KABANATA 5

2591 Words
NAGISING si Saphira sa mga boses na nagsasalita sa paligid. Napabalikwas siya ng bangon sa kanyang kama ng maalala ang sitwasyon. Inilibot niya ang tingin sa paligid at nakita niyang nasa loob ng kanyang kuwarto si Kanor kasama nito ang dalawang lalaki. “Anong ginagawa niyo dito sa kwarto ko?!” maigting niyang tanong. Napatingin sa kanya ang mga ito mula sa pag-uusap-usap. Mukhang hindi matatapos ang kabang nadarama niya dahil sa segundong makita niya si Kanor ay rumagasa nanaman ang mabigat na pakiramdam sa kanyang dibdib. Biglang pumasok sa isip niya na gagawan siya ng mga ito ng masama. Naglaro ang iba’t-ibang senaryo sa isip niya ora mismo. Tumayo ang mga balahibo sa kanyang katawan ng maisip na baka nagpaplano ang mga itong pagsamantalahan siya. Agad na pinagana niya ang isip sa mga maari niyang gawin para maging depensa sa mga ito sakali mang pagtangkaan siya ng masama. Inihanda din niya ang sarili sa maaring maganap kahit medyo natutuliro pa din siya. Pinilit niyang mag-focus sa sitwasyon. Mabilis din niyang sinuyod ng tingin ang loob ng kanyang kwarto upang maghanap ng gamit na maaring maging pananggalang. Kung napaparanoid man siya ay dapat maging handa na siya. Sa mga oras na iyon ay walang puwang para sa pagdadalawang-isip. “Ahhh... Saphira, mabuti at gising ka na…” kalmadong sabi ni Kanor pagkatapos bumaling sa kanya mula sa mga kasama nito. “Sabi ko anong ginagawa niyo dito sa kwarto ko? Nasaan ang papa ko?!” mariin niyang tanong. Maaring kasing bangis ng tigre ang itsura niya ng mga sandaling iyon. Ilang saglit na pinagmasdan siya ni Kanor saka nagsalita. “Hindi sinabi sa akin ni Esmundo na ganito pala katapang ang unica hija niya.” Napalunok siya. “Sagutin niyo ang tanong ko!” Hindi sumagot si Kanor sa halip ay blangko ang ekspresiyon ng mukhang tumingin sa sahig. Sinundan niya ang tiningnan nito. Napaawang ang bibig niya sa nakita. Biglang bumaba ang lebel ng emosyon ng galit niya. Napalitan iyon ng isang emosyon – pagkagimbal. Tila tumigil sa pagtibok ang kanyang puso ng makita ang kanyang papa sa sahig. Nakalugmok si Senyor Esmundo! At tila wala na itong buhay. Nakatingin dito si Kanor at ang dalawang kasama nitong tauhan na naroon. "Papa!" sigaw niya at mabilis itong dinaluhan. Tinapik-tapik niya ang pisngi nito. Nang wala itong reaksiyon ay kinalong niya ang ulo ng matanda. “Papa, gumising ka papa…” paulit-ulit niya itong ginising. Nang wala pa rin itong reaksiyon ay nagsimula na siyang umiyak. Isang bagay lang ang pumasok sa isip niya. Wala ng buhay si Esmundo. Patay na ang kanyang papa. “H-Hindi… P-papa… g-gumising ka P-papa.. kakauwi ko palang… please gumising ka…” Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng masaganang luhang kanina pa niya pinipigilan. Bigla siyang nakaramdam ng takot. Takot na takot. Niyakap at niyugyog niya ang katawan ng ama sa pagbabakasakaling magigising pa ito. “Madami pa tayong gagawain… Madami pa akong plano, Papa, h-huwag mo akong iiwan… h-huwag ganito… please papa… gumising ka…” nagpatuloy ang pagtangis ni Saphira. Sunod-sunod na naglandas ang masaganang luha sa kanyang pisngi. Ilang saglit siya sa ganoong posisyon. Hanggang sa tuluyang sakupin ng isip niya na wala na talaga ang papa niya. Hindi niya kayang tanggapin. Pakiramdam niya ay sasabog siya anumang oras. "Anong ginawa niyo sa Papa ko?! Anong ginawa niyo sa kanya?!" galit niyang sigaw sa mga tao doon. Pakiramdam niya ay mababaliw siya. Lumuhod si Kanor upang magtapat ang kanilang mukha. "Wala na ang papa mo, ganda. Inatake siya sa puso." anito na tila ba isang hayop lamang ang ama niya. Mukhang wala lang dito na patay na ang papa niya. Nagtagis ang mga bagang niya. "Mga hayop kayo! Pinatay niyo siya! Pinatay niyo siya!" malakas siyang napahagulgol. Papunta na siya sa paghihisterya. Nagdalamhati ang kalooban niya. Ang sakit na umaalipin ngayon sa kanyang dibdib ay hindi matatawaran. Matagal na niyang naramdaman ang ganoon. Noong mamatay ang kanyang ina. Pero mukhang mas matindi ngayon. Dahil hindi niya akalaing sa ganitong paraan mawawala ang papa niya sa kanya. “Ang papa koooo….”. niyakap niya ng mahigpit ang ama. "Hindi ko siya pinatay. Hindi mo ba narinig? Inatake siya sa puso." Parang nakakaloko pang sabi ni Kanor. Hindi lingid sa kanila ang sakit sa puso ng kanyang papa. Kung totoo mang namatay ang papa niya sa atake, sigurado siyang may ginawa ang hayop na si Kanor kaya inatake ang papa niya. "Pinatay mo siya!" sinalubong niya ang tingin nito. Marahas niyang pinunasan ang mga luha sa kanyang mukha. Bumakas ang mabalasik na anyo na pumalit sa kanyang pagdadalamhati kanina. Dahan-dahan niyang binitiwan ang kanyang ama. Bagama’t marahan siyang tumayo ay naroon ang bigat sa kanyang anyo. Sinalubong niya ng isang nag-aapoy na tingin ang lalaking dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama. "Kung totoo mang inatake siya ay ikaw pa din ang pumatay sa kanya. May ginawa ka kaya inatake siya. Pinatay mo siya! Hindi kita mapapatawad! Pagbabayaran mo ang ginawa mong ito! Pagbabayaran mo ang lahat ng ginawa mong ito!" binayo niya ang dibdib ng lalaki. Pero mabilis iyong nasalo ni Kanor. Malakas itong tumawa habang pigil-pigil ang isang braso niya gamit ang isang kamay nito. "Gumaganti lang ako sa ginawa ng ama mo sa akin at sa babaeng mahal ko. Tama lang sa kanya ang kamatayan niya! Pero hindi sapat ang buhay niya." May iwinagayway itong papel. Napatingin siya doon. Nagsalubong ang mga kilay niya. Nang mabistahan iyong mabuti ay napaawang ang bibig niya. Isa ba iyong kasulatan? “Tama ka Saphira kung anuman ‘yang nasa isip mo.” Tumango-tango ito. “Isa nga itong kasulatan.” Ipiniksi nito ang braso niyang hawak nito dahilan para mapaurong siya. Muli nitong iwinagayway ang papel. “A-anong kasulatan?” Ngumisi ito. "Sa akin na nakapangalan ang lahat ng ari-arian ng ama mo. Lahat-lahat, Saphira. Pati ang buong hasyendang ito. Ako na ang nagmamay-ari! At walang matitira sa iyo." saka ito humalakhak ng nakakaloko. Nakitawa din ang dalawang tauhan nito. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito at sa papel na hawak ni Kanor. Ilang sandali bago iprinoseso ng isip niya ang mga sinabi nito. Ang kasulatan. Imposibleng mapupunta ang kayamanan nila sa lalaking ito. Ang lahat ng pinagpaguran ng kanyang mga magulang... Mama…  Papa… naiusal niya. “Papaanong mapupunta sa iyo ang pinaghirapan ng mama’t papa ko? Imposibleng ibibigay niya iyan sa iyo ng ganoon kadali. Imposible ang sinasabi mo!” “Saphira… Saphira… tingnan mo ang ama mo. Tama ka, hindi nga niya ibibigay sa akin ang lahat ng ito… pero dahil sa pagmamatigas niya, hayan ang napala niya.” inismiran nito ang bulto ng kanyang ama.  Sa puntong iyon ay nasagad siya. "Hayop ka Kanor! Demonyo ka! Walang kasalanan ang papa ko sa iyo! Pinagkatiwalaan ka niya. Itinuring ka niyang kapatid. Mas masahol ka pa sa hayop!” “Isa pang bagay na hindi nasabi sa akin ni Esmundo. Hindi niya nasabing madaldal ka pala. Ang sabi niya ay tahimik ka lang…”  Kumuyom ang mga kamao niya. “Hindi niya kasalanan kung hindi maka-move on sa kanya ang baliw na ‘yun! Hindi niya kasalanan kung iniwan ka ng baliw mong girlfriend!” hindi nakapagpigil na sigaw ni Saphira dito. Mukhang nasaling niya ang kung anuman sa lalaking ito. Dahil sa mga sinabi niya ay nanlisik ang mga mata ni Kanor. Nakatanggap siya ng isang malakas na sampal mula dito. Pumaling sa kabilang direksiyon ang kanyang mukha pero hindi iyon naging dahilan para panghinaan siya ng loob. Sigurado siyang bumakat ang palad nito sa kanyang pisngi at pulang-pula iyon. Pero pilit niyang binalewala ang sakit. Ni hindi na niya nagawang indahin kung nasaktan man siya sa ginawa nitong pagsampal. Ngayon pa na punom-puno ng galit ang kanyang puso. Nanlilisik din ang mga matang ibinalik niya ang tingin dito. “Ang lakas ng loob mong gawin ito! Ibalik mo sa akin ang lahat ng ninakaw mo!" pulang-pula ang buong mukha niya sa galit. Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Pwede pa rin namang mapasa iyo ang kayamanan ng papa mo, ganda. Kung magpapakasal ka sa akin." anito at sinundan ng malakas na halakhak ang sinabi. Isa ng demonyo ang tingin niya dito ngayon. "Isa pa, hindi ko ninakaw ang kayamanan niyo. Kusang loob na ibinigay ito sa akin ng ama mo. Narito ang ebidensiya. May pirma siya sa kasulatang ito." ipinakita nito sa harap niya ang papel na may kasulatan at lagda ng kanyang ama. Hinablot niya ang papel at binasang mabuti. Nakilala nga niya ang lagda ng kanyang ama sa kasulatang iyon. Nadagdagan ang panginginig ng buong katawan niya ng mabasa sa papel ang isang kasulatan na nagsasaad na isinasalin kay Kanor ang lahat ng ari-arian ni Senyor Esmundo. May selyo iyon at orihinal na pirma ng kanyang ama. Wala itong itinira sa kanya. Pagkatapos niyang mabasa ang nilalaman ng kasulatan ay lalong sumulak ang galit niya. Sinalubong niya ang tingin ni Kanor. Walang sabi-sabi at marahas na pinunit ang papel hanggang sa magkapira-piraso na iyon. “Hindi pipirma ang papa ko ng ganoong kadali. Tinakot mo siya! May ginawa ka sa kanya!” mariin niyang sabi. Saka isinaboy sa mukha nito ang mga piraso ng papel. Humalakhak lang ang lalaki. “Alam ko ng gagawin mo ‘yan Saphira, kaya nagpagawa ako ng dalawa.” Naggitiran ang mga ngipin niya. “Hayop ka!” “Ikaw ang dahilan kaya mabilis na pumirma ang ama mo Saphira. Ginamit kita para mapabilis ang pagpirma niya. Mahirap papirmahin ang ama mo sa una pero ng umuwi ka dito ay hindi niya kakayanin kung may mangyayaring masama sa iyo. Kaya nagpapasalamat ako at umuwi ka dito. Ngayon ay akin na ang lahat ng kayamanan ninyong mag-ama. Maari ka pa ding tumira dito kung gusto mo. Iyon ay kung gagawin mo ang lahat ng gusto ko.” anito sakay siya tiningnan mula ulo hanggang paa. Para siyang sinaniban ng kung anuman dahil muli niya itong inatake. Pinagbabayo niya ang dibdib ng lalaki. Muli ay mabilis nitong nahawakan ang mga braso niya. Sa pagkakataong iyon ay kasama na ang dalawang tauhan nito sa pagpipigil sa kanya para masaktan si Kanor. "Masyado kang matapang babae! At masyado kang maingay! Binibigyan kita ng pagpipilian pero mas gusto mo ang ganito. Hala! Dalhin niyo ang babaeng ito sa bodega. Siguraduhin niyong hindi siya makakatakas dahil malilintikan kayong lahat sa akin! Walang dapat makaalam na nandito siya sa hasyenda! Maliwanag?" utos nito sa mga tauhan nito. Nagsitanguan ang dalawang tauhan nito. “Ngayon palang nagsisimula ang paghihiganti ko. Mararamdaman ng mga taong nagmamahal sa ama mo ang lahat ng sakit na dinanas ko. At ikaw, babae… magsimula ka ng humingi ng tawad sa mga kasalanan mo dahil mabibilang na ang oras mo mula ngayon.” Sa oras ding iyon ay ipinagdasal niya ang kamatayan nito. Kumilos na ang dalawang tauhan nito at hinawakan siya sa magkabilang braso. Kinaladkad siya palabas ng kuwarto. Tinangka niyang pumalag pero nagbago ang isip niya. Sa pagkakataong iyon ay nag-iisip na siya kung papaano makakatakas. Kahit puno ng galit ang isip at kalooban ay kailangan niyang pairalin ang pag-iisip. Kailangan niyang makatakas. Hindi siya maaring makulong sa lugar na iyon. Hindi niya hahayaang gawan siya ng masama ni Kanor – kahit pa sinimulan na nitong gawing miserable ang buhay niya. Hindi niya hahayaan na tuluyan itong magtagumpay. Hindi niya hahayaang patayin siya nito at mamatay nalang basta para maiwan dito ang lahat ng ari-arian nila. Babawiin niya ang lahat – lahat ng kinuha nito sa kanyang pamilya! “Bitiwan niyo ako! Kaya kong maglakad mag-isa!” sabay waksi sa mga kamay na nakahawak sa kanyang braso. Binitiwan nga siya ng mga ito pero hindi umalis sa tabi niya. Nagpanggap siyang maamong tupa. Malapit na sila sa hagdan nang makahanap siya ng tiyempo at magkaroon ng pagkakataon kaya mabilis siyang kumilos. Buong puwersang itinulak niya ang isa sa mga ito sabay takbo. Tumakbo siya ng tumakbo ng hindi lumilingon. Ang isang kasama nito ay nagulat pero hinabol siya. Ginawa niya ang lahat ng magagawa niya para hindi siya abutan ng lalaki at dahil mas kabisado niya ang mansion – kahit pa matagal siyang nawala - ay malaking bagay iyon sa kanya. Lahat ng madaanan niyang bagay ay dinadampot niya at inihaharang sa daanan ng mga ito kundi man ay ibato kaya nahirapan siyang mahabol. Pagkababa ng hagdan ay nakita niya ang isa pang tauhan ni Kanor na gulat din ng makita siyang tumatakbo. Nag-iisip palang siya kung papaano iiwasan ang lalaki ay bigla nalang itong bumagsak dahil sa pagkakatama ng isang pigurin sa ulo nito. Nang tingnan niya taong ang may gawa niyon ay nakita niya ang isang lalaking nakatayo ilang hakbang sa ibaba ng hagdan. “Ma’am Saphira! Tumakas ka na! Bilisan mo!” Nakilala niya ang lalaki. Ito ang mabait nilang hardinero ayon sa kanyang ama. “Mang Ikong!” bulalas niya. Kung ganoon may nakakaalam na naroroon siya. Sabay silang napatingin ng marinig ang dalawang tauhan ni Kanor na pababa na din ng hagdan. “Bilisin mo Ma’am Saphira! Tumakas ka na dito. Kami na ang bahala. Hindi ka nila maaring mahuli.” Sabi ni Mang Ikong at iniharang ang sariling katawan nito sa kanya. May sumulpot pang dalawang lalaking katiwala sa villa na hindi na niya masyadong natandaan ang pangalan. Tumango siya sa mga ito. Bago tuluyang makalayo ay nagawa pa niyang makapagtanong. “Paano ho kayo?” pasigaw niyang tanong. Gusto pa sana niyang itanong sa mga ito kung alam ba ng mga ito ang nangyayari pero wala ng panahon. “Kami na ang bahala dito. Tumakas ka na Ma’am. Hindi ka nila maaring mahuli! Umalis ka na! Lumayo ka na dito Ma’am!” pasigaw din na sagot ng isa sa mga sumulpot upang samahan si Mang Ikong sa pagharang sa mga humahabol sa kanya. Ayaw sana niyang iwan ang mga ito. Pero kailangan niyang tumakas. Dahil kung pare-pareho silang makukulong sa pamamahay na iyon at maging bihag ni Kanor ay walang gagawa ng paraan para mabawi niya ang hasyenda. Babalikan niya ang mga ito oras na makagawa siya ng paraan at bahala na ang Diyos sa mga ito.  Bago tuluyang makalabas sa malaking pinto ng mansiyon ay isang tauhan ulit nito ang humarang sa daraanan niya. Hindi nag-iisip na dumiretso siya sa pagtakbo at binangga ang lalaki. Nasaktan siya at pareho silang nabuwal. Nagsumikap siyang makatayo kaagad kahit na masakit ang parte ng katawan niyang tumama sa sahig na semento. Nahagip ng tingin niya ang baril ng lalaki na tumilapon sa di kalayuan. Hindi siya marunong gumamit niyon subalit by instinct ay kinuha niya. Mabilis niya iyong dinampot. Isang pigurine ang namataan niyang malapit sa kanya. Kinuha niya iyon at ibinato sa papatayong lalaki na tinamaan naman sa ulo. Hindi na niya hinintay na makatayo ang lalaki o mahabol siya ng dalawa pang tauhan ni Kanor. Dire-diretso na siyang tumakbo sa labas. Isang kabayo sa gilid ng mansiyon ang nakita niya at iyon ang ginamit niya sa pagtakas. Bata palang siya ay naturuan na siyang mangabayo ng ama. Mabilis siyang sumakay doon ng walang pag-aalinlangan. Pinatakbo niya iyon ng pinatakbo hanggang sa tuluyan siyang makalayo sa lugar na iyon habang dinig sa buong kabahayan ang boses ng mga lalaking humahabol sa kanya na ang iba ay rumesponde lang na nanggaling pa sa ibang parte ng bahay. Nakahinga siya ng maluwag ng tuluyan siyang makalayo sa mansiyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD