KABANATA 4

2224 Words
IYAK NG IYAK si Saphira habang mag-isa sa loob ng kanyang silid. Doon siya dinala ng mga tauhan ni Kanor pagkatapos nilang mag-usap ng ama tungkol sa mga nangyayari. Hindi na niya masyadong napansin ang itsura ng sariling silid dahil sa mga nasaksihan kanina lang. Ang sarap sanang humiga sa malambot niyang higaan subalit hindi na niya iyon maiisip pa. Kung kaninang nasa daan siya pauwi ay kinasasabikan pa niya ang kanyang kuwarto, ngayon ay ni hindi man lang niya matapunan ng tingin ang loob ng silid. Masyadong magulo ang isip niya sa mga sumalubong sa kanya at sa mga nalaman niya kanina. Hindi iyon ang inaasahan niyang mangyayari sa pag-uwi niya sa hasyenda. Marami siyang plano sa pag-uwi niya doon kasama na ang pagpapalago sa hasyenda. Gusto din niyang maglagay ng livelihood program para sa mga tauhan ng hasyenda at iba pang nangangailangan ng pagkakakitaan. Gusto niyang makilala ang Sitio Tres na matagal na dapat niyang ginawa. Ang mga nangyayari sa kanya ngayon at bumungad sa kanya kanina ay hinding-hindi pumasok sa isip niya. Sino ang mag-aakalang sa pag-uwi niyang iyon ay malalagay sa panganib ang buhay nilang mag-ama? Sino ang makapagsasabing sa pag-uwi pala niyang iyon ay maaring nakatakda na pala siyang mawala sa mundo? Lalo siyang napahagulgol sa naisip. Ayaw pa niyang mamatay. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay. Marami pa siyang kailangan gawin! Kung ano-ano na ang pumasok sa isip niya ng kunin ng grupo ni Kanor ang papa niya. At simula ng oras na iyon ay hindi na nagkaroon ng kapayapaan ang isip at sistema niya.  Kinuha ang kanyang papa ng mga tauhan ni Kanor matapos silang makapag-usap. Sapilitan itong kinuha habang siya ay kinaladkad ng mga ito papunta sa kanyang kuwarto. Kanina pa siya doon dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin at kung saan siya pupunta. Hindi din niya alam kung saan dinala ang kanyang papa. Pagkatapos silang dalhin ng mga tauhan ni Kanor sa silid ng kanyang ama ay kinausap siya nito. Lahat ng katanungan sa isip niya ay sinagot nito. Ayon sa kanyang papa ay kanang kamay nito si Kanor na ilang taon na ding naninilbihan dito. Hindi niya ito nakilala dahil wala pa ito ng umalis siya sa Hasyenda Valerya. Nagtiwala si Esmundo dito dahil iniligtas daw ito ni Kanor sa mga lalaking namasok sa mansiyon ilang taon na ang nakakaraan. Bago palang doon si Kanor. Tiga Maynila daw ang lalaki at nagpunta sa bayang iyon dahil naging sawi daw ito sa pag-ibig. Ang babaeng minamahal daw nito ay may ibang lalaking mahal. Lasing na lasing ang lalaki ng matagpuan ng kanyang papa at sa anyo daw nito ay tila wala ng bukas. Muntik na itong masagasaan ng kanyang ama dahil lasing ito habang naglalakad sa kalsada. Nawalan ito ng malay at dinala ng matanda sa mansiyon. Nagkuwento ito tungkol sa buhay nito. Mahirap lang daw si Kanor at naghahanap ng katiwasayan ng puso sa lugar na iyon. Doon daw ito napadpad pagkatapos ng isang mahabang biyahe. Sadyang maawain ang kanyang papa at palaging may puso para sa mga nangangailangan. Hindi nakaligtas ang pagiging mabait nito kay Kanor. Inalok ng matanda ang lalaki na magtrabaho sa hasyenda. Maganda ang ipinakita nito kay Senyor Esmundo at pagdating sa trabaho ay walang masasabi ang kahit na sino dito. Malinis itong magtrabaho at palaging may pakisuyo. Madalas itong ka-kuwentuhan ng mga tao sa kanila at mukhang kuha nito ang loob ng mga tiga Tres. Naging malapit ito sa matanda at kalaunan ay para itong nakababatang kapatid kung ituring ni Esmundo. Simula noon ay naging kanang-kamay na ni Esmundo ang lalaki. Pinagkatiwaalan ito ng matanda ng lubos. Ilang taon din na si Kanor daw ang naging kasa-kasama ng papa niya sa mga lakad nito sa kanilang lugar. Marami ang nagsasabi na napakasuwerte ng lalaki dahil halos kapamilya na ang turing dito ng kanyang papa. Kapalit niyon ay naging mabuti ding tauhan at kanang-kamay si Kanor. Para daw itong hindi gagawa ng hindi maganda at palaging may puso para sa mga mahihirap. Sumasama din daw ito kapag nagsisimba ang kanyang papa at ito pa ang humihikayat sa mga kasamahan sa hasyenda para magsimba. Masayahing tao din daw ito at tinanggap na ang buhay sa Tres. Nakilala si Kanor bilang kanang-kamay at nakababatang kapatid ni Senyor Esmundo sa kanilang lugar. Subalit isang pagbabalat-kayo lamang pala ang lahat. Isang palabas para sa mata ng kanyang papa at ng mga tao sa hasyenda. Nagkamali si Esmundo sa pagtitiwala dito. Nagkamali ang ama niya sa taong tinulungan nito, binihisan at itinuring na kapatid. Dahil ito pala ang magtatangka ng masama sa kanyang ama. Ito pala ang magdadala ng malaking problema sa kanilang mag-ama at sa buong hasyenda. Kailan lang ay natuklasan ng kanyang papa ang totoong pagkatao ni Kanor. Isang gabi ay pinasok ang matanda sa silid nito ng ilang armadong kalalakihan. Hindi daw kilala ng kanyang papa ang mga lalaki – maliban kay Kanor. Isa doon si Kanor na siyang lider ng grupo. Takot na takot ang matanda sa lahat ng isiniwalat ni Kanor. Na ang lahat ay plano lamang nito. Ang pagiging mabait nito, ang pakikipaglapit nito at pagkuha sa loob ng mga tao – higit sa lahat kay Senyor Esmundo – ay isang pagbabalatkayo lamang. Totoong mahirap ito. Totoo din ang sinabi nito tungkol sa puso nitong nasaktan ng dumating ito doon sa kanilang bayan at magtagpo ang landas nito at ng kanyang papa. Iyon ay dahil din mismo kay Esmundo. Nagkaroon ng unang kasintahan si Esmundo bago ang kanyang ina - si Marina. Nagtagpo ang dalawa sa Maynila. Nang makilala ng kanyang ama si Marina ay may karelasyon ang babae – si Kanor. Minahal ni Marina ang kanyang papa sa puntong kaya nitong hiwalayan si Kanor. Nakipaghiwalay ang babae kay Kanor at naging magkasintahan ito at ang papa niya. Lubhang nasaktan si Kanor dahil mahal na mahal naman nito si Marina sa puntong kaya nitong pumatay ng tao sa kahit na sinong aagaw kay Marina. Si Marina ang buhay ni Kanor. Hindi naintindihan ni Kanor ang paliwanag ni Marina na hindi na nito mahal ang lalaki. At hindi nito kayang tanggapin na mawawala dito si Marina. Nabuo ang galit nito para kay Esmundo. Galit na lumalim ng lumalim sa pagdaan ng mga araw. Gayunpama'y nakipaghiwalay si Marina kay Kanor at sumama kay Esmundo. Sa mga unang linggo ay ilang beses na tinangkang kausapin ni Kanor si Marina at pinipilit bawiin kay Esmundo. Subalit sa mga panahong iyon, ni isang beses ay hindi nagkrus ang landas ni Esmundo at Kanor. Kaya hindi nakilala ni Kanor ang papa niya. Hindi din kasi binanggit ni Marina sa kanyang papa ang tungkol kay Kanor. Ang akala nila ay tumahimik na si Kanor. Na tinanggap na nito ang pakikipaghiwalay ni Marina. Hindi na daw kasi ginugulo ng lalaki si Marina. Maging ang buhay-pag-ibig ni Esmundo at Marina ay walang naging problema. Nang mga panahong iyon ay larawan ang dalawa ng isang napakasayang magkasintahan. Ilang buwan ang lumipas bilang sila ay magkasintahan, itinakda ang kasal ng dalawa. Pero bago ang kasal ay dumating ang isang pangyayaring makakapagpabago ng mga mangyayari – sana. Nakilala ni Esmundo si Elisa - ang ina niya. Si Elisa ay isang dalagang galing sa malayong probinsiya na napasyal lamang sa kanilang bayan. Napakaganda ng kanyang ina, higit ang ganda sa sinumang babaeng nakatira sa kanila – higit pa ang ganda kay Marina. May yumi itong kahit sinong lalaki ay magugustuhan. At hindi nakaligtas ang ama niya sa karismang taglay ni Elisa. Nabighani si Esmundo kay Elisa at agad na umibig dito. Labis na nasaktan si Marina nang magpahayag dito ang kanyang papa na may iba na itong mahal. At hindi na matutuloy ang kasal ng dalawa. Hiniwalayan ni Esmundo si Marina at niligawan nito ang kanyang mama. Hindi natuloy ang kasal ng dalawa at bumalik si Marina kay Kanor. Baon ni Marina ang sama ng loob sa kanyang papa. Ganoon nalang ang tuwa ni Kanor sa pagbabalik ni Marina. Hindi na daw nito kailangang sirain ang araw ng kasal ng kanyang papa at ni Marina dahil plano pala nitong manggulo kung sakali. Pero hindi na iyon nangyari dahil walang kasalang naganap sa pagitan ni Marina at Esmundo. Pero isang bagay ang ipinagtapat ng babae dito. Buntis ito kay Esmundo na hindi nalaman ng ama niya. Sa pagbabalik ni Marina kay Kanor ay hindi naging lingid sa lalaki na si Esmundo pa rin ang mahal nito. Palagi itong umiiyak at balisa. Hanggang sa hindi na marahil nito makayanan ang nararamdaman, dinugo ito dahilan para malaglag ang bata. Labis na nagdalamhati si Marina hanggang sa igupo ito ng kalungkutan. Nabaliw din ito sa labis na pag-iisip. Labag man sa kalooban ay hinayaan ni Kanor na dalhin sa ospital ng mga baliw ang babaeng minamahal. Sa oras na pumasok ang babae sa ospital ay sumumpa ang lalake. Muling nabuhay ang galit ni Kanor kay Esmundo. Ipinangako nito sa sariling paghihigantihan nito ang lalaki hanggang sa mawala ang lahat ng kung anumang mayroon ito. Na gagawin nito ang lahat maramdaman lamang daw ng kanyang papa ang sakit na nararamdaman ni Kanor. Kaya gumawa ito ng paraan upang mapalapit ito sa kanyang papa. Lahat ay plinano nito mula sa paglalasing-lasingan nito hanggang sa pangunguha nito ng tiwala sa matanda. Sinadya din daw nitong kunin ang loob ng mga tao sa hasyenda at maging mabait. Kabaliktaran pala ng ipinapakita nito ang tunay nitong ugali. Ayon dito ay suklam na suklam pa rin ito sa kanyang ama dahil sa nangyari kay Marina. Dahil hanggang sa mga panahong iyon ay nasa ospital pa rin ng mga baliw ang babae. Sa mga panahong kapatid ang turing ng kanyang papa kay Kanor ay pulos paghihiganti pala ang nasa isip ng lalaki. Pulos pagpaplano kung papaano nito mapapabagsak si Esmundo. Na hindi nakita ng kanyang papa. Ni isa sa hasyenda ay walang nakakita ng tunay na ugali ni Kanor. Marami pa silang napag-usapan na mag-ama. Sinabi nito kung gaano siya kamahal at kung gaano umasam na darating ang araw na uuwi na siya doon at magkakasama na sila. Lalo siyang napaiyak dahil kung kailan naroon na siya ay saka naman nangyayari ang ganitong problema. Kung hindi pa siya umuwi ay hindi pa niya malalaman ang totoong nangyayari sa kanyang ama. Buong araw silang magkasama ng ama sa loob ng silid. Marami itong sinabi sa kanya na sa simula ay hindi niya maintindihan. Pero iisa lang ang nais tumbukin ni Esmundo sa kanya. Ang paghihiganti ni Kanor at ang pangunguha nito ng kayamanan ng ama at ng buong hasyenda. Habang nagkukuwento ang ama ay nakaupo lang ito sa sofa habang siya ay palakad-lakad at hindi mapakali. Tila ba hindi matatapos ang lahat ng tanong sa isip niya. “Bakit wala kang nabanggit sa akin tungkol sa kanya papa?” sa dami ng sinabi nito ay iyon ang unang naging tanong niya kanina. “Nabanggit ko siya sa iyo hija, pero siguro ay hindi mo na siya maalala.” Mababa ang tonong sabi ng matanda. Hinagilap niya sa isip kung kailan sinabi ng kanyang papa ang tungkol kay Kanor subalit wala siyang maalala. Marahil, nang mga panahong iyon madami siyang pinagkakaabalahan at maraming iniisip. “Natatakot ako papa. Hindi para sa akin kundi para sa iyo. Baka kung anong gawin niya sa atin. Hindi maganda ang kutob ko. Masyadong malalim ang galit niya sa iyo.” “Hindi ko hahayaang gawan ka niya ng masama anak. Ibibigay ko ang kung anumang gusto niya, masiguro ko lang na hindi ka mapapahamak.” “P-pero papa, gusto niyang kunin ang lahat ng ari-arian natin. Ang lahat ng pinaghirapan niyo ni mama! Hindi ako papayag na mapupunta ang lahat ng ito sa kanya!” Mariing sabi niya. Tumigil siya sa paglalakad sa gitna mismo ng silid. “Anak… hindi baleng mawala ang lahat ng ito huwag ka lang mapahamak. Iyon lang ang mahalaga sa amin ng mama mo…” iyon ang sabi ng kanyang ama subalit mababakas sa tinig nito na ayaw din nitong mawala ang lahat ng kayamanan nila. Sino ba ang may gusto? Sino ba ang may gusto na ang kinalakhan at pinaghirapan ng kanyang mga magulang ay mapupunta lamang sa kung sinong lalaking may maitim na budhi?! “Gagawa ako ng paraan papa. Hindi ako papayag sa mga gustong mangyari ng lalaking iyon!” tumaas-baba ang dibdib niya sa galit sa lalaki. Pakiramdam niya ay aatakahin siya. Ang sinabi niyang gagawa siya ng paraan ay mukhang hindi magkakatotoo. Ang pag-uusap nilang mag-ama ay nagtapos ng kunin siya at ilipat sa sariling silid. Ilang oras na ang lumipas ay hindi pa rin niya nakikita ang ama. Sa mga sandaling nakalipas ay kung saan-saan na nakarating ang isip niya. At sa lahat ng iyon ay pulos hindi magaganda. Paroo’t parito siya sa loob ng silid at hindi mapakali. Nariyan na mangiyak-ngiyak na din siya sa labis na pag-aalala subalit pinigilan niya ang sariling umiyak. Hindi siya maaring abutan doon ng mga tauhan ni Kanor o ito mismo na ngumangawa. Dapat siyang magpakita ng tibay ng loob. Para na din sa kanyang papa. Wala siyang naririnig na kahit ano dahil sound proof ang kuwarto niya. Parang malalaglag na ang puso niya sa sobrang kaba. Gusto na niyang makita ang ama upang makatiyak na maayos ang kalagayan nito. Dahil sa matinding pagod ng katawan at isipan ay hindi niya namalayang nakatulog siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD