Sumikat ang araw.
Dahilan para magsipag tago ang mga earthworm.
Ang mga taong iniwanan ng earthworm ay pawang wala ng mga buhay at ang iba ay naiwanang naghihingalo na.
Sinamantala iyon ng mga inutusang sundalo. Nagdatingan muli ang mga helicopter para tulungan ang mga taong buhay pa, kahit ang mga may pamumulang nararanasan ay maaari pa nilang iligtas dahil na rin sa ginawa ni Kennedy Carters na nakakapagpahilom sa nakararanas ng pamumulang iyon.
Hiwa-hiwalay ng nilapagan ang mga helicopter. Bawat taong lulan nito ay may mga makakapal na kasuotan at may proteksiyon rin na nakasuot sa mga ulo nila upang makasiguradong kahit may kumapit sa kanilang infected earthworms ay hindi sila mabibiktima ng mga ito.
Bawat isa rin ay may mga dalang b***l na panlaban sakaling may sumulpot na mga earthworm.
Bawat grupo ay may nahahanap namang mga tao na maaari pang mailigtas.
Bawat mahanap ay dinadala na agad ng iba sa helicopter na naghihintay at pag naisakay na nila ang mga tao ay pinaaalis na nila ang helicopter at babalik na lamang muli sa sandaling mailabas na ng Sta. Rama ang mga ito.
Kanya-kanyang ingat sa pagkilos ang mga ito at alerto ang mga mata sa maaaring sumulpot na earthworms. Sa open area lang siguradong wala ang mga earthworms dahil doon lang tumatama ang sikat ng araw, pero sa mga parte na malilim, siguradong may mga earthworm na nagkalat.
"Wala na sigurong mga taong natitira dito," sabi ng isa habang nakatanaw sa ibaba ng tulay kung saan kita niya ang ibang grupo na may tinutulungang iakyat na mga tao.
"Marahil. Nahalugad na rin naman natin sigurado ang buong Sta. Rama, palubog na rin ang araw, kailangang makaalis na rin tayo rito," sagot ng kasama nito.
Nagmamadali na ngang umalis ang bawat grupo upang balikan ang mga helicopter na naghihintay sa kanila.
"Aahhh!" sigaw na boses babae ang narinig ng mga ito. Nanggagaling sa isang makipot na eskinita.
Nagkatinginan ang bawat isa. Waring hindi makapagdesisyon kung pupuntahan ba nila ang sigaw dahil narin sa pangamba. Wala na rin kasing araw na maaaring prumotekta sa kanila.
"Aahhhh!" muling sigaw at sunod ay ang tunog ng tila pagbagsakan ng mga kung ano-ano. Hinuha nila ay maaaring may sumasalakay nga na mga earthworm at ang ingay o kalampagang naririnig nila ay baka paraan ng sumisigaw para matakasan ang kinatatakutan nito.
Nang marinig nila ang pag-andar ng helicopter na di man nila nakikita pero nasisigurado nilang paalis na ay nagpasyang umalis na lang ang mga ito at hindi na tinulungan pa ang sumisigaw.
Samantala, alam na ni Sandoval, ang sundalong kasama nina Kennedy at Alpha, na may mga kasamahan siyang nagdatingan at natuwa siya sa isiping mas malaki ang tyansang makaligtas ang nanay niya.
Iniisa-isa niya ang mga taong nakikita niyang nahanap o nailigtas ng bawat grupo kanina pero lumo siya tuwing hindi makikitang kasama doon ang nanay niya. Pati ang anak ni Alpha na apo ni Kennedy ay hindi rin niya nakikita. Kilala niya ang bata dahil madalas itong laman ng balita noong malaman na ito ang dahilan ng pagkakaroon ng mga infected earthworms. Pero ang ama ng bata na siyang asawa ni Alpha ang hindi niya kilala.
Lakad-takbo si Sandoval upang mahanap agad ang nanay, natigilan siya ng may makitang isang grupo sa di-kalayuan na napapatingin sa isang makipot na eskinita. Tila hindi makapag desisyon ang mga ito kung papasukin ba ang eskinita.
Nang makitang magsenyasan ang mga ito sa bawat isa ay nag-alisan na ang mga ito. Doon niya napagtantong maaaring may nangangailangan ng tulong sa eskinitang iyon na hindi na tinulungan pa ng mga sundalong nakita niya.
Binilisan ni Sandoval ang pagtakbo at nang makalapit ay nakarinig ito ng sigaw ng isang boses babae, o boses matanda?
Agad pinasok ni Sandoval ang eskinita na may bahid pag-aalala sa mukha.
Hindi siya maaaring magkamali, boses iyon ng nanay niya!
"Inay?! 'nay!" sigaw niya habang binabaybay ang eskinita at lumilinga-linga sa paligid.
Bago tuluyang makalabas ng eskinita ay may nakita siyang kalahating katawan ng malaking earthworm na nakaharang sa dulo ng eskinitang iyon.
At muli niyang narinig ang sigaw ng nanay niya.
Naalarma siya lalo nang makitang tila bumilis ang galaw ng kalahati ng earthworm na nakikita niya. Pakanan ang tungo nito base sa kinatatayuan niya, ibig sabihin, maaaring nandoon ang nanay niya at ito ang pinupuntirya ng malaking earthworm!
Napahawak sa ulo si Sandoval nang mapagtantong wala siyang b***l o ano man na maaaring ipanlaban sa earthworm.
Nakakita siya ng kahoy sa gilid. Hindi ito matulis at mukhang marupok pa, pero hindi p'wedeng wala siyang gawin para mailigtas ang nanay niya.
Agad niya iyong pinulot at mabilis na tinungo ang dulo ng eskinitang iyon.
Nang marating niya na ang dulo ay agad niyang itinaas ang kahoy na hawak-hawak upang itusok o itarak sa parte ng malaking earthworm na nakaharang sa dulo ng eskinitang iyon.
Subali't hindi inaasahan ni Sandoval na dulo na lang pala iyon ng malaking earthworm dahil nga gumagapang ito sa kanang direksiyon kung pagbabasehan ang p'westo ni Sandoval.
At nang maitarak na ni Sandoval ang kahoy, hindi ito tumama sa puntirya niya.
Sa semento tumama ang kahoy na hawak-hawak at dahil nga mapurol lang ito, nawasak ito dahil sa pagkakatama sa semento.
Tuluyan na kasing nakalagpas ang dulo ng earthworm kaya hindi niya na ito natamaan.
Dali-dali siyang lumabas at tiningnan ang earthworm.
At doon, nakita niya ang nanay niya na nakasalampak sa di-kalayuan, nakasandal sa pader. Marahil ay kanina pa ito umaatras upang di tuluyang malapitan ng malaking earthworm pero sa pader na nga ito nagtapos.
At ang malaking earthworm, palapit na nang palapit sa nanay niya!
"Inay!" malakas na sigaw niya na ikinalingon ng nanay niya sa kanya.
"Anak!" ganting sigaw ng kanyang nanay at lalo pa itong napaiyak. Luha ng nararamdamang takot kanina na hinaluan ngayon ng luha ng kagalakan nang makita ang anak nitong si Sandoval. May katandaan na ito at walang sapat na lakas para takasan ang earthworm na palapit na nang palapit sa kanya...
"Alpha?" tawag ni Kennedy mula sa radyong hawak nito na bigay ni Sandoval upang makontak nila ang isa't-isa.
"Dad, nakita mo na ba sila?" sagot naman ni Alpha sa radyong hawak din nito.
"Not yet Alpha. But I'm doing my best to find them. Alpha, just be careful okay."
Napabuntung-hininga naman si Alpha mula sa kinatatayuan dahil wala pa rin sa kanila ni Kennedy ang nakakahanap sa mag-ama niya.
Narito siya ngayon sa isang vulcanizing shop. Dito siya napadpad sa paghahanap sa mag-ama niya. Sa panlulumong nararamdaman ay napasandig si Alpha sa isang may kalakihang drum na nandoon.
Dahil wala naman palang lamang tubig ang drum, na out of balance si Alpha at natumba siya kasabay ng drum.
Kita niya nang gumulong ang drum palayo sa kanya pero nanlaki ang mga mata niya dahil mula sa kinatayuan ng drum kanina, sa ilalim pala nito ay may mga kumpol ng infected earthworms!
Akmang tatayo si Alpha upang lumayo doon nguni't dahil marahil sa pagkakatumba niya ay nasaktan ang bukong-bukong ng mga paa niya dahilan para di kaagad makatayo.
"Ouch..ahh," daing niya at walang nagawa kundi umatras nang nakaupo dahil nagsimula ng gumalaw ang mga earthworm mula sa pagkakakumpol-kumpol ng mga ito.
***