BUMALIK ang isip ni Saphira sa kasalukuyan nang dumaan ang isang kabayo sakay ang isang lalaki. Tumungo siya upang ikubli ang mukha. Bahagya din niyang itinago ang katawan sa parteng hindi siya madaling makita o sa hindi naabot ng liwanag ng araw. Pagkalagpas ng kabayo ay muli niyang ibinalik ang tingin sa bangko. Bumilang muna siya ng sampu – mabagal na bumilang - bago siya kumilos at mabilis na naglakad patungo sa mas malapit na establishimyento at mabilis na nagtago. Muli ay pumuwesto siya sa gilid at dumikit sa pader. Doon ay mas kita niya ng malapit ang bangko. Isang hagod pa ng tingin sa paligid at ng matiyak na walang tao ay nagmasid siya sa target.
Nagsalubong ang mga kilay niya ng makita ang isang guwardiyang nakatungo at nakasandal sa dingding na malapit sa pintuan ng bangko. Kung hindi siya nagkakamali ay natutulog ito. Ang tanda niya ay dalawa ang guwardiya sa bangkong iyon at lalo siyang nagtaka ng makitang isa lamang ang naroon. Alam niyang mahigpit ang papa niya pagdating sa mga trabahador at hindi niya mapapalampas ang natutulog na mga guwardiya!
Nakaramdam siya ng kirot sa dibdib ng maalala ang ama. Ilang linggo palang ang nakakalipas at hindi pa rin nagbabago ang sakit at bigat na nararamdaman niya. Nagdadalamhati pa rin siya sa pagkamatay ng kanyang ama. Ang mas ikinasasama pa ng loob niya, hindi man lang niya nakita ang ama sa burol o sa huling araw nito sa mundo. Ni hindi niya alam kung nagkaroon ng maayos na burol ang kanyang ama. Kung binigyan ba ng lalaking iyon ng maayos na libingan ang kanyang ama. Nagkaroon man ng lamay sa hasyenda ay siguradong hindi ang ama niya ang pinaglalamayan. Gustuhin man niyang puntahan ito at kunin ang bangkay nito ay hindi niya magawa. Nagtatago siya maaring mahuli ng grupo ni Kanor. Hindi dapat mabalewala ang pagtakas na ginawa niya sa kamay ng mga ito.
Ipinilig niya ang ulo at saglit na kinalimutan ang sakit na nararamdaman. Itinuon niya ang isip sa bangkong target niya at sa gagawin niya. May urge na gusto niyang sitahin ang guwardiyang natutulog pero nakalimutan niyang hindi na pala iyon sa kanila. Subalit sa puso niya ay pag-aari pa din nila ang bangkong iyon.
Sa isang banda ay umaayon din sa kanya ang sitwasyon. Mabuti at isa lang ang guwardiya ngayon at mukhang natutulog pa. Hindi na niya aalamin kung bakit dahil bentahe iyon sa kanya. Dahil dito ay madali niyang mapapasok ang bangko ng walang kahirap-hirap. Kung sa ibang pagkakataon ay sisitahin niya ang guwardiya subalit sa pagkakataong iyon ay mukhang pumapabor sa kanya ang pangyayari.
Alam niyang delikado ang gagawin niya. Maari siyang mapahamak o mamatay. O kaya ay muling mapasakamay ng grupo ni Kanor. Pero mas gugustuhin niyang mamatay at lumalaban keysa ang mapunta ang katawan sa lalaking iyon. Namumuhi siya dito dahil pinatay nito ang pinakamamahal niyang ama. At hindi siya titigil hangga't hindi nakakapaghiganti dito. Hindi din siya titigil hangga't hindi nababawi ang lahat ng ari-arian ng kanyang ama na walang patumanggang nakuha ni Kanor. Gagawin niya ang lahat para mapagdusahan nito ang lahat ng ginagawa nitong kasamaan.
Hindi niya alam kung papaano iyon nangyari. Ang mapasakamay ni Kanor ang lahat ng kayamanan nito na kayamanan na din niya. Hindi niya alam kung papaano nakapirma ang papa niya sa dokumentong nagsasaad na inililipat nito ang lahat ng pag-aari nito sa pangalan ng hangal na lalaking iyon. Maari ngang tinakot ito ni Kanor. Ginamit siya ng lalaki at ang mabuti niyang ama ay mas ginustong ibigay dito ang lahat ng kayamanan nila keysa ang mapahamak siya. Subalit ang eksaktong dahilan kung bakit? Hindi talaga niya alam. Maaring may mga ginawa si Kanor o sinabi kaya inatake ng wala sa oras ang ama niya dahilan para ito bawian ng buhay. At ang hayop na lalaking iyon! Ni hindi man lang nito tinulungan ang papa niya sa mga oras na inaatake ito. Talagang ginusto nitong mamatay ang kanyang ama!
Sa ilang araw na pagsubaybay niya sa Tres ay nakakuha siya ng impormasyon tungkol sa kumalat na balita sa mga tao doon. Na naaksidente daw silang mag-ama habang pauwi sa hasyenda galing Maynila ng sunduin siya ng papa niya. Na pareho silang hindi nakaligtas sa aksidente. Maging ang ipinakita nitong mga katawan sa kanilang ‘burol’ ay hindi niya alam kung saan nito kinuha. Sigurado siyang hindi ang ama niya ang nasa ataul dahil ayon sa mga tao ay nakasarado daw ang mga ‘kabaong’ nila. Masama daw kasi ang naging pinsala nilang mag-ama kaya hindi na binuksan ang mga ‘kahon’ nila. Para sa lalaki at sa mga tiga-roon ay ‘patay’ na silang mag-ama. Hindi umabot ng isang linggo ang kanilang ‘burol’ at ‘ipinalibing’ din sila kaagad. Hindi niya alam kung anong klaseng utak ang mayroon si Kanor. At dahil doon ay lalo siyang nagngitngit na makaganti sa lalaki.
May parteng gusto niyang magpakita sa mga tao at sa mga pulis. Gusto niyang ipaalam ang kanyang presensiya at ipakita sa mga itong buhay pa talaga siya at ang lahat ng pinagsasabi ni Kanor sa mga tao ay pulos kasinungalingan lamang. Subalit sa pagmamatyag niya ay nalaman niyang ilan sa mga ito ay malapit kay Kanor. Maging ang ibang may kaya sa kanilang lugar ay sa lalaki ang simpatiya. Iyon ay dahil sa pagkakaalam ng lahat na isa itong mabait na tao at tila nawalan ito ng kapatid sa katauhan ni Senyor Esmundo. Ilang beses siyang nagtangka pero palagi siyang inaalihan ng takot. Natatakot siyang makita siya ni Kanor dahil nasisigurado na niyang hindi magiging mabuti ang idudulot kapag nagkita silang muli. Isa pa ay hindi niya alam kung sino ang kakampi niya sa mga oras na iyon. Sigurado siyang ipinapahanap pa rin siya ng lalaki kahit ang alam sa kanilang bayan ay patay na siya. Ang pagtakas niya mula dito ay mababalewala lamang kung padalos-dalos ang magiging desisyon niya. Hindi niya maaring basta ilantad ang sarili para lamang muling mapasakamay ni Kanor.
Ang mga tauhan sa hasyenda na tumulong sa kanyang pagtakas ay hindi na niya alam kung ano ang nangyari. Kung naroroon pa din ba ang ito sa mansion? O pinatay na ni Kanor? Paano kung maging ang mga ito ay napahamak? Papaano kung pinatahimik na din ito ni Kanor para walang makapagsabi sa tunay nitong pagkatao at para walang makapagsabi na buhay siya at naroroon lang sa Tres?
Sa mga nagdaang araw ay halos mabaliw-baliw siya sa kakaisip. May mga gabing hindi siya makatulog at puro pag-iiyak ang ginagawa niya. Hindi niya makalimutan ang itsura ng kanyang amang nakalugmok sa sahig. Hindi niya alam kung saan siya pupunta, o saan siya lulugar o ano ang dapat niyang gawin.
Hanggang sa dumating sa puntong bigla siyang tumigil sa pag-iyak. Walang mangyayari sa kanya kung pulos pag-iyak ang gagawin niya. Hindi iyon ikatutuwa ng ama niya kung nakikita man siya ng mga panahong iyon. Kaya kahit mahirap ay ginawa niya ang makakaya niya para makabangong muli. Kailangan niyang kumilos. Nagsimula siyang mag-isip ng mga bagay na maari niyang gawin. Kung sino ang dapat niyang lapitan o kung may dapat ba siyang lapitan.
Wala din siyang kamag-anak na maari niyang hingan ng tulong. Kung mayroon mang kamag-anak ang kanyang papa ay hindi niya kilala ang mga ito o sabihing hindi siya naging malapit sa mga ito. Baka madamay lang din ang mga kamag-anak ng ama niya kung ang mga ito ang hihingan niya ng tulong. Nag-iisang anak ang kanyang papa at matagal nang yumao ang kanyang lolo at lola dito. Ang kanyang ina naman ay sa malayong probinsiya nakatira ang mga kamag-anak nito. Hindi din niya magawang lumapit sa mga ito dahil bukod sa hindi naman niya kabisado ang address ng mga ito ay mahirap lamang ang pamilya ng kanyang ina.
Ipinagpapasalamat niyang may kaunti siyang perang naibulsa sa kanyang pantalon ng tumakas siya sa mansyon. Nagawa niyang makapagrenta ng maliit na kwarto sa kabilang Sitio at pakainin ang sarili kahit papaano. Sa maliit na kwarto sa ibang Sitio siya nagkanlong ng ilang linggo. Ang perang ginagamit niya ngayon ay kakaunti lamang sapat para makapagrenta siya ng maliit na kwarto at pantustos sa araw-araw. At paubos na ang pera niya. Mayroon man siyang savings sa bangko ay kakailanganin din niya ng identification cards para makapaglabas. Naiwan ang lahat ng gamit niya sa mansyon sa ginawa niyang pagtakas kasama na doon ang mga personal niyang gamit tulad ng cellphone, wallet na naglalaman ng kanyang mga ID at iba pang mga card.
Nahihibang na siguro siya dahil ito ang naiisip niyang paraan para magkapera siya. Tutal ay kanila naman talaga ang bangkong papasukin. May pera naman siya doon. Ilalabas lang niya – ng hindi kailangan ang kanyang identification card.
Habang itinatago ng maliit na kwarto sa kabilang Sitio ay hindi na tumigil ang isip niya sa kakaplano. At nakabuo naman siya. Na hindi niya alam kung uubra. Dahil mag-isa lang siya at walang malalapitan. Pero ito talaga siguro ang nagagawa ng isang taong desperada at may galit sa dibdib. Nakatakda niyang banggain ang isang malaking bato at kahit maari siyang mapahamak muli ay isusugal niya ang sariling buhay. Atlist lumabas siya at hindi nanahimik lang.
Babawiin niya ang lahat ng kinuha ni Kanor. Siya ang kikilos. Ipaghihiganti niya ang pagkamatay ng kanyang ama. Ang pinakamamahal niyang ama. Hindi siya makakapayag na mabalewala ang pagkamatay nito. At hindi siya papayag na mapunta lang sa kung sinuman ang pinaghirapan ng kanyang ama. Hindi siya papayag na hindi magbayad ang may sala. Ngayong siya na lamang ay hindi siya basta-basta maaring sumuko at hayaang mapunta kay Kanor ang lahat. Kahit pa wala siyang ideya kung magtatagumpay siya sa mga gagawin. Kailangan niyang maging matatag at matapang. Ngayon ay wala siyang ibang aasahan kundi ang kanyang sarili.
Kahit gusto niyang humingi ng tulong sa iilang mga kaibigan niya sa Maynila ay hindi niya magawa. Gustuhin man niyang bumalik doon ay mas nangingibabaw sa sistema niya ngayon ang paghihiganti. Ayaw niyang madamay ang mga ito lalo na ngayon at nakita niya kung ano ang kayang gawin ni Kanor. Naiisip din niya sila Mang Ikong na siyang tumulong sa kanya sa pagtakas. Hindi na niya alam kung anong nangyari sa mga iyon. Kung napahamak na ba ang mga ito o nakatakas din. Dahil doon ay ayaw na niyang kumuha ng madadamay pa. Ayaw niyang may susunod pang mapahamak. Hanggang sa dumating sa reyalisasyong mag-isa lang siya sa labang iyon. Mag-isa siyang nagplano. At mag-isa siyang kikilos. Kung may mapapahamak ay mag-isa lamang siya.
Nagpapasalamat siya dahil nagawa niyang kunin ang baril sa isang tauhan ni Kanor bago siya nakatakas. Iyon ang hawak niya ngayon at sa totoo lang ay hindi siya marunong gumamit ng baril. Isa iyong rebolber at unang beses niyang gagamit ng ganon. Ilang beses siyang nagpractice sa paggamit niyon pero siyempre ay hindi niya pinapaputok. Ang mga bala niyon ay puno ang lagayan pero wala siyang balak gamitin iyon. Gusto lang niyang gamiting pananggalang ang rebolber sa kahit sinong magtatangka sa kanya. Pero kapag tinawag ng pagkakataon ay hindi siya mangingiming gamitin iyon.
Madaling napaniwala ni Kanor ang mga tao doon na totoong iniwan ni Esmundo dito ang pamamalakad sa hasyenda sa pagkawala nito. Na dito inihabilin ang lahat dahil kahit siya na anak ng Senyor ay wala na din – sa paningin ng mga ito. Kung may mga nagduda man ay naniwala din ang mga ito ng ipakita ng lalaki ang kasulatan na may pirma ng matanda. Dahil alam ng mga tao doon na ito ang kanang kamay ng papa niya, itinuring na tila nakakabatang kapatid at nagpakita ng kabaitan sa mga tao ay mabilis na naniwala ang mga ito sa kanya.
Kung alam lamang ng mga tao sa lugar nila ang tunay na kulay ni Kanor. Siguradong isusuka ito ng buong bayan. Pero hindi na niya maibabalik pa ang nakaraan. Ang tanging magagawa niya ngayon ay ang kumilos habang nag-iisip. At iisa lang ang naisip niyang paraan upang makapaghiganti – ang magkapera ng malaki-laki para maisagawa ang mga plano. Kailangan niya ng malaking halaga para kumuha ng mga taong maari niyang mabayaran para isagawa ang mga dapat niyang gawin. Kailangan niyang magkaroon ng mata na siyang magbabantay kay Kanor.
At ano ang plano? Ang holdapin ang sariling bangko ng ama na ngayon ay pag-aari na ni Kanor. Kailangan niya ng malaking halaga para sa mga susunod na gagawin niya.
Sa pag-uwi ni Saphira sa Tres ay malaki ang naging pagbabago niya. Isa na siya ngayong matapang at walang takot na babae. At nakatakda siyang maging bandida sa bayang sinilangan niya.
Muli ay bumilang siya hanggang sampu – sa mabagal na bilang. Saka isang pasada pa ng tingin sa buong paligid at ng matiyak na walang taong maaring makakita sa kanya ay maliksi siyang kumilos patawid sa kalsada papunta sa bangko.
Nasa tapat na ng bangko si Saphira. Isang bangkong hindi kalakihan. Sandali lang niyang sinulyapan ang guwardiyang natutulog pa rin at nakatungo. Lalong sumalsal ang kabog ng kanyang dibdib. Pilit niyang nilabanan ang panginginig at nagfocus sa gagawin. Nanginginig ang mga kamay na inihanda niya ang sarili. Huminga siya ng malalim bago pabalyang binuksan ang pinto. Napatingin sa kanya ang lahat ng tao doon. Tatlong segundo na tila na-freeze ang paligid. Kahit siya ay nakalimutang huminga. Kasabay ng sumunod na pag-ikot ng daliri ng orasan sa dingding ay bumuka ang bibig niya.
"Holdap 'to! Walang kikilos!" malakas niyang sambit sabay umang ng baril sa unahan.
Epic dialogue mo Saphi! Kantiyaw pa niya sa sarili. Lihim siyang napangiwi.