KABANATA 7

1137 Words
NAGKATINGINAN ang humigit-kumulang sampung katao sa loob ng bangko. Kasama na doon ang dalawang teller, dalawa pang empleyado, ang lalaking may edad na din ang itsura na manager doon, ang dalawang tila mag-asawang kliyente ng bangko, isang babae na nakapila sa teller at isang lalaking kagaya niya ay may takip din ang buong mukha? Ang lalaking may takip din ang mukha ay nasa tapat ng teller at teka – may hawak din itong baril? Tanging ang mga mata lamang nito ang nakikita niya. Ilang segundo pagkatapos niyang magpahayag ng hold-up at magkatinginan ang mga naroon ay parang iisang taong tumutok ang paningin ng lahat sa kanya. Hindi na niya masyadong napansin ang iba dahil tumutok na ang atensiyon niya sa lalaking kagaya niya ay nakatakip din ang mukha.  Natigilan siya ng makita ang hawak nitong baril sa magkabilang kamay habang nakaumang sa mga tao doon at sa manager. Nagtama ang mga mata nila ng lalaking iyon. Nang may tumikhim ng malakas sa gawi ng mga teller. Napalingon siya doon. Kasunod niyon ay nakita din niya ang ikalawang lalaking may takip din ang mukha. Natigil ito sa pagmamando sa mga teller na maglagay ng pera sa bag na hawak nito. Na ngayon ay nakatingin na din sa kanya habang ang dalawang teller ay naka-hang ang mga kamay hawak ang mga naka-bundle na pera para ilagay sa isang bag. Muli ay tila nag-freeze ang oras maging ang paghinga niya. Parang may anghel na dumaan dahil biglang natigil ang lahat ng galaw at tumahimik ang paligid. Habang palipat-lipat ang tingin niya sa dalawang lalaking nakatakip ang mukha at may hawak na baril ay bumukas-sara ang bibig niya. Napakurap-kurap din siya. Anong nangyayari dito? Bakit may ganito? Mga holdappers din ba ang mga ito? Ilang saglit pa ay saka lang natumbok ng isip niya ang eksena. Sunod-sunod siyang napalunok. Iisa ang pumasok sa utak niya. Diyata't may nakauna na sa kanyang mangholdap sa bangkong iyon. Naging sunod-sunod ang pagsinok-sinok niya. Nagsimula nanamang ma-tense ang katawan niya. Muntik pa niyang mabitiwan ang rebolber na hawak dahil lalo siyang nanginig. Bakit hindi? Kay tatangkad ng mga holdaper ng bangko. "Anong nangyayari dito?!!" Napatingin silang lahat sa ikatlong lalaking nakatakip din ang mukha na biglang pumasok sa loob ng bangko. Mukhang nakumpleto ang three muskeeters. Muntik pa siyang tamaan ng pinto dahil malapit lang siya doon. Nagkatinginan sila ng bagong dating na lalaki na ngayon ay halos katabi nalang niya. Napatingala siya dahil matangkad din ito. Mabilis na naiproseso ng utak niyang kasama ng dalawa ang holdapper sa loob ang pumasok na lalaki dahil sa maskara ding suot nito. Dumaan din sa isip niyang hindi tulog ang guwardiya sa labas. Maaring may kinalaman ang pumasok na lalaki kung bakit tila tulog ang guwardiya. Kung papaano nito nagawa iyon ay hindi na niya alam. Napatingin ito sa kanya. “Sino ka?" bakas ang pagtataka sa tono ng lalaki. Hindi siya kaagad nakapagsalita dahil hindi pa rin siya makapaniwala na nangyayari iyon. Two holdappers in one bank? First time in the history yata iyon! As if on cue, biglang bumalik ang daloy ng oras sa paligid. Sumenyas ang lalaking nakaumang ang baril sa manager. Umiling ito sa lalaking biglang pumasok. Nag-usap ang mga ito sa mata. Napakamot sa ulo ang lalaking nagsalita. Na tila ba may nagawa itong isang pagkakamali. Muli itong lumabas ng bangko. Tuluyan siyang napatanga. Nakasunod nalang ang tingin niya sa mga lalaking matangkad. Hindi kaagad siya nakahuma. Nagsimula din siyang nerbyosin. Kumilos ang isa pang lalaki. Ito na mismo ang naglagay ng pera sa hawak nitong sisidlan. Nang mapuno ang bag ng pera ay saka lang ito tumigil sa pangunguha at lumapit sa harap ng unang lalaki. Nagsenyasan ang dalawa na sa una ay para bang hindi magkasundo ang mga ito subalit sa huli ay mukhang nagkasundo din. Dapat ay kumilos na siya. Dapat ay tumalikod na siya at lumabas ng bangko. Dapat ay lumayo na siya doon oras mismo! Pero tila siya inugatan. Mukhang nakalimutan din niyang mag-isip ng maayos. Sumusunod nalang kasi ang tingin niya sa kilos ng mga naunang holdapper ng bangko. Bigla ay nakalimutan niya ang pakay doon. Hindi kasi kasama sa mga napagplanuhan niya kung ano ang dapat gawin kapag may nauna o nakasabay siyang mga holdappers sa bangko. Ni wala sa hinagap niya na mangyayari iyon. Isa pa, hindi din naman si pro na holdapper. Unang beses niya iyong gagawin, kaya para siyang tanga ngayon na nakasunod nalang ang tingin sa mga holdappers na ito. Bigla ay tila nablangko ang kanyang utak. Kaya ano ang dapat niyang gawin? Doon muling bumukas ang pinto at pumasok ang lalaking nagkamot ng ulo kanina. Itinaktak nito ang hawak na baril sa pader ng tatlong beses. Tumango ang dalawang lalaki. Saka mabilis na kumilos palabas ng bangko. Pero hindi pa nakakalabas ang mga ito doon ay pareho ding huminto ang mga ito. Tiningnan siya ng lalaking may hawak na pera. Inginuso siya nito sa unang lalaki. Bahagyang natigilan ang unang lalaki. Umiling-iling ito. Tumango-tango ang may hawak ng pera. Nagsensyasan ang dalawa na tanging ang mga ito lamang ang nakakaintindi. Matagal na napatitig sa kanya ang lalaki bago ito mabilis na kumilos. Bago pa siya makahuma ay mahigpit na nitong hawak ang kanyang braso at hinila palabas ng bangko. Masyadong mabilis ang mga pangyayari dahil namalayan nalang niyang sakay na siya ng isang kabayo at ni hindi niya alam kung papaano nila narating ang kabayong iyon. Ang tanging nagawa niya ay sumunod nalang sa mga ito kahit na natutulala pa rin siya. Hanggang sa maramdaman nalang niyang umaalog ang katawan niya dahil sa mabilis na pagtakbo ng kabayo sakay sila ng lalaki paalis sa lugar na iyon. “Kumapit ka babae kung ayaw mong malaglag ka!” Nagulat pa siya ng malakas na magsalita ang lalaki habang tumatakbo na ang kabayo. Nasa likod siya nito at ito ang nagpapatakbo. Pero parang walang lakas ang mga kamay niya para kumapit dito. Na mukhang ikinainis ng lalaki. “Kumapit ka kung ayaw mong iwan ka namin dito, babae! Kung ayaw mong mahuli ng mga pulis at mabulok sa kulungan!” Dahil sa mga salitang iyon ng lalaki ay awtomatiko ang mga kamay niyang yumapos sa beywang nito. Mukhang naramdaman iyon ng lalaki dahil hindi na siya nakarinig pa ng salita mula dito. Pero dahil sa magkahalong matinding kaba at tensiyong nararamdaman sa buong katawan niya ay nagsimulang manlambot ang kanyang pakiramdam. Namalayan nalang niyang unti-unti siyang naghihina hanggang sa unti-unti ding manlabo ang kanyang paningin. Pinilit niyang magmulat pero tinalo ng tensiyon ang kanyang panlalabang gumising. Bumagsak ang ulo niya sa likod ng lalaki at tuluyan siyang nawalan ng malay. Hindi na niya namalayan ng huminto ang kabayo at ilipat siya ng lalaki sa unahan nito upang huwag siyang mahulog. Saka muling pinatakbo ng lalaki ang kabayo palayo sa lugar na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD