ILANG LINGGO bago ang kasalukuyan…
NASA labas ng isang kubo si Ludgi at nakatapat sa pinto niyon. Ang kubo ay nasa gitna ng isang malawak na bukirin. Ang bukiring iyon ay hindi matatagpuann sa Sitio Tres bagkus ay nasa pagitan iyon ng Sitio Singko at Sitio Kwatro. Nag-iisa lang doon ang kubo at wala ng makikita pang bahay malapit doon. Madilim na sa paligid dahil pasado alas nuwebe na. May liwanag sa loob ng kubo na sa tingin ni Ludgi ay sa isang lampara lamang nanggagaling. Tahimik ang buong paligid maliban sa tunog ng mga insektong nagkalat sa bukirin.
Ilang minuto na din ang nakakalipas simula ng tumayo siya sa tapat ng pinto. Sa isip niya ay nakailang bilang na siya simula isa hanggang sampu. Hindi pa siya kumakatok dahil pinapakiramdam niya ang paligid. Wala siyang naririnig na ingay sa loob ng kubo o indikasyon ng paggalaw na may tao doon. Nahahati din sa dalawang bahagi ang isip niya ng mga sandaling iyon.
Una, ay kung itutuloy niya ang planong pakikipag-usap sa taong nasa loob ng kubo at gawin ang pakay. Dahil oras na makausap na niya ito ay wala ng urungan pa. Ikalawa, ang umalis doon at huwag ituloy ang kabaliwang gagawin nilang magkakapatid. Sa huli ay pinili niya ang una. Naroon na siya at ayaw niyang masayang ang impormasyong ibinigay sa kanya ni Father Anton.
Umangat ang kanang kamay niya at kumatok ng tatlong beses sa pintong gawa sa tabla. Walang sumagot. Ginawa niya ulit ang pagkatok. Muli ay walang sumagot indikasyon na walang tao sa sa loob. Naghintay pa siya ng ilang sandali pero mukhang uugatan na siya doon ay walang sasagot sa kanya. Aalis na sana siya dahil mukhang walang tao sa loob pero nagbago ang isip niya ng itulak niya ang pinto at bumukas iyon.
Natigilan siya. Saglit na nag-isip kung ano ang gagawin. Sa huli ay nanaig ang kuryusidad niya at tuluyang itinulak ang pinto. Lumuwang ang pagkakabukas niyon. Isang hagod ng tingin sa buong paligid at walang ingay na pumasok siya sa loob.
Upang muling mapalabas dahil may sumalubong sa kanyang kung anong bagay. Kung hindi sa mabilis niyang paggalaw ay nahagip siya niyon. Kasabay ng pag-atras niya ay siya ding pagkabig niya ng pinto. Ang bagay na tatama sa kanya ay tumama sa dahon ng pinto. Napatingin siya sa kutsilyong – hindi. Nang bistahan niya ay isang lantseta ang bumaon sa dahon ng pinto. Ang hawakan ay nasa loob habang ang tulis niyon ay tumagos sa labas ng dahon ng pinto. Saglit siyang nakaramdam ng nerbiyos pagkatapos ay nagbuga siya ng hangin. Ngayon niya nasisisugro na naroon sa loob ng kubo ang taong pakay niya.
Ilang saglit na katahimikan ang namayani sa paligid ng makarinig siya ng boses sa loob.
“Sino ka? Magpakilala ka.” Hindi bata ang narinig niyang boses. Malagom iyon at boses lalaki.
“Kalibre...” Usal niya. Iyon ang pangalan – o codename - ng taong pakay niya.
Muli ay nagkaroon ng katahimikan.
“Ako si Ludgi. Pinapunta ako dito ni Father Anton.” Pakilala niya ng hindi ito magsalita.
Muli ay ilang minutong walang kumilos sa loob. Inakala niyang nakatulog na ang tao sa loob at akmang magsasalita na ulit siya ng dahan-dahang bumukas ang pinto. Tumambad sa kanya ang isang lalaking – hindi niya masyadong makita dahil madilim sa bahaging kinatatayuan nito. Ang ilaw sa munting kubo ay tinakpan ng katawan nito kaya hindi niya maaninang ang mukha. Isa lang ang alam niya. Hindi pa aabot sa limang pulgada ang taas nito. Na hindi kapani-paniwala sa trademark nito.
Hindi kaagad siya nakakilos ng sundan niya ng tingin ang kamay nitong may hawak na baril. Nakaumang iyon sa kanya at sigurado siyang isang pagkakamali niya ay puputok iyon. Inaasahan na niya ang mga ganitong eksena kaya hindi na siya masyadong nasindak dito kung iyon ang target nito.
“I-ikaw si Kalibre?” nanulas sa bibig niya.
Hindi ito sumagot o tumango sa halip ay umalis ito sa kinatatayuan at iniwang bukas ang pinto. Alam niyang pinapahintulutan na siyang pumasok sa loob. Muli ay hinagod niya ng isa pang beses ng tingin ang buong paligid bago tuluyang pumasok sa loob. Siya na din ang kumabig niyon pasara.
Pagpasok sa loob ay mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang paligid. Walang gamit doon kundi isang maliit na mesa, isang maliit na papag at dalawang upuan. Isang lampara na nakapatong sa mesa. May isang bintana lamang ang kubo sa bandang kinaroroonan ng mesa. Ang kubo ay gawa sa tinidtid na kawayan. Isang tapayan ng tubig na gawa sa putik ang nakapatong sa isang barandilya at iilang gamit para sa kusina.
Lihim na nagtaka si Ludgi sa nakikitang itsura ng kubo. Kung ito si Kalibre ay siguradong marami itong gamit na mabibili sa ‘trabaho’ nito. Pero hindi nalang niya iyon masyadong binigyan ng pansin dahil hindi naman tungkol doon ang pakay niya. Ibinalik niya ang atensyon sa lalaking ngayon ay nakaupo na sa isang silyang naroon habang siya ay tumayo sa gitna. Hindi pa din nito binibitiwan ang hawak na baril kaya hindi din siya masyadong nagpaka-kampante.
“Hindi ko alam kung anong dapat kong isipin dahil may pinagsabihan ang pari sa Tres tungkol sa akin. Sinira niya ang tiwala ko sa kanya.” Patag pero naroon ang mapanganib na aura na wika ng lalaki. Kung tutuusin ay kayang-kaya niya itong itumbak sa isang laban lamang sa liit nito. Pero may kung ano dito na nagsasabing hindi ito mapaglalamangan ng kahit na sino.
“Kung gayon ay ikaw nga si Kalibre. Sinabi sa akin ni Father Anton sa akin ang tungkol sa iyo ---.”
“Sabihin mo na ang pakay mo dahil gusto ko ng magpahinga. Ginagambala mo ang pagtulog ko, lalaki.” Putol nito sa pagsasalita niya.
Pinigilan niya ang pag-alsa ng bumabangong inis para dito. Sa tingin niya ay masyado itong mayabang. Ang liit-liit naman. Kung tutuusin ay kayang-kaya niya itong tirisin, pero hindi niya iyon gagawin dahil kailangan nila ng isang pabor dito.
Ang taong nasa harap niya ay si Kalibre. Si Kalibre ay isang kilalang notoryus na holdaper hindi lang sa Tres kundi sa buong probinsiya at mga karatig. Pero siyempre ay walang nakakaalam ng tunay nitong pagkatao sa likod ng maskarang suot nito. Totoong si Father Anton ang nagsabi sa kanya ng tungkol sa lalaki. Nang kausapin niya ang pari tungkol sa gusto nilang mangyari – na maging bandido sa kanilang lugar para tulungan ang mga taong mahihirap at nangangailangan ay labis ang pagkontra nito.
Ipinaliwanag niya ang kanilang mga rason kasama na ang paghihiganti kay Kanor sa ginawa nito sa kanyang mga magulang. Hindi pa din sila pinakinggan ng pari dahil ayon dito ang paghihiganti daw ay hindi tama at tanging ang nasa Itaas lamang ang may karapatang magparusa sa mga taong nagkakasala. Kahit anong paliwanag nila dito ay hindi sila nito pinagbigyan pero ng makita ng pari ang paghihirap ng mga tao sa kuweba at patuloy na nagkakasakit ang mga ito at araw-araw ay nadadagdagagn ang bilang ng mga maaring mamatay ay pikit-matang sinabi nito ang tungkol kay Kalibre. Alam nila pare-pareho na hindi ito ang totoong pangalan ng lalaki. Bagkus ay isang code lamang nito iyon.
Nalaman lamang ni Father Anton ang tungkol kay Kalibre dahil sa mga pangungumpisal nito. Ang pari lamang ang nag-iisang taong nakakakilal sa lalaki. Ayon sa pari ay nangungumpisal ang lalaki kapag may nagagawa itong kasalanan tulad ng panghohold-up. Labag sa loob ng pari ang pagsasabi sa kanila tungkol kay Kalibre. Ang pangungumpisal daw ng isang tao ay hindi dapat ipinapaalam sa iba. Subalit nahikayat nila itong magsabi para makatulong sa nakararami.
Kaya ng sabihin ng pari ang tungkol kay Kalibre ay walang inhibisyong pinuntahan niya ang tirahan ng lalaki sa mismong gitna ng malayong bukid. Pinag-usapan nilang tatlong magkakapatid ang pakikipag-usap kay Kalibre at bilang panganay ay siya ang obligadong humarap sa notoryus na wanted sa batas sa kanilang lalawigan. At ngayon nga ay kaharap na niya ang lalaki.
Malayo sa hinagap ang inisip niyang itsura nito. Kung makakasalubong niya ito sa daan o ibang lugar ay hindi niya iisipin na isa itong notoryus na holdaper na wanted sa kanila. Kunsabagay ay dagdag sa bentahe nito iyon. Sa liit nito ay walang mag-iisip na isa itong wanted sa batas at kaya nitong gawin – ng mag-isa – ang mga bagay na nagawa na nito. O mag-isa nga lang ba talaga ito? Wala din sa itsura nito ang pagiging holdaper. Malinis ang katawan nito at hindi marumi ang mukha. Naglalaro sa edad singkwenta pataas na ang edad nito subalit kung sa liksi nito dahil sa hindi ito nahuhuli ng mga alagad ng batas ay iisipin niyang bata pa ito.
Wala silang ideya kung tiga-saan si Kalibre. Maging si Father Anton ay hindi na sakop ang kaalamang iyon. Ang sinasabi lang daw nito sa pari ay ang tungkol sa ginawagawa nitong panghohold-up. Isang bagay lang ang kinabilib niya dito. Hindi ito ang tipikal na holdaper para sa pansariling hangarin. Ayon sa pari ay madami daw pala itong natutulungang mahihirap sa ibang lugar. Mga taong hindi na kayang buhayin ang sarili dahil sa mga mandurugas na mga taong kagaya ni Kanor. Kaya ito din ang naisip ng pari na ipakilala sa kanila ay dahil may pagkakapareho ang mga rason nila. Na hindi pansarili lamang ang gagawin kundi para makatulong sa mga nakararami.
Huminga muna siya ng malalim bago nagsalita. “Gusto sana naming humingi ng pabor sa iyo.”
“At anong pabor naman ang sa tingin mo ang maibibigay ko sa iyo?”
“Madami.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Kalibre.
“Gusto naming magpaturo sa iyo kung papaano ang maging isang magaling na bandido.”