KABANATA 14

1513 Words
PAGKATAPOS ng pagsisiwalat ni Ludgi sa sadya nito ay hindi siya nakarinig ng salita mula sa lalaking kaharap. Inakala niyang wala na itong sasabihin ng bigla itong tumawa. Ang tawa nito ay naging halakhak. Napatanga siya. Ilang sandali siyang nakamaang dito habang humahalakhak. Nang tila maiiyak na ito sa kakatawa ay dahan-dahan itong tumigil. Nakamasid nalang siya dito habang pahinto na ito sa pagtawa. “Gusto niyong magpaturo sa akin kung papaanong maging isang magaling na bandido?” nakakalokong tanong nito saka binuntutan uli ng tawa ang sinabi. Itinuro pa nito ang sarili. Pumormal siya. “Oo. Kung matutulungan mo kami ay tatanawin namin itong malaking utang na loob sa iyo.”   “At sino naman ang sinasabi mong kayo?” “Kami ng mga kapatid ko.” Maikling sagot niya. “At idadamay mo pa ang mga kapatid mo?” Hindi siya sumago. Hinayaan lang niya itong tumawa ng tumawa. Kung sa ibang pagkakataon ay baka matawa din siya dahil sa isiping magpapaturo sila kung papano maging isang bandido – kung papaanong gumawa ng isang bagay na ipinagbabawal. Pero naroon siya sa sitwasyong kailangan nila iyong gawin kaya hindi niya magawang tumawa. Sa huli ay napagod din ito at sumandal sa sandalan ng silya. “Matutulungan mo ba kami o hindi?” tanong niya ng tuluyan itong matigil. Bigla itong sumeryoso. Mataman siyang tinitigan nito at naglaban sila ng tingin. Pinagmasdan siya ni Kalibre mula ulo hanggang paa. Hindi niya alam kung ano ang kasalukuyang tumatakbo sa isip nito. “Bakit gusto niyong maging bandido?” sa huli ay tanong nito. Umupo siya sa isang silya kahit hindi siya nito pinaupo. Saka niya sinimulang ikuwento ang rason kung bakit nila kailangang gawin iyon. Nagsimula siya sa nangyayari sa hasyenda, ang tungkol kay Kanor at sa mga taong gusto nilang tulungan. Sa buong durasyon ng pagkukuwento niya ay nakikita naman niya itong mataman na nakikinig. Hindi ito nagsasalita at tila pinag-aaralan ang mga sinasabi niya. Hindi siya naglihim dito dahil sa tingin niya ay mas makukuha niya ang tiwala nito kung magsasabi siya ng totoo. Pagkatapos niyang magkuwento dito ay ilang minutong nag-isip ito. Matiyaga niyang hinintay ang magiging sagot nito. Hanggang sa muli itong magsalita. “At kung hindi ko ibigay ang pabor na hinihingi niyo? Itutuloy niyo pa din ba ang plano niyo?” nananatiyang tanong ng lalaki. Huminga siya ng malalim saka tumango. “Itutuloy pa din namin. Siguro ay kami-kami nalang ang magsasanay. Kailangan naming gawin ito kundi marami ang mamatay na kababayan natin ---.” “Kababayan ‘mo’ lang hijo.” Putol nito sa kanya. Napatango siya. Kung ganon ay hindi tiga Tres ang lalaki. “Kababayan mo o hindi, marami pa ring tao ang mawawalan ng buhay dahil sa gutom at pagkakasakit.” Muli siya nitong tinitigan na sinalubong din niya ng tingin. Kung may isang bagay siyang gustong iparating dito, iyon ay ang pagiging totoo niya sa kaharap. Maya-maya’y nawala ang tila pader na bumabakod sa aura nito. Naramdaman niya ang pagbaba nito ng depensa. “Alam mo na ang tungkol sa akin binata. Kunsabagay ay may tiwala ako kay Father Anton. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit nabanggit niya ako sa iyo. Hindi ko kilala ng personal ang Kanor na sinasabi mo pero naririnig ko na ang pangalan niya. Pumapayag na akong ibigay sa inyo ang pabor na hinihingi niyo. Pero hindi ibig sabihin niyon ay tutulungan ko na kayo… ng walang kundisyon.” “Anong ibig mong sabihin?” “Ibibigay ko ang pabor na hinihingi mo subalit may kapalit. May isa akong kundisyon na kailangan mong tuparin. Ikaw o ang mga kapatid mo.” Hindi kaagad siya nagsalita. Kung ano mang kundisyon ang nais nito ay kailangan niyang gawin oras na pumayag siya. Pero kung ang kapalit ng pagbibigay nito ng pabor ay maraming taong matutulungan? Siguro ay walang dahilan para humindi siya. Isa pa, inaasahan na niya iyon. Inihanda na niya ang sarili sa paghaharap nila ni ni Kalibre. “Anong kundisyon?” Matiim siyang tinitigan nito. Inaarok kung handa siya sa magiging kundisyon nito. Tumaas ang isang sulok ng labi nito ng tila mabanaag na seryoso siya at handa sa magiging kundisyon nito. Umiling-iling ito pagkatapos ay nawala ang kaseryosohan. “Wala pa akong maisip na kundisyon sa ngayon. Pero kapag nangailangan ako ng pabor mula sa inyong magkakapatid, umaasa akong may isang salita ka Ludgi bernardo.” Tumango-tango siya. Kahit papaano ay bahagya siyang nakahinga ng maluwag. Saka na niya ihahanda ang sarili kapag may nakahanda na itong kundisyon. “Nangangako ako kasama ng mga kapatid ko.” “Mabuti. Kung gayon ay pumapayag na ako sa hinihingi niyong pabor. Tuturuan ko kayo ng ayon sa kaalaman ko. At ang lahat ng tungkol sa pinag-usapan natin ay nasa iyo lang o sa pagitan ng mga kapatid mo. Walang makakaalam ng totoong katauhan natin hanggang sa kamatayam.” Mahabang wika nito. “Maliban nalang kung mahuli tayo, oras mismo!” anito saka muling humalakhak. “Makakaasa ka Kalibre. Mananatiling lihim ang pagkatao mo at ngayon ay ang pagkatao na naming magkakapatid bilang mga bandido.” Naghawak kamay sila at tuluyang nagkasundo… Nagsimula sila sa pag-aaral ng paghawak ng baril. Kung paano ang tamang paggamit na hindi nasasayang ang mga bala. Kung papaano ang pagkalas at pagbabalik sa porma ng baril. Kung ano ang mga maaring maging patibong at kung papaano ang paraan ng pagtakas. Ang paggamit ng kutsilyo o lantseta at ang paghahagis niyon. May isang bagay na itinuro ito sa kanila na hindi nila malilimutan - ang pagkatiwaalan ang kasamahan nila. Na madali para sa kanya dahil mga kapatid niya ang kasama. Importante ang pagtitiwala sa kasama. Sa kaso daw nito ay mahirap itong magtiwala sa kahit kanino kaya mas pinili nitong mag-isa. Sa kaso nila ay hindi sila mahihirapan dahil magkakapatid sila. Sinubukan nilang tanunging magkakapatid kung saan nanggagaling ang mga baril na ginagamit nila na sa huli ay ibinigay din sa kanila. Subalit tikom ang bibig ni Kalibre. Bagamat tinuturuan sila kung papaano ang maging isang bandido ay hindi ito nagkukwento tungkol sa personal nitong buhay. Hindi din ito nagtatanong tungkol sa kanila. Pawang tungkol lamang sa pagiging bandido ang mga sinasabi nito at walang problema iyon sa kanya. Dahil doon ay hindi na sila nagtangka pang muling magtanong. Sa gubat na di kalayuan sa bahay nito sila nag-ensayo. Sa tuwing pupunta sila doon ay katanghaliang tapat. Walang nagpupunta sa gubat na iyon sa katanghaliang tapat. Pagkatapos lang ng isang linggo ay handa na sila sa kanilang gagawin. Pagkatapos din ng naging session nila kay Kalibre ay umalis na ito ng tirahan at hindi na nila alam kung saan pa ito nagpunta. Pero nagsabi itong kapag dumating ang araw na muli silang magkikita at kakailanganin nito ang isang pabor ay hindi sila pwedeng tumanggi. Bago ito umalis ay isang habilin ang sinabi nito sa kanilang tatlo – huwag nilang hayaang lamunin sila ng mga bagay na makukuha nila sa mga tao. Panatilihin lang nila ang malinis na intensyon sa pagtulong sa mga tao. At kung kailan kailangan na nilang pakawalan ang pagiging bandido, ay gawin nila. Dahil kagaya ng palaging sinasabi ni Father Anton - ang mali ay mali. Kahit pa sa ikabubuti ito.  Simula ng umalis ito ay sinimulan na nila ang pagiging bandido. Hindi din siya natatakot dahil naging wanted na sila sa bayang iyon. Malaking parte ng Sitio Tres ang kakikitaan ng mga larawan nilang magkakapatid. Wanted. Iyon ang kaakibat ng mga larawan nila. Pero hanggang sa mga oras na iyon ay hindi sila nahuhuli o walang nakakapagturo sa tunay nilang katauhan. Dahil hindi naman sila makikilala dahil sa maskara at 'costume' nilang suot. Ang mga larawan nilang nakakalat sa paligid ay natatakpan ang kanilang mukha at mata lang ang nakikita dahil sa maskarang suot nila. Pare-pareho silang nakasuot ng mga itim na damit mula sa pantalon at t-shirt. At kahit kailan ay hindi nila nakalimutang magsuot ng bonet sa ulo. Iyon ay upang itago ang kulay o itsura ng kanilang buhok. Wala ding makapagsabi kung ilan talaga silang mga bandido. Minsan kasi ay isa o dalawa lang sa kanila ang sumusuong sa establishimiyentong papasukin nila. Ang isa ay palaging nakabantay lang sa paligid. Sa una ay pare-pareho silang kabado subalit dahil magaling ang naging training sa kanila ni Kalibre ay hindi sila nagmimintis. Hindi naman sila palaging nanghohold-up. Iyon ay kapag tinawag lang ng pangangailangan. Subalit ngayon ay naka-dalawang beses na sila sa isang lingo. Dahil mas marami na ang nangangailangan. Hindi naman kasi nila kinukuha ang lahat kundi ang alam nilang sasapat lamang. Nakakampante na sana siya sa ginawa nila. Pero ngayon ay nagkaroon siya ng munting pangamba dahil sa babaeng bigla nalang nilang nahila mula sa pang-hoholdap nila sa bangko ni Kanor na dating pag-aari ni Esmundo. Nakita na ng babaeng iyon ang mukha nilang magkakapatid. At walang kasigurahan na hindi ito magsusumbong sa mga awtoridad. Hiling nalang niya ay nakausap ng maayos ng dalawa nilang kapatid ang babae upang hindi ito magsalita at upang hindi sila isuplong. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD