KABANATA 12

2290 Words
MULA sa kung saang bahagi ng kasukalan ng gubat ay lumitaw ang bulto ni Ludgi Bernardo. Malalaki ang mga hakbang ng binata hanggang sa marating niya ang isang bunganga ng yungib. Mabilis ang mga hakbang na  tinatalunton niya ang papasok patungo sa loob ng yungib na iyon. Ang yungib ay nasa isang bahagi ng gubat sa kanilang bayan na hindi masyadong puntahan ng mga tao sa Sitio Tres. Medyo tago ang yungib na iyon sa mata ng tao dahil masukal ang papasok. Balita din na madami ang mababangis na hayop sa bahaging iyon ng gubat kaya walang nangangahas na pumunta doon. Ang nakadiskubre niyon ay ang kanilang ama na itinuro nalang sa kanilang magkakapatid. May malapit na batis doon na madalas nilang puntahang magkakapatid noong mga bata pa sila. Sanay sila sa gubat dahil isinasama sila ng kanilang ama kapag nangangaso ito. Ang mga nahuhuli nilang mga ligaw na hayop sa gubat ay madalas nilang ibenta sa hasyendang nasa kanilang nayon. Ang Hasyenda Valerya. Gustong-gustong ni Senyor Esmundo – ang may-ari ng hasyenda - ang mga nahuhuli ng kanilang ama at malaki ang ibinabayad nito sa mga huli nila. Ang ama din nila ang nagpakilala sa kanila sa batis at sa kuweba. Kapag tapos na sila sa pangangaso ay sa batis sila dumidiretso at doon naliligo. Hanggang sa magbinata sila ay nakaugalian nila ang ganon. Minsan naman ay sa kuweba sila nagpupunta kapag ang isa sa kanila ay pinagalitan ng kanilang ina noong bata pa din sila. Hanggang sa paglaki nila ay iyon ang naging hide-out nilang magkakapatid. Napatiim-bagang siya ng maalala ang mga magulang. Ipinilig niya ang ulo bago pa tuluyang uminit iyon dahil sa mga pangyayari ilang linggo palang ang nakakaraan. Dumiretso siya sa loob bitbit niya sa isang kamay ang bag na naglalaman ng maraming pera na nakulimbat nilang magkakapatid sa bangko sa sentro. Siya, si Laurens at si Liam. Silang tatlong magkakapatid ay naging bandido ng Sitio Tres. Iyon ay sa kadahilanang nais nilang makatulong sa mga kagaya nilang mahihirap sa bayang iyon. Ang panghoholdap para sa sapat na pangangailangan sa ilang mga mayayaman ang naging daan upang maibsan ang kahirapang nagaganap sa mga kagaya nilang mahihirap ngayon. Ilang metro mula sa bungad ng kuweba ay may pababang daan na may kakitiran at kakasya lamang ang dalawang tao. Mga sampung metro ang makitid na daan na iyon patungo sa tila isang kubling lugar sa bahagi din ng kuwebang iyon. Hindi iyon matarik at madaling pasukin at lakarin. Madilim ang daan papasok subalit pagdating sa gitnang daan ay mga mga iilang sulo nang nakasabit sa mga bato para magsilbing liwanag. Walang mag-iisip na mayroong kubling lugar sa bahaging iyon kung pagbabasehan ang itsura sa labas ng kuweba. Pagdating niya sa tagong lugar na iyon ay sumalubong kaagad sa kanyang mga mata ang ilang pamilyang naroon. Tinawag nila ang kuwebang iyon na HARDIN. Ang may kalawakang loob ng kuweba ay halos kasinluwang ng kalahating parte ng isang basketball court. Ang kisame ay hihigit sa benteng talampakan ang taas. Medyo malamig sa loob ng kuweba at may iilang parte sa itaas na nasisinagan ng araw. Ang ilan sa mga tao na naroroon ay may sakit. Bata, matanda, lalake at babae. Hindi bababa sa benteng pamilya ang naroroon ng mga sandaling iyon. Agad hinanap ng mga mata niya ang kura paroko ng simbahan sa Sitio Tres - si Father Anton. Hindi man araw-araw pero madalas na magtungo doon ang pari simula ng manatili doon ang mga taong iyon. Nakita niya itong kasama ng ilang matatanda at nagkukulumpunan. Nang magtama ang kanilang paningin ay tinanguan siya nito. Sandali itong nagpaalam sa mga kausap at tumayo upang tunguhin siya. Muli siyang lumabas sa kubling lugar na iyon ng kuweba at hinintay ang pagsulpot ng pari sa makitid na daan. "Ludgi, hijo." ani Father Anton pagkalapit nito sa kanya. Sinipat muna niya ang paligid bago iniabot dito ang bag na naglalaman ng pera. "Narito Father. Malaking halaga ang nariyan sa loob. Kayo na ho ang bahalang bumili ng gamot at pagkain para sa lahat. " aniya dito. Atubiling abutin iyon ng pari at may pag-aalala sa mukhang nagsalita. "Hanggang kailan ninyo gagawin ito, anak? Papaano kung mahuli kayo o isa man sa inyong magkakapatid? Natatakot ako para sa inyo, Ludgi. Sa tingin ko ay may magagawa pa naman tayong ibang paraan upang tumulong sa kanila." anitong tukoy ang mga mahihirap. Umiling siya. "Ito lang ang naiisip naming paraan upang makatulong sa mga kagaya natin Father. Gumagawa man kami ng masama ay sinisigurado naman naming sa mabuti ito mapupunta. At huwag ho kayong mag-aalala sa amin. Walang mahuhuli sa aming magkakapatid." makumpiyansang wika niya. “Sa nakikita ko ho ngayon ay tayo-tayong mahihirap lamang ang siyang magtutulungan. Ang mga mayayaman dito sa atin ang nakuha na ni Kanor. Wala tayong ibang aasahan sa kanila.” “Pero nariyan pa si Mayor ----.” “Hindi ko ho alam kung bakit wala man lang ginagawa ang Mayor natin dito sa mga pinaggagawa ni Kanor. Ang alam ko ho ay malapit sila ni Senyor Esmundo. Kunsabagay ay mas malaki ang parteng pag-aari ni Senyor Esmundo dito sa atin na napunta na kay Kanor keysa kay Mayor. Maaring hawak ni Kanor si Mayor, Father. O dahil kahit kumilos si Mayor ay wala din siyang magagawa dahil pag-aari ni Kanor ang malaking lupain dito sa atin.” Mahabang paliwanag niya. Bumuntong-hininga si Father Anton. "Sa tingin ko ay wala nang salitang makakapagbago pa sa isip mo. Sana lang ay palagi kayong mag-iingat. Gusto ko lang ipaalala sa inyo na hindi ko kinukunsinti ang ginagawa ninyong magkakapatid. Tatandaan niyo na ang mali ay mali. Kahit para pa ito sa kabutihan ng nakakarami o intensyong ninyong makatulong, kapag ang isang bagay ay mali – ito ang mali.” Malumanay nitong pagpapaalala sa kanya. “Pero alam ko at naiintindihan ko na kapakanan lamang ng mga tigarito sa atin ang nais ninyo. Parati kong ipinagdarasal na huwag kayong mapakahamak at ang inyong kaligtasan. At sana ay itigil niyo na ang ginagawa niyong tao hijo. Ang Diyos na ang bahala sa inyo, anak." Tumango lamang siya. "Sige. Ipapamahagi ko ito sa kanila. At gaya ng dati ay sasabihin kong may mga taong nagmamagandang loob na tumulong sa kanila." Isang tango pa at nagpaalam na siya. Nakayuko siyang lumabas ng kuwebang iyon. Siya. Si Ludgi Bernardo, ang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid. Trenta y dos anyos. Siya ang promotor at nakaisip na maging bandido silang magkakapatid. Mahirap lamang ang kanilang pamilya. Isang mananahi ang kanilang ina. Silang tatlo na pare-parehong hindi nakapagtapos sa kolehiyo ay kagaya ng ama nilang trabahador sa hasyenda. Nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo ng maaksidente ang ama niya dahilan para mahirapan na itong makalakad. Nakakalakad nalang ito ng maayos-ayos sa tulong ng saklay. Hindi na din nito nagawang mangaso kaya nahinto din ang pagsama-sama nilang magkakapatid dito. Kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral. At dahil mahirap ang buhay nila ay pareho ding natigil sa pag-aaral ng magkakasunod na taon ang kanyang mga kapatid. Dalawang taon ang pagitan ng edad nilang magkakapatid. Kinailangan nilang magtrabaho upang mabuhay silang pamilya. Mabait si Senyor Esmundo bilang amo nila. Hindi ito mapanlamang. Maganda ang patakbo nito sa hasyenda at higit sa lahat ay may simpatya ito sa mga katulad nila. Kahit nahirapan ng makalakad ang kanyang ama ay hindi ito inalis ng matanda sa trabaho. Sa halip ay binigyan ito ng mas magaan na trabaho subalit sa hasyenda pa din. Naging katiwala ito sa loob ng villa kung saan naroon ang mansiyon ng mga Monte Caztres. Bagamat doon nadestino ang ama ay bihira silang pumuntang magkakapatid doon. Araw-araw ay may kanya-kanya silang trabaho. Siya ay nakatoka sa kuwadra ng mga kabayo. Nalaman ng Senyor na mahilig siya sa mga kabayo at may angking karisma sa mga hayop kaya doon siya dinala ng matanda. Ang dalawa pa niyang kapatid sa mga pataniman ito dinala. Kahit ganoon ang kanilang pamumuhay ay masasabi nilang masaya sila. Ang bahay nila ay simple lamang at nakatirik sa isang bahagi ng hasyenda na pag-aari din ni Senyor Esmundo. Marami ang mga kagaya nilang walang sariling lupain at nakikitira lamang sa lupain ng matanda. Pero kailanman ay hindi sila nito pinalayas. Sa halip ay sinabi nitong sa takdang panahon ay magiging kanila ang mga lupang kinatitirikan ng bahay nila. Pero nagbago ang lahat ng pamunuan ni Kanor ang pamumuno sa hasyenda simula ng mamatay ang matanda ilang linggo na ang nakakaraan. Sa pagkamatay ni Senyor Esmundo ay nagsimula ang kalbaryo ng mga taong mahihirap sa Sitio Tres. Nagluksa ang buong hasyenda sa pagkamatay nito sa isang aksidente kasama ang nag-iisa nitong anak – si Saphira. Ni minsan ay hindi nila nakita ang anak nito. Kahit noong bago ito magtungo sa Maynila at doon manatili simula nang mamatay ang asawa ni Senyor Esmundo. Bihirang makihalubilo ang babae lalo sa mga trabahador ng hasyenda. Naaksidente daw ang dalawa sa daan habang pauwi sa hasyenda nang sunduin ng matanda ang anak nito pauwi sa Tres. Kay Kanor naiwan ang pamamahala sa lugar at sa lahat ng ari-arian ng matanda. Marami ang hindi makapaniwala sa pagkamatay ng mag-ama. Ni hindi na nila nakita ang itsura ng mga ito dahil sa parehong ang mukha ng mga ito ang napuruhan at halos hindi daw makilala kaya nanatiling nakatakip ang kabaong ng mag-ama sa buong durasyon ng burol. May mga bulung-bulungan at komosyon na napakaswerte ni Kanor na dito napunta hindi lang ang hasyenda kundi ang lahat ng kayamanan nito at mga negosyo. May mga iilan din ang nagtaka dahil hindi naman kamag-anak ng matanda si Kanor subalit mas marami ang naniwala dahil sa kabaitan nito kaya dito naiwan ang mga ari-arian ng namatay. Wala ding kamag-anak si Senyor Esmundo na maari nitong pag-iwanan ng mga kayamanan nito dahil matagal ng wala itong nakikilalang kamag-anak sa kanila mula ng mamatay ang mga magulang ito. Ang ibang mga kamag-anak pa nito ay hindi na nila alam kung nasaan pa. Kung nagkataong buhay ang nag-iisang anak nitong si Saphira ay mapupunta dito ang lahat subalit kasama itong namatay ng matanda. Maayos ang pamamahala nito sa mga unang araw subalit nagkaroon ng pagkakagulo ng simulan nitong palayasin ang mga taong nakikitira sa lupain ng hasyenda pagkalibing na pagkalibing ng mag-ama. Nagsimula itong pamunuaan ang lahat - sa ibang paraan. Lumitaw ang tunay nitong ugali. Kabaliktaran ni Esmundo, at nang mga ipinakita nito ng mga panahong buhay pa ang matanda, mabagsik si Kanor. Malupit ito sa mga trabahador. Binabawasan ang kanilang mga sahod kapag nakikita nitong hindi sila nagtatrabaho ng ilang sandali lamang. Pinagmamalupitan nito ang mga taong hindi sumusunod dito. Ang mga nakikisaka sa ilang lupain nito ay dinadagdagan pa nito ng porsiyento na makukuha nito. Ang pinakamalupit ay ang ginawa nitong pagpapalayas sa ilang pamilya na nakikitira lamang sa lupain ng hasyenda. Ito ay ang ilang pamilya na kasalukuyang nasa loob ng kuweba. Walang mapuntahan ang mga taong ito kaya sa loob ng kuwebang iyon nanirahan ang mga tao sa tulong na din ni Father Anton. Sa simbahan nagtungo ang lahat ng mga tao na pinalayas ni Kanor subalit masyadong maliit ang simbahan para sa kanila . Doon niya kinausap ang dalawang kapatid na kailangan nilang tulungan ang mga tao. Kinausap nila ang pari at itinuro ang kuwebang kinaroroonan ng mga tao ngayon. Walang nagawa ang pagpoprotesta ng mga tao sa lupit ni Kanor. Parang bigla ay naging iba itong tao. Nawala ang kabutihang ipinapakita nito sa mga tao. Ang pumalit ay tila isang demonyong ipinadala ng kasamaan.  Kabilang ang pamilya nila sa mga taong nakatira sa kuweba. Subalit silang tatlong magkakapatid na lamang ang nakarating doon. Ang pinakarason kung bakit naging bandido silang magkakapatid sa lugar na iyon ay dahil sa pagkawala ng kanilang mga magulang. Nang araw na palayasin sila ni Kanor sa kanilang bahay ay hindi pumayag ang kanilang mga magulang. Sinubukan nilang lumaban subalit nabaril ang ama nila na nagtangkang lumaban dahilan upang mamatay ito. At dahil sa matinding sama ng loob ay inatake sa puso ang kanilang ina. Kasunod ng kanilang ama ay namatay din ang kanilang ina. Sumiklab ang galit sa puso nilang tatlong magkakapatid. Simula ng araw na iyon ay isinumpa nilang gaganti sila kay Kanor. At siya ang naging promotor na maging bandido sila. Siya ang nakaisip sa paraang iyon - ang panghoholdap sa mga pinamamahalaan ni Kanor. Ayaw man nilang idamay ang mga pag-aari ni Esmundo dahil walang kinalaman ang matanda sa nangyayari ay nagawa na nila. Hinding-hindi nila iyon magagawa kung buhay pa si Senyor Esmundo subalit ngayong pag-aari na iyon ni Kanor ay kahit kaunting kunsensiya ay wala siyang maramdaman. Alam niyang hindi tama ang ginagawa nilang magkakapatid pero ang pagtulong sa mga tao ay hindi mali.  Ikalawang dahilan nila ay ang paghihirap ng mga kasama nila. Nagkasakit ang ilan sa kanila at nangangayayat. Kailangan nila ng mapagkukunan ng pangangailangan kundi ay pare-pareho silang magkakasakit o sabay-sabay silang mamatay. Hindi pa siya maaring mamatay. Sa puntod ng kanyang mga magulang sa libing ng mga ito ay sumumpa si Ludgi na maghihiganti siya laban kay Kanor. Sa kahit anumang paraan. Habang naglalakad palabas ng kuweba ay hindi maalis sa isip niya ang sinabi ni Father Anton. Na baka mahuli sila sa ginagawa nila. Dati ay hindi iyon sumasagi sa utak niya. Hindi sa pagmamayabang pero malaki ang tiwala niya sa sarili. Hindi sa anuman pero pare-pareho silang matatalinong magkakapatid. Hindi man sila nakapagtapos ng pag-aaral ay hindi mababalewala ang talas ng kanilang pag-iisip. Naalala pa niya ang mga araw na tinuruan sila ni Kalibre – ang lalaking siyang dahilan kung bakit nahasa sila sa paggamit ng baril at patalim. Ang iba pa nilang nalalaman tungkol sa pagiging bandido ay dito din nila nakuha. Saglit na naglakbay ang diwa ni Ludgi sa araw na nakilala niya si Kalibre…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD