NASA LOOB ng isang madilim na kwarto si Saphira. Kagigising lang niya mula sa pagtulog na hindi niya alam kung gaano katagal. Nagtaka siya dahil nararamdaman niya ang piring sa kanyang mata at hindi siya makapagmulat. Naramdaman din niya ang busal sa kanyang bibig. Tinangka niyang magsalita pero ungol lang ang lumabas doon. Kikilos sana siya upang tanggalin ang piring at busal pero nakatali pala ang mga kamay niya sa likod ng silyang kinauupuan niya. Muli ay tinangka niyang magpakawala ng tinig at tinangkang tanggalin ang busal sa pamamagitan ng kanyang labi. Pero hindi niya iyon matanggal. Natigilan siya. Bakit siya nasa ganoong posisyon?
Bakit may piring ako? At bakit nakatali ang mga kamay ko? piping tanong niya.
Saglit na inaalala niya ang mga nangyari at nanumbalik ang mga eksena pagkauwi niya ng hasyenda. Rumagasa ng sunod-sunod ang mga alaala simula sa pag-uwi niya hanggang sa pinatay ni Kanor ang ama niya hanggang sa dumating sa puntong kailangan niyang holdapin ang bangkong dating pag-aari nila. Hanggang sa kunin siya ng mga kagaya niyang holdapper ng bangko.
Bigla ay nataranta si Saphira kasabay ng pagbangon ng matinding kaba sa kanyang dibdib. Kung ganoon ay nasa kamay siya ng masasamang tao? Iisang tao o grupo lang ang alam niyang maaring gumawa ng ganito sa kanya. Walang iba kundi si Kanor. Ibig sabihin ay ito din ang may pakana ng panghoholdap sa bangko? Pero bakit? Pag-aari na nito ang bangkong iyon. Bakit pa nito kailangang gawin ang bagay na iyon? Isa pa, hindi kaya alam din nito ang gagawin niya? Na papasukin niya ang bangkong iyon? Hindi kaya nagkataon lang na nagkasabay sila ng mga holdapers?O baka naman isa nanaman iyon sa mga laro ni Kanor. Alam talaga nito ang mga nangyayari sa kanya at hinahayaan lang nitong bigyan siya ng pag-asa. Alam kaya nito ang mga kilos niya at kung saan siya namamalagi?
Aaahh! Hindi ito maaring mangyari. Imposible! Kung alam ng lalaki ang kinaroroonan niya ay kinuha na dapat siya at hindi na hinintay pa na dumating sa puntong kailangan niyang pasukin ang bangkong dating pag-aari nila. Dahil alam niyang oras na makita siya nito dati ay sigurado siyang papatayin at hindi na siya aabutan ng buhay sa mga susunod pang araw.
Nasa gitna siya ng pag-iisip sa mga iyon nang marinig niya ang tila pintong bumukas. Pabalibag iyon at malakas kaya nagulat siya. Narinig niya ang mga yabag na pumasok sa silid. Palapit ang mga yabag sa kanya.
Gusto sana niyang magsalita pero hindi niya magawa dahil sa busal sa bibig niya. Naghintay nalang siya sa mga susunod na mangyayari pero alerto ang lahat ng pandama niya.
“Saphira…Saphira..” nabosesan agad niya ang tinig ni Kanor.
Umahon agad ang galit sa dibdib niya. Umungol siya ng umungol sa dami ng gusto niyang sabihin. Naramdaman niya ang pagtanggal ng busal sa bibig niya at piring sa mata. Medyo marahas iyon kaya medyo nasaktan siya. Ipinilig-pilig niya ang ulo. Bahagya pa siyang nasilaw sa ilaw nasa itaas niya. Nakabitin ang ilaw sa bandang ulunan niya kagaya ng mga napapanod sa telebisyon kung saan papatayin na ang isang karakter ng mga masasamang loob. Papatayin na din ba siya ngayon ni Kanor?
Ipinilig niya ang ulo. Sa halip ay iginala niya ang tingin sa paligid. Saka niya napansin na nasa loob siya ng isang silid na may kaluwangan pero walang laman. Madilim at tanging ang ilaw lamang sa kisame na katapat niya ang ilaw. Hindi niya masyadong maaninag ang ibang kasama ni Kanor dahil sa kadiliman ng paligid. Ang tanging nakilala lamang niya ay ang lalaki na nasa mismong harapan niya.
“Ikaw!” umalsa ang galit sa puso niya ng makita si Kanor na nakatayo sa harap niya mga dalawang metro ang layo sa kanya. Nag-iba ang itsura nito. Bihis na bihis na ito. At may hawak na din itong tabako! Mukhang pinanindigan na nito ang pagiging ‘Don’.
“Ako nga Saphira… hindi ko akalaing magkikita tayong muli. Ilang linggo din tayong hindi nagkita. Ang akala ko’y bumalik ka na sa Maynila. Bakit nandito ka pa?”
“Hayop ka! Pakawalan mo ako dito! Papatayin kita!” sa halip ay galit siyang sigaw. Nagpumilit siyang makawala mula sa pagkakatali pero nanakit lang ang mga kamay niya.
“Huwag mo ng tangkain na tumakas hija... nagkalat ang mga tauhan ko sa paligid. Makaalis ka man sa silyang iyan ay hindi ka makakalabas dito ng buhay. Kung nakaligtas ka man sa mansiyon ay hindi iyon mangyayari dito. Sisiguraduhin kong sa hukay ang bagsak mo oras na tumakas ka. ”
Nanindig ang balahibo niya sa mga pinagsasabi nito. Bigla ay para siyang kakapusin ng hininga. Naglaro sa isip niya ang mga maaring mangyari sa kanya. Siya. Patay!
“Sana ay umalis ka nalang dito Saphira. Baka tumagal pa ang buhay mo. Di sana ay wala ka diyan sa silyang ‘yan ngayon. At talagang naisip mo pang pasukin ang bangkong iyon ha. Magaling! Magaling!” pumalakpak pa ito.
“Amin ang bangkong iyon. Kahit kailan ay hindi magiging iyo, hayop ka!”
Pumuno sa buong silid ang malakas na halakhak ni Kanor. “Mukhang hindi ka pa din nagigising Saphira. Nakalimutan mo na ba ang pinirmahan ng mang-aagaw mong ama? Akin na ang bangkong iyon.” Nagpalakad-lakad ito sa harap niya sabay hithit ng tabako. “At isa pa, tutal ay nandito ka na din lang ulit. Bibigyan kita ng tsansa para baguhin ang nakatakdang mangyari sa buhay mo, huling pagkakataon mo na ito kaya dapat pag-isipin mong mabuti. Gaya ng una, aalukin kita. Pakasalan mo ako at magiging pag-aari mo ulit ang lahat ng ari-arian ko ngayon.”
“Mamamatay muna ako bago ako magpakasal sa iyo!” walang gatol na sagot niya.
Natigil ang lalaki sa paglalakad at muling humarap sa kanya. “Matigas ka. Kung ganoon ay wala kang mapapala sa lahat ng kayamanan ‘ko’ babae. Akin ang lahat ng iyon, maging ang bangkong pinangahasan mong pasukin!” isang mala-demonyong ngisi ang ginawa nito.
Nanayo ang balahibo niya sa batok. Sugo nga yata ng kasaaman ang lalaking nasa harap niya. Nang bigla siyang may maalala. Naalala niya ang tatlong lalaking naunang nanghold-up sa kanya sa bangko. Kung ganoon ay kasama ng mga ito si Kanor? Pero papaano mangyayari iyon? Papaanong hohold-apin mismo ng mga tauhan ni Kanor ang bangkong pag-aari na nito?
Mukhang nabasa nito ang nasa isip niya. “Nagkakamali ka kung iniisip mong tauhan ko ang mga bandidong iyon na nanghold-up sa bangko. Hindi ko sila mga kasama. Pero salamat na din sa kanila. Dahil sa kanila ay hindi na ako nahirapang matagpuan ka. Nandito ka na sa harap ko.”
Umawang ang bibig niya. Kung ganoon ay papaanong napunta siya sa mga ito?
Muli ay sinagot ni Kanor ang nasa isip niya. “Natagpuan ka ng mga tauhan ko sa gilid ng kalsada sa labas ng sentro. Siguro ay iniwan ka nalang ng mga bandidong iyon.” umiling-iling ito. “Hindi ko akalaing ganyan kalakas ang loob mo para pasukin ang bangkong iyon Spahira. Kung lumapit ka sana sa akin ay hindi ka na nahirapan pa.”
Inismiran niya ito. “Kailanman ay hindi ako magpapakasal sa iyong hayop ka! Pinatay mo ang papa ko! At hindi ako titigil hangga’t hindi ka nagbabayad sa lahat ng kasalanan mo!”
Umalingawngaw sa buong silid ang halakhak nito. “Sige lang, mangarap ka na darating ang araw na magkakatotoo ang mga iniisip mo. Bibigyan kita ng ilang sandali para mangarap… pagkatapos ay magdasal ka na.” anito saka inilabas mula sa likod nito ang isang baril.
Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Sunod-sunod siyang napalunok. Bigla din siyang nagpawis ng malapot. Iisa ang nasa isip niya – na baka papatayin na siya nito. Iyon na ba ang katapusan niya? Hindi! Hindi pa siya maaring mamatay! Marami pa siyang kailangan gawin. Hindi siya tumakas para muling mahuli nito at patayin sa huli. Muli ay nagpumilit siyang kumawala sa silya pero natigil siya ng muling magsalita si Kanor.
Tila tumigil ang t***k ng puso ni Saphira ng pag-angat niya ng tingin ay nakatutok na sa kanya ang baril.
“Pasensiyahan tayo Saphira, pero hindi ko na patatapusin pa ang pangangarap mong makawala dito at makapaghiganti sa akin… kailangan mo ng mawala sa mundo… ikumusta mo nalang ako sa ama mo.”
Iyon lang at umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril. Kasabay ng pagpikit niya ay naramdaman niya ang mainit na balang pumasok sa kanyang katawan. Iyon na ang katapusan niya. Hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay…