nito.
Nang makakita siya kanina ng tubo para maitarak sa malaking earthworm kanina upang maagaw ang atensyon nito at 'wag lapitan ang ina, agad niya itong itinarak sa nagsisilbing buntot ng earthworm. Sunod-sunod ang pagtarak na ginawa niya dahilan upang may tumalsik na laway sa kamay niya mula sa malaking earthworm. At dahil nga mas mapanganib ang dala ng malaking earthworm, kusa iyong nagsugat agad kahit hindi nito kinamot.
Umiling-iling si Sandoval habang nakatingin kay Kennedy.
"Hindi na...mamamatay rin ako tulad nila," anas nito.
Sukat sa sinabi ay bigla siyang niyakap ng ina at humagulgol ito. "Hindi mo na dapat ako binalikan dito."
"Hindi ko naman mapapayagang may mangyaring masama sa inyo 'nay," sagot ni Sandoval sa ina.
"Get out of here and bring your mom, soldier. Your wound is not that worst, there is only one little wound in your hand. My experiment can heal your wound," sabi ni Kennedy na ikinabuka ng bibig ni Sandoval.
"But...paano ho kayo kung aalis kami ngayon? Mawawalan kayo ng chopper na gagamitin?" gulat nitong tanong sa matanda at saka tiningnan si Alpha.
Nginitian naman siya ng babae at nagsalita, "It's okay. Ayaw naming maging makasarili, kailangan mong magamot agad. Besides, hindi pa naman namin nakikita ang mag-ama ko. At makabubuti rin kung mauuna na kayong umalis para maibalita mo rin sa amin kung kasama ba ang mag-ama ko sa mga na-rescue nila kanina. Just promise us one thing please, kung nandoon na nga ang mag-ama ko, sabihan mo agad kami at sana makagawa ka ng paraan para balikan kami dito ng kahit sino man sa inyo. At kung wala, ibalita mo rin sana kaagad sa amin," ani Alpha na tiningnan pa ang radiyong hawak ni Kennedy pahiwatig na doon sila babalitaan ni Sandoval.
Ngumiti si Sandoval at pilit ng tumayo.
"Salamat sa kabutihan ninyo...pangako, gagawin ko ang hinihiling niyo. Mag-iingat din sana kayo," turan ng sundalo bago inumpisahang humakbang palayo kasama ang nanay nito.
***