NAKATUTOK ang tingin ng tatlong lalake sa isang babaeng nakahiga sa matigas na papag. Isa sa pares ng mga matang iyon ay si Ludgi Bernardo. Siya ay nasa isang bahagi ng silid habang nakatayo at nakasandal sa tinidtid na kawayan na nagsisilbing dingding ng bahay kubong kinaroroonan nila. Ang isang lalaki ay si Laurens, kapatid niya at sumunod sa kanya. Nakatayo naman ito sa pinto habang nakasandal din sa hamba niyon. Ang ikatlo ay si Liam, kapatid din niya at siyang bunso sa kanilang tatlo. Nakasalampak ito sa sahig na gawa sa tabla.
Kanina pa sila nakamasid sa babaeng walang malay na nakahiga sa papag. Kagagaling lang nilang magkakapatid sa sentro ng Sitio Tres at pinasok ang isang bangko doon. Sa unang pagkakataon habang isinasagawa nila ang pangho-hold up sa bangko ay may dumating pang isang holdapper. Ang holdapper na iyon ay ang babaeng nasa harapan nila.
Hindi nila alam kung anong trip ng babaeng ito, kung ano ang gusto nitong palabasin, o anong nakain nito para holdapin ng mag-isa ang bangko. Imposibleng miyembro ito ng isang gang o masasamang loob dahil wala sa itsura nito. Lalo pa at nakita nila kanina kung papaano ito atakihin ng nerbiyos ng makita sila sa bangko.
Pare-pareho ding hindi nila ito kilala. Noon lang nila nakita ang babae. Hindi sana nila ito isasama pero dahil hindi naman talaga sila masasamang tao ay kinuha nila ang babae at isinama sa kubong iyon.
Sa naging desisyon nilang ito ay tila sila nagkaroon ng problema. Anong gagawin nila sa babaeng ito? Tiga saan kaya ito? Hindi pa niya ito nakita kahit kailan. Hindi nila maatim kung iiwan nila ito sa bangko habang paparating ang mga pulis na rerespunde doon o ng grupo ni Kanor. Hindi din nila pwedeng iwan nalang ang katawan nito sa kung saan habang tulog ang dalaga. Nawalan ito ng malay kanina habang tumatakas sila. Nasa ganoong estado ang isip ni Ludgi ng biglang magsalita si Liam sa matagal nilang pananahimik.
“Ang ganda niya diba? Ngayon ko lang siya nakita pero crush ko na agad siya.” May katuwaang sambit ni Liam. Sumulyap ito sa kanila ni Laurens.
“Nakakapagtaka kung bakit ang isang kagaya niya ay narito sa lugar natin at nangahas pang mang-hold-up ng bangko.” Sa halip ay turan naman ni Laurens habang hindi inaalis ang tingin sa babae.
Tama ang kapatid. Masyadong maganda ang babaeng ito para maging isang holdapper. Ang babae sa harap nila ngayon ay maputi at makinis ang balat. Nakasuot ito ng itim na pantalon, itim na t-shirt at itim din na boots kaya lalong kita ang kaputian nito. Kanina ay may coat pa itong suot at cowgirl hat pero tinanggal nila ang kapa at sumbrero nito. Mahaba ang alon-alon nitong buhok na itim na itim. Hindi masasabing maamo ang mukha nito pero nakaka-intimidate ang tabas niyon. Ang ganda nito ay hindi nakakasawa lalo na ngayong tila mahimbing itong natutulog. Ang ganda nito ay iyong gandang habang tinititigan ng matagal ay lalong gumaganda.
Kaninang hinila niya ang braso nito ay wala siyang naramdamang pagtanggi dito. Bagkus ay tila nagpahila nalang ito sa kanya. Para itong isang hangin na nagpatangay nalang sa agos ng pangyayari. Naalala pa niya ang sindak sa mata nito ng makita sila sa bangko. Diyata’t na-shock ito pagkakita sa kanila. Hindi din nakaligtas sa kanyang matalas na paningin ang panginginig ng mga kamay nito habang hawak ang rebolber at nakatutok sa kanila. Sigurado siyang hindi sanay ang babae kung anuman ang ginawa nito. Ano ang sumapi dito para gawin ang isang bagay na maari nitong ikapahamak?
Sakay na sila ng kabayo - at siya ang natokang magsakay dito – ng saka naman ito biglang nawalan ng malay. Hindi niya alam kung bakit. Nalaman lang niya ang sagot ng saluhin niya ang katawan nito at mahawakan ang mga kamay ng babae. Malamig ang mga kamay ng babae. At pinagpapawisan. Maaring hinimatay ito dahil sa nerbiyos.
Hindi nila alam kung saan ito dadalhin kaya dinala nalang nila ito sa kubong iyon na isang hide-out nila. Hindi nila maatim na iwan nalang ito sa kung saan dahil baka gawan pa ito ng masama ng iba. Sa ngayon ay hinihintay nalang nilang magising ang babae upang alamin ang pagkatao nito. At mag-iisang oras na simula ng dumating sila sa kubo at nakatulog ang babae. Oras na malaman nila kung saan ito nakatira ay ihahatid nila ora mismo.
Maya-maya pa’y kumilos na si Laurens. “Aalis muna ako. Maghahanap lang muna ako ng makakain at nagugutom na ako. Kakaiba ang araw na ito.” Anito at hindi na hinintay pa ang sagot nila. Nawala na ito sa pwesto kanina.
Sumunod na kumilos si Liam. Tumayo ito at sumulyap sa kanya. “Ako din Kuya, aalis muna ako. Mayroon lang akong pupuntahan saglit pero babalik din kaagad ako. Kung sakaling magising siya ay ikaw na ang bahala sa kanya. Kargo mo na siya ngayon.”
Tinitigan niya ng masama ang kapatid na sinagot lang nito ng halakhak.
“Malay mo, siya na ang babaeng para sa iyo. Pero Kuya ha, huwag mo siyang aawayin paggising niya. Kilala kita. Masungit ka sa magagandang babae. Kung hindi mo siya type, ako nalang ang manliligaw sa kanya.” Dugtong pa nitong panunukso.
Nang ikuyom niya ang kamao ay mabilis na itong lumabas ng silid. Pero dinig na dinig niya ang malakas nitong tawa palabas ng kubo. Naiwan siya doon na kasama ang babaeng walang malay.
Ibinalik niya ang tingin sa babae at nagsalubong ang kilay niya ng umungol ito. Salubong din ang mga kilay nito. Kung kanina ay walang mababakas na anuman sa mukha nito habang natutulog, ngayon ay tila takot na takot ito. Napansin din niya ang pamumuo ng pawis sa noo ng babae. Hinintay niyang magising ang babae pero nanatili itong tulog. Mukhang nananaginip lang ito. Nagpatuloy ito sa pag-ungol na ngayon ay may kasama ng pag-iling. Hanggang sa hindi siya nakatiis, nilapitan niya ang babae.
“Ayoko pang mamatay.. hindi pa ako pwedeng mamatay…” anito sa pagitan ng pag-ungol. Para din itong natatakot at… naiiyak?
Napatitig siya magandang mukha nito. Lalong nagsalubong ang mga kilay niya ng marinig ang mga sinabi nito. Lalong lumakas ang pag-ungol ng babae. Hindi nalang pag-iling ang ginawa nito kundi tila humuhulagpos ito sa isang bagay. Nanginginig din ang katawan nito. Hindi kaya nananaginnip itong nakatali at gusto nitong makatakas? Saan? At bakit?
Wala sa loob na hinaplos niya ang pisngi nito. “Huuussshh.. tama na. Hindi ko hahayaang mamatay ka. Walang sinumang maaring gumawa sa iyo ng masama dito.” Aniya dito habang hinahaplos niya ang pisngi ng babae. Sa ginawa niyang iyon ay para siyang sinapian. Wala sa bokabularyo niya ang mga ganoong salita – at ganoong gesture tulad ng ginagawa niya ngayon.
Tila narinig ng babae ang boses niya, unti-unti itong nakalma. Unti-unti na ding tumigil ang panginginig ng katawan nito. Saglit lang ay naging patag na ulit ang paghinga nito at ipinagpatuloy ang pagtulog. May nasambit ito bago tuluyang nakatulog.
“Papa…” anas ng babae. Saka tumulo ang isang butil ng luha galing sa mata nito.
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang pakiramdam na tila gusto niyang yakapin ang babae. Marahil ay sa nakikita niyang itsura nito ngayon. Nagsulputan din ang mga tanong sa kanyang isip. Sino ba talaga ang babaeng ito? Saan ito nakatira? Ano ang nangyari dito? Ano ang pinagdadaanan nito at ganoon nalang ang reaksiyon nito habang nananaginip? Hindi kaya may koneksyon ang mag-isa nitong panghohold-up sa bangko? Ah! Malalaman niya ang lahat kapag nagising ito. Sa unang pagkakataon sa mahigit tatlumpong taon niya sa mundo ay binalot ng kuryosidad ang sistema ni Ludig dahil sa babaeng ito.
Ni hindi niya namamalayang nananatili nalang siya sa tabi nito at nakabantay dito. Ni hindi siya aware na nagkukusa ang katawan niya na huwag umalis sa tabi nito para kung sakaling managinip ulit ito ay naroon siya. Ni hindi niya namamalayang nakatitig na siya ng matagal sa magandang babaeng ito.
Napakurap-kurap siya. May kung ano na nagmumula dito na humihila sa kanya para titigan niya. Maya-maya ay narealized niya ang ginawa. May parte niyang tinukso ang sarili.
Baliw ka Ludgi! Hindi mo kilala yang babae para sabihan mo ng mga ganoong bagay. At bakit binabantayan mo pa din siya? Ano? Crush mo na din siya kagaya ni Liam?
Ipinilig niya ang ulo. Kung ano-ano na ang naiisip niya. Napailing-iling siya saka tumayo na. Inalis niya ang tingin sa babae. Hindi dapat siya nag-iisip ng kung ano-ano dito. Sinabi lang niya ang mga iyon para patahanin ito sa isa hindi magandang panaginip. Nagdesisyon siyang lumabas na ng silid. Sa labas nalang niya ito hihintaying magising. Ngayon ay obligado siyang bantayan ito dahil umalis na ang dalawang kapatid. Isang sulyap pa sa babae at tuluyan na siyang lumabas.