NAGISING si Saphira dahil sa ingay ng mga boses na nagtatalo malapit lang sa kanya. Nang magmulat siya ng mga mata ay tumambad sa kanya ang kisameng gawa sa pawid. Medyo mababa iyon. Hindi mababa ang kisame ng inuupahan niyang kwarto at lalong hindi iyon gawa sa pawid. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya ng hindi maging pamilyar iyon. Saka niya naramdaman na matigas ang kanyang kinahihigaan. Kahit hindi mamahaling kwarto ang inuupahan niya sa karatig bayan ng Tres ay hindi ganoon katigas ang kama. Saglit niyang hinalungkat sa isip kung bakit nakahiga siya sa matigas na higaan.
Napabalikwas siya ng bangon ng maalala ang lahat ng nangyari mula sa pagtatangka niyang holdapin ang kanilang bangko hanggang sa abutan niya ang ibang mga holdaper at tangayin ng mga ito. Tumambad sa kanya ang isang kwartong mas luma pa yata sa panahon ni kopong-kopong. May agiw-agiw pa ang bawat sulok ng kwarto at sofang kalahati na yata ng buhay niya ang itinagal at nag-iisang gamit na naroon bukod sa papag na kinahihigaan niya. Ang dingding na gawa sa tingin niya ay tinidtid na kawayan at ang kisame na inakala niya kanina ay bubong pala. Medyo mababa lang ang kubo at hindi kataasan ang bubong. Tila siya nasa isang maliit na kuwarto sa isang kubo.
Maliit lang ang kwarto at mas malaki pa ang banyo sa kwarto niya sa mansiyon. Hindi niya masabi kung iyon na mismo ang kabuuan ng kubo o parte lamang ang silid na iyon ng kubo.
“Nasaan ako?” wala sa loob na usal niya habang inaabsorb ang paligid. Napatingin siya sa mga kamay at paa. Naalala niya ang panaginip. Nasa isang kwarto daw siya at madilim. Nakatali ang mga kamay at paa niya at may busal sa bibig. Sa panaginip niya ay pinatay siya ni Kanor.
Hindi niya alam kung magpapasalamat siya o ano dahil buhay pa siya. Pero sa tingin niya ay dapat niyang ipagpasalamat iyon. Wala din siyang busal sa bibig at hindi nakatali ang mga kamay at paa niya. Ibig sabihin ay wala siya sa poder ni Kanor. Kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag dahil panaginip lang ang lahat. Pero nasaan siya? Sino ang mga holdaper na tumangay sa kanya? Muli niyang narinig ang mga tinig na gumising sa kanya. Napatingin siya sa dingding. Sa kabila niyon nanggagaling ang tinig.
Mabilis siyang tumayo at umalis ng papag ng pumasok ang reyalisasyong nasa isang estrangherong lugar siya. Nang maalala niya ang tagpo sa bangko ay agad siyang nakaramdam ng takot. Naalala din niyang hinimatay siya kanina sa tindi ng nerbiyos habang sakay sila ng kabayo kasama ang lalaki at tumatakas sa grupo ni Kanor. Ang mga grupo nito ang rumespunde sa bangko bago pa makarating ang mga lokal na pulis. Pero mabilis ang mga holdaper at nakatakas kaagad ang mga ito kasama siya. Sigurado siyang ang mga lalaking nakamaskara at nangholdap sa bangko ang nagmamay-ari ng mga boses na naririnig niya ngayon. Nakaramdam siya ng takot at kaba na baka ginawan siya ng mga ito ng hindi maganda.
Nagsimula siyang magpanic. Hindi niya kilala ang mga ito. Lalong hindi niya alam ang likaw ng bituka ng mga holdaper na iyon. Kung holdaper ang mga ito ay sigurado siyang masasamang loob ang mga ito. Nakilala kaya siya ng mga ito? Agad niyang sinuyod ng tingin at sinuri ang sarili. Napansin niyang wala na ang panyong nakatakip sa mukha niya kanina at nakalaylay nalang iyon sa leeg niya. Bukod doon ay wala na siyang nakitang pagbabago sa buong katawan niya. Intact pa rin ang pagkakasuot ng damit niya at bahagya lang nagulo ang buhok niyang itinali lang niya ng goma. Tanggal na ang coat niya at ang suot niyang sombrero kanina pero suot pa din niya ang boots.
Kahit papaano ay umusal siya ng pasasalamat dahil wala pang nangyayaring masama sa kanya. Buo pa din ang katawan niya at wala siyang nararamdamang masakit sa kahit saang parte ng katawan niya. Hinanap niya ang rebolber na gamit kanina pero hindi na niya iyon makita. Napatingin siya sa makipot na pinto ng kwarto. Dahan-dahan siyang humakbang papunta doon. Ang tanging nagsisilbing takip ng pinto ay isang manipis na kurtina – na mukhang matagal ng hindi nalalabhan. Nang marating ang pinto ay nagtago siya sa dingding at marahang hinawi ang kurtina upang sinuhin ang mga holdaper ng bangko ng papa niya.
Kung hindi siya naunahan ng mga ito ay siya sana ang nakakuha ng pera doon. E di sana ay may hawak na siyang pera ngayon at bumubuo na ng plano. Pero sigurado nga ba siyang may makukuha siya doon kung sakali mang wala ang mga itong nauna sa kanya? Sigurado ba siyang makakaalis siya doon ng buhay o hindi man ay makatakas dahil sa nakita niyang paglusob kanina ng grupo ni Kanor at dumagdag pa ang pulis sa pagresponde? Ah! Wala sa oras para isipin niya ang mga bagay na iyon. Nakaramdam siya ng galit dahil wala siyang napala sa pera ng bangko bagkus ay napunta iyon sa ibang holdaper. Papaano pa siya makakapaghiganti kay Kanor kung wala siyang malaking hawak na pera?
Ipinagpatuloy niya ang paghawi sa kurtina at lalong lumakas ang mga boses. Itinago niya ang katawan sa dingding saka sumilip sa pinto. Sinigurado niyang hindi siya makikita ng mga ito at makakaagaw ng pansin. Tumambad sa kanya ang dalawang lalaking nakatayo sa gitna na sa tingin niya ay sala. Maliit na sala. Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang paligid. Mas malaki lang ng kaunti ang sala sa silid na kinaroroonan niya. Ang sala ay parte ng kubo. Nahagip ng tingin niya ang nag-iisang mesang naroon.Mayroon ding parang maliit na barandilya na lagayan ng mga gamit sa kusina. Nagmukhang maliit ang sala dahil sa malalaki at matatangkad na bultong nandoon.
Nang biglang tumahimik at matigil ang dalawang lalaki sa pagbabangayan. Nang ibalik niya ang tingin sa mga ito mula sa paghagod sa paligid ay tila naestatwa ang dalawang lalaki. Bigla niyang binitiwan ang kurtina. Di yata at naramdaman siya ng mga ito kahit pa tila nagtatalo ang mga ito. Pigil-pigil niya ang paggawa ng kahit anumang tunog. Kahit ang paglunok ay pinigilan niyang magkatunog. Narinig niyang may tumikhim ng malakas saka namayani ang ilang sandaling katahimikan.
Umikot ang mga mata niya sa silid. Tanging ang mga mata niya lamang ang gumagalaw ng mga sandaling iyon. Awtomatikong naghanap siya ng malulusutan – o malalabasan para makatakas. Kung alam ng mga itong gising na siya ay hindi niya alam ang gagawin ng mga ito sa kanya. Sa laki ng mga lalaki ay hindi niya kakayaning labanan o kahit takasan pa ang mga ito. Kung ang mga tauhan ni Kanor ay nagawa niyang takasan sa hasyenda, duda siya kung magagawa niya sa mga ito.
May nakita siyang isang bintana sa silid. Hindi sa tabi ng papag kundi sa katapat na dingding ng papag. Medyo may kalakihan iyon at siguradong kasyang-kasya siya. Nakabukas din ang bintana kaya hindi na siya mahihirapang lumabas. Sigurado din siyang mababa lang ang babagsakan niya kung sakali dahil wala namang paa ang kubo. Iyon ang sa tingin niya base sa itsura ng kubo. Oo at papag ang sahig na gawa sa tabla pero alam niyang lupa na ang kasunod pagkatapos ng papag.
Magsisimula palang siya mag-isip ng taktika kung papaano makakarating sa bintana ay narinig niya ang isang malagom na boses na nagsalita mula sa sala.
“Kung ako sa iyo ay hindi ko na tatangkaing tumakas. Madaming ahas sa paligid at mababangis na hayop.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Saphira. Ahas at mababangis na hayop? Bakit? Nasaan ba siya?
Nang sumulyap siya sa bintana ay nahagip nga ng tingin niya ang ilang sanga sa di kalayuan. Hindi lang iyon sanga kundi parang kadawagan? Nasaan siya? Saang lupalop ng Tres siya dinala ng mga bandidong ito? O nasa Tres pa nga ba siya?
Dala ng kuryosidad ay hindi nakatiis na muli siyang sumilip. Eksaktong pagsilip niya ay nagtama ang tingin nila ng lalaking iyon. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang isang bagay na tila nagpatahip ng kanyang dibdib. Eksaktong nagtama ang tingin nila ay naramdaman niya ang isang malakas na pintig mula sa kanyang puso. Ni hindi niya nagawang ialis ang tingin dito. At mukhang ganon din ang lalaki dahil hindi din ito tumitinag mula sa pagkakatitig sa kanya.
Naputol ang tila mahikang nag-uugnay sa kanila ng lalaki ng isang malakas na pagtikhim ang pumunit sa biglaang katahimikan. Saka lang din tila natauhan si Saphira. Inilayo niya ang mukha sa pinto at muling nagtago. Muli siyang napatingin sa bintana. By instinct ay sinasabi ng isip niyang tumakas na siya. Na siyang ginawa niya kahit binalaan na siya ng mga lalaking huwag tumakas.
Bahala na!
At mabilis siyang kumilos. Tinatlong hakbang lang niya ang pagitan ng kinatatayuan at ng bintana. Walang lingon-likod na isinampa niya ang mga paa doon.
“Miss, huwag kang tatalon diyan! Mataas ‘yan!” dinig pa niya ang lalaking biglang sumulpot sa pinto.
Pero nakatalon na siya. Para lang maramdaman ang matigas na bagay sa kanyang pwetan.
“Araaayyyy!!” malakas niyang daing. Napapikit si Saphira ng maramdaman ang malakas na impact ng pagkakabagsak niya sa matigas na lupa.
“Sinabi nang huwag ka nang tumakas eh. Hayan tuloy, nasaktan ka pa.” ang lalaking humabol sa kanya kanina bago siya tumalon ang nagsalita.
Nag-angat siya ng mukha sa bintana. Naroon na ang lalaki at nakadungaw sa kanya. Nasa mukha nito ang katuwaan. Hindi siya nagsalita. Pinilit niyang kumilos para makatayo. Sinalo ng kamay niya ang pwetang tumama sa matigas na lupa. Pagkatayo niya ay saka lang niya napansin na hindi pala ganoon kababa ang kubo. May dalawang pulgada ang taas ng mga paa na gawa din sa makakapal na tabla at nagsisilbing suporta sa bawat haligi ng kubo. Hindi iyon ganoon katas pero dahil hindi niya natantiya at dahil nagulat siya sa paghabol ng lalaking ngayon ay nakadungaw sa kanya sa bintana at tila namimilyo pa ang ngiti ay bumagsak siya sa lupa.
Tiningnan niya ng masama ang lalaki dahil mukhang tuwang-tuwa pa ito sa pagkakahulog niya. Saglit niyang nakalimutan ang gagawing pagtakas dahil medyo iniinda pa niya ang puwet na nasaktan.
“Hindi ka natatakot sa mga ahas at ligaw na hayop pero dahil gusto mong tumakas ay iyan ang napala mo.”
Napalingon si Saphira ng marinig ang baritono at buong-buong boses na nagsalita sa likuran niya. Hayun ang lalaking katitigan niya kanina. Muli ay naramdaman niya ang munting pagpitlag sa isang bahagi ng kanyang puso sa pagtatamang iyon ng mga mata nila. Seryosong-seryoso ang itsura nito at mukhang oras na gumawa siya o kumilos ng hindi maganda ay magta-transform ito.
“Hindi ka namin sasaktan, hindi mo kailangang tumakas. Huwag kang mag-alala, ligtas ka dito.” anang lalaki sa patag na boses.
Saka walang babalang pinangko siya ng lalaki. Narinig niyang sumipol ang lalaki sa bintana. Nanlaki ang mata niya sa ginawa nito. Kinabahan siya pero hindi dahil sa takot sa lalaki o kung ano ang maaring gawin ng mga lalaki sa kanya. Kinabahan siya dahil sa nakaka-intimadate na presensiya ng lalaki.
“Anong ---?
“Huwag kang magulo Miss, kundi ay ipapain kita sa mga ligaw na hayop dito.” anang lalaking may pangko sa kanya.
Napanganga siya. Hindi ba at sinabi nitong ligtas siya doon? Bakit ngayon ay gagawin pa daw siya nitong pain sa mga ligaw na hayop?
Nagsimulang maglakad ang lalaki.
“Ibaba mo ako!” nanlalaki ang mga matang sabi niya sabay hulagpos para makawala dito. Hindi siya makapaniwalang buhat siya ng isa sa mga bandido!
Pero matibay ang bisig nito at hindi siya basta-basta mabibitawan. Ramdam na ramdam niya ang tatag sa mga bisig nitong ngayon ay nakapulupot sa katawan niya. Nang pukulan siya nito ng tingin ay hindi niya alam kung bakit bigla siyang tumigil. Siguro ay dahil nakita niyang dumaan sa mga mata nito ang isang emosyon. Na sinasabing ligtas siya doon.
Hindi na siya nakapagsalita pagkatapos ay nakatanga nalang sa lalaking may bitbit sa kanya.