NANINDIG ang lahat ng balahibo sa katawan ni Saphira pagkakita niya sa may kalawakan na lupaing iyon. Maliwanag ang sinag ng buwan sa bahaging iyon ng Tres kaya kitang-kita niya ang ilang nitsong kulay puti. Doon siya dinala ni Ludgi sakay ng kabayo nito. Kanina ay takang-taka siya kung bakit biglang nag-iba ang isip nito. Ihahatid na siya nito pabalik pero sa halip ay bumuwelta ito at kasama siya ay tinungo nila ang isang kabayo sa gilid ng kuweba. Walang salitang bigla siya nitong binuhat at isinakay sa kabayo. Muntik pa siyang mapasigaw sa pagbuhat nito sa kanya kundi lang niya napigilan ang sarili. Pagkuwan ay ito naman ang sumakay sa harap niya. Hanggang sa naglalakad na ang kabayo at sinusuong nila ang gubat ay wala siyang ideya kung saan sila pupunta o kung saan siya nito dadalhin

