KABANATA 11

2357 Words
PUMASOK ang lalaki sa kubo habang pangko pa din siya. Ibinaba lang siya nito ng nasa sala na sila. Naroon na din ang lalaking nasa bintana kanina. Doon niya sinimulang igala ang tingin sa paligid ng sala. Nakita niya ang isa pang lalaking nakahilata sa single sofa na malapit na ding masira. Sa tingin niya ay pwede na iyong pamahayan ng ahas sa loob. Tila kampanteng-kampante lang ito sa ginagawang pagbibilang ng pera at walang pakialam kung mag-away man ang dalawang lalaki sa harap nito kanina o takasan niya ang mga ito. Pero nang makita siya ay natigil ito sa ginagawa. Nanlaki ang mga mata ng ikatlong lalaki. Dali-dali nitong hinagilap ang maskara sa tabi nito at agad na itinakip sa mukha. Kung wala siya sa ganoong sitwasyon ay matatawa siya sa naging reaksiyon nito na tila ba nahuli niya ito. Nagkatinginan naman ang dalawang lalaking nagtatalo kanina. Saka malakas na tumawa ang lalaki mukhang natutuwa pa sa pagkahulog niya kanina sa bintana. Samantalang napakaseryoso naman ng mukha ng lalaking may kayumanggi ang balat na siya ding katitigan niya kanina. Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa mga ito. Ito nga ang tatlong lalaking holdaper sa bangko kanina! Parang iglap ay nawala ang takot na nararamdaman niya para sa mga ito kanina sa halip ay napaawang ang bibig niya. Mas lamang na ngayon ang pagkagulat at pagtataka keysa ang nararamdaman niyang takot. Siguro ay dahil kahit holdapper ang mga ito ay wala siyang makapang aura ng kasamaan sa mga ito. "S-sigurado akong kayo ang mga holdapers sa bangko kanina." wala sa loob na usal niya. Itinuro niya isa-isa ang mga ito habang pinagmamasdan ang itsura ng mga lalaki. Hindi siya maaring magkamali. Kahit hindi niya nakita ang mukha ng mga ito kanina ay sigurado siyang ang mga ito ang kumaladkad sa kanya kanina paalis sa bangko bago pa dumating ang grupo ni Kanor. Sa tulong ng mga ito ay hindi siya nahuli ng lalaki at nakaligtas sa napipintong kapahamakan. Kahit papaano ay ipinagpasalamat niya iyon. Pero ngayon ay nasa kamay naman siya ng mga holdapper na ito na hindi niya alam kung ano ang mga kayang gawin sa isang katulad niya. Kunsabagay, kung gagawan man siya ng masama ng mga lalaking ito ay wala sana siya sa harap ng mga ito habang nagtatawanan. O mas malala pa, patay na siya ngayon. Pero nakakapagtakang ang mga lalaking kagaya ng mga ito ay mga holdaper. Hindi bagay sa mukha ng tatlong lalaking nasa harap niya ngayon. Ang bagay sa mga ito ay maging modelo o kaya ay maging sikat na artista. Pwedeng-pwedeng sumali ang mga ito sa Mr. Universe. Hindi man manalo ang tatlo ay siguradong isa ang makakasungkit ng korona. Dinaig pa ng mga ito ang mga artistang trying hard sa pagpapa-gwapo makilala lang. Sigurado siyang kung mapapadpad ang mga ito sa lungsod ay pagkakaguluhan ito ng mga talent managers. Tumutok ang mata ng tatlong lalaki sa kanya. Parang nanliit yata siya dahil sa tangkad ng mga ito. Sa taas niyang limang talampakan at limang pulgada ay nakatingala pa siya sa mga ito. "Huwag ka nang magtakip ng mukha Bunso. Nakilala na niya tayo." anang lalaking tumawa kanina. Napapakamot sa ulong tinanggal ng tinawag na Bunso ang maskara sa mukha. “Sinabi nang huwag mo na akong tatawaging bunso eh!” nakasimangot na wika nito pero nakangiti na ng bumaling sa kanya. Tumayo ito at lumapit sa kanya. "Hello there, Miss Beautiful. I'm Liam. Ikaw, anong pangalan mo?" paingles na nagpakilala ito sa kanya. Ang lalaking may seryosong mukha ang pumalit sa kinauupuan nito kanina. "Talagang nagpakilala ka pa ha." inismiran ito ng lalaki. Napanganga siya at napakurap-kurap. Hindi maipinta ang mukha niya sa pagkabigla, pagtataka at panghihinayang. Nanghihinayang siya dahil ang kasing guguwapo ng mga lalaking ito ay isang grupo ng Bandido sa kanilang lugar. Pero hindi ito pinansin ng lalaki. “Ang ganda-ganda mo. Papaano ka napadpad dito sa amin? Teka, tiga  dito ka ba? Kung tiga dito ka, bakit hindi kita nakikita? Di sana matagal na kitang niligawan. E di sana tayo na ngayon.” Walang prenong litanya nito. Tumaas-baba pa ang kilay nito at nagpa-cute sa kanya. Lalo siyang napatanga. Ano ba ang sinasabi ng bandidong ito? Bakit napakakengkoy naman yata ng lalaki. Narinig niyang napaubo naman ang lalaking kausap nito. “Bakit ayaw mong sumagot? Masyado ka bang naapektuhan sa kaguwapuhan namin? Pasensya ka ha, hindi na kasi namin ito mababago pa.” kinindatan pa siya nito. Binatukan ito ng lalaking magaan ang aura – ang lalaking kanina pa tumatawa sa sitwasyon. “Aray ko naman Kuya! Makabatok ka naman wagas!” masama ang tinging ipinukol nito sa tinawag na kuya. Kung ganoon ay magkakamag-anak ang mga ito? O magkakapatid?Kunsabagay ay ngayon lang din niya napansin na Malaki ang pagkakahawig ng tatlo. Napatingin siya sa lalaking moreno na kanina pa hindi nagsasalita. Sa tingin niya ay pinagmamasdan lang siya nito. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin dahil hindi niya matagalan ang titig nito. Para kasing pati kaluluwa niya ay binabasa nito sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. “Kung ano-ano kasing pinagsasasabi mo. Ang yabang mo! Umayos ka na diyan at madami pa tayong kailangang gawin.” Sa halip ay utos nito na sa tingin niya ay kapatid. “Anong gagawin natin sa kanya?” bumaling ito sa lalaking kanina pa tahimik at nagmamasid lang sa kanya. Naibalik niya ang tingin dito. Bakit pakiramdam niya ay naghihintay siya ng hatol mula dito? Matagal bago ito sumagot dahilan para kabahan siya. "Sinabi ko na sa inyong hindi maganda na dinala natin siya dito. Ngayong nakita na niya ang mga mukha natin ay siguradong magsusumbong na siya sa mga pulis." Anito pagkaraan ng ilang sandali. Bigla ay masama ang tingin nito sa kanya. At siya naman, sa tingin niya ay ito ang pinakamahirap pakisamahan sa tatlo. Parang hindi marunong ngumiti ang lalaki. "Hindi siya magsusumbong dahil nagtangka din naman siyang mangholdap. Ano ang sasabihin niya? Papaano niya ipapaliwanag na kasama natin siya ngayon? Isa pa, ikaw ang humila sa kanya." nakangising wika ng nagtanong dito kung anong gagawin sa kanya. "Pero ikaw ang nagsabing huwag natin siyang iwan!" singhal nito sa lalaki. Napaatras siya. "Magtatalo nanaman kayo.” Tinungo ng nagpakilalang Liam ang isang silya malapit sa mesa. "Tama lang na kinuha natin siya bago pa dumating ang grupo ni Kanor. Kung hindi ay siguradong siya ang napagbintangan na holdaper. Nakita na siya ng mga tao doon. Hindi lang natin sigurado kung nakilala siya dahil kahit paaano ay nakatakip ang mukha niya. Pero hindi maatim ng sikmura kong may ibang magkakasala dahil sa kagagawan natin. Lalo na at kasing ganda ni Miss. Diba Miss?" nginisihan siya nito saka kumindat saka nagsalubong ang mga kilay nito. “Bakit ka nga pala nang-ho-holdap ng mag-isa? Ang lakas ng loob mo ha.” Sumulyap ito sa dalawang lalaki saka muling bumaling sa kanya. “Dapat naman sana nagtawag ka ng makakasama.” Muntik siyang mapabungisngis sa kakengkoyan nito habang ang tinawag nitong kuya ay sunod-sunod na napaubo. Sa halip ay hindi siya nakaimik. Ni wala siyang maisip na sabihin. Papaano ay napapatanga pa rin siya sa nangyayari. Sa harap ng tatlong bandido na ito. Nagpapalipat-lipat lamang siya ng tingin sa mga ito. Nakalimutan niyang mga kriminal ang tatlong lalaki dahil namemesmerized siya sa kaguwapuhang taglay ng mga bandido. Kahit ang kakengkoyan ng mga ito ay tila wala sa aura ng pagiging mga bandido. Ni hindi na nga niya masyadong napansin ng banggitin nito ang panglan ni Kanor. Nagpatuloy si Liam. "Sa tingin ko din. Hindi niya naman magagawang magsumbong. Wala siyang masasabing paliwanag, diba Kuya?" anito sa lalaking mas maaliwalas ang mukha keysa sa isa. "Ano ang gagawin natin sa kanya ngayon?" ang tinawag nitong kuya ang nagsalita. Masama itong pinukulan ng tingin ng may seryosong mukha. Ang lalaking pinakamoreno sa tatlo. "Hindi ko alam sa inyo. Ako ang humila sa kanya pero ikaw Laurens ang nagsabing huwag natin siyang iwan. Ikaw ang responsable sa kanya." pagkuwan ay tumayo ito mula sa pagkakaupo at binibitbit ang bag na nasa ibabaw ng lamesa. Nakita niya kanina na doon inilagay ni Liam ang mga perang binibilang nito kanina. Nagkaroon siya ng urge na kunin ang bag at kumaripas ng takbo. Pero nagbago ang isip niya ng matantong hindi uubra ang iniisip niya. Sigurado siyang hindi niya matatakasan ang tatlong ito. Baka palabas palang siya ng pinto ay napilipit na ang leeg niya ng isa sa mga ito. "Aalis na muna ako. Sumunod nalang kayo." iyon lang at tumalikod na ito saka tinungo ang pinto palabas ng kubo. Pero bago ito tuluyang mawala sa paningin nila ay huminto ito at muling humarap sa kanila. "Siguraduhin ninyong hindi tayo ipapahamak ng babaeng iyan." iyon lang at mabilis itong pumuslit. "Si Kuya talaga! KJ kahit kailan." nakasimangot na turan ni Liam pagkaalis ng lalaki. "Pabayaan mo na siya." naiiling na sabi ng tinukoy na Laurens. Bumaling ito sa kanya. "Pasensiya ka na Miss. Bago ka namin ibalik sa pinanggalingan mo ay sisiguruhin muna namin na hindi mo ilalabas ang tunay naming katauhan. " Bigla siyang kinabahan. Papatayin na ba siya ng mga ito? Pero sinabi nitong ibabalik daw siya sa kanyang pinanggalingan. Ibig sabihin ay hindi pa siya mamamatay ngayon. "H-ha? A-anong katauhan? E hindi ko naman talaga kayo kilala." sa wakas ay nakapagsalita din siya. Kanina pa kasi na parang nalululon niya ang sariling dila. Nakita niya ang mukha ng mga ito pero wala siyang ideya kung sino ang mga ito. Nagkatinginan ang dalawang lalaki. "Isa pa, hindi niyo na ako maibabalik sa pinanggalingan ko dahil wala na akong tirahan dito. Wala na akong pwedeng balikat. Kaya ngayong kinuha niyo ako ay responsibilidad niyo na ako." matagal bago siya napangiti. Blessing in disguise na din siguro kaya nakilala niya ang mga ito. Hindi man niya kilala ang mga ito ay bigla yatang gumaan ang pakiramdam niya sa mga bandido. Sa hindi niya malamang dahilan ay parang naging kampante ang pakiramdam niya sa mga lalaking kaharap. Sa tingin niya ay hindi naman siguro siya sasaktan nang mga ito. Dahil kung gayon man ay pinagtangkaan na sana siya ng masama habang natutulog siya. Base sa usapan ng mga ito kanina ay may pakiramdam pa siyang ayaw ng mga itong mapahamak siya. Diba nga at plano pa siyang ibalik ng mga ito sa kung saan siya dapat ibalik? Isa pa, sobrang wala sa itsura ng mga ito na gagawan siya ng masama. Hindi lang niya maintindihan kung bakit nang-holdap ang tatlo sa bangko. At may parte siyang gustong malaman kung bakit. "Anong ibig mong sabihin?" naguluhang tanong ni Liam. Sumeryoso ang mukha nito na kanina ay napaka-playful lang. Ito ang bunso sa tatlo. Narealized niyang magkakapatid ang tatlo. Itong Liam ang bunso, ang Laurens ang ikalawa at yung may seryosong mukha na hindi pa niya alam ang pangalan ang panganay. Humalukipkip siya at matagal na pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa. Pinag-isipan niya saglit kung tama ang desisyon niya. Sa huli ay nanaig ang parteng gusto niyang makilala ang mga ito. "Tutal naman iniligtas niyo na ako kanina sa kamay ng mga pulis at ng grupo ng lalaking iyon….hindi naman siguro magiging masama kung lulubusin niyo na ang pagtulong sa akin. Wala na din naman akong mauuwian." Lumungkot ang kanyang mukha. Lihim siyang napangiti ng makita ang reaksiyon ng dalawa. Napanganga ang mga ito at napakurap-kurap. Nasa itsura ng mga ito ang hindi makapaniwala sa mga pinagsasabi niya. Nagpatuloy siya. "Simula ngayon ay sasama na ako palagi sa inyo. Iyon lang ang magiging kundisyon ko para hindi ako magsumbong sa inyo sa mga pulis. Kaya ko kayong ituro sa kanila kung gugustuhin ko. Madali nalang ang gumawa ng kwento. Sasabihin kong tumakas ako sa inyo at tinakot niyo lang ako para sumama sa inyo. Pero kung papayag kayong manatili ako kasama niyo, wala tayong magiging problema." Ngising nakaisa ang lumitaw sa kanyang labi. Ang totoo ay hindi din niya alam kung papaano isusumbong ang mga ito kapag nagkataon. Ni hindi nga niya magawang iharap ang sarili sa mga pulis bilang anak ni Esmundo. Kahit kailan ay hindi siya nagkaroon ng ideya na maari din pala siyang maging tuso. Oo, masungit siya - dati – pero hindi siya tuso. Lalong hindi niya naisip na magiging kasapi siya ng mga bandidong ito. Para siyang sinapian ng ibang tao at gustong maging parte ng mga bandidong ito. May choice man siya ay mukhang ito ang mas maganda sa mga pagpipilian niya. Iyon ang sa tingin niya.  Kailangan niya ng tulong ng mga ito. Kailangan niya ng masasandalan habang nag-iisip ng iba pa niyang gagawin sa paghihiganti kay Kanor. Kailangan niya ng matutuluyan. At mukhang ang tatlong lalaki ang perpektong sagot para sa mga kailangan niya. Kahit pa sabihing mga bandido ang mga ito. Hindi niya maramdaman na mapapahamak siya sa kamay ng mga lalaking ito. Kung aalis siya sa poder ng mga ito ay saan siya tutuloy? Ubos na ang pera niya. Kung mang-ho-holdap ulit siya ay ubos na ang lahat ng lakas ng loob niya para gawin ulit iyon. Baka sa pagkakataong gawin niya iyon ay tuluyan na siyang mahuli ng pulis o mas masama, grupo ni Kanor. Atlist habang kasama niya ang mga ito ay may matutuluyan siya kahit papaano. Napatunayan na din niyang hindi siya gagawan ng mga ito ng masama. Iyon din kasi ang sinasabi ng puso niya. Saka nalang siguro siya hihiwalay sa mga ito kapag kaya na niya. Natitigilang nagkatinginan ang dalawang lalaki. “Alam mo ba ang ginagawa mo, Miss?” tanong ni Laurens pagkuwan. Hindi! Hindi ko alam kung tama o ano talaga itong ginagawa ko. Pero tumango-tango siya. “U-huh…” kulang yata sa kumbiksyon ang salita niya. Muling nagkatinginan ang magkapatid. “Mga bandido kami Miss, baka nakakalimutan mo. Alam mo bang maari kang mapahamak sa amin?” Si Liam naman ang nagsalita. Umiling-uling siya. “Alam kong hindi ako mapapahamak sa inyo. Nararamdaman kong mabuti kayong tao. Hindi ko lang alam kung bakit mga holdaper kayo. Tsaka naging bandida na din naman ako e di pare-pareho na tayong mga bandido.” Maluwang ang pagkakangiting ginawa niya. Napatanga ang dalawa. “Nakakatuwa siya…” usal ni Liam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD